M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Awit ni Moises
15 Umawit si Moises at ang mga Israelita ng awit sa Panginoon:
“Aawitan ko ang Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.
Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.
2 Ang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng lakas,
at siya ang aking awit.
Siya ang nagligtas sa akin.
Siya ang aking Dios, at pupurihin ko siya.
Siya ang Dios ng aking ama,[a] at itataas ko siya.
3 Panginoon ang kanyang pangalan, isa siyang mandirigma.
4 Itinapon niya sa dagat ang mga karwahe at mga sundalo ng Faraon.
Nalunod ang pinakamagagaling na opisyal ng Faraon sa Dagat na Pula.
5 Nalunod sila sa malalim na tubig;
lumubog sila sa kailaliman katulad ng isang bato.
6 “Dakila ang kapangyarihan nʼyo, O Panginoon;
sa pamamagitan nito, dinurog nʼyo ang inyong mga kaaway.
7 Sa inyong kapangyarihan, ibinagsak nʼyo ang mga kumakalaban sa inyo.
Ipinadama nʼyo sa kanila ang inyong galit na siyang tumupok sa kanila na parang dayami.
8 Sa isang ihip nʼyo lang, nahati ang tubig.
Ang dumadaluyong na tubig ay nahati at tumayo na parang pader;
natuyo ang malalim na dagat.
9 Sinabi ng nagyayabang na kaaway,
‘Hahabulin ko sila at huhulihin;
paghahati-hatiin ko ang kanilang mga kayamanan at bubusugin ko nito ang aking sarili.
Bubunutin ko ang aking espada at lilipulin sila.’
10 Pero sa isang ihip nʼyo lang, nalunod sila sa dagat.
Lumubog sila sa kailaliman kagaya ng tingga.
11 O Panginoon, sino po ba ang dios na katulad nʼyo?
Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan.
Kayo lang po ang Dios na gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay!
12 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,[b] nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 “Sa pamamagitan ng walang tigil nʼyong pagmamahal, gagabayan nʼyo ang inyong mga iniligtas.
Sa pamamagitan ng inyong lakas, gagabayan nʼyo sila sa banal nʼyong tahanan.
14 Maririnig ito ng mga bansa at manginginig sila sa takot.
Lubhang matatakot ang mga Filisteo.
15 Ang mga pinuno ng Edom at Moab ay manginginig sa takot,
at ang mga pinuno[c] ng Canaan ay hihimatayin sa takot.
16 “Tunay na matatakot sila.
Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, silaʼy magiging parang bato na hindi nakakakilos,
hanggang sa makadaan ang inyong mga mamamayan na inyong iniligtas, O Panginoon.
17 Dadalhin nʼyo ang mga mamamayan ninyo sa inyong lupain,
at ilalagay nʼyo sila sa bundok na pagmamay-ari ninyo –
ang lugar na ginawa nʼyong tahanan, O Panginoon,
ang templong kayo mismo ang gumawa.
18 Maghahari kayo, O Panginoon magpakailanman.”
19 Tinabunan ng Panginoon ng tubig ang mga kabayo, mga karwahe at mga mangangabayo ng Faraon matapos na makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
20 Kumuha ng tamburin si Miriam na propeta at kapatid ni Aaron, at pinangunahan niya ang mga babae sa pagtugtog ng tamburin at pagsayaw. 21 Inawit ni Miriam ang awit na ito sa kanila:
“Umawit kayo sa Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.
Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.”
Ang Mapait na Tubig
22 At dinala ni Moises ang mga Israelita mula sa Dagat na Pula papunta sa ilang ng Shur. Sa loob ng tatlong araw, naglakbay sila sa ilang at wala silang nakitang tubig. 23 Nang makarating sila sa Mara, nakakita sila ng tubig, pero hindi nila ito mainom dahil mapait. (Ito ang dahilan kung bakit Mara ang pangalan ng lugar.)[d] 24 Dahil dito, nagreklamo ang mga Israelita kay Moises, “Ano ang iinumin natin?”
25 Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, at ipinakita ng Panginoon sa kanya ang isang putol ng kahoy. Inihagis ito ni Moises sa tubig at nawala ang pait ng tubig.
Doon ibinigay ng Panginoon ang tuntunin at kautusang ito para subukin ang katapatan nila sa kanya: 26 “Kung susundin ninyo ako nang buong puso, ang Panginoon na inyong Dios, at gagawa ng mabuti sa aking paningin, at susundin ang aking mga kautusan at tuntunin, hindi ko kayo padadalhan ng mga karamdaman gaya ng ipinadala ko sa mga Egipcio, dahil ako ang Panginoon, ang nagpapagaling sa inyo.”
27 Dumating sila sa Elim, kung saan may 12 bukal at 70 puno ng palma, at nagkampo sila malapit sa tubig.
Aral Tungkol sa Pananalangin
18 Nagkwento si Jesus sa mga tagasunod niya upang turuan silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, “Sa isang bayan ay may isang hukom na walang takot sa Dios at walang iginagalang na tao.[a] 3 Sa bayan ding iyon ay may isang biyuda na palaging pumupunta sa hukom at nagsasabi, ‘Bigyan nʼyo po ako ng katarungan at ipagtanggol nʼyo ako laban sa mga kaaway ko!’ 4 Noong una ay hindi pinapansin ng hukom ang biyuda, pero bandang huli ay sinabi niya, ‘Kahit hindi ako natatakot sa Dios at walang iginagalang na tao, 5 bibigyan ko ng katarungan ang babaeng ito para hindi na niya ako gambalain ulit. Dahil kung hindi, iinisin niya ako sa kapaparito niya.’ ” 6 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom? 7 Ang Dios pa kaya ang hindi magbigay ng katarungan sa mga pinili niya na tumatawag sa kanya araw at gabi? 8 Tinitiyak ko sa inyo na bibigyan niya agad sila ng katarungan. Ngunit kung ako na Anak ng Tao ay bumalik na rito sa mundo, may makikita kaya akong mga taong sumasampalataya sa akin?”
Ang Kwento tungkol sa Pariseo at sa Maniningil ng Buwis
9 May mga tao roon na matuwid ang tingin sa sarili at humahamak sa iba. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: 10 “May dalawang lalaking pumunta sa templo upang manalangin. Ang isaʼy Pariseo at ang isaʼy maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin tungkol sa kanyang sarili. Sinabi niya, ‘O Dios, nagpapasalamat ako sa inyo dahil hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya at mangangalunya o katulad ng maniningil ng buwis na iyon. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo, at nagbibigay ako ng ikapu[b] ng lahat ng kinikita ko!’ 13 Ang maniningil naman ng buwis ay nakatayo sa malayo, at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘Dios ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14 Sinasabi ko sa inyo na ang maniningil ng buwis na iyon ay umuwing itinuring nang matuwid ng Dios, ngunit ang Pariseo ay hindi. Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)
15 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Nang makita iyon ng mga tagasunod ni Jesus, sinaway nila ang mga tao. 16 Pero tinawag ni Jesus ang mga bata, at sinabihan niya ang mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 17 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.”
Ang Lalaking Mayaman(B)
18 Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 20 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[c] 21 Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 22 Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.
24 Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.” 28 Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)
31 Tinawag ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila, “Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa akin na Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Judio. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan. 33 Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.” 34 Pero wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Jesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag(D)
35 Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” 38 Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David,[d] maawa po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” 42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling[e] ka ng iyong pananampalataya.” 43 Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.
33 “Ngayon, Job, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo. 2 Handang-handa na akong magsalita, at ang mga sasabihin koʼy nasa dulo na ng aking dila. 3 Ang sasabihin koʼy mula sa tapat kong puso at tuwiran kong sasabihin ang aking nalalaman. 4 Ang espiritu ng Makapangyarihang Dios ang gumawa sa akin at nagbigay buhay. 5 Sagutin mo ako, kung kaya mo. Ihanda mo ang iyong katuwiran at harapin ako. 6 Pareho lang tayo sa harapan ng Dios. Tulad mo rin akong nagmula sa lupa. 7 Kaya huwag kang matakot sa akin at huwag mong isipin na aapihin kita.
8 “Narinig ko ang mga sinabi mo. Sinabi mong, 9 ‘Wala akong kasalanan. Malinis ako at walang ginawang masama. 10 Pero naghahanap ang Dios ng dahilan para akoʼy pahirapan. Itinuturing niya akong kaaway. 11 Kinadenahan niya ang mga paa ko at binabantayan ang lahat ng kilos ko.’
12 “Pero Job, mali ka sa mga sinabi mo. Hindi baʼt ang Dios ay higit kaysa sa tao? 13 Bakit mo siya pinararatangan na hindi niya sinasagot ang daing ng tao? 14 Ang totoo, palaging[a] nagsasalita ang Dios, kaya lang hindi nakikinig ang mga tao. 15 Nagsasalita siya sa pamamagitan ng panaginip o ng pangitain habang ang taoʼy natutulog ng mahimbing sa gabi. 16 Bumubulong siya sa mga tainga nila para magbigay ng babala, at ito ang nakapagpatakot sa kanila. 17 Ginagawa niya ito para pigilan sila sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas, 18 at para mailigtas sila sa kamatayan. 19 Kung minsan naman, itinutuwid ng Dios ang tao sa pamamagitan ng sakit tulad ng walang tigil na pananakit ng buto, 20 at nawawalan siya ng ganang kainin kahit na ang pinakamasasarap na pagkain. 21 Kaya pumapayat siya, at nagiging butoʼt balat na lamang. 22 Malapit na siyang mamatay at mapunta sa lugar ng mga patay.
23 “Pero kung may kahit isa man sa isang libong anghel na mamamagitan sa kanya at sa Dios, at sasabihing siya ay matuwid, 24 kahahabagan siya ng Dios.[b] At sasabihin ng Dios, ‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan. Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’ 25 Muli siyang magiging malusog. Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan. 26 At kapag nanalangin siya sa Dios, sasagutin siya ng Dios at masayang tatanggapin, ibabalik ng Dios ang matuwid niyang pamumuhay. 27 Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao, ‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama, pero hindi ko natanggap ang parusang nararapat sa akin. 28 Iniligtas niya ako sa kamatayan at patuloy akong nabubuhay.’
29 “Oo, lagi itong ginagawa ng Dios sa tao. 30 Inililigtas niya ang tao sa kamatayan para mabuhay ito.
31 “Job, pakinggan mo akong mabuti. Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita. 32 Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo, dahil gusto kong malaman kung wala ka talagang kasalanan. 33 Pero kung wala ka namang sasabihin, tumahimik ka na lang at makinig sa karunungan ko.”
3 Baka sabihin ninyong pinupuri na naman namin ang aming mga sarili. Hindi kami katulad ng iba riyan na kailangan ang rekomendasyon para tanggapin ninyo, at pagkatapos hihingi naman ng rekomendasyon mula sa inyo para tanggapin din sa ibang lugar. 2 Hindi na namin kailangan ito dahil kayo na mismo ang aming rekomendasyon na nakasulat sa aming puso. Sapagkat ang pamumuhay ninyo ay parang sulat na nakikita at nababasa ng lahat. 3 Malinaw na ang buhay ninyo ay parang isang sulat mula kay Cristo na isinulat sa pamamagitan namin. At hindi tinta ang ginamit sa sulat na ito kundi ang Espiritu ng Dios na buhay. At hindi rin ito isinulat sa malapad na mga bato, kundi sa puso ng mga tao.
4 Nasasabi namin ang mga ito dahil sa mga ginagawa ni Cristo sa pamamagitan namin at dahil sa aming pagtitiwala sa Dios. 5 Kung sa aming sarili lamang, wala kaming sapat na kakayahang gawin ito. Lahat ng aming kakayahan ay mula sa Dios. 6 Siya ang nagbigay sa amin ng kakayahan para maipahayag namin ang kanyang bagong pamamaraan para mailapit ang mga tao sa kanya. At ang bagong pamamaraan na ito ay hindi ayon sa isinulat na Kautusan kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat ang Kautusan ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay-buhay.
7 Noong ibinigay ng Dios kay Moises ang Kautusan na nakasulat sa malapad na mga bato, hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil nasisilaw sila. Ngunit ang ningning na iyon sa kanyang mukha ay unti-unti ring nawala. Ngayon, kung nagpakita ang Dios ng kanyang kapangyarihan sa Kautusan na nagdudulot ng kamatayan, 8 higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan kung kikilos na ang Espiritu. 9 Kung nagpakita ang Dios ng kapangyarihan niya sa pamamagitan ng Kautusan na nagdudulot ng hatol na kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan sa pagpapawalang-sala sa mga tao. 10 Ang totoo, balewala ang kapangyarihan ng Kautusan kung ihahambing sa kapangyarihan ng bagong pamamaraan ng Dios. 11 Kung may kapangyarihang ipinakita ang Dios sa pamamagitan ng Kautusan na lumilipas, higit pa ang kapangyarihang ipinapakita niya sa bagong pamamaraang ito na nananatili magpakailanman.
12 At dahil sa pag-asa naming ito, malakas ang aming loob na ipahayag ang salita ng Dios. 13 Hindi kami tulad ni Moises na nagtakip ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang liwanag sa kanyang mukha na unti-unting nawawala. 14 Ang totoo, hindi naintindihan ng mga Israelita ang kahulugan nito noon dahil may nakatakip sa kanilang isipan. At kahit ngayon, may nakatakip pa rin sa kanilang isipan habang binabasa nila ang dating kasunduan. At maaalis lamang ito kapag ang isang taoʼy nakay Cristo. 15 Totoong hanggang ngayon ay may nakatakip sa kanilang isipan habang binabasa nila ang mga isinulat ni Moises. 16 Ngunit kung lalapit ang tao sa Panginoon, maaalis ang takip sa kanyang isipan. 17 Ngayon, ang binabanggit ditong Panginoon ay ang Banal na Espiritu, at kung ang Espiritu ng Panginoon ay nasa isang tao, malaya na siya. 18 At dahil naalis na ang takip sa ating isipan, nakikita na natin ang kapangyarihan ng Panginoon. At ang kapangyarihang ito ay mula sa Panginoon, na siyang Banal na Espiritu, ang siyang unti-unting bumabago sa atin hanggang tayoʼy maging katulad niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®