M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Talinghaga ng Nawalang Tupa
15 Ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kaniya upang makinig.
2 Ang mga Fariseo at mga guro ng kautusan ay nagbulung-bulungan. Sinasabi nila: Tinatanggap nito ang mga makasalanan at kumakaing kasama nila.
3 Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila. 4 Sino sainyo ang may isandaang tupa at nawala ang isa, hindi ba niya iiwanan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hanapin ang nawawalang tupa hanggang makita ito? 5 Kapag nakita niya, papasanin niya ito sa kaniyang balikat na nagagalak. 6 Pagdating niya sa bahay, tatawagin niyang sama-sama ang kaniyang mga kaibigan at mga kapit-bahay. Sasabihin niya sa kanila: Makigalak kayo sa akin sapagkat natagpuan ko na ang nawala kong tupa. 7 Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisi. Ang kagalakang ito ay higit pa kaysa siyamnapu’t-siyam na mga matuwid na hindi kailangang magsisi.
Ang Talinghaga ng Nawalang Pilak
8 O sino ngang babae ang may sampung pirasong pilak at mawala niya ang isa, hindi ba siya magsisindi ng ilawan at magwawalis sa bahay at maingat siyang maghahanap, hanggang makita niya ito?
9 Kapag nakita niya ito, tatawagin niya ang kaniyang mga kaibigan at kapit-bahay. Sasabihin niya: Makigalak kayo sa akin dahil nakita ko na ang aking pilak na nawala. 10 Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa harap ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.
Ang Talinghaga ng Alibughang Anak
11 Sinabi niya: May isang lalaking may dalawang anak na lalaki.
12 Ang nakakabatang anak ay nagsabi sa kaniyang ama: Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng mga ari-arian na nauukol sa akin. Binahagi ng ama sa kanila ang kaniyang kabuhayan.
13 Lumipas ang ilang araw, pagkatipon ng lahat ng sa kaniya, ang nakakabatang anak na lalaki ay umalis. Nagtungo siya sa isang malayong lupain at doon nilustay ang kaniyang ari-arian. Siya ay namuhay ng magulong pamumuhay. 14 Ngunit nang magugol na niya ang lahat, nagkaroon ng isang matinding taggutom sa lupaing iyon at nagsimula siyang mangailangan. 15 Humayo siya at sumama sa isang mamamayan ng lupaing iyon. At siya ay sinugo niya sa mga bukirin upang magpakain ng mga baboy. 16 Mahigpit niyang hinangad na kumain ng mga bunga ng punong-kahoy[a] na ipinakakain sa mga baboy sapagkat walang sinumang nagbigay sa kaniya.
17 Nang manauli ang kaniyang kaisipan, sinabi niya: Ang aking ama ay maraming upahang utusan. Sagana sila sa tinapay samantalang ako ay namamatay dahil sa gutom. 18 Tatayo ako at pupunta ako sa aking ama. Sasabihin ko sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo akong isa sa iyong mga upahang utusan. 20 Sa pagtayo niya, pumunta siya sa kaniyang ama, ngunit malayo pa siya ay nakita na siya ng kaniyang ama at ito ay nahabag sa kaniya. Ang ama ay tumakbo at niyakap at hinagkan siya.
21 Sinabi ng anak sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.
22 Gayunman, sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin: Dalhin ninyo ang pinakamainam na kasuotan at isuot ninyo sa kaniya. Magbigay kayo ng singsing para sa kaniyang kamay at panyapak para sa kaniyang mga paa. 23 Magdala kayo ng pinatabang guya at katayin ito. Tayo ay kakain at magsaya. 24 Ito ay sapagkat ang anak kong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at natagpuan. Sila ay nagsimulang magsaya.
25 At ang nakakatanda niyang anak ay nasa bukid. Nang siya ay dumarating at malapit na sa bahay, nakarinig siya ng tugtugin at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa kaniyang mga lingkod. Tinanong niya kung ano ang ibig sabihin ng mga bagay na ito. 27 Sinabi ng lingkod sa kaniya: Dumating ang kapatid mo. Nagpakatay ng pinatabang guya ang iyong ama sapagkat ang kapatid mo ay natanggap niyang ligtas at malusog.
28 Nagalit siya at ayaw niyang pumasok. Dahil dito lumabas ang kaniyang ama at namanhik sa kaniya. 29 Sumagot siya sa kaniyang ama. Sinabi niya: Narito, naglingkod ako sa iyo ng maraming taon. Kahit minsan ay hindi ako sumalangsang sa iyong utos. Kahit minsan ay hindi mo ako binigyan ng maliit na kambing upang makipagsaya akong kasama ng aking mga kaibigan. 30 Nang dumating itong anak mo, nagpakatay ka para sa kaniya ng pinatabang guya. Siya ang nag-aksaya ng iyong kabuhayan kasama ng mga patutot.
31 Sinabi ng ama sa kaniya: Anak, lagi kitang kasama at lahat ng akin ay sa iyo. 32 Ang magsaya at magalak ay kailangan sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at natagpuan.
Ang Paglilikom Para sa mga Anak ng Diyos
16 Patungkol naman sa nalilikom na para sa mga banal, gawin ninyo ang tulad sa ibinilin ko sa mga taga-Galacia.
2 Tuwing unang araw ng sanlinggo, bawat isa sa inyo ay maglagak ayon sa naging pagpapala niya. Ito ay upang sa pagdating ko ay wala nang paglilikom na gagawin. 3 Kapag dumating ako, sinuman ang inyong payagan sa pamamagitan ng sulat ay aking isusugo saJerusalem upang dalhin ang inyong tulong. 4 Kung nararapat din akong pumunta, kasama nila akong pupunta.
Sariling Kahilingan
5 Pupunta ako sa inyo kapag nakadaan na ako sa Macedonia sapagkat sa Macedonia ako dadaan.
6 Maaaring tumigil ako sa inyo o maging hanggang sa taglamig upang matulungan ninyo ako saan man ako pumaroon. 7 Ito ay sapagkat hindi ko ibig na makita ko kayo ngayon sa aking pagdaan, ngunit umaasa akong makapanatili ng ilang panahon kasama ninyo, kung pahihintulutan ng Panginoon. 8 Ngunit ako ay mananatili sa Efeso hanggang sa Pentecostes. 9 Ito ay sapagkat isang malaki at mabisang daan ang binuksan sa akin doon at marami ang humahadlang.
10 Kapag dumating diyan si Timoteo, tiyakin ninyo na makakasama ninyo siya ng walang pagkatakot sapagkat gawain ng Panginoon ang kaniyang ginagawa, tulad ng ginagawa ko. 11 Kaya nga, huwag ninyo siyang hayaang hamakin ng sinuman, sa halip, tulungan ninyo siyang makahayo nang mapayapa upang makarating siya sa akin sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.
12 Patungkol kay kapatid na Apollos, lubos kong ipinamanhik sa kaniya na pumunta sa inyo kasama ng mga kapatid. Hindi niya kaloobang pumunta sa panahong ito ngunit pupunta siya sa inyo kapag may pagkakataon siya.
13 Magbantay kayo, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, maging matapang kayo, magpakalakas kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay nang may pag-ibig.
15 Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid. Kilala ninyo ang sambahayan ni Estefanas. Alam ninyo na ito ang unang bunga ng Acaya at itinalaga nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga banal. 16 Ipinamamanhik ko na magpasakop din kayo sa kanila at sa bawat isang gumagawa at nagpapagal na kasama namin. 17 Ako ay nagagalak sa pagdating nina Estefanas, Fortunato at Acaico dahil ang inyong kakulangan ay pinunan nila. 18 Ito ay sapagkat napagpanibagong-sigla nila ang aking espiritu, at ang inyong espiritu kaya kilalanin nga ninyo sila.
Panghuling Pagbati
19 Binabati kayo ng iglesiya sa Asya. Lubos kayong binabati nina Aquila at Priscilla kasama ang iglesiya na nasa kanilang tahanan.
20 Ang lahat ng mga kapatid ay bumabati sa inyo. Magbatian kayo sa isa’t isa ng banal na halik.
21 Ito ang pagbati ko, akong si Pablo, sa pamamagitan ng sarili kong kamay.
22 Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoong Jesucristo, sumpain siya. Maranatha![a]
23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesucristo.
24 Sumainyo ang aking pag-ibig sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International