M’Cheyne Bible Reading Plan
22 Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. 23 Dahil dadaan ang Panginoon sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.
24 “Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman. 25 Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo. 26 Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, 27 ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.”
Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon. 28 At sinunod nila ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.
29 Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto mula sa panganay ng Faraon, na tagapagmana ng kanyang trono, hanggang sa panganay ng mga bilanggo na nasa bilangguan. Pinatay din niya ang lahat ng panganay ng hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng Egipcio. At narinig ang matinding iyakan sa Egipto, dahil walang bahay na hindi namatayan.
31 Nang gabi ring iyon, ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron at sinabi, “Umalis na kayo! Lisanin na ninyo ang aking bansa. Umalis na kayo at sumamba sa Panginoon, gaya ng ipinapakiusap ninyo. 32 Dalhin ninyo ang mga hayop ninyo, gaya rin ng pakiusap ninyo at umalis kayo. Pero ipanalangin ninyo na kaawaan ako ng inyong Dios.”
33 Pinagmadali ng mga Egipcio ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!” 34 Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan. 35 Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises na humingi sa mga Egipcio ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit. 36 Niloob ng Panginoon na maging mabuti ang mga Egipcio sa mga Israelita, kaya ibinigay ng mga Egipcio ang mga hinihingi nila. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang mga ari-arian ng mga Egipcio.
37 Naglakbay ang mga Israelita mula Rameses papuntang Sucot. Mga 600,000 lahat ang lalaki, hindi pa kabilang dito ang mga babae at mga bata. 38 Marami ring mga dayuhan ang sumama sa kanila at marami silang dinalang hayop. 39 Nang huminto sila para kumain, nagluto sila ng tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na dala nila galing sa Egipto. Hindi ito nalagyan ng pampaalsa dahil pinagmadali sila ng mga Egipcio na umalis at wala na silang panahong hintayin pa ang pag-alsa ng minasang harina.
40 Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Sa huling araw ng 430 taon, umalis sa Egipto ang buong mamamayan ng Panginoon. 42 Nang gabing umalis ang mga Israelita sa Egipto, binantayan sila ng Panginoon buong gabi. Kaya katulad ng gabing iyon taun-taon, magpupuyat ang lahat ng mga Israelita bilang pagpaparangal sa Panginoon at gagawin nila ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel
43 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel:
“Hindi dapat kumain ang mga dayuhan ng mga pagkaing inihanda sa pistang ito. 44 Makakakain ang lahat ng aliping binili kung natuli sila, 45 pero hindi maaaring kumain ang mga upahang trabahador at ang mga dayuhan.
46 “Dapat itong kainin sa loob ng bahay kung saan ito inihanda; hindi dapat ilabas ang karne sa bahay, at huwag babaliin ang buto nito. 47 Dapat itong ipagdiwang ng buong mamamayan ng Israel.
48 “Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa pagpaparangal sa Panginoon, kailangang tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan niya. At maaari na siyang makasama sa pagdiriwang bilang isang katutubong Israelita. Pero hindi maaaring makipagdiwang ang taong hindi natuli. 49 Ang tuntuning itoʼy para sa lahat – sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.”
50 Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron. 51 At nang araw na iyon, inilabas ng Panginoon ang bawat lahi ng Israel mula sa Egipto.
Ang Nawawalang Tupa(A)
15 Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang pumunta kay Jesus upang makinig sa kanya. 2 Kaya nagreklamo ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Ang taong itoʼy tumatanggap ng mga makasalanan at kumakaing kasama nila.” 3 Kaya kinuwentuhan sila ni Jesus, 4 “Kung kayo ay may 100 tupa at nawala ang isa, ano ang gagawin ninyo? Hindi baʼt iiwan ninyo ang 99 sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa makita ninyo? 5 At kapag nakita na ninyo, masaya ninyo itong papasanin pauwi. 6 Pagkatapos, tatawagin ninyo ang inyong mga kaibigan at kapitbahay ninyo at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong tupa.’ ” 7 At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya sila roon dahil sa isang makasalanang nagsisisi kaysa sa 99 na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.”
Ang Nawawalang Salaping Pilak
8 “Halimbawa naman, may isang babaeng may sampung salaping pilak at nawala ang isa. Hindi baʼt sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay, at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa makita niya ito? 9 Pagkatapos, tatawagin niya ang mga kaibigan at kapitbahay niya at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong salapi.’ ” 10 At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya ang mga anghel ng Dios dahil sa isang makasalanang nagsisi.”
Ang Naglayas na Anak
11 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang pagkukwento, “May isang ama na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng bunso sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay nʼyo na sa akin ang bahaging mamanahin ko!’ Kaya hinati ng ama ang ari-arian niya sa dalawa niyang anak. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang lahat ng minana niya at pumunta sa malayong bayan. Doon niya ginastos ang lahat sa walang kwentang pamumuhay. 14 Nang maubos na ang pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at naghirap siya. 15 Kaya namasukan siya bilang tagapag-alaga ng baboy sa isang taga-roon. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, parang gusto na niyang kainin kahit pagkain ng mga baboy, dahil walang nagbibigay sa kanya ng makakain.
17 “Nang mapag-isip-isip niya ang lahat, sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Sa amin kahit ang mga utusan ng aking ama ay may sapat na pagkain at sobra pa, pero ako rito ay halos mamatay na sa gutom. 18 Babalik na lang ako sa amin at sasabihin ko sa aking ama, “Ama, nagkasala po ako sa Dios at sa inyo. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo. Gawin nʼyo na lang akong isa sa mga utusan ninyo.” ’ 20 Kaya bumalik siya sa kanyang ama. Malayo pa ay natanaw na siya ng kanyang ama at naawa ito sa kanya, kaya patakbo siya nitong sinalubong, niyakap at hinalikan. 21 Sinabi ng anak sa kanyang ama, ‘Ama, nagkasala po ako sa Dios at sa inyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22 Pero tinawag ng ama ang mga utusan niya, ‘Madali! Dalhin nʼyo rito ang pinakamagandang damit at bihisan siya. Lagyan ninyo ng singsing ang daliri niya at suotan ninyo ng sandalyas ang mga paa niya. 23 At kumuha kayo ng batang baka na pinataba natin, at katayin ninyo. Magdiwang tayo 24 dahil ang anak ko na akala koʼy patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, pero muling nakita.’ Kaya nagsimula silang magdiwang.
25 “Samantala, nasa bukid noon ang anak na panganay at nagtatrabaho. Nang pauwi na siya at malapit na sa kanila, narinig niya ang tugtugan at sayawan sa bahay nila. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Anong mayroon sa bahay?’ 27 Sumagot ang utusan, ‘Dumating ang kapatid nʼyo kaya ipinakatay ng inyong ama ang pinatabang baka upang ihanda, dahil bumalik siyang ligtas at nasa mabuting kalagayan.’ 28 Nagalit ang panganay at ayaw pumasok sa bahay. Kaya pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapang pumasok. 29 Pero sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo ng tapat sa loob ng maraming taon at kailanman ay hindi ko sinuway ang utos ninyo. Pero kahit minsan ay hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang batang kambing para makapaghanda ako at makapagsaya kasama ang mga kaibigan ko. 30 Pero nang dumating ang anak ninyong lumustay ng kayamanan ninyo sa mga babaeng bayaran, ipinagpatay nʼyo pa ng pinatabang baka.’ 31 Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi tayong magkasama at ang lahat ng ari-arian ko ay sa iyo. 32 Dapat lang na magsaya tayo dahil ang kapatid mo na inakala nating patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, pero muling nakita!’ ”
30 “Pero ngayon, kinukutya na ako ng mga mas bata sa akin, na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan. Mas mapagkakatiwalaan pa nga ang mga aso kong tagapagbantay ng aking kawan kaysa sa kanila. 2 Ano bang makukuha ko sa mga taong ito na mahihina at talagang wala ng lakas? 3 Payat na payat sila dahil sa labis na kahirapan at gutom. Kahit gabi ay nagkakaykay sila ng mga lamang-lupa sa ilang para may makain. 4 Binubunot nila at kinakain ang mga tanim sa ilang pati na ang ugat ng punong enebro. 5 Tinataboy sila palayo sa kanilang mga kababayan at sinisigawan na parang mga magnanakaw. 6 Tumitira sila sa mga lambak, sa malalaking bitak ng bato at mga lungga sa lupa. 7 Para silang mga hayop na umaalulong sa kagubatan at nagsisiksikan sa ilalim ng maliliit na punongkahoy. 8 Wala silang halaga, walang nakakakilala at pinalayas pa sa kanilang lupain.
9 “At ngayon, paawit pa kung kutyain ako ng kanilang mga anak at naging katatawanan pa ako sa kanila. 10 Namumuhi sila at umiiwas sa akin. Hindi sila nangingiming duraan ako sa mukha. 11 Ngayong pinanghina ako at pinahirapan ng Dios, ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin. 12 Nilusob ako ng masasamang ito at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan. Talagang pinagsisikapan nila akong ipahamak. 13 Sinisira nila ang dadaanan ko para ipahamak ako. At nagtatagumpay sila kahit walang tumutulong sa kanila. 14 Sinasalakay nila ako na parang mga sundalong dumadaan sa malalaking butas ng gibang pader. 15 Takot na takot ako, at biglang nawala ang karangalan ko na parang hinipan ng malakas na hangin, at ang kasaganaan koʼy naglahong gaya ng ulap. 16 At ngayon ay parang mamamatay na ako; walang tigil ang aking paghihirap. 17 Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko at hindi nawawala ang sakit nito. 18 Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Dios, sinunggaban niya ako, hinawakan sa kwelyo, 19 at inihagis sa putik. Naging parang alikabok at abo na lang ako.
20 “O Dios, humingi ako ng tulong sa inyo pero hindi kayo sumagot. Tumayo pa ako sa presensya nʼyo pero tiningnan nʼyo lang ako. 21 Naging malupit kayo sa akin. Pinahirapan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 22 Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin at ipinasalanta sa bagyo. 23 Alam kong dadalhin nʼyo ako sa lugar ng mga patay, ang lugar na itinakda para sa lahat ng tao.
24 “Tiyak na wala akong sinaktang taong naghihirap at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan. 25 Iniyakan ko pa nga ang mga taong nahihirapan, at ang mga dukha. 26 Ngunit nang ako naman ang umasang gawan ng mabuti, masama ang ginawa sa akin. Umasa ako ng liwanag pero dilim ang dumating sa akin. 27 Walang tigil na nasasaktan ang aking damdamin. Araw-araw paghihirap ang dumarating sa akin. 28 Umitim ang balat ko hindi dahil sa init ng araw kundi sa aking karamdaman. Tumayo ako sa harap ng kapulungan at humingi ng tulong. 29 Ang boses koʼy parang alulong ng asong-gubat o huni ng kuwago. 30 Umitim ang balat koʼt natutuklap, at inaapoy ako ng lagnat. 31 Kaya naging malungkot ang tugtugin ng aking alpa at plauta.
Tulong para sa mga Taga-Judea
16 Ngayon, tungkol naman sa tulong na nalikom para sa mga mananampalataya[a] ng Dios sa Judea, gayahin ninyo ang ipinagawa ko sa mga iglesyang nasa Galacia. 2 Sa bawat Linggo, ang bawat isa sa inyoʼy maglaan na ng halaga ayon sa inyong kita, at ipunin ninyo ito upang pagdating ko riyan ay nakahanda na ang inyong tulong. 3 Pagdating ko riyan, papupuntahin ko sa Jerusalem ang mga taong pipiliin ninyo na magdadala ng inyong tulong, at gagawa ako ng sulat na magpapakilala sa kanila. 4 At kung kinakailangan ding pumunta ako sa Jerusalem, isasama ko na sila.
Mga Plano ni Pablo
5 Tutuloy ako riyan sa Corinto pagkagaling ko sa Macedonia dahil kailangan kong dumaan doon. 6 Maaaring magtagal ako riyan sa inyo. Baka riyan ako magpalipas ng taglamig, upang matulungan ninyo ako sa mga pangangailangan ko sa susunod kong paglalakbay, bagamaʼt hindi ko pa alam kung saan ako pupunta. 7 Ayaw kong dadaan lang ako sa inyo. Gusto kong magtagal sa piling ninyo kung loloobin ng Panginoon.
8 Samantala, mananatili ako rito sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes, 9 dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito, kahit na maraming sumasalungat.
10 Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti upang mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, tulungan ninyo siya sa kanyang mga pangangailangan upang makabalik siya agad sa akin. Sapagkat inaasahan ko siya na dumating dito kasama ang iba pang mga kapatid sa pananampalataya.
12 Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.
Katapusang Tagubilin
13 Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14 At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.
15 Alam ninyong si Stefanas at ang pamilya niya ang unang naging Cristiano riyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga pinabanal[b] ng Dios. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na naglilingkod sa Panginoon.
17 Natutuwa ako sa pagdating nina Stefanas, Fortunatus, at Acaicus, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18 Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.
19 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang[c] nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon. 20 At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.
Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[d]
21 Akong si Pablo ay nangungumusta rin sa inyo, at ako mismo ang sumusulat ng pagbating ito.
22 Parusahan nawa ng Dios ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya.
Panginoon, bumalik na po kayo!
23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesus.
24 Minamahal ko kayong lahat bilang mga kapatid kay Cristo Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®