Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 13

Magsisi o Mapahamak

13 Sa oras na iyon, naroroon ang ilan na nagsalaysay sa kaniya patungkol sa mga taga-Galilea. Ang dugo nila ay inihalo ni Pilato sa kanilang mga hain.

Sa pagsagot ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Sa palagay ba ninyo ang mga taga-Galileang ito ang pinakamakasalanan sa lahat ng mga taga-Galilea dahil dinanas nila ang mga bagay na ito? Sinasabi ko sa inyo: Hindi! Malibang magsisi kayo, lahat kayo ay mapapahamak sa ganitong paraan. May labingwalong tao ang nabagsakan ng tore sa Siloe at namatay? Sa palagay ba ninyo ay higit silang may pagkakautang sa Diyos kaysa lahat ng nanirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko sa inyo: Hindi! Malibang magsisi kayo, lahat kayo ay mapapahamak sa ganitong paraan.

At sinabi ni Jesus ang talinghagang ito: May isang lalaking nagtanim ng igos sa kaniyang ubasan. Pumunta siya roon at naghanap ng bunga at wala siyang nakita. Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan: Narito, tatlong taon na akong pumaparito na naghahanap ng bunga ng puno ng igos na ito at wala akong nakitang bunga. Putulin mo iyan. Bakit sinasayang niya ang lupa?

Sumagot ang tagapag-alaga at sinabi: Panginoon, pabayaan mo muna iyan diyan sa taong ito, hanggang mahukay ko ang paligid nito at lagyan ng pataba. Maaring ito ay magbunga, ngunit kung hindi, saka mo na ito putulin.

Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Lumpo sa Araw ng Sabat

10 Si Jesus ay nagtuturo sa isa sa mga sinagoga sa araw ng Sabat. 11 At narito, may isang babae roon na labingwalong taon nang mayroong espiritu ng karamdaman. Siya ay hukot na at hindi na niya maiunat ng husto ang kaniyang sarili. 12 Pagkakita ni Jesus sa kaniya, tinawag siya nito. Sinabi niya sa kaniya: Babae, pinalaya ka na sa iyongkaramdaman. 13 Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at siya ay kaagad na umunat. Niluwalhati niya ang Diyos.

14 Ang pinuno sa sinagoga ay lubhang nagalit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabat. Sinabi niya sa mga tao: May anim na araw na ang mga tao ay dapat gumawa. Sa mga araw ngang ito kayo pumaritoat magpagamot at hindi sa araw ng Sabat.

15 Sumagot nga ang Panginoon sa kaniya. Sinabi niya:Mapagpaimbabaw! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong toro o asno mula sa kulungan sa araw ng Sabat at pagkatapos nito ay pinapainom? 16 Ang babaeng ito ay ginapos ni Satanas ng labingwalong taon. Narito, bilang anak na babae ni Abraham, hindi ba dapat siyang palayain mula sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabat?

17 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, ang lahat ng kumakalaban sa kaniya ay napahiya. Nagalak ang lahat ng mga tao sa lahat ng mga maluwalhating bagay na ginawa niya.

Ang Talinghaga Patungkol sa Binhi ng Mustasa at sa Pampaalsa

18 Pagkatapos, sinabi niya: Sa ano ko maitutulad ang paghahari ng Diyos? Saan ko ito ihahambing?

19 Ito ay tulad sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihagis sa kaniyang halamanan. Ito ay tumubo at naging isang malaking punong-kahoy. Ang mga ibon sa himpapawid ay nagpugad sa mga sanga nito.

20 Sinabi niyang muli: Saan ko maihahambing ang paghahari ng Diyos? 21 Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae. Inihalo niya ito sa tatlong takal na harina hanggang sa mahaluan ang lahat.

Ang Makipot na Daan

22 Sa pagdaan ni Jesus sa mga lungsod at nayon, siya ay nagtuturo at patuloy na naglalakbay patungong Jerusalem.

23 May nagsabi sa kaniya: Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?

24 Sinabi niya sa kanila: Pagsikapan ninyong pumasok sa pamamagitan ng makipot na tarangkahan. Sinasabi ko ito sa inyo dahil marami ang maghahanap upang pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Sa oras na tumindig ang may-ari ng sambahayan at maisara na niya ang pinto kayo ay magsisimulang tumayo sa labas. Kakatok kayo sa pinto na nagsasabi: Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.

Sasagot siya at magsasabi sa inyo: Hindi ko kayo kilala. Hindi koalam kung saan kayo nanggaling.

26 Sa oras na iyon ay magsasabi kayo: Kami ay kumain at uminom na kasama ka. Nagturo ka sa aming mga lansangan.

27 Sasabihin niya: Sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala. Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na mga manggagawa ng hindi matuwid.

28 Magkakaroon ng pananangis at pangangalit ng mga ngipin.Mangyayari ito kapag nakita ninyo si Abraham, si Isaac, si Jacob at lahat ng mga propeta na nasa paghahari ng Diyos ngunit kayo ay itataboy palabas. 29 Sila ay manggagaling mula sa silangan at kanluran, mula sa hilaga at timog. Sila ay uupo sa paghahari ng Diyos. 30 Narito, may mga huli na mauuna at may mga una na mahuhuli.

Nagdalamhati si Jesus Dahil sa Jerusalem

31 Sa araw ding iyon, may ilang Fariseo ang pumunta sa kaniya. Sinabi nila sa kaniya: Lumabas ka at umalis ka rito sapagkat nais kang patayin ni Herodes.

32 Sinabi niya sa kanila: Pumunta kayo at sabihin sa tusong soro na iyon: Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at ginaganap ko ang pagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ito. 33 Gayunman, kinakailangan kong magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw. Ito ay sapagkat hindi maaari sa isang propeta ang mamatay sa labas ng Jerusalem.

34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw ang pumapatay sa mga propeta at bumabato sa kanila na isinusugo sa iyo. Madalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng inahing manok na nagtitipon ng kaniyang mga inakay sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 35 Narito, ang iyong bahay ay naiwan sa iyong wala nang nakatira. Katotohanang sinasabi ko sa iyo: Hindi mo ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mong: Papuri sa kaniya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.

1 Corinto 14

Ang Kaloob ng Paghahayag at Pagsasalita ng mga Wika

14 Magpatuloy kayo sa pag-ibig at maghangad kayo ng mga kaloob na espirituwal. Ngunit lalo ninyong hangarin na kayo ay makapaghayag.

Ito ay sapagkat siya na nagsasalita ng ibang wika ay nagsasalita hindi sa mga tao kundi sa Diyos, dahil walang nakakaunawa sa kaniya. Ngunit sa espiritu, siya ay nakakapagsalita ng mga hiwaga. Ngunit ang naghahayag ay nagsasalita sa tao upang sila ay patatagin, palakasin ang kanilang loob at bigyan sila ng kaaliwan. Ang nagsasalita ng ibang wika ay nagpapatatag sa sarili niya. Ngunit ang naghahayag ay nagpapatatag sa iglesiya. Ibig ko na lahat kayo ay makapagsalita ng ibang wika ngunit higit kong ninanais na kayo ay makapagha­hayag. Ito ay sapagkat ang naghahayag ay higit na dakila kaysa sa nagsasalita ng ibang wika, maliban na lang kung ipaliliwanag niya. Sa ganoon ang iglesiya ay makakatanggap ng katatagan.

At ngayon mga kapatid, kung ako ay pumunta sa inyo na nagsasalita sa ibang wika, may mapapakinabangan ba kayo sa akin? Wala kayong mapapakinabangan sa akin maliban na lang kung ako ay magsasalita sa pamamagitan ng pahayag o sa kaalaman, o sa paghahayag, o sa pagtuturo. Ang mga walang buhay na bagay ay nagbibigay ng tunog, maging plawta man o alpa. Papaano nga malaman kung ang tinutugtog ay plawta o alpa kung hindi ito magbigay ng malinaw na tunog? Maging ang trumpeta, kung ito ay magbigay ng hindi malinaw na tunog, sino ang maghahanda sa pakikidigma? Ganoon din sa inyo. Malibang gumamit kayo ng mga salitang madaling maunawaan, papaano mauunawaan ang mga sinasabi ninyo? Ito ay sapagkat sa hangin kayo nagsasalita. 10 Maaaring sa sanlibutan ay napakaraming uri ng tunog, wala isa man sa kanila ang walang kabuluhan. 11 Kaya nga, kung hindi ko naiintindihan ang kahulugan ng wikang iyon, ako ay tulad ng isang banyaga sa kaniya na nagsasalita. Siya rin naman na nagsasalita ay tulad ng isang banyaga sa akin. 12 Ganoon din sa inyo. Yamang naghahangad kayo ng mga espirituwal na kaloob. Hangarin ninyo na kayo ay sumagana para sa ikatatatag ng iglesiya.

13 Kaya nga, ang nagsasalita sa ibang wika ay manalangin namaipaliwanag niya ang sinasabi niya. 14 Ito ay sapagkat kung ako ay nananalangin sa ibang wika, ang espiritu ko ay nananalangin ngunit ang aking pang-unawa ay walang bunga. 15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu at mananalangin din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. Magpupuri ako sa espiritu at magpupuri din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. 16 Kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, sa iyong pagbibigay ng pasasalamat, paano makakapagsabi ng siya nawa ang taong hindi naturuan. Ang sinasabi mo ay hindi niya nalalaman. 17 Ito ay sapagkat makakapagpasalamat ka nga ng mabuti ngunit ang iba ay hindi nagiging matibay.

18 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos na ako ay nakapag­sasalita ng ibang wika nang higit sa inyong lahat. 19 Subalit iibigin ko pang magsalita sa iglesiya ng limang salita na nauunawaan ko kaysa sampung libong salita sa ibang wika. Ito ay upang makapagturo ako sa iba.

20 Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa pag-iisip. Subalit maging mga sanggol kayo sa masamang hangarin, ngunit sa pag-iisip ay maging mga lalaking may sapat na gulang na. 21 Nakasulat sa kautusan:

Sinabi ng Panginoon: Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamama­gitan ng ibang mga wika at magsasalita ako sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga. Kahit na maging gayonhindi nila ako pakikinggan.

Mga Wika Bilang Tanda

22 Kaya nga, ang mga wika ay bilang tanda, hindi para sa mga sumasampalataya kundi para sa kanila na hindi sumasam­palataya. Ngunit ang paghahayag ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya kundi para sa mga sumasampalataya.

23 Kaya nga, kung ang buong iglesiya ay magtitipun-tipon sa isang lugar at bawat isa ay mag-salita sa iba’t ibang wika, at sa pagpasok ng mga hindi tinuruan at hindi mananampalataya ay narinig kayo, hindi kaya nila isiping kayo ay nababaliw? 24 Kapag ang lahat ay naghahayag, sa pagpasok ng hindi mananampalataya at hindi nataruan, siya ay susumbatan ng lahat, siya ay hahatulan ng lahat. 25 At sa ganoong paraan ang mga lihim ng kaniyang puso ay mahahayag. Siya ay magpapatirapa at sasamba sa Diyos at iuulat niyang ang Diyos ay tunay na sumasainyo.

Maayos na Pananambahan

26 Ano ngayon ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag kayo ay nagtitipun-tipon ang bawat isa sa inyo ay may awit, may katuruan, may ibang wika, may kapahayagan, may pagpapa­liwanag na mga wika. Ang lahat ng ito ay gawin ninyo nawa sa ikatitibay.

27 Kapag ang sinuman ay magsasalita sa ibang wika, gawin ito ng dalawa hanggang sa tatlo lang at dapat sunod-sunod at kinakailangang may nagpapaliwanag. 28 Kung walang magpapaliwanag, tumahimik siya sa iglesiya at magsalita na lang siya sa kaniyang sarili at sa Diyos.

29 Papagsalitain ang dalawa o tatlong propeta at hayaan silang hatulan ng iba. 30 Ngunit kung ang isa na nakaupo ay may kapahayagan, tumahimik muna ang nauna. 31 Ito ay sapagkat lahat kayo ay maaaring isa-isang makapaghahayag upang ang lahat ay matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang espiritu ng mga propeta ay nagpapasakop sa mga propeta. 33 Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan, tulad ng sa lahat ng iglesiya ng mga banal.

34 Ang kababaihan ay tumahimik sa iglesiya, dahil hindi silapinahihintulutang magsalita. Sa halip sila ay dapat magpasakop ayon na rin sa nakasulat sa kautusan. 35 Kung ibig nilang matuto ng anumang bagay, magtanong sila sa sarili nilang mga asawa sa kanilang bahay sapagkat nakakahiya para sa babae ang magsalita sa iglesiya.

36 Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo, o dumating lang ito sa inyo? 37 Kung ang sinuman ay magisip na siya ay propeta o kaya ay espirituwal na tao, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay mga utos mula sa Panginoon. 38 Kapag ito ay hindi pahalagahan ng sinuman, hayaan ng ito ay hindi niya pahalagahan.

39 Kaya nga, mga kapatid, magsumigasig kayo, na kayo ay makapaghahayag at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika. 40 Ang lahat ay gawin ninyo nang nararapat at may kaayusan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International