Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 10

Ang Salot na mga Balang

10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon dahil pinatigas ko ang puso niya at ng mga opisyal niya, para patuloy kong maipakita sa kanila ang aking mga himala. At para maikuwento ninyo sa mga anak at apo ninyo kung paano ko pinarusahan ang mga Egipcio at kung paano ako gumawa ng mga himala sa kanila. Sa ganitong paraan, malalaman nilang ako ang Panginoon.”

Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka pa ba magmamataas sa akin? Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin. Kung hindi mo sila paaalisin, magpapadala ako ng mga balang sa bansa mo bukas. Sa sobrang dami nila, hindi na makikita ang lupa. Kakainin nila ang mga pananim na hindi nasira ng pag-ulan ng yelo, maging ang lahat ng punongkahoy. Mapupuno ng balang ang iyong palasyo at ang mga bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo. Wala pang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng Egipto mula nang dumating ang inyong mga ninuno hanggang ngayon.’ ” Nang masabi ito ni Moises, umalis na siya.

Sinabi ng mga opisyal ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan nʼyo pa ba hahayaan ang kalamidad na ito na magparusa sa atin? Paalisin nʼyo na po ang mga Israelita, para makasamba na sila sa Panginoon na kanilang Dios. Hindi nʼyo ba naiisip na nasalanta na ang Egipto?”

Kaya pinabalik sina Moises at Aaron sa Faraon. Sinabi ng Faraon sa kanila, “Maaari na kayong umalis para makasamba kayo sa Panginoon na inyong Dios. Pero sabihin nʼyo sa akin kung sino ang isasama ninyo sa pag-alis.”

Sumagot si Moises, “Aalis kaming lahat, bata at matanda. Dadalhin namin ang aming mga anak at mga hayop, dahil lahat kami ay magdaraos ng pista para sa Panginoon.”

10 Sinabi ng Faraon nang may pang-iinsulto, “Sanaʼy samahan kayo ng Panginoon kung palalakarin ko kayo at ang pamilya ninyo! Malinaw na masama ang intensyon ninyo dahil tatakas kayo. 11 Hindi ako papayag! Ang mga lalaki lang ang aalis para sumamba sa Panginoon kung iyan ang gusto ninyo.” At pinalayas sina Moises at Aaron sa harapan ng Faraon.

12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong baston sa Egipto para dumating ang mga balang, at kainin ng mga ito ang mga naiwang pananim na hindi nasira nang umulan ng yelo.”

13 Kaya itinaas ni Moises ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng hangin mula sa silangan buong araw at gabi. Kinaumagahan, nagdala ang hangin ng napakaraming balang 14 at dumagsa ito sa buong Egipto. Hindi pa kailanman nagkaroon ng pagsalakay ng mga balang tulad nito sa buong Egipto at hindi na magkakaroon pang muli. 15 Dumagsa ang mga ito sa buong Egipto hanggang sa mangitim ang lupa. Kinain ang mga naiwang pananim na hindi nasira ng mga yelo, pati ang lahat ng bunga ng mga puno. Walang naiwang pananim sa buong Egipto.

16 Agad na ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Nagkasala ako sa Panginoon na inyong Dios at sa inyo. 17 Patawarin nʼyo akong muli, at manalangin kayo sa Panginoon inyong Dios na tanggalin niya sa akin ang nakakamatay na salot na ito.”

18 Umalis si Moises at nanalangin sa Panginoon. 19 Sumagot ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng malakas na hangin galing sa kanluran, at inilipad nito ang mga balang sa Dagat na Pula. At wala ni isang balang na naiwan sa Egipto. 20 Pero pinatigas pa rin ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.

Ang Salot na Kadiliman

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa langit para mabalot ng kadiliman ang buong Egipto.” 22 Kaya itinaas ni Moises ang kamay niya sa langit, at nagdilim sa buong Egipto sa loob ng tatlong araw. 23 Walang lumabas na mga Egipcio sa kani-kanilang bahay dahil hindi nila makita ang isaʼt isa. Pero may liwanag sa lugar na tinitirhan ng lahat ng mga Israelita.

24 Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Sige, sumamba na kayo sa Panginoon. Dalhin ninyo pati na ang inyong pamilya, pero iwan ninyo ang mga hayop.”

25 Pero sumagot si Moises, “Kailangan naming dalhin ang mga hayop namin para makapag-alay kami ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon naming Dios. 26 Dadalhin namin ang mga hayop namin; walang maiiwan kahit isa sa kanila. Sapagkat hindi namin alam kung anong hayop ang ihahandog namin sa Panginoon. Malalaman lang namin ito kapag naroon na kami.”

27 Pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya sila pinaalis. 28 Sinabi ng Faraon kay Moises, “Umalis ka sa harapan ko! Huwag ka na ulit magpapakita sa akin, dahil kung makikita pa kita, ipapapatay kita.”

29 Sumagot si Moises, “Kung iyan ang gusto mo, hindi na ako muling magpapakita sa iyo.”

Lucas 13

Kailangan ng Pagsisisi

13 May ilang tao roon na nagbalita kay Jesus tungkol sa mga taga-Galileang ipinapatay ni Pilato habang naghahandog sila sa templo. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang akala ba ninyo ay mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil sa nangyari sa kanila? Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo. Katulad din ng 18 taong nabagsakan ng tore ng Siloam at namatay. Ang akala ba ninyo ay higit silang makasalanan kaysa sa ibang mga taga-Jerusalem? Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo.”

Ang Punong Hindi Namumunga

Pagkatapos, ikinuwento ni Jesus ang talinghaga na ito: “May isang taong may tanim na puno ng igos[a] sa ubasan niya. Pinuntahan niya ito upang tingnan kung may bunga, pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng kanyang ubasan, ‘Tatlong taon na akong pabalik-balik dito para tingnan kung may bunga na ang igos na ito, pero wala pa akong nakikita kahit isa. Putulin mo na lang ang punong iyan. Nasasayang lang ang lupang kinatatayuan niyan!’ Pero sumagot ang tagapag-alaga, ‘Hayaan nʼyo na lang po muna ang puno sa taon na ito. Huhukayan ko po ang palibot nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling magbunga sa darating na taon. Ngunit kung hindi pa rin, putulin na natin.’ ”

Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Baluktot ang Katawan

10 Isang Araw ng Pamamahinga, nagtuturo si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 11 May isang babae roon na 18 taon nang may karamdaman dahil sa ginawa sa kanya ng masamang espiritu. Baluktot ang katawan niya at hindi ito maituwid. 12 Nang makita siya ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Babae, magaling ka na sa sakit mo.” 13 Pagkatapos, ipinatong niya ang mga kamay niya sa babae, at noon din ay naituwid ng babae ang kanyang katawan at nagpuri siya sa Dios. 14 Pero nagalit ang namumuno sa sambahan ng mga Judio dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw kayo para magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” 15 Sinagot siya ni Jesus, “Mga pakitang-tao! Hindi baʼt kinakalagan ninyo ang inyong mga baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? 16 Kung sa mga hayop nga ay naaawa kayo, bakit hindi sa babaeng ito na mula rin sa lahi ni Abraham? 18 taon na siyang ginapos ni Satanas, kaya nararapat lang na palayain siya kahit na Araw ng Pamamahinga.” 17 Napahiya ang mga kumakalaban kay Jesus sa sinabi niyang ito. Natuwa naman ang mga tao sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Jesus.

Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)

18 Nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo niya, “Ano kaya ang katulad ng paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 19 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[b] na itinanim ng isang tao sa kanyang taniman. Tumubo iyon at lumaki na parang punongkahoy ang taas, at pinamugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”

Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(B)

20 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano ko pa kaya maihahambing ang paghahari ng Dios? 21 Katulad ito ng pampaalsang inihalo ng isang babae sa malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”

Ang Makipot na Pintuan(C)

22 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon. 23 May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sumagot si Jesus, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’ Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 At sasabihin ninyo, ‘Nakasalo po ninyo kami sa pagkain at pag-inom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’ 27 Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’ 28 Iiyak kayo at magngangalit ang inyong ngipin[c] kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta na napabilang sa paghahari ng Dios, habang kayo naman ay itinaboy sa labas.[d] 29 Makikita rin ninyo ang mga hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako[e] ng mundo na kasalo sa handaan ng paghahari ng Dios. 30 May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”

Ang Pag-ibig ni Jesus sa mga Taga-Jerusalem(D)

31 Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Jesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.” 32 Sumagot si Jesus, “Sabihin ninyo sa asong-gubat[f] na iyon na patuloy akong magpapalayas ng masasamang espiritu at magpapagaling ng may sakit ngayon at hanggang bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko na ang gawain ko. 33 Basta kailangang ipagpatuloy ko ang aking paglalakbay ngayon, bukas at sa makalawa, dahil hindi dapat mamatay ang propeta sa labas ng Jerusalem.

34 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na isinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 35 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[g]

Job 28

Nagsalita si Job Tungkol sa Karunungan at Pang-unawa

28 “May mga minahan kung saan matatagpuan ang pilak at may mga lugar kung saan dinadalisay ang ginto. Ang bakal ay nakukuha mula sa lupa, at ang tanso ay tinutunaw mula sa mga bato. Gumagamit ng ilaw ang mga tao para madaig nila ang kadiliman sa kanilang paghuhukay sa kailaliman ng lupa. Humuhukay sila ng daanan sa minahan, sa dakong walang taong nakatira at dumadaan. Bumababa sila sa pamamagitan ng mga nakalaylay na lubid. Sa ibabaw ng lupa tumutubo ang mga tanim kung saan nagmumula ang pagkain, pero sa ilalim ay parang dinaanan ng apoy. Ang mga bato roon ay may mga safiro[a] at ang mga alikabok ay may ginto. Ang mga daan patungo roon ay hindi makita ng mga ibon, kahit ng ibong mandaragit. Hindi rin ito nadaanan ng mga mababangis na hayop o ng leon. Hinuhukay ng mga tao kahit na ang pinakamatigas na bato sa ilalim ng bundok. 10 Hinuhukay nila ang bundok para hanapin ang ibaʼt ibang uri ng mamahaling bato. 11 Hinahanap din nila ang mga ito sa mga ilog.

12 “Pero saan nga ba matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 13 Hindi alam ng tao kung saan ito matatagpuan. Hindi ito matatagpuan dito sa lupa. 14 Hindi rin ito matatagpuan sa ilalim ng dagat. 15 Hindi rin ito nabibili ng purong ginto o pilak. 16 Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto o ng alin mang mamahaling bato gaya ng onix o safiro. 17 Higit pa ito sa ginto o kristal. Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas. 18 Ang halaga nitoʼy higit pa sa koral, jasper, o rubi. 19 Hindi ito mapapantayan ng mamahaling batong topaz na mula sa Etiopia[b] at hindi rin mababayaran ng purong ginto.

20 “Kaya saan matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 21 Walang nilalang na makakakita nito kahit na ang mga ibon. 22 Kahit na ang lugar ng kapahamakan na siyang lugar ng mga patay, sabi-sabi lang ang kanilang nalaman tungkol dito. 23 Dios lang ang nakakaalam kung saan matatagpuan ang karunungan. 24 Sapagkat nakikita niya kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo at ang lahat ng nasa ilalim ng langit. 25 Noong pinalakas niya ang hangin, at sinukat kung gaano karaming ulan ang dapat bumuhos, 26 itinakda na niya kung saan ito papatak, at kung saan tatama ang kulog at kidlat. 27 Sa ganito niya ipinakita ang karunungan at kahalagahan ng mga ito. Nasubukan na niya ito at napatunayan. 28 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, ‘Ang pagkatakot sa Panginoon at ang paglayo sa kasamaan ay siyang karunungan at pagkaunawa.’ ”

1 Corinto 14

Ang Pagsasalita ng Ibang Wika na Hindi Natutunan

14 Sikapin ninyong makamtan ang pag-ibig, ngunit sikapin din ninyong makamtan ang mga kaloob na espiritwal, lalo na ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios. Ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay nakikipag-usap hindi sa tao kundi sa Dios, dahil wala namang nakakaunawa sa kanya. Nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Banal na Espiritu. Ngunit ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagsasalita sa mga tao upang silaʼy matulungan, mapalago at mapalakas ang loob. Ang nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay pinatitibay ang kanyang sarili, ngunit ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagpapatibay sa iglesya. Gusto ko sanang kayong lahat ay makapagsalita sa ibang wika na hindi natutunan, ngunit mas ninanais kong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios. Sapagkat ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay mas mahalaga kaysa sa nagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, maliban na lamang kung ipapaliwanag niya ang kahulugan ng kanyang sinasabi upang mapatibay ang iglesya. Ano ba ang mapapala ninyo, mga kapatid, kung pumunta ako riyan at magsalita ng ibang wika na hindi ninyo naiintindihan? Wala! Maliban na lang kung magbigay ako sa inyo ng pahayag mula sa Dios, o kaalaman, mensahe, o aral.

Kahit na ang mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, kung hindi malinaw ang mga notang tinutugtog, paano malalaman ng nakakarinig kung anong awit ang tinutugtog? At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta sa mga sundalo, sinong maghahanda para sa labanan? Ganito rin sa inyo. Paano makakaunawa ang isang mananampalataya sa sinasabi mo sa ibang wika kung hindi naman niya naiintindihan? Para ka na ring nakikipag-usap sa hangin. 10 Maraming wika sa buong mundo at ang bawat salita nito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko maintindihan ang sinasabi ng isang tao at hindi rin naman niya ako maintindihan, wala kaming mapapala sa isaʼt isa. 12 At dahil nga hinahangad naman ninyo ang mga kaloob ng Banal na Espiritu, pagsikapan ninyong matanggap ang mga kaloob na nagpapatibay sa iglesya.

13 Kaya nga, ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay manalangin na bigyan din siya ng kakayahang maipaliwanag ito. 14 Kung nananalangin ako sa ibang wika na hindi ko natutunan, nananalangin nga ang aking espiritu, ngunit hindi naman naiintindihan ng aking isipan. 15 Kung ganoon, ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako at aawit sa pamamagitan ng aking espiritu kahit hindi ko ito naiintindihan, at mananalangin din ako at aawit sa paraang naiintindihan ng aking isipan. 16 Kung magpapasalamat ka sa Dios sa pamamagitan ng iyong espiritu lamang, at hindi ito maintindihan, paanong makakasagot ng “Amen” ang iba kung hindi naman nila naiintindihan ang iyong sinasabi? 17 Kahit maayos ang pagpapasalamat mo sa Dios, kung hindi naman naiintindihan ng iba, hindi ka rin makakapagpatatag sa kanila.

18 Nagpapasalamat ako sa Dios na nakapagsasalita ako sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ng higit pa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng mga mananampalataya,[a] mas makakabuti pa ang magsalita ako ng limang kataga na naiintindihan upang maturuan ko sila, kaysa sa magsalita ako ng libu-libong kataga sa wikang wala namang nakakaintindi.

20 Mga kapatid, kung tungkol sa mga bagay na ito, huwag kayong mag-isip-bata. Kung sa masasamang bagay, maging tulad kayo ng mga batang walang malay sa kasamaan. Ngunit sa pang-unawa, mag-isip matanda kayo. 21 Sinasabi ng Panginoon sa Kasulatan,

    “Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibaʼt ibang wika at sa pamamagitan ng mga dayuhan,
ngunit hindi pa rin sila makikinig sa akin.”[b]

22 Kaya ang pagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ay isang tanda, hindi para sa mga mananampalataya, kundi para sa mga hindi mananampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios ay para sa mga mananampalataya, hindi sa mga di-mananampalataya.

23 Kung nagtitipon kayong mga mananampalataya at lahat kayoʼy nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi ninyo natutunan, at may dumating na mga di-mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, hindi ba nila aakalaing nasisiraan kayo ng bait? 24 Ngunit kung lahat kayoʼy nagpapahayag ng mensahe ng Dios at may dumating na hindi mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, makikilala niyang makasalanan siya, at malalaman niya ang tunay niyang kalagayan. 25 Maging ang mga lihim ng kanyang puso ay maihahayag, at dahil dito, siyaʼy magpapatirapa sa pagsisisi at sasamba sa Dios, at masasabi niyang ang Dios ay talagang nasa piling ninyo.

Ang Maayos na Pagsamba

26 Kaya mga kapatid, ito ang nararapat ninyong gawin sa inyong pagtitipon: ang ibaʼy aawit, ang ibaʼy magtuturo, ang ibaʼy magpapahayag ng mensahe ng Dios, at ang ibaʼy magsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at ang iba namaʼy magpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga sinasabi sa mga wikang iyon. At ang lahat ng inyong gagawin sa inyong pagtitipon ay gawin ninyo sa ikatitibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, kailangang dalawa lamang o tatlo, at huwag sabay-sabay, at dapat may magpapaliwanag sa kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, mas mabuti pang tumahimik na lamang sila sa loob ng iglesya at makipag-usap na lang sa Dios nang sarilinan. 29 Kung mayroon sa inyo ang pinagkalooban ng mensahe ng Dios, hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa kanila. Ang iba namaʼy dapat makinig at unawaing mabuti kung tama o mali ang kanilang sinasabi. 30 Ngayon, kung sa mga nakaupo ay may pinagkalooban ng mensahe ng Dios, dapat tumahimik na ang nagsasalita upang makapagsalita naman ang iba. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring makapagpahayag ng mensahe ng Dios nang isa-isa, upang matuto ang lahat at mapalakas ang kanilang pananampalataya. 32 Ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay dapat may pagpipigil sa sarili.[c] 33 Sapagkat ang Dios ay hindi nagdadala ng kaguluhan kundi kaayusan.

Tulad ng nakaugalian sa lahat ng iglesya ng mga pinabanal[d] ng Dios, 34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga pagtitipon nʼyo dahil hindi sila pinahihintulutang magsalita. Dapat silang magpasakop sa mga lalaki ayon sa sinasabi ng Kautusan. 35 Kung may tanong sila, tanungin na lang nila ang kanilang asawa pagdating sa kanilang bahay. Sapagkat nakakahiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.

36 Inaakala ba ninyong nagmula sa inyo ang salita ng Dios, o di kayaʼy kayo lang ang nakatanggap nito? 37 Kung mayroon sa inyong nag-aakala na may kakayahan siyang magpahayag ng mensahe ng Dios o sumasakanya ang Banal na Espiritu, dapat din niyang kilalanin na ang mga sinusulat ko sa inyoʼy utos mismo ng Panginoon. 38 At kung mayroon mang hindi kumikilala sa aking mga sinasabi ay huwag din ninyong kilalanin.

39 Kaya mga kapatid, pakahangarin ninyong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios, at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan. 40 Ngunit gawin ninyo ang lahat sa maayos at wastong paraan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®