M’Cheyne Bible Reading Plan
6 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Dahil sa kapangyarihan ko, papayagan niyang umalis kayo sa bayan niya. Itataboy pa nga niya kayo.”
2 Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Ako ang Panginoon. 3 Nagpakita ako kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Makapangyarihang Dios, pero hindi ko ipinakilala sa kanila ang pangalan kong Panginoon. 4 Gumawa ako ng kasunduan sa kanila, na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan kung saan sila nanirahan bilang mga dayuhan. 5 Narinig ko ang hinaing ng mga Israelita na inaalipin ng mga Egipcio at inalala ko ang kasunduan ko sa kanila.
6 “Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako ang Panginoon. Palalayain ko kayo sa pagkaalipin sa Egipto. Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, matinding parusa ang ibibigay ko sa mga Egipcio, at ililigtas ko kayo sa pagkaalipin. 7 Ituturing ko kayong mga mamamayan at akoʼy magiging Dios ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon na inyong Dios na nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto. 8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako kong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob. Ibibigay ko ito sa inyo bilang pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon.’ ”
9 Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita pero hindi sila naniwala sa kanya dahil nawalan na sila ng pag-asa sa sobrang pagpapahirap sa kanila bilang mga alipin.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 11 “Lumakad ka at sabihin sa Faraon na hari ng Egipto na payagan na niyang umalis ang mga Israelita sa bayan niya.”
12 Pero sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung ang mga Israelita nga poʼy hindi nakikinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Lalo naʼt hindi ako magaling magsalita!”
13 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na hari ng Egipto na inutusan ko kayong pangunahan ang mga Israelita para lumabas ng Egipto.”
Ang mga Ninuno nina Moises at Aaron
14 Ito ang mga ninuno ng mga sambahayan na nagmula sa lahi ng Israel:
Ang mga anak na lalaki ni Reuben, na panganay na anak ni Israel ay sina Hanoc, Palu, Hezron at Carmi. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Reuben.
15 Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar at Shaul. (Si Shaul ang anak ni Simeon sa isang Cananea.) Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Simeon.
16 Ang mga anak na lalaki ni Levi ayon sa kasaysayan ng lahi niya ay sina Gershon, Kohat at Merari. Nabuhay si Levi ng 137 taon.
17 Ang mga anak na lalaki ni Gershon ay sina Libni at Shimei.
18 Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat ng 133 taon.
19 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi. Ang mga angkan nila ay nagmula kay Levi ayon sa kasaysayan ng lahi niya.
20 Napangasawa ni Amram si Jochebed na kapatid ng kanyang ama. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Aaron at Moises. Nabuhay si Amram ng 137 taon.
21 Ang mga anak na lalaki ni Izar ay sina Kora, Nefeg at Zicri.
22 Ang mga anak na lalaki ni Uziel ay sina Mishael, Elzafan at Sitri.
23 Napangasawa ni Aaron si Elisheba na anak ni Aminadab at kapatid ni Nashon. Ang mga anak nilang lalaki ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
24 Ang mga anak na lalaki ni Kora ay sina Asir, Elkana at Abiasaf. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan nagmula kay Kora.
25 Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa ng isa sa mga anak ni Putiel. Ang kanilang anak na lalaki ay si Finehas.
Sila ang mga ninuno ng pamilyang nagmula kay Levi.
26 Ang Aaron at Moises na nabanggit sa listahang ito ay ang Aaron at Moises na inutusan ng Panginoon na manguna sa pagpapalaya ng bawat lahi ng Israel sa Egipto. 27 Sila ang nakipag-usap sa Faraon na hari ng Egipto na palayain ang mga Israelita sa Egipto.
Inutusan ng Panginoon si Aaron na Magsalita para kay Moises
28 Nang nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises sa Egipto, 29 sinabi niya kay Moises, “Ako ang Panginoon. Sabihin ninyo sa Faraon na hari ng Egipto ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
30 Pero sinabi ni Moises sa Panginoon, “Hindi po ako magaling magsalita, kaya hindi makikinig ang Faraon sa akin.”
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(A)
9 Isang araw tinipon ni Jesus ang 12 apostol at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng lahat ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga sakit. 2 Pagkatapos, sinugo niya sila upang mangaral tungkol sa paghahari ng Dios at magpagaling ng mga may sakit. 3 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, pagkain, pera o bihisan. 4 Kapag tinanggap kayo sa isang bahay, doon kayo makituloy hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. 5 At kung ayaw kayong tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa mga paa nʼyo bilang babala sa kanila.” 6 Pagkatapos noon, umalis ang mga apostol at pumunta sa mga nayon. Nangaral sila ng Magandang Balita at nagpagaling ng mga may sakit kahit saan.
Naguluhan si Haring Herodes(B)
7 Nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang mga ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil may mga nagsasabing muling nabuhay si Juan na tagapagbautismo. 8 May nagsasabi namang siya si Elias na nagpakita ngayon. At may nagsasabi pang isa siya sa mga propeta noong unang panahon na muling nabuhay. 9 Sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko ng ulo si Juan. Pero sino kaya itong nababalitaan ko? Marami akong kahanga-hangang bagay na narinig tungkol sa kanya.” Kaya pinagsikapan ni Herodes na makita si Jesus.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(C)
10 Pagbalik ng mga apostol, ikinuwento nila kay Jesus ang lahat ng ginawa nila. Pagkatapos, isinama sila ni Jesus sa bayan ng Betsaida; wala na siyang isinamang iba. 11 Pero nalaman pa rin ng mga tao kung saan sila pumunta at sinundan sila. Pagdating nila doon, tinanggap naman sila ni Jesus at nangaral siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling din niya ang mga may sakit.
12 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang 12 apostol at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa kanayunan at kabukiran na malapit para humanap ng matutuluyan at makakain, dahil nasa ilang na lugar po tayo.” 13 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “May limang tinapay lang po tayo at dalawang isda. Hindi ito kakasya, maliban na lang kung bibili kami ng pagkain para sa kanila.” 14 (May 5,000 lalaki ang naroon.) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Paupuin ninyo sila nang grupo-grupo na tig-50 bawat grupo.” 15 At pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya upang ipamigay sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(D)
18 Isang araw, nanalanging mag-isa si Jesus nang di-kalayuan sa mga tagasunod niya. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 19 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta noong unang panahon, na muling nabuhay.” 20 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(E)
21 Mahigpit na sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo. 22 Sinabi pa niya, “Ako na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay.”
23 Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw. 24 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 25 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala! 26 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang aking kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang paghahari ng Dios.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(F)
28 Mga walong araw matapos sabihin ni Jesus iyon, isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago sa isang bundok upang manalangin. 29 Habang nananalangin si Jesus, nagbago ang anyo ng kanyang mukha. At ang damit niya ay naging puting-puti at nakakasilaw tingnan. 30 Biglang lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias – at nakipag-usap sa kanya. 31 Nakakasilaw din ang kanilang anyo, at ang pinag-uusapan nila ni Jesus ay ang tungkol sa kanyang kamatayan na malapit nang maganap sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro. Pero nagising sila at nakita nila ang nagliliwanag na anyo ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang paalis na ang dalawang lalaki, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti poʼt narito kami.[b] Gagawa po kami ng tatlong kubol:[c] isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” (Ang totoo, hindi niya alam ang sinasabi niya.) 34 At habang nagsasalita pa si Pedro, tinakpan sila ng ulap at natakot sila. 35 May narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, na aking pinili. Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na lang si Jesus. Hindi muna nila sinabi kahit kanino ang mga nasaksihan nila nang mga panahong iyon.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(G)
37 Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Jesus ng napakaraming tao. 38 May isang lalaki roon sa karamihan na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang sumisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya lagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan. 40 Nakiusap ako sa mga tagasunod ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 41 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo!” 42 Nang papalapit na ang bata, itinumba siya at pinangisay ng masamang espiritu. Pero pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata, at ibinalik sa ama nito. 43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Dios.
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(H)
Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan ang sasabihin kong ito: Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin.” 45 Pero hindi nila naunawaan ang sinasabi niya, dahil inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong sa kanya tungkol sa bagay na ito.
Sino ang Pinakadakila?(I)
46 Minsan, nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya kumuha siya ng isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakamababa sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”
Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(J)
49 Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 50 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil ang hindi laban sa atin ay kakampi natin.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria
51 Nang malapit na ang araw para bumalik si Jesus sa langit, nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem. 52 Kaya pinauna niya ang ilang tao sa isang nayon ng mga Samaritano para humanap ng matutuluyan. 53 Pero ayaw siyang tanggapin ng mga taga-roon dahil alam nilang papunta siya sa Jerusalem. 54 Nang malaman iyon ng mga tagasunod ni Jesus na sina Santiago at Juan, sinabi nila kay Jesus, “Panginoon, gusto nʼyo po bang humingi kami ng apoy mula sa langit para sunugin sila?” 55 Pero lumingon si Jesus at pinagsabihan sila.[d] 56 At tumuloy na lang sila sa ibang nayon.
Ang mga Nagnais Sumunod kay Jesus(K)
57 Habang naglalakad sila, may isang lalaking nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” 58 Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.” 59 Sinabi ni Jesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Pero sumagot siya, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”[e] 60 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay. Pero ikaw, lumakad ka at ipangaral ang tungkol sa paghahari ng Dios.” 61 May isa ring nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, pero hayaan nʼyo muna po akong magpaalam sa pamilya ko.” 62 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang sinumang nag-aararo na palaging lumilingon ay hindi kapaki-pakinabang ang paglilingkod sa ilalim ng paghahari ng Dios.”
Sumagot si Job
23 Pagkatapos, sinabi ni Job, 2 “Hanggang ngayoʼy labis pa rin ang hinaing ko. Pinahihirapan pa rin ako ng Dios sa kabila ng labis kong pagdaing. 3 Kung alam ko lang kung saan ko siya hahanapin; kung makakapunta lang sana ako sa kinaroroonan niya, 4 sasabihin ko sa kanya ang aking kaso at ilalahad ang aking katuwiran. 5 Gusto kong malaman kung ano ang isasagot niya sa akin at gusto ko ring maintindihan ang sasabihin niya. 6 Makikipagtalo kaya siya sa akin gamit ang kapangyarihan niya? Hindi! Hindi niya iyon gagawin, kundi pakikinggan niya ako. 7 Ang taong matuwid na tulad ko ay maaaring mangatuwiran sa harap ng Dios na aking hukom, at palalayain niya ako nang lubusan.
8-9 “Hinanap ko ang Dios sa kung saan-saan – sa silangan, kanluran, hilaga, at timog, pero hindi ko siya matagpuan. 10 Ngunit alam niya ang ginagawa ko. Pagkatapos na masubukan niya ako, makikita niyang malinis ako tulad ng lantay na ginto. 11 Sinunod ko ang kanyang mga pamamaraan; hindi ko ito sinuway. 12 Sinusunod ko ang kanyang mga utos, at iniingatan ko ito sa aking puso. Pinahahalagahan ko ang mga salita niya ng higit pa sa pang-araw-araw na pagkain ko.
13 “Pero malaya ang Dios na gawin ang nais niyang gawin; walang sinumang makahahadlang sa kanya. 14 Kaya gagawin niya ang binabalak niyang gawin sa akin, at marami pa siyang planong gagawin sa akin. 15 Kaya natatakot ako sa kanya. At kapag iniisip ko ito, lalo akong natatakot. 16 Pinanghihina ako at tinatakot ng Makapangyarihang Dios. 17 Pero hindi ako tumigil sa pagdaing kahit na para akong nababalutan ng kadiliman.
Babala sa Pagsamba sa mga Dios-diosan
10 Mga kapatid, gusto kong malaman ninyo ang nangyari sa aming mga ninuno noon na kasama ni Moises. Ginabayan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang ulap na nanguna sa kanila, at tinulungan sila sa kanilang pagtawid sa Dagat na Pula. 2 Sa pamamagitan ng ulap at ng dagat ay parang binautismuhan sila bilang mga tagasunod ni Moises. 3 Kumain silang lahat ng pagkaing mula sa Dios. 4 At uminom din silang lahat ng inuming ibinigay niya, dahil uminom sila ng tubig na pinaagos ng Dios mula sa Bato. Ang Batong iyon na sumama sa kanila ay walang iba kundi si Cristo. 5 Ngunit sa kabila nito, karamihan sa kanila ay gumawa ng hindi kalugod-lugod sa Dios, at dahil dito, nangalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.
6 Ang mga nangyaring iyon sa kanila ay nagsisilbing aral sa atin para mabigyan tayo ng babala upang hindi tayo hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad ng ginawa nila. 7 Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan, tulad ng ginawa ng iba sa kanila. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Nagpista ang mga tao, nag-inuman at nagsayawan sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”[a] 8 Huwag kayong gumawa ng sekswal na imoralidad, tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya pinarusahan sila ng Dios, at 23,000 ang namatay sa kanila sa loob lang ng isang araw. 9 Huwag ninyong subukin ang Panginoon tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya namatay sila sa tuklaw ng mga ahas. 10 Huwag din kayong mareklamo tulad ng ilan sa kanila, kaya pinatay sila ng Anghel ng kamatayan.
11 Ang mga bagay na itoʼy nangyari bilang halimbawa sa atin, at isinulat upang magsilbing babala sa ating mga nabubuhay sa panahong nalalapit na ang katapusan ng lahat.
12 Kaya kung iniisip ninyo na matatag na kayo sa inyong pananampalataya, mag-ingat kayo at baka mahulog kayo sa kasalanan! 13 Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Dios na hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito.
14 Kaya mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan. 15 Sinasabi ko ito sa inyo bilang mga taong nakakaunawa, kaya pag-isipan ninyo ang sinasabi ko. 16 Sa tuwing nagtitipon tayo bilang pag-alaala sa kamatayan ni Cristo, may iniinom tayo na ating pinasasalamatan sa Dios at may tinapay din tayong hinahati-hati at kinakain. Hindi baʼt pakikibahagi ito sa dugo at katawan ni Cristo? 17 Kaya nga, iisang katawan lang tayo kahit maraming bahagi, dahil iisang tinapay lang ang ating pinagsasaluhan.
18 Tingnan ninyo ang mga Israelita. Ang mga kumakain ng mga handog ay mga kabahagi sa gawain sa altar. 19 Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga dios-diosan o ang pagkaing inihandog sa kanila? 20 Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa masasamang espiritu at hindi sa Dios. Ayaw kong maging kabahagi kayo ng masasamang espiritu. 21 Hindi tayo maaaring makiinom sa baso ng Panginoon at sa baso ng masasamang espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu. 22 Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?
23 Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong. 24 Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.
25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 26 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.”
27 Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 28 Ngunit kung sinabihan kayo na ang pagkain ay inihandog sa mga dios-diosan, huwag na kayong kumain, alang-alang sa nagsabi nito sa inyo, upang walang mabalisang konsensya. 29 Hindi ang inyong konsensya ang ibig kong tukuyin, kundi ang konsensya ng inyong kapwa.
Maaaring sabihin ng iba sa inyo, “Bakit ko hahadlangan ang gusto ko dahil lang sa konsensya ng iba? 30 Bakit ako susumbatan sa pagkain ko ng isang bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Dios?” 31 Ito ang maisasagot ko riyan: Anuman ang inyong gawin, kumain man o uminom, gawin ninyo ang lahat sa ikapupuri ng Dios. 32 Huwag kayong gagawa ng kahit anong makakatisod sa pananampalataya ng mga Judio o hindi Judio, o sa iglesya ng Dios. 33 Sundin ninyo ang aking ginagawa: Sinisikap ko na sa lahat ng aking ginagawa ay matutulungan ko ang lahat. Hindi ang sarili kong kapakanan ang aking iniisip kundi ang kapakanan ng iba upang maligtas sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®