Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 5

Nakipag-usap sina Moises at Aaron sa Hari ng Egipto

Pagkatapos, pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon[a] at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Payagan mong umalis ang mga mamamayan ko, para makapagdaos sila ng pista sa ilang para sa akin.’ ”

Sinabi ng Faraon, “Sino ba ang Panginoon para makinig ako sa kanya at payagang umalis ang mga Israelita? Hindi ko kilala ang Panginoon at hindi ko paaalisin ang mga Israelita.”

Sumagot sina Moises at Aaron, “Nagpakita sa amin ang Dios ng mga Israelita. Kaya kung maaari, payagan mo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa ilang para makapaghandog kami sa Panginoon naming Dios, dahil kung hindi, papatayin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”[b]

Pero sinabi ng hari ng Egipto, “Bakit ninyo patitigilin sa pagtatrabaho ang mga tao? Bumalik na kayo sa trabaho! Tingnan ninyo kung gaano kadami ang mga taong patitigilin ninyo sa pagtatrabaho.”

Nang araw na iyon, nag-utos ang Faraon sa mga Egipciong namamahala sa mga Israelita sa trabaho at sa mga kapatas na Israelita. Sinabi niya, “Hindi na kayo magbibigay sa mga trabahador ng mga dayaming gagamitin sa paggawa ng tisa, kundi sila na mismo ang maghahanap nito. Pero kailangang ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin nila. Mga tamad sila, iyan ang dahilan na nakikiusap silang paalisin ko sila para makapaghandog sa kanilang Dios. Pagtrabahuhin pa ninyo sila nang matindi para lalo silang maging abala at mawalan ng panahong makinig sa mga kasinungalingan.”

10 Kaya pinuntahan nila ang mga Israelita at sinabi, “Nag-utos ang Faraon na hindi na namin kayo bibigyan ng dayami. 11 Kayo na ang maghahanap nito kahit saan, pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.” 12 Kaya kumalat ang mga Israelita sa buong Egipto sa pangunguha ng dayami. 13 Pinagmamadali sila ng mga namamahala sa kanila at sinasabi, “Dapat ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo bawat araw, kagaya ng ginagawa ninyo noong binibigyan pa kayo ng dayami.” 14 Pagkatapos, hinagupit nila ang mga kapatas na Israelita at tinanong, “Bakit hindi ninyo nagawa kahapon at ngayon ang dating bilang ng mga tisang ipinapagawa sa inyo, kagaya ng ginagawa ninyo noon?”

15 Kaya pumunta ang mga kapatas sa Faraon at nagreklamo, “Bakit ganito ang trato nʼyo sa amin na inyong mga lingkod? 16 Hindi kami binibigyan ng dayami, pero pinipilit kaming gumawa ng ganoon pa rin kadaming tisa. Binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang mali!”

17 Sinabi ng Faraon, “Napakatatamad ninyo! Iyan ang dahilan kung bakit nakikiusap kayong paalisin ko kayo para makapaghandog kayo sa Panginoon. 18 Bumalik na kayo sa mga trabaho nʼyo! Hindi kayo bibigyan ng dayami pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.”

19 Dahil sa ipinilit ng Faraon na gawin nila ang dami ng tisang ipinapagawa sa kanila araw-araw. Napag-isip-isip ng mga kapatas na Israelita na mahihirapan sila. 20 Pagkagaling nila sa Faraon, nakita nila sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila. 21 Sinabi nila kina Moises at Aaron, “Parusahan sana kayo ng Panginoon. Dahil sa inyo nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Magiging dahilan nila ang ginawa ninyo para patayin kami.”

Ang Pangako ng Dios na Ililigtas ang mga Israelita

22 Bumalik si Moises sa Panginoon at nanalangin, “O Panginoon, bakit nʼyo po pinahihirapan ang inyong mga mamamayan? Bakit pa ninyo ako isinugo sa kanila? 23 Mula nang sinabi ko sa Faraon ang mensahe ninyo, lalo pa niyang pinagmalupitan ang inyong mga mamamayan, at hindi nʼyo man lang sila iniligtas.”

Lucas 8

Mga Babaeng Tumutulong kay Jesus

Pagkatapos, nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon ng Galilea. Nangaral siya ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Kasama niya ang 12 apostol at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit o pinalaya sa masasamang espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala[a] na pinalaya niya mula sa pitong masasamang espiritu, si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Jesus mula sa mga ari-arian nila.

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

Isang araw, nagdatingan ang maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan at lumapit kay Jesus. Ikinuwento niya sa kanila ang talinghaga na ito:

“May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, natapakan ito ng mga dumadaan at tinuka ng mga ibon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar. Tumubo ang mga ito, pero madaling nalanta dahil sa kawalan ng tubig. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Sabay na tumubo ang mga binhi at mga damo, pero sa bandang huli ay natakpan ng mga damo ang mga tumubong binhi. Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo ang mga ito at namunga nang napakarami.”[b] Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!”[c]

Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)

Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon. 10 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa ibaʼy ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, upang ‘tumingin man silaʼy hindi makakita, at makinig man silaʼy hindi makaunawa.’ ”[d]

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)

11 Isinalaysay ni Jesus kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon: “Ang binhi ay ang salita ng Dios. 12 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios, ngunit dumating ang diyablo at kinuha iyon sa mga puso nila upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap. Ngunit hindi taimtim sa puso nila ang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok ay agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya. 14 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit sa katagalan, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Kaya hindi sila lumago at hindi namunga. 15 Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios, at iniingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pinagsisikapang sundin hanggang sa silaʼy mamunga.”

Ang Aral Mula sa Ilaw(D)

16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 17 Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag.[e]

18 “Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, dahil ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang inaakala niyang nauunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(E)

19 Ngayon, pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya may nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.” 21 Sumagot si Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”

Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(F)

22 Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib. 24 Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro![f] Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. 25 Pagkatapos, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?” Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!”

Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(G)

26 Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sila sa lupain ng mga Geraseno[g] na katapat ng Galilea. 27 Pagkababa ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking taga-roon na sinasaniban ng masasamang espiritu. Matagal na itong walang suot na damit at ayaw tumira sa bahay kundi sa mga kwebang libingan. 28 Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harapan ni Jesus. At sinabi niya nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Sinabi niya ito dahil inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu sa kanya. Matagal na siyang sinasaniban nito. At kahit tinatalian siya ng kadena sa kamay at paa at binabantayan, nilalagot niya ang kadena, at pinapapunta siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan,” dahil maraming masamang espiritu ang pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na huwag silang papuntahin sa kailaliman at parusahan doon. 32 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan naman sila ni Jesus. 33 Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

34 Nang makita iyon ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila patungo sa bayan at sa mga karatig nayon at ipinamalita ang nangyari. 35 Kaya pumunta roon ang mga tao para tingnan ang nangyari. Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong sinaniban dati ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit at matino na ang pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung paano gumaling ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 37 Nakiusap ang lahat ng Geraseno[h] kay Jesus na umalis sa kanilang bayan dahil takot na takot sila. Kaya muling sumakay si Jesus sa bangka upang bumalik sa pinanggalingan niya. 38 Nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya, 39 “Umuwi ka na sa inyo at sabihin mo sa kanila ang ginawa sa iyo ng Dios.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.

Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(H)

40 Pagdating ni Jesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41 Dumating naman ang isang lalaking namumuno sa sambahan ng mga Judio, na ang pangalan ay Jairus. Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42 dahil naghihingalo ang kaisa-isa niyang anak na babae na 12 taong gulang.

Habang papunta si Jesus sa bahay ni Jairus, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo at hindi mapagaling ng kahit sino. [Naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot.] 44 Nang makalapit siya sa likuran ni Jesus, hinipo niya ang laylayan[i] ng damit ni Jesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo.” 46 Pero sinabi ni Jesus, “May humipo sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” 47 Nang malaman ng babae na hindi pala lihim kay Jesus ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Jesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[j] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”

49 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairus. Sinabi niya kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 50 Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli.” 51 Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at ang mga magulang ng bata. 52 Nag-iiyakan ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” 53 Pinagtawanan nila si Jesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Nene, bumangon ka.” 55 At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Jesus na pakainin ang bata. 56 Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Pero pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Job 22

Nagsalita si Elifaz

22 Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,

“May maitutulong ba ang tao sa Dios, o kahit ang taong marunong? Matutuwa kaya ang Makapangyarihang Dios kung matuwid ka? May mapapala ba siya sa iyo kung walang kapintasan ang buhay mo? Sinasaway ka at hinahatulan ng Dios hindi dahil may takot ka sa kanya, kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan. Walang awa mong kinukuha ang damit ng iyong kapwa bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo. Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw at hindi mo rin binibigyan ng pagkain ang nagugutom. Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa. Kapag humihingi sa iyo ng tulong ang mga biyuda, pinauuwi mo silang walang dala. Pinagmamalupitan mo pa pati ang mga ulila. 10 Iyan ang mga dahilan kung bakit napapalibutan ka ng patibong at dumarating sa iyo ang biglang pagkatakot. 11 Iyan din ang mga dahilan kung bakit nadiliman ka at hindi nakakita, at inaapawan pa ng baha.

12 “Ang Dios ay nasa kataas-taasang langit, mas mataas pa sa pinakamataas na bituin. 13 Kaya sinasabi mo, ‘Hindi alam ng Dios ang ginagawa ko. Paano siya makakahatol kung napapalibutan siya ng makapal na ulap? 14 Napapalibutan nga siya ng makapal na ulap, kaya hindi niya tayo makikita habang naglalakad siya sa itaas ng langit.’

15 “Patuloy ka bang susunod sa pag-uugaling matagal ng sinusunod ng taong masasama? 16 Namatay sila nang wala pa sa panahon; katulad sila ng pundasyon ng bahay na tinangay ng baha. 17 Sinabi nila sa Makapangyarihang Dios, ‘Hayaan mo na lamang kami! Ano bang magagawa mo para sa amin?’ 18 Pero ang Dios ang pumuno ng mabubuting bagay sa bahay nila. Kaya anuman ang ipapayo nitong mga taong masama ay hindi ko tatanggapin.

19 “Kapag nakita ng mga taong matuwid at walang kasalanan ang kapahamakan ng mga taong masama, matutuwa sila at magdiriwang. 20 Sasabihin nila, ‘Napahamak na ang mga kaaway natin, at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’

21 Job, magpasakop ka sa Dios at makipagkasundo ka sa kanya upang pagpalain ka niya. 22 Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo at ingatan mo sa iyong puso ang kanyang mga salita. 23 Kung manunumbalik ka sa Dios na Makapangyarihan, at aalisin ang kasamaan sa sambahayan mo, pagpapalain ka niyang muli. 24 Huwag mong pahalagahan ang iyong kayamanan; ituring mo ito na parang buhangin o batong nasa ilog. 25 At ang Dios na Makapangyarihan ang ituring mong ginto at mamahaling pilak. 26 At saka mo matatagpuan ang kaligayahang nagmumula sa Makapangyarihang Dios, at hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya. 27 Manalangin ka sa kanya at didinggin ka niya. Tuparin mo ang iyong mga pangako sa kanya. 28 Anuman ang binabalak mong gawin ay mangyayari at magiging maliwanag ang iyong daan. 29 Kung may taong nanghihina, at kung idadalangin mo sa Dios na palakasin siya, tutulungan niya ang taong iyon. 30 Pati ang mga taong nagkasala ay ililigtas niya sa pamamagitan ng buhay mong matuwid.”

1 Corinto 9

Mga Karapatan at Responsibilidad ng Isang Apostol

Hindi baʼt malaya ako? Hindi baʼt isa akong apostol? Hindi baʼt nagpakita mismo sa akin ang ating Panginoong Jesus? Hindi baʼt dahil sa akin kaya kayo naging mga mananampalataya? Kahit hindi man ako kilalanin ng iba bilang apostol, alam kong kikilalanin ninyo ako dahil kayo mismo ang katunayan ng aking pagiging apostol, at dahil sa akin kaya ngayon kayo ay nasa Panginoon. At ito nga ang isinasagot ko sa mga taong hindi kumikilala sa akin bilang apostol.

Bilang apostol, wala ba kaming karapatang tumanggap ng pagkain at inumin mula sa mga napangaralan namin? Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang mananampalataya sa aming mga paglalakbay, tulad ng ginagawa ng mga kapatid sa Panginoon, ni Pedro, at ng iba pang mga apostol? Kami lang ba ni Bernabe ang kinakailangang magtrabaho para sa aming ikabubuhay? Mayroon bang sundalo na siya pa ang gumagastos para sa kanyang paglilingkod? Mayroon bang nagtatanim na hindi nakikinabang sa mga bunga nito? At mayroon bang nag-aalaga ng kambing na hindi nakikinabang sa gatas nito?

Ang sinasabi kong ito ay hindi lamang opinyon ng tao, kundi itinuturo mismo ng Kautusan. Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik.”[a] Ang mga baka lamang ba ang tinutukoy dito ng Dios? 10 Hindi. Maging tayo ay tinutukoy niya, kaya ito isinulat. Sapagkat ang nag-aararo at ang gumigiik ay umaasang makakabahagi sa aanihin. 11 Nagtanim kami sa inyo ng mga espiritwal na pagpapapala. Malaking bagay ba kung umani naman kami ng mga materyal na pagpapala sa inyo? 12 Kung ang ibang mga mangangaral ay may karapatang tumanggap mula sa inyo, hindi baʼt lalo na kami? Ngunit kahit may karapatan kami ay hindi kami humingi sa inyo. Tiniis namin ang lahat upang sa ganoon ay walang maging hadlang sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi nʼyo ba alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa altar ay tumatanggap din ng parte sa mga bagay na inialay sa altar? 14 Sa ganito rin namang paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Magandang Balita ay dapat tumulong sa mga pangangailangan ng mga nangangaral ng Magandang Balita para mabuhay sila.

15 Ngunit hindi ko ginamit ang karapatan kong iyan. At hindi ako sumusulat sa inyo upang magbigay kayo sa akin ng tulong. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sa maalis ang karapatan kong ipagmalaki ito.[b] 16 Hindi ko ipinagmamalaki ang pangangaral ko ng Magandang Balita, dahil tungkulin ko ito. Nakakaawa ako kung hindi ko ipapangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, may maaasahan akong gantimpala. Ngunit ang totoo, ginagawa ko lamang ang aking tungkulin dahil ito ang gawaing ipinagkatiwala ng Dios sa akin. 18 Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang itinuturing kong gantimpala ay ang kaligayahan na akoʼy hindi nagpapabayad sa aking pangangaral ng Magandang Balita, kahit may karapatan akong tumanggap ng bayad sa pangangaral ko nito.

19 Kahit hindi ako isang alipin, nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami na sasampalataya kay Cristo. 20 Sa piling ng mga kapwa ko Judio, namumuhay ako bilang Judio upang mahikayat ko silang sumampalataya kay Cristo. Kaya kahit wala man ako sa ilalim ng Kautusan ng mga Judio, sinusunod ko ito upang madala ko sila sa pananampalataya. 21 Sa piling naman ng mga hindi Judio, namumuhay ako na parang wala sa ilalim ng Kautusan upang madala sila sa pananampalataya. Hindi nangangahulugan na hindi ko na sinusunod ang mga utos ng Dios, dahil ang totoo, sinusunod ko ang mga utos ni Cristo. 22 Sa mahihina pa ang pananampalataya, nakikibagay ako upang mapatatag ko sila kay Cristo. Nakikibagay ako sa lahat ng tao, upang sa kahit anong paraan ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito sa ikalalaganap ng Magandang Balita, upang makabahagi rin ako sa mga pagpapala nito.

24 Sa ating pagsunod sa Dios ay para tayong mananakbo. Alam ninyo na sa isang takbuhan, marami ang sumasali ngunit isa lang ang nananalo. Kaya pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang makamit ninyo ang gantimpala. 25 Ang bawat manlalaro ay nagsasanay nang mabuti at dinidisiplina ang sarili upang makamit ang gantimpala. Ginagawa niya ito para sa gantimpalang hindi nagtatagal. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay magtatagal magpakailanman. 26 Kaya nga, may layunin at direksyon ang aking pagtakbo. Kung baga sa isang boksingero, hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Dinidisiplina ko ang aking katawan at sinusupil ko ang masasamang pagnanasa nito, dahil baka pagkatapos kong ipangaral ang Magandang Balita sa iba ay ako pa ang hindi makatanggap ng gantimpala mula sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®