Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 4

Ang mga Himalang Nagpapakita ng Kapangyarihan ng Dios

Nagtanong si Moises, “Paano po kung hindi maniwala sa akin ang mga Israelita o makinig sa sasabihin ko? Baka sabihin nila na hindi kayo nagpakita sa akin.”

Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang hawak mo?”

Sumagot si Moises, “Baston[a] po.”

Sinabi ng Panginoon, “Ihagis mo sa lupa.”

Kaya inihagis ni Moises ang baston at naging ahas ito. Natakot si Moises, kaya napatakbo siya. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hulihin mo ito sa buntot.” Kaya hinuli ito ni Moises at muling naging baston. Sinabi ng Panginoon, “Gawin mo ang himalang ito para maniwala sila na ako ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nilang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa iyo.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Ilagay mo ang kamay mo sa loob ng damit mo.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ang kanyang kamay, namuti ito dahil tinubuan ng isang malubhang sakit sa balat.[b]

Sinabi ng Panginoon, “Muli mong ilagay ang kamay mo sa loob ng iyong damit.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ito, maayos na muli ito katulad ng ibang bahagi ng kanyang katawan.

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Kung hindi sila maniwala sa unang himala, sa ikalawaʼy maniniwala na sila. Pero kung hindi pa rin sila maniwala sa iyo pagkatapos ng dalawang himala, kumuha ka ng tubig sa Ilog ng Nilo at ibuhos mo ito sa tuyong lupa, at magiging dugo ito.”

10 Sinabi ni Moises, “Panginoon, hindi po ako magaling magsalita. Mula pa man noon, hirap na ako sa pagsasalita, kahit na ngayong nakikipag-usap kayo sa akin. Pautal-utal ako kapag nagsasalita.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino ba ang gumawa ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi? Sino ba ang nagdedesisyon na makakita o mabulag siya? Hindi ba ako, ang Panginoon? 12 Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang mga sasabihin mo.”

13 Pero sinabi ni Moises, “O Panginoon, kung maaari po magpadala na lang kayo ng iba.”

14 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Moises. Kaya sinabi niya, “O sige, si Aaron na lang na kapatid mo, na isang Levita ang siyang magsasalita para sa iyo. Alam kong mahusay siyang magsalita. Papunta na siya rito para makipagkita sa iyo. Matutuwa siyang makita ka. 15 Kausapin mo siya at turuan kung ano ang kanyang sasabihin. Tutulungan ko kayong dalawa sa pagsasalita, at tuturuan ko rin kayo kung ano ang gagawin ninyo. 16 Si Aaron ang magsasalita sa mga tao para sa iyo. Turuan mo siya ng mga sasabihin niya na parang ikaw ang Dios. 17 Dalhin mo ang baston mo para sa pamamagitan nito ay makagawa ka ng mga himala.”

Bumalik si Moises sa Egipto

18 Bumalik si Moises sa biyenan niyang si Jetro at sinabi sa kanya, “Payagan po ninyo akong bumalik sa mga kababayan ko sa Egipto para tingnan kung buhay pa sila.”

Sinabi ni Jetro, “Sige, maging maayos sana ang paglalakbay mo.”

19 Bago umalis si Moises sa Midian, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka na sa Egipto. Patay na ang mga gustong pumatay sa iyo.” 20 Kaya kinuha ni Moises ang asawa niya at mga anak na lalaki, at pinasakay sa asno at bumalik sa Egipto. Dinala rin niya ang baston na ipinapadala sa kanya ng Panginoon.

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang lahat ng himalang ipinapagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin iyan. Pero patitigasin ko ang puso ng hari para hindi niya payagang umalis ang mga Israelita. 22 Pagkatapos, sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ng Panginoon na: Itinuturing ko ang Israel na panganay kong anak na lalaki, 23 kaya iniuutos ko sa iyo na payagan mo silang umalis para makasamba sa akin, pero hindi ka pumayag. Kaya papatayin ko ang panganay mong na anak na lalaki!’ ”

24 Nang naglalakbay na sina Moises at ang kanyang pamilya, nagpahinga sila sa isang bahay-pahingahan. Pinuntahan ng Panginoon si Moises at pinagtangkaang patayin. 25-26 Pero kumuha si Zipora ng matalim na bato at tinuli ang kanyang anak, at ang nakuha niyang balat ay idinikit niya sa paa ni Moises. At sinabi ni Zipora, “Ikaw ang duguang asawa ko.” (Ang ibig sabihin ni Zipora ay may kaugnayan sa pagtutuli.) Kaya hindi pinatay ng Panginoon si Moises.

27 Samantala, sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Lumakad ka at salubungin si Moises sa disyerto.” Kaya sinalubong niya si Moises sa Bundok ng Dios at hinagkan bilang pagbati. 28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin niya, at ang lahat ng himalang iniutos ng Panginoon na gawin niya.

29 Kaya lumakad ang dalawa, at tinipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel. 30 Sinabi sa kanila ni Aaron ang lahat ng sinabi ng Panginoon kay Moises. At ginawa ni Moises ang mga himala sa harap ng mga tao, 31 at naniwala sila. Nang malaman nilang nagmamalasakit ang Panginoon sa kanila at nakikita niya ang mga paghihirap nila, lumuhod sila at sumamba sa Panginoon.

Lucas 7

Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Kapitan(A)

Pagkatapos ipangaral ni Jesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may aliping malubha ang sakit at naghihingalo. Mahal niya ang aliping ito. Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, sinugo niya ang ilang mga pinuno ng mga Judio para pakiusapan si Jesus na pumunta sa bahay niya at pagalingin ang kanyang alipin. Pagdating nila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Kung maaari po sanaʼy tulungan nʼyo ang kapitan, dahil mabuti siyang tao. Mahal niya tayong mga Judio at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sambahan.”

Kaya sumama sa kanila si Jesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, sinugo ng kapitan ang ilang mga kaibigan niya para salubungin si Jesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abalang pumunta sa bahay ko, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Kaya nga hindi na rin ako naglakas-loob na lumapit dahil hindi ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sabihin nʼyo na lang po at gagaling na ang utusan ko. Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kahit ano pa ang iutos ko sa aking alipin ay sinusunod niya.” Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya sa kapitan at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya.” 10 Nang bumalik sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang alipin.

Binuhay ni Jesus ang Patay na Binata

11 Pagkatapos, pumunta si Jesus sa bayan ng Nain. Sumama sa kanya ang mga tagasunod niya at ang maraming tao. 12 Nang malapit na sila sa pintuan ng bayan ng Nain, nakasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak ng isang biyuda. Marami ang nakikipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon sa biyuda nang makita niya ito. Sinabi niya sa biyuda, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan ni Jesus at hinawakan ang kinalalagyan ng patay upang tumigil ang mga nagdadala nito. Sinabi ni Jesus, “Binata, bumangon ka!” 15 Umupo ang patay at nagsalita. At ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. 16 Kinilabutan ang mga tao at nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Inalala tayo ng Dios. Isinugo niya sa atin ang isang dakilang propeta.” 17 At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Jesus.

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo(B)

18 Ang lahat ng pangyayaring iyon ay ibinalita kay Juan ng mga tagasunod niya. 19 Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga tagasunod niya at pinapunta sa Panginoon upang tanungin, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 20 Pagdating nila kay Jesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na tagapagbautismo upang itanong sa inyo kung kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 21 Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Jesus na mga may sakit, at pinalayas niya ang masasamang espiritu sa mga tao. Pinagaling din niya ang mga bulag. 22 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang nakita at narinig ninyo: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 23 Mapalad ang taong hindi nagdududa[a] sa akin.”

24 Nang makaalis na ang mga taong inutusan ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin? 25 Pumunta ba kayo roon upang makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit at namumuhay sa karangyaan ay sa palasyo ninyo makikita. 26 Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. 27 Siya ang binabanggit ng Dios sa Kasulatan, ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’[b] 28 Sinasabi ko sa inyo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit mas dakila pa sa kanya ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Dios.”

29 Nang marinig ng mga tao, pati ng mga maniningil ng buwis, ang pangangaral ni Jesus, sumang-ayon sila na matuwid ang layunin ng Dios, dahil nagpabautismo pa nga sila kay Juan. 30 Pero ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Dios para sa buhay nila, dahil hindi sila nagpabautismo kay Juan.

31 Sinabi pa ni Jesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? 32 Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sinasabi sa kanilang kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay pero hindi kayo umiyak!’ 33 Katulad nila kayo, dahil pagdating dito ni Juan na nakita ninyong nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, sinabi ninyo, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 34 At nang dumating naman ako na Anak ng Tao, nakita ninyong kumakain ako at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ 35 Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon sa ipinapagawa ng Dios sa amin.”[c]

Binuhusan ng Pabango si Jesus

36 Inanyayahan si Jesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta naman si Jesus at kumain doon. 37 Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa bandang paanan. Doon ay umiyak ang babae at tumulo ang luha niya sa paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango.

39 Nang makita iyon ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam sana niyang masama ang babaeng ito na humihipo sa kanya.” 40 Pero alam ni Jesus ang nasa isip niya, kaya sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot si Simon, “Ano po iyon, Guro?” 41 Sinabi ni Jesus, “May isang lalaking inutangan ng dalawang tao. Ang isaʼy umutang sa kanya ng 500, at ang isa namaʼy 50. 42 Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang lalong magmamahal sa nagpautang?” 43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. 44 Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Tingnan mo ang babaeng ito. Nang pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na ipanghuhugas sa paa ko. Pero ang babaeng itoʼy sariling luha ang ipinanghugas sa paa ko at ang buhok pa niya ang ipinunas dito. 45 Hindi mo ako hinalikan bilang pagtanggap, pero siyaʼy walang tigil sa paghalik sa mga paa ko mula nang dumating ako. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. 47 Kaya sinasabi ko sa iyo na ang malaking pagmamahal na ipinakita niya sa akin ay nagpapatunay na pinatawad na ang marami niyang kasalanan. Pero ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad ay kaunti rin ang ipinapakitang pagmamahal.” 48 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa babae, “Pinatawad na ang mga kasalanan mo.” 49 Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino kaya ito na pati kasalanan ay pinapatawad?” 50 Sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”

Job 21

Nagsalita si Job

21 Sumagot si Job, “Pakinggan ninyo akong mabuti upang mapasaya rin ninyo ako. Makinig kayo habang nagsasalita ako at kapag akoʼy tapos na, tuyain ninyo ako kung gusto ninyo.

“Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao kundi sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasensya ko. Tingnan ninyo ako. Sa nakita ninyo sa akin makakapagsalita pa ba kayo? Kung iisipin ko ang mga nangyayari sa akin, manginginig ako sa takot.

“Bakit patuloy na nabubuhay ang mga masama? Tumatanda sila at nagiging maunlad. Nakikita nila ang paglaki ng kanilang mga anak at apo. Namumuhay sila sa kanilang tahanan na ligtas sa panganib at walang kinatatakutan. Hindi sila pinaparusahan ng Dios. 10 Walang tigil ang panganganak ng kanilang mga baka at hindi ito nakukunan. 11 Marami silang anak, parang kawan ng tupa sa dami.[a] Nagsasayawan sila, 12 nag-aawitan, at nagkakatuwaan sa tugtog ng tamburin, alpa at plauta. 13 Namumuhay sila sa kasaganaan at payapang namamatay. 14 Pero sinasabi nila sa Dios, ‘Pabayaan mo kami! Ayaw naming malaman ang iyong mga pamamaraan. 15 Sino kang Makapangyarihan na dapat naming paglingkuran? At ano ba ang mapapala namin kung mananalangin kami sa iyo?’ 16 Pero ang totoo, ang pag-unlad nilaʼy hindi galing sa sarili nilang pagsisikap. Kaya anuman ang ipapayo ng masasamang taong ito ay hindi ko tatanggapin.

17 “Pero madalang ang taong masasama na namamatay. Bihirang dumating sa kanila ang kahirapan o parusang ipinapadala ng Dios dahil sa kanyang galit. 18 Bihira nilang maranasan ang mapalayas tulad ng ipa na tinatangay ng malakas na hangin. 19 Sinasabi ninyo na kapag hindi sila parurusahan ng Dios ang mga anak nila ang parurusahan. Pero sa ganang akin, ang nagkasala ang siyang dapat parusahan ng Dios para maranasan nila 20 at makita ang kanilang kapahamakan. Matikman sana nila ang galit ng Makapangyarihang Dios. 21 Kapag patay na sila, hindi na nila malalaman ang mga nangyayari sa kanilang sambahayan.

22 “Matuturuan ba ng tao ang Dios, na siya ngang pinakamataas na hukom? 23 May mga taong namamatay sa gitna ng kasaganaan at panatag na kalagayan, 24 at malusog na pangangatawan. 25 May mga tao ring namamatay sa kahirapan, at hindi nakaranas ng kahit kaunting kaginhawahan sa buhay. 26 Pero pareho rin silang ililibing sa lupa at kakainin ng mga uod.

27 “Alam ko kung ano ang nasa isip ninyo. Alam ko kung ano ang binabalak ninyo laban sa akin. 28 Sasabihin ninyo sa akin ang tungkol sa mga taong mayaman na nawasak ang tahanan dahil sa kanilang kasamaan. 29 Pero tanungin mo ang mga dumadaan at pakinggan ang sinasabi nila. Sapagkat sasabihin nila sa inyo na 30 palaging naliligtas ang masasamang tao sa araw ng pagpaparusa ng Dios. 31 Walang hayagang sumasaway sa taong masama. Walang gumaganti sa masama niyang ginawa. 32-33 At kapag namatay siya at inihatid sa kanyang huling hantungan, marami ang nakikipaglibing. Tinatanggap ng lupa ang katawan niya at binibigyan ng kapahingahan. Binabantayan pa ang kanyang libingan.

34 “Kaya paano ninyo ako maaaliw sa pamamagitan ng mga salita ninyong walang kabuluhan? Ang mga sinasabi ninyoʼy walang katotohanan!”

1 Corinto 8

Tungkol sa mga Pagkain na Inialay sa mga Dios-diosan.

Ngayon, tungkol naman sa mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, kung maaari ba natin itong kainin o hindi: Kahit marami na ang ating nalalaman, dapat nating tandaan na kung minsan ang kaalaman ay nagpapayabang sa tao. Mas mahalaga ang pagmamahalan, dahil itoʼy nakapagpapatatag sa atin. Ang taong nag-aakala na marami na siyang alam ay kulang pa rin talaga sa kaalaman. Ngunit ang taong nagmamahal sa Dios ay siyang kinikilala ng Dios na kanya.

Kaya kung tungkol sa mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, alam natin na ang mga dios-diosang itoʼy hindi totoong Dios, dahil iisa lamang ang Dios. At kahit na sinasabi ng iba na may mga dios sa langit at sa lupa, at marami ang mga tinatawag na “mga dios” at mga “panginoon,” para sa atin iisa lamang ang Dios, ang ating Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kanya. At may iisang Panginoon lamang, si Jesu-Cristo. Sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya ay nabubuhay tayo ngayon.

Ngunit may mga mananampalataya na hindi pa alam ang katotohanang ito. Ang iba sa kanilaʼy sumasamba noon sa mga dios-diosan, kaya hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, naiisip nila na parang kasama na sila sa pagsamba sa mga dios-diosan. At dahil sa kakaunti pa lang ang kaalaman nila, nagkakasala sila sa kanilang konsensya. Kung sabagay, ang pagkain ay walang kinalaman sa ating kaugnayan sa Dios. Walang mawawala sa ating kaugnayan sa Dios kung hindi tayo kakain, at wala rin naman tayong mapapala kung kumain man tayo.

Ngunit kahit na malaya kayong kumain ng kahit ano, mag-ingat kayo dahil baka iyan ang maging dahilan ng pagkakasala ng mga taong mahihina pa sa kanilang pananampalataya. 10 Halimbawa, may kapatid kang hindi pa nakakaunawa sa katotohanang ito, at ikaw na nakakaunawa ay nakita niyang kumakain sa templo ng mga dios-diosan, hindi baʼt mahihikayat din siyang kumain ng mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan kahit na para sa kanya ay isa itong kasalanan? 11 Dahil sa iyong “kaalaman,” napapahamak ang iyong kapatid na mahina pa sa pananampalataya, na kung tutuusin ay namatay din si Cristo para sa kanya. 12 At sa ganitong paraan ay nagkasala ka na rin kay Cristo, dahil nagkasala ka sa iyong kapatid na mahina pa ang pananampalataya sa pag-udyok mo sa kanya na gumawa ng bagay na labag sa kanyang kalooban. 13 Kaya kung ang kinakain ko ay nagiging dahilan ng pagkakasala ng aking kapatid, hindi na lang ako kakain nito[a] kailanman, para hindi magkasala ang aking kapatid.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®