M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kapanganakan ni Moises
2 May isang tao mula sa lahi ni Levi na nakapag-asawa ng isang babae na galing din sa lahi ni Levi. 2 Hindi nagtagal, nagbuntis ang babae at nanganak ng isang lalaki. Nang makita niyang malusog ang sanggol, itinago niya ito sa loob ng tatlong buwan. 3 Pero nang hindi na niya maitago ang sanggol, kumuha siya ng basket na gawa sa halaman na papyrus at pinahiran ng alkitran. Pagkatapos, inilagay niya ang sanggol sa basket at pinalutang sa tubig sa tabi ng matataas na damo sa pampang ng Ilog ng Nilo. 4 Nakatayo naman sa di-kalayuan ang kapatid na babae ng sanggol para tingnan kung ano ang mangyayari rito.
5 Ngayon, lumusong ang anak na babae ng Faraon sa Ilog ng Nilo para maligo. Habang naliligo ang prinsesa,[a] ang mga utusang babae naman niya ay naglalakad-lakad sa pampang. Nakita ng prinsesa ang basket sa matataas na damo kaya ipinakuha niya ito sa isa sa kanyang mga utusan. 6 Binuksan niya ang basket at nakita ang umiiyak na sanggol, kaya naawa siya rito. Sinabi niya, “Isa ito sa mga sanggol ng mga Hebreo.”
7 Pagkatapos, lumapit ang kapatid na babae ng sanggol sa prinsesa[b] at nagtanong, “Gusto nʼyo po bang ikuha ko kayo ng isang babaeng Hebreo na magpapasuso at mag-aalaga sa sanggol para sa inyo?”
8 Sumagot ang prinsesa, “Sige.” Kaya umalis ang kapatid ng sanggol at pinuntahan ang kanilang ina at dinala sa prinsesa. 9 Sinabi ng prinsesa sa ina ng bata, “Dalhin mo ang sanggol na ito at pasusuhin para sa akin. Alagaan mo siya at babayaran kita.” Kaya kinuha niya ang sanggol at inalagaan.
10 Nang lumaki na ang sanggol, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa at itinuring siya ng prinsesa bilang tunay niyang anak. Pinangalanan ng prinsesa ang bata na Moises,[c] dahil sinabi niya, “Kinuha ko siya sa tubig.”
Tumakas si Moises Papuntang Midian
11 Isang araw, nang binata na si Moises, pumunta siya sa mga kadugo niya at nakita niya kung paano sila pinapahirapan. Nakita niya ang isang Egipcio na hinahagupit ang isang Hebreo na kadugo niya. 12 Luminga-linga si Moises sa paligid kung may nakatingin. At nang wala siyang nakita, pinatay niya ang Egipcio at ibinaon ang bangkay sa buhangin.
13 Kinabukasan, bumalik siya at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo hinahagupit ang kapwa mo Hebreo?”
14 Sumagot ang lalaki, “Sino ang naglagay sa iyo para maging pinuno at hukom namin? Papatayin mo rin ba ako katulad ng ginawa mo sa Egipcio kahapon?” Natakot si Moises at sinabi sa kanyang sarili, “May nakakaalam pala ng ginawa ko.”
15 Nang malaman ng Faraon ang ginawa ni Moises, tinangka niya itong patayin, pero tumakas si Moises papuntang Midian para roon manirahan. Pagdating niya sa Midian, naupo siya sa gilid ng balon. 16 Ngayon, dumating naman ang pitong anak na babae ng pari ng Midian para umigib at painumoin ang mga alagang hayop ng kanilang ama. 17 May dumating doon na mga pastol at pinapaalis nila ang mga babae at ang kanilang mga hayop, pero tinulungan ni Moises ang mga babaeng anak ng pari at pinainom pa niya ang mga alaga nilang hayop.
18 Pag-uwi ng mga babae sa ama nilang si Reuel,[d] tinanong niya sila, “Bakit parang napaaga ang pag-uwi nʼyo?”
19 Sumagot sila, “May isang Egipcio po na tumulong sa amin laban sa mga pastol. Ipinag-igib niya kami ng tubig at pinainom ang aming mga hayop.”
20 Nagtanong ang kanilang ama, “Nasaan na siya? Bakit ninyo siya iniwan? Tawagin ninyo siya at anyayahang kumain.”
21 Tinanggap ni Moises ang paanyaya, at pumayag siyang doon na tumira sa bahay ni Reuel. Nang magtagal, ipinakasal ni Reuel ang anak niyang si Zipora kay Moises 22 Nagbuntis si Zipora at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan ito ni Moises na Gershom,[e] dahil sinabi niya, “Dayuhan ako sa lupaing ito.”
23 Pagkalipas ng maraming taon, namatay ang hari ng Egipto. Pero patuloy pa rin ang paghihirap ng mga Israelita sa kanilang pagkaalipin. Humingi sila ng tulong at umabot sa Dios ang kanilang hinaing. 24 Narinig ng Dios ang kanilang hinaing, at inalala niya ang kanyang kasunduan kina Abraham, Isaac, at Jacob. 25 Nakita ng Dios ang kalagayan nila at naawa ang Dios sa kanila.
Ang Pagtawag ni Jesus sa Kanyang mga Unang Tagasunod(A)
5 Isang araw, nakatayo si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret, at nagsisiksikan sa kanya ang napakaraming tao upang makinig ng salita ng Dios. 2 May nakita si Jesus na dalawang bangka sa baybayin. Nagbabaan na sa bangka ang mga mangingisda at naghuhugas na ng mga lambat nila. 3 Sumakay siya sa isang bangka at nakiusap kay Simon na may-ari ng bangka, na itulak iyon nang kaunti sa tubig. Naupo si Jesus sa bangka at nagturo sa mga tao.
4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat ninyo, at makakahuli kayo ng isda.” 5 Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nangisda pero wala kaming nahuli. Pero dahil sinabi ninyo, ihuhulog ko ulit ang lambat.” 6 Kaya pumalaot sila at inihulog ang lambat. At napakaraming isda ang nahuli nila hanggang sa halos masira na ang kanilang lambat. 7 Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasama na nasa isa pang bangka para magpatulong. Tinulungan sila ng mga ito at napuno nila ng isda ang dalawang bangka, hanggang sa halos lumubog na sila. 8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus at sinabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, dahil makasalanan ako.” 9 Ganito ang naging reaksiyon niya, dahil labis siyang namangha, pati na ang mga kasamahan niya, sa dami ng nahuli nila. 10 Namangha rin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, hindi na isda ang huhulihin mo kundi mga tao na upang madala sila sa Dios.” 11 Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(B)
12 Isang araw, nang nasa isang bayan si Jesus, lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat,[a] Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawa na pagalingin siya. Sinabi niya, “Panginoon, kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.” 13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” At gumaling agad ang kanyang sakit. 14 Sinabihan siya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.” 15 Pero lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya dumating ang napakarami pang mga tao upang makinig sa mga aral niya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Pero laging pumupunta si Jesus sa ilang at doon nananalangin.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(C)
17 Isang araw habang nangangaral si Jesus, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo malapit sa kanya. Nanggaling ang mga ito sa ibaʼt ibang bayan ng Galilea at Judea, at maging sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon para magpagaling ng mga may sakit. 18 May mga taong dumating na buhat-buhat ang isang lalaking paralitiko na nasa higaan. Sinikap nilang ipasok ito sa bahay upang ilapit kay Jesus. 19 Pero hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao. Kaya umakyat sila sa bubong at binutasan ito. Pagkatapos, ibinaba nila sa harap ni Jesus ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan,[b] pinatawad na ang mga kasalanan mo.”
21 Sinabi ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan sa kanilang sarili: “Sino kaya ang taong ito na lumalapastangan sa Dios? Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” 22 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya tinanong niya ang mga ito, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o, ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako, na Anak ng Tao, ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at umuwi!” 25 Tumayo agad ang paralitiko sa harap ng lahat, binuhat nga niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Dios. 26 Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Kahanga-hanga ang mga bagay na nakita natin ngayon!”
Tinawag ni Jesus si Levi(D)
27 Pagkatapos noon, umalis si Jesus at nakita niya ang maniningil ng buwis na ang pangalan ay Levi. Nakaupo siya sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo si Levi, iniwan ang lahat at sumunod kay Jesus.
29 Naghanda si Levi sa kanyang bahay ng malaking handaan bilang parangal kay Jesus. Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao ang dumalo at nakisalo sa kanila. 30 Nang makita ito ng mga Pariseo at ng mga kasama nilang mga tagapagturo ng Kautusan, nagreklamo sila sa mga tagasunod ni Jesus. Sinabi nila, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?” 31 Sinagot sila ni Jesus, “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga taong matuwid sa sarili nilang paningin, kundi ang mga makasalanan upang magsisi sila sa kanilang mga kasalanan.”
Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(E)
33 May mga tao roon na nagtanong kay Jesus, “Ang mga tagasunod ni Juan at ng mga Pariseo ay madalas mag-ayuno at manalangin. Bakit ang mga tagasunod mo ay panay lang ang kain at inom?” 34 Sumagot si Jesus, “Maaari bang hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! 35 Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
36 Sinabi rin ni Jesus sa kanila ang mga talinghaga na ito: “Hindi ginugupit ang bagong damit para ipangtagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit, at ang tagping bago ay hindi babagay sa lumang damit. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. 38 Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat. 39 Wala ring taong nakainom na ng lumang alak ang maghahangad ng bagong alak, dahil para sa kanya, mas masarap ang luma.”
Sumagot si Job
19 Muling sumagot si Job,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo? 3 Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin? 4 Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon. 5 Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako. 6 Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko.
7 “Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin. 8 Hinarangan ng Dios ang dinadaanan ko para hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman. 9 Kinuha niya ang kayamanan ko pati na ang aking karangalan. 10 Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot. 11 Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway. 12 Parang pinadalhan niya ako ng mga sundalo upang salakayin at palibutan ang aking tolda.
13 “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak;[a] at nilayuan na ako ng aking mga kakilala. 14 Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako. 15 Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan. 16 Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako. 17 Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin. 18 Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako,[b] pinagtatawanan nila ako. 19 Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin. 20 Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.
21 “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios. 22 Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin? 23 Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, 24 o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman.
25 “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako. 26 Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios.[c] 27 Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya.
28 “Kung patuloy ninyo akong pararatangan na akoʼy naghihirap dahil sa aking kasalanan, 29 tiyak na darating sa inyo ang nakakatakot na parusa ng Dios. Parurusahan niya kayo dahil sa galit niya. Saka ninyo malalaman na hinatulan kayo ng Dios.”
Demanda Laban sa Kapatid sa Panginoon
6 Kapag may reklamo ang isa sa inyo laban sa kanyang kapatid, bakit dinadala niya ito sa hukom na hindi sumasampalataya sa Dios? Dapat dalhin niya ito sa mga sumasampalataya sa Dios[a] 2 Hindi nʼyo ba alam na sa mga huling araw tayong mga banal ang hahatol sa mga tao sa mundo? At kung kayo ang hahatol sa mga tao sa mundo, wala ba kayong kakayahang hatulan ang maliliit na bagay na iyan? 3 Hindi nʼyo ba alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? At kung kaya nating gawin ito, mas lalong kaya ninyong ayusin ang mga alitan sa buhay na ito. 4 Kaya kung mayroon kayong mga alitan, bakit dinadala pa ninyo ito sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Mahiya naman kayo! Wala na ba talagang marurunong sa inyo na may kakayahang umayos ng mga alitan ng mga mananampalataya? 6 Ang nangyayari, nagdedemandahan ang magkakapatid sa Panginoon, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya!
7 Kayo mismo ang talo sa pagkakaroon ninyo ng mga kaso laban sa isaʼt isa. Bakit hindi na lang ninyo tiisin ang mga gumagawa ng masama at nandaraya sa inyo? 8 Ngunit ang nangyayari, kayo pa mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, at ginagawa ninyo ito mismo sa inyong kapatid sa Panginoon. 9-10 Hindi nʼyo ba alam na hindi magmamana ng kaharian ng Dios ang masasama? Huwag kayong palilinlang! Sapagkat kailanmaʼy hindi magmamana ng kaharian ng Dios ang mga imoral,[b] sumasamba sa dios-diosan, nangangalunya, nakikipagrelasyon sa kapwa lalaki o babae, magnanakaw, sakim, lasenggo, mapanlait, at mandarambong. 11 At ganyan nga ang ilan sa inyo noon. Ngunit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ibinukod na kayo ng Dios para maging kanya; itinuring na kayong matuwid dahil sa Panginoong Jesu-Cristo at sa Espiritu ng ating Dios.
Ang Katawan Ninyo ay Templo ng Banal na Espiritu
12 Maaaring may magsabi sa inyo ng ganito, “Pwede kong gawin ang kahit ano.” Totoo iyan, ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakabuti sa inyo. Kaya kahit pwede kong gawin ang kahit ano, hindi naman ako paaalipin dito. 13 Maaari rin namang sabihin ng iba, “Ang pagkain ay ginawa para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit darating ang araw na pareho itong sisirain ng Dios. Ang katawan ay hindi para sa sekswal na imoralidad kundi para sa paglilingkod sa Dios; at ang Dios ang nag-iingat nito. 14 Ang katawan natiʼy muling bubuhayin ng Dios sa huling araw, tulad ng ginawa niya sa ating Panginoon.
15 Hindi baʼt tayong mga mananampalataya ay bahagi ng katawan ni Cristo? Iyan ang dahilan kung bakit hindi talaga natin maaaring gamitin ang ating katawan, na bahagi ng katawan ni Cristo, sa pakikipagtalik sa babaeng bayaran. 16 Hindi baʼt ang nakikipagtalik sa ganoong babae ay nagiging kaisang-katawan niya? Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Silang dalawaʼy magiging isa.”[c] 17 At kung nakikipag-isa tayo sa Panginoong Jesu-Cristo kaisa niya tayo sa espiritu.
18 Kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. Ang ibang kasalanang ginagawa ng tao ay walang kinalaman sa kanyang katawan, ngunit ang gumagawa ng sekswal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan. 19 Hindi baʼt ang katawan ninyo ay templo ng Banal na Espiritung nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Dios? Kung ganoon, ang katawan ninyoʼy hindi sa inyo kundi sa Dios, 20 dahil tinubos kayo ng Dios sa napakalaking halaga. Kaya gamitin ninyo ang inyong katawan sa paraang ikapupuri ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®