M’Cheyne Bible Reading Plan
Inapi ang mga Israelita sa Egipto
1 Ito ang mga anak na lalaki ni Jacob[a] na sumama sa kanya sa Egipto, kasama ang kanilang mga pamilya: 2 sina Reuben, Simeon, Levi, Juda, 3 Isacar, Zebulun, Benjamin, 4 Dan, Naftali, Gad, at Asher. 5 Si Jose ay matagal nang nasa Egipto. Ang bilang ng lahat ng lahi ni Jacob na sumama sa kanya sa Egipto ay 70.
6 Dumating ang panahon na namatay si Jose at ang lahat ng kanyang kapatid, at lumipas na ang kanilang henerasyon 7 pero mabilis na dumami ang lahi nila. Sa sobrang dami nila, nangalat sila sa buong lupain ng Egipto.
8 Ngayon, nagkaroon ng bagong hari ang Egipto, na walang alam tungkol kay Jose. 9 Sinabi niya sa kanyang mga mamamayan, “Tingnan ninyo. Masyado nang marami ang mga Israelita at nanganganib tayo. 10 Dahil baka magkaroon ng digmaan at kumampi sila sa mga kaaway natin, at lumaban sa atin para makaalis sa ating bansa. Kaya maghanap tayo ng paraan para hindi na sila dumami pa.”
11 Kaya naglagay sila ng mahihigpit na tao na mamamahala sa mga Israelita para pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses para magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon.[b] 12 Pero habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at nangangalat sa Egipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Egipto sa kanila. 13 Dahil dito, lalo pa nilang pinagmalupitan ang mga Israelita. 14 Wala silang awa sa mga ito. Pinahirapan nila ang mga Israelita sa paggawa ng mga tisa at pangsemento nito, at pinagtrabaho nang matindi sa bukid.
15 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Egipto sa mga Hebreong kumadrona na sina Shifra at Pua, 16 “Kung magpapaanak kayo ng mga babaeng Hebreo, patayin ninyo kung lalaki ang anak, pero kung babae, huwag nʼyo nang patayin.” 17 Pero dahil may takot sa Dios ang mga kumadrona, hindi nila sinunod ang iniutos ng hari. Sa halip, hinahayaan nilang mabuhay ang mga sanggol na lalaki.
18 Kaya ipinatawag ng hari ng Egipto ang mga kumadrona at tinanong, “Bakit ninyo ito ginawa? Bakit hinahayaan ninyong mabuhay ang mga sanggol na lalaki?” 19 Sumagot sila, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng Egipcio; madali silang manganak at bago pa po kami dumating, nakapanganak na sila.”
20 Kaya pinagpala ng Dios ang mga kumadrona at dumami pa nang dumami ang mga Israelita. 21 At dahil sa iginagalang ng mga kumadrona ang Dios, binigyan sila ng Dios ng sarili nilang pamilya.
22 Nang bandang huli, nag-utos ang Faraon sa lahat ng mamamayan niya, “Itapon ninyo sa Ilog ng Nilo ang lahat ng bagong panganak na sanggol na lalaki ng mga Israelita, pero pabayaan ninyong mabuhay ang mga batang babae.”
Ang Pagtukso kay Jesus(A)
4 Umalis si Jesus sa Jordan na puspos ng Banal na Espiritu. At dinala siya ng Espiritu sa ilang. 2 Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng 40 araw. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya gutom na gutom siya. 3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang batong ito.” 4 Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao.’ ”[a]
5 Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa isang iglap ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng mundo. 6 At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at karangyaan ng mga kahariang ito, dahil ipinagkatiwala sa akin ang mga iyan at maibibigay ko sa kanino mang gusto ko. 7 Kaya kung sasambahin mo ako, mapapasaiyo ang lahat ng iyan.” 8 Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’ ”[b]
9 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, sa pinakamataas na bahagi ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, magpatihulog ka. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. 11 Aalalayan ka nila upang hindi tumama ang mga paa mo sa bato.’ ”[c] 12 Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[d]
13 Matapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, iniwan siya nito at naghintay ng ibang pagkakataon.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(B)
14 Bumalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kumalat sa lahat ng lugar doon ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa mga sambahan ng mga Judio, at pinuri siya ng lahat.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(C)
16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. 17 Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing:
18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila,
at sa mga bulag na makakakita na sila.
Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi,
19 at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”[e]
20 Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon. 21 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.” 22 Pinuri siya ng lahat at humanga sa napakaganda niyang pananalita. Sinabi nila, “Hindi baʼt anak lang siya ni Jose?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili,’ na ang ibig sabihin, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nababalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ” 24 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan. 25 Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi nagpaulan ang Dios sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon, 26 pero hindi pinapunta ng Dios si Elias sa kaninuman sa kanila kundi sa isang biyuda na hindi Judio sa Zarefat na sakop ng Sidon. 27 Ganyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat,[f] ngunit walang pinagaling ni isa man sa kanila si Eliseo. Sa halip, si Naaman pa na taga-Syria ang pinagaling niya.” 28 Nagalit ang mga taong naroon sa sambahan nang marinig nila ito. 29 Nagtayuan sila at ipinagtabuyan si Jesus palabas ng bayan, at dinala malapit sa gilid ng burol, na kinatatayuan ng kanilang bayan, para ihulog siya sa bangin. 30 Pero dumaan siya sa kalagitnaan nila at iniwan sila.
Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(D)
31 Mula roon, pumunta si Jesus sa bayan ng Capernaum na sakop ng Galilea. Nangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha ang mga tao sa mga aral niya dahil nangaral siya ng may awtoridad. 33 Doon sa sambahan ay may isang lalaking sinaniban ng masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba para puksain kami? Kilala kita! Ikaw ang Banal na sugo ng Dios.” 35 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At sa harapan ng lahat, itinumba ng masamang espiritu ang lalaki at saka iniwan nang hindi man lang sinaktan. 36 Namangha ang mga tao at sinabi nila sa isaʼt isa, “Anong uri ang ipinangangaral niyang ito? May kapangyarihan at kakayahan siyang magpalayas ng masasamang espiritu, at sumusunod sila!” 37 Kaya kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus(E)
38 Umalis si Jesus sa sambahan ng mga Judio at pumunta sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenang babae ni Simon. Kaya nakiusap sila kay Jesus na pagalingin ito. 39 Nilapitan ni Jesus ang may sakit at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala ito. Noon din ay bumangon ang babae at pinagsilbihan sina Jesus.
40 Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit. Sari-sari ang mga sakit nila. Ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa bawat isa sa kanila at gumaling silang lahat. 41 Pinalabas din niya ang masasamang espiritu mula sa maraming tao. Habang lumalabas ang masasamang espiritu, sumisigaw sila kay Jesus, “Ikaw ang Anak ng Dios!” Pero sinaway sila ni Jesus at pinatahimik, dahil alam nilang siya ang Cristo.
42 Kinaumagahan, maagang umalis ng bayan si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Hinanap siya ng mga tao, at nang makita siya ay pinakiusapang huwag munang umalis sa bayan nila. 43 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Kailangang ipangaral ko rin ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios sa iba pang mga bayan, dahil ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” 44 Kaya nagpatuloy siya sa pangangaral sa mga sambahan ng mga Judio sa Judea.
Nagsalita si Bildad
18 Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,
2 “Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. 3 Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? 4 Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila?
5 “Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. 6 Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. 7 Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. 8 Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. 9 Hindi na maalis doon ang mga paa niya. 10 Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. 11 Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. 12 Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. 13 Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. 14 Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. 15 Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. 16 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. 17 Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. 18 Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. 19 Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya[a] niya. 20 Ang mga tao sa saanmang lugar[b] ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya. 21 Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”
Parusahan ang Gumagawa ng Imoralidad
5 May nagbalita sa akin na mayroon diyan sa inyo na gumagawa ng sekswal na imoralidad – kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Itoʼy masahol pa sa ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios, dahil maging sila ay hindi gumagawa nito. 2 At sa kabila ng pangyayaring ito, nagawa pa ninyong magyabang! Dapat sana ay naghinagpis kayo at pinalayas na ninyo sa inyong grupo ang gumagawa nito. 3-4 Kahit na wala ako riyan ng personal, nariyan naman ako sa espiritu. At sa pangalan[a] ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hinatulan ko na ang taong iyon. Kaya sa pagtitipon ninyo, isipin ninyo na parang nariyan na rin ako sa espiritu. At sa kapangyarihang ibinigay sa atin ng ating Panginoong Jesu-Cristo, 5 ipaubaya ninyo kay Satanas ang taong iyon upang mapahamak ang kanyang katawan at maligtas ang kanyang espiritu sa araw ng paghuhukom ng Panginoon.
6 Hindi tama ang pagyayabang ninyo. Hindi nʼyo ba alam ang kasabihang, “Ang kaunting pampaalsa ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina”? 7 Kaya alisin ninyo ang lumang pampaalsa na walang iba kundi ang kasalanan, upang maging bago at malinis kayo. Sa katunayan, nilinis na kayo dahil inialay si Cristo para sa atin. Tulad siya ng tupang iniaalay tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. 8 Kaya ipagdiwang natin ang pistang ito hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa kundi ng tinapay na walang pampaalsa, na ang ibig sabihin ay talikuran na natin ang dati nating mga kasalanan at kasamaan, at mamuhay na tayo nang malinis at tapat.
9 Sumulat ako sa inyo noon na huwag kayong makikisama sa mga imoral.[b] 10 Hindi ko tinutukoy dito ang mga taong hindi sumasampalataya sa Dios – ang mga imoral, sakim, magnanakaw, at sumasamba sa dios-diosan. Dahil kung iiwasan ninyo sila, kinakailangan nʼyo talagang umalis sa mundong ito. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong pakikisamahan ay ang mga nagsasabing silaʼy mga kapatid sa Panginoon pero mga imoral, sakim, sumasamba sa dios-diosan, mapanlait, lasenggo, at magnanakaw. Ni huwag kayong makisalo sa kanila sa pagkain. 12-13 Kung sabagay, ano ba ang karapatan nating husgahan ang mga hindi mananampalataya? Ang Dios na ang huhusga sa kanila. Ngunit tungkulin ninyo na husgahan ang mga kapatid kung tama o mali ang kanilang ginagawa, dahil sinasabi ng Kasulatan, “Paalisin ninyo sa inyong grupo ang taong masama.”[c]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®