Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 3

Si Juan na Tagapagbawtismo ay Nangaral at Nagbawtismo

Sa ika-labinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, ang gobernador sa Judea ay si Poncio Pilato. Ang tetrarka[a] sa Galilea ay si Herodes. Ang kaniyang nakakabatang kapatid na si Felipe ay punong tagapamahala sa Iturea at sa lalawigan ng Traconite. Si Lisonias ay punong tagapamahala sa Abilinia.

Ang mga pinakapunong-saserdote ay sina Anas at Caifas. Sa panahong iyon, ang salita ng Diyos ay dumating kay Juan na nasa ilang. Si Juan ay anak ni Zacarias. Siya ay pumunta sa lahat ng lupain sa palibot ng Jordan. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikakapagpatawad ng mga kasalanan. Sa aklat ng mga salita ni Isaias, ang propeta, ay ganito ang nasusulat:

May tinig na sumisigaw sa ilang. Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

Tatambakan ang bawat bangin at papatagin ang bawat bundok at burol. Ang mga liku-liko ay tutuwirin at ang mga baku-bako ay papantayin. Makikita ng lahat ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos.

Lumabas ang karamihan upang magpabawtismo sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyong tumakas sa paparating na galit? Kayo nga ay magbunga na karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili: Si Abraham ang aming ama. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makakagawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon din naman ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punong-kahoy. Ang bawat punong-kahoy nga na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

10 Tinanong siya ng napakaraming tao: Ano ngayon ang dapat naming gawin?

11 Sumagot siya at sinabi sa kanila: Ang may dalawang balabal ay magbahagi sa kaniya na wala. Gayundin ang gawin ng may pagkain.

12 Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabawtismo. Sinabi nila sa kaniya: Guro, ano ang dapat naming gawin?

13 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong maningil ng buwis nang higit sa nakatakdang singilin ninyo.

14 Tinanong din siya ng mga kawal: Ano ang dapat naming gawin?

Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong mangikil sa sinuman, ni magparatang ng mali. Masiyahan na kayo sa inyong mga sinasahod.

15 Ang mga tao ay umaasa sa pagdating ng Mesiyas. Ang lahat ay nagmumuni-muni sa kanilang mga puso patungkol kay Juan kung siya nga ang Mesiyas o hindi. 16 Si Juan ay sumagot sa kanilang lahat: Binabawtismuhan ko nga kayo ng tubig ngunit darating ang isang higit na dakila. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak. Babawtismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17 Ang pangtahip ay nasa kaniyang kamay. Lilinisin niya nang lubusan ang kaniyang giikan. Kaniyang titipunin ang trigo sa kaniyang kamalig.Susunugin niya ang dayami sa pamamagitan ng apoy na hindi mapapatay. 18 Marami pang mga bagayang kaniyang ipinagtagubilin sa kaniyang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tao.

19 Ngunit pinagwikaan ni Juan si Herodes na tetrarka patungkol kay Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe. Pinagwikaan din niya si Herodes patungkol sa lahat ng mga kasamaang ginawa niya. 20 Ang kasamaang ito ay nadagdagan pa nang si Juan ay kaniyang ipabilanggo.

Binawtismuhan ni Juan si Jesus

21 Nangyari, na ang lahat ng mga tao ay nabawtismuhan. Nang si Jesus ay nabawtismuhan at nananalangin, ang langit ay nabuksan.

22 Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyong tulad ng kalapati. Isang tinig ang nagmula sa langit na nagsasabi: Ikaw ang aking pinakamamahal na anak. Lubos akong nalulugod sa iyo.

Ang Talaan ng Angkan ni Jesus

23 Si Jesus ay magtatatlumpung taong gulang na. Siya ay ipinalagay na anak ni Jose, na anak ni Eli.

24 Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi, na anak ni Melki. Si Melki ay anak ni Janna, na anak ni Jose. 25 Si Jose ay anak ni Matatias, na anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nage. 26 Si Nage ay anak ni Maat, na anak ni Matatias, na anak ni Semei. Si Semei ay anak ni Jose, na anak ni Juda. 27 Si Juda ay anak ni Joana, na anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi, na anak ni Cosam. Si Cosam ay anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29 Si Er ay anak ni Josue, na anak ni Eleazar, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30 Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda, na anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam, na anak ni Eliakim. 31 Si Eliakim ay anak ni Melea, na anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed, na anak ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon, na anak ni Naason. 33 Si Naason ay anak ni Aminadab, na anak ni Aram, na anak ni Esrom. Si Esrom ay anak ni Fares, na anak ni Juda. 34 Si Juda ay anak ni Jacob, na anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nacor. 35 Si Nacor ay anak ni Serug, na anak ni Reu, na anak ni Peleg. Si Peleg ay anak ni Heber, na anak ni Selah. 36 Si Selah ay anak ni Cainan, na anak ni Arfaxad, na anak ni Sem. Si Sem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37 Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc, na anak ni Jared. Si Jared ay anak ni Mahalalel, naanak ni Cainan. 38 Si Cainan ay anak ni Enos, na anak ni Set, na anak niAdan. Si Adan ay anak ng Diyos.

1 Corinto 4

Mga Apostol ni Cristo

Sa ganitong paraan ay kilalanin kami ng mga tao bilang mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.

Gayundin naman, ang katiwala ay kinakailangang maging matapat. Para sa akin, isang maliit na bagay na ako ay siyasatin ninyo o kaya ng sinumang tao. Subalit maging ako ay hindi ko sinisiyasat ang aking sarili. Ito ay sapagkat wala akong alam na laban patungkol sa aking sarili subalit hindi ito nangangahulugan na ako ay matuwid. Ngunit siya na sumi­siyasat sa akin ay ang Panginoon. Kaya nga, huwag hatulan ang anumang bagay bago dumating ang oras, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga tagong bagay ng kadiliman at magpapakita ng mga layunin ng mga puso, at ang papuring mula sa Diyos ay makakamtan ng bawat isa.

Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay aking isinagawa sa aking sarili at gayundin kay Apollos. Ito ay upang matutunan ninyo mula sa amin na huwag mag-isip ng mataas kaysa sa nakasulat. Ito ay upang hindi ninyo ipagmalaki ang isang tao laban sa isang tao. Ang dahilan nito, sino ang gumawa sa inyo na maging iba sa ibang tao? Ano ang mayroon sa inyo na hindi ninyo tinanggap? Ngunit yamang nakatanggap din kayo, bakit nagmamalaki kayo na parang hindi kayo nakatanggap?

Nasa inyo na ang higit pa sa kailangan ninyo. Kayo ay mayaman na. Naghari na kayo tulad ng mga hari na hindi kami kasama. At hangad ko na totoong maghari kayo upang kami rin naman ay magharing kasama ninyo. Ito ay sapagkat sa aking palagay, ginawa ng Diyos na kaming mga apostol ay maging pinakahamak sa lahat na parang itinalaga sa kamatayan. Kami ay ginawang isang panoorin para sa sangkatauhan, sa mga anghel at sa mga tao. 10 Kami ay mga mangmang alang-alang kay Cristo ngunit kayo ay mga matatalino. Kami ay mahihina ngunit kayo ay malalakas. Kayo ay pinarangalan ngunit kami ay itinuturing na walang dangal. 11 Hanggang sa ngayon kami ay nagugutom at nauuhaw at walang mga damit. Pinahihirapan kami at walang tirahan. 12 Kami ay nagpapagal, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Kapag kami ay nilalait, pinagpapala namin sila. Sa pag-uusig nila sa amin kami ay nagbabata. 13 Pinagwiwikaan nila kami ng masama, kami naman ay nagpapayo. Kami ay naging parang basura ng sanlibutan at mga linab hanggang sa ngayon.

14 Isinulat ko ang mga bagay na ito hindi upang hiyain kayo kundi bigyan kayo ng babala bilang mga minamahal na anak. 15 Ito ay sapagkat kahit magkaroon kayo ng sampung libong guro kay Cristo, hindi marami ang inyong ama dahil sa pamamagitan ng ebanghelyo kayo ay naging mga anak ko kay Cristo Jesus. 16 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo, tularan ninyo ako. 17 Dahil dito, isinugo ko sa inyo si Timoteo na minamahal kong anak. Siya ay tapat sa Panginoon. Siya ang magpapaalaala sa inyo ng pamamaraan ng aking pamumuhay kay Cristo ayon sa itinuturo ko sa bawat iglesiya sa lahat ng dako.

18 Ngunit may ilan sa inyo na nagyayabang na parang hindi na ako pupunta sa inyo. 19 Kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako sa inyo sa lalong madaling panahon nang sa gayon ay malaman ko ang kapangyarihan ng mga nagyayabang at hindi ang kanilang salita. 20 Ito ay sapagkat ang paghahari nga ng Diyos ay hindi sa salita kundi sa kapangyarihan. 21 Ano ang ibig ninyo? Ibig ba ninyong pumunta ako riyan na may tungkod, o pumunta akong may pag-ibig at may espiritu ng pagpapakumbaba?

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International