Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 49

Binasbasan ni Jacob ang mga Anak Niya

49 Pagkatapos, tinawag ni Jacob ang mga anak niya, at sinabi, “Magsiparito kayo dahil sasabihin ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa darating na panahon.

“Mga anak, lumapit kayo at makinig sa akin na inyong ama.

“Ikaw Reuben, na panganay ko, ang kauna-unahang lalaki kong anak. Mas tanyag ka at mas makapangyarihan kaysa sa iyong mga kapatid.

“Pero katulad ka ng kumukulong tubig dahil hindi ka makapagpigil sa iyong pagnanasa, kaya ka sumiping sa aking asawang alipin. Hindi ka na hihigit sa iba.

“Kayo, Simeon at Levi na magkakampi, ginagamit ninyo ang inyong armas sa pagmamalupit sa iba.

“Hindi ako sasama o dadalo sa pagtitipon ninyo dahil pumapatay kayo ng mga tao kapag galit kayo, at pinipilayan ninyo ang mga toro kapag gusto ninyo.

“Susumpain ko kayo dahil sa inyong galit na napakalupit. Paghihiwalayin ko kayo at ipapangalat sa Israel.

“Ikaw Juda, pupurihin ka at igagalang ng iyong mga kapatid. Tatalunin mo ang iyong mga kalaban. Katulad ka ng batang leon na matapos hanapin ang sisilain ay bumabalik sa kanyang lungga at doon magpapahinga. At walang makakapagtangkang gumambala sa kanya. 10 Patuloy kang mamumuno, Juda. Magmumula sa mga lahi mo ang magiging mga pinuno. Kaya magbibigay ng buwis sa iyo ang mga bansa at susunod sila sa iyo. 11 Magiging sagana ang iyong lupain; kaya kahit itali mo ang asno malapit sa pinakamagandang tanim na ubas, hindi niya ito makakayang ubusin dahil sa dami. At kahit ipanglaba pa ang katas ng ubas, hindi ito mauubos. 12 Kaya dahil sa masaganang katas ng ubas, magniningning ang iyong mga mata at sa masaganang gatas higit na puputi ang ngipin mo.

13 “Ikaw Zebulun, maninirahan ka sa tabi ng dagat. Ang lupain mo ay magiging daungan ng mga sasakyang pandagat. Ang lupain mo ay aabot hanggang sa Sidon.

14 “Ikaw Isacar, katulad ka ng malakas na asno pero nagpapahinga sa tirahan ng mga tupa.[a] 15 Titiisin mong magpaalipin kahit pa pagpasanin ka ng mabigat at sapilitang pagtrabahuhin, bastaʼt mabuti at sagana lang ang lupaing titirhan mo.

16 “Ikaw Dan, pangungunahan mong mabuti ang iyong mga tao bilang isa sa mga lahi ng Israel. 17 Magiging katulad ka ng makamandag na ahas sa tabi ng daan na tumutuklaw ng paa ng dumaraan na kabayo, kaya nahuhulog ang nakasakay dito.”

18 Pagkatapos, sinabi ni Jacob, “O Panginoon, naghihintay po ako sa inyong pagliligtas.”

19 Nagpatuloy pa siya sa pagsasalita,

“Ikaw Gad, lulusubin ka ng grupo ng mga tulisan, pero gagantihan mo sila habang tumatakas sila.

20 “Ikaw Asher, magiging sagana ka sa pagkain. Aani ka ng mga pagkain na para sa mga hari.

21 “Ikaw Naftali, katulad ka ng pinakawalang usa na nanganganak ng magagandang supling.

22 “Ikaw Jose, katulad ka ng mailap na asno sa tabi ng bukal o sa tabi ng bangin.[b] 23 Kaiinisan ka ng mga mamamana. Sa galit nila ay papanain ka nila, 24 pero palagi mo rin silang papanain. At ang braso mo ay patuloy na lalakas, dahil sa tulong ng Makapangyarihang Dios ni Jacob, ang tagapagbantay at ang Bato na kanlungan ng Israel. 25 Siya ang Makapangyarihang Dios ng iyong mga ninuno na tumutulong at nagpapala sa iyo. Bibiyayaan ka niya ng ulan at tubig sa mga bukal. At bibiyayaan ka niya ng maraming anak at hayop. 26 Ngayon, marami akong pagpapala; labis pa sa kasaganaan noon ng mga sinaunang kaburulan. Nawaʼy matanggap mo ang mga pagpapalang ito, Jose – ikaw na nakakahigit kaysa sa iyong mga kapatid.

27 “Ikaw Benjamin, katulad ka ng asong lobo na sumisila sa umaga ng kanyang nahuli para kainin, at sa gabi ay pinaghahati-hatian ang natirang nasamsam.”

28 Sila ang 12 anak ni Jacob na pinanggalingan ng mga lahi ng Israel. At iyon ang huling habilin ni Jacob sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagkamatay ni Jacob

29 Matapos habilinan ni Jacob ang mga anak niya. Sinabi niya, “Ngayon, sandali na lang at makakasama ko na ang mga kamag-anak ko sa kabilang buhay, ilibing nʼyo ako sa libingan ng aking mga ninuno, doon sa kweba na nasa sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang bukid na iyon ay nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, na sakop ng Canaan. Binili ng lolo kong si Abraham ang bukid na iyon kay Efron para gawing libingan. 31 Doon siya inilibing pati ang lola kong si Sara at ang mga magulang kong sina Isaac at Rebeka, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at kweba ay binili sa mga Heteo.”

33 Pagkatapos magsalita ni Jacob sa kanyang mga anak, nahiga siya at nalagutan ng hininga. At isinama siya sa kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na.

Lucas 2

Ang Kapanganakan ni Jesus(A)

Nang mga panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augustus ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mga mamamayan ng bansang nasasakupan niya. (Ito ang kauna-unahang sensus na naganap nang si Quirinius ang gobernador sa lalawigan ng Syria.) Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista.

Mula sa Nazaret na sakop ng Galilea, pumunta si Jose sa Betlehem na sakop ng Judea, sa bayang sinilangan ni Haring David, dahil nagmula siya sa angkan ni David. Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na noon ay malapit nang manganak. At habang naroon sila sa Betlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang panganay niya, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan.

Nagpakita ang mga Anghel sa mga Pastol

Malapit sa Betlehem, may mga pastol na nasa parang, at nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at nagningning sa paligid nila ang nakakasilaw na liwanag ng Panginoon. Ganoon na lang ang pagkatakot nila, 10 pero sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot dahil naparito ako upang sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Sapagkat isinilang ngayon sa Betlehem, sa bayan ni Haring David, ang inyong Tagapagligtas, ang Cristo[a] na siyang Panginoon. 12 Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

13 Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,

14 “Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!”

15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, “Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.” 16 Kaya nagmamadali silang pumunta sa Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 At isinalaysay nila ang mga sinabi sa kanila ng anghel tungkol sa sanggol. 18 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Pero iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito. 20 Bumalik sa parang ang mga pastol na labis ang pagpupuri sa Dios dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon nga sa sinabi ng anghel.

Pinangalanang Jesus ang Sanggol

21 Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi.

Inihandog si Jesus sa Templo

22 Dumating ang araw na maghahandog sina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa mga babaeng nanganak upang maituring silang malinis. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.”[b] 24 At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”[c]

25 May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Dios, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Naghihintay siya sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel. 26 Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang haring ipinangako ng Panginoon. 27 Nang araw na iyon, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay pumunta siya sa templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose si Jesus upang ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, nakita ni Simeon ang sanggol. 28 Kinarga niya ito at pinuri ang Dios. Sinabi niya:

29 “Panginoon, maaari nʼyo na akong kunin na inyong lingkod,
    dahil natupad na ang pangako nʼyo sa akin.
    Mamamatay na ako nang mapayapa,
30 dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas,
31 na inihanda ninyo para sa lahat ng tao.
32 Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo,
    at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.”

33 Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya. 35 Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”

36 Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa 37 bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya.[d] Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. 38 Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem.

39 Nang maisagawa na nina Jose at Maria ang lahat ng dapat nilang gawin ayon sa Kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret na sakop ng Galilea. 40 Lumaki ang batang si Jesus, at naging malakas at napakatalino. At pinagpala siya ng Dios.

Ang Batang si Jesus sa Templo

41 Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Jesus sa Jerusalem para dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel.[e] 42 Nang 12 taon na si Jesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. 43 Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, pero nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem. Hindi ito namalayan ng mga magulang niya. 44 Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. 45 Nang malaman nila na wala si Jesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem para roon siya hanapin. 46 At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. 47 Namangha ang lahat ng nakarinig sa mga isinasagot niya at sa kanyang katalinuhan. 48 Nagtaka ang mga magulang niya nang matagpuan siya roon. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!” 49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?” 50 Pero hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

51 Umuwi si Jesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Dios at ng mga tao.

Job 15

Nagsalita si Elifaz

15 Sumagot si Elifaz na taga-Teman, Job, ang taong marunong ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan. Hindi siya nakikipagtalo sa mga salitang walang saysay. Pero ang mga sinasabi moʼy magtutulak sa tao upang mawalan ng paggalang sa Dios at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya. Ang sinasabi mo ay bunga ng iyong kasamaan. At dinadaya mo ang iba sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi. Hindi na kailangang hatulan pa kita, dahil ang iyong mga sinasabi mismo ang nagpapatunay laban sa iyo. Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang? Ipinanganak ka na ba bago nilikha ang mga bundok? Narinig mo na ba ang mga plano ng Dios? Ikaw lang ba ang marunong? Ano bang alam mo na hindi namin alam? At ano ang naunawaan mo na hindi namin naunawaan? 10 Natuto kami sa matatanda na mas matanda pa kaysa sa iyong ama. 11 Sinabi namin sa iyo ang mga salitang mula sa Dios na makapagbibigay ng lakas at aliw sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon? 12 Bakit nagpapadala ka sa iyong damdamin? Nabubulagan ka na ba sa katotohanan 13 para magalit ka sa Dios at magsalita ng masama laban sa kanya? 14 Kaya ba ng isang tao na mamuhay ng malinis at matuwid sa paningin ng Dios? 15 Ni hindi nga lubusang nagtitiwala ang Dios sa mga anghel niya. Kung ang mga nilalang niyang ito na nasa langit ay hindi lubusang malinis sa kanyang paningin, 16 ang tao pa kaya na ipinanganak na masama at makasalanan, at uhaw sa paggawa ng masama?

17 Job, pakinggan mo ako. Sasabihin ko sa iyo at ipapaliwanag ang mga naranasan ko. 18 May masasabi rin tungkol dito ang mga marurunong na tao na natuto sa kanilang mga ninuno. 19 Sila lang ang nagmamay-ari ng kanilang lupain, at walang dayuhang sumakop sa kanila.

20 “Ang taong masama ay maghihirap habang buhay. 21 Palagi siyang kinakabahan kahit na walang panganib, dahil iniisip niya na baka salakayin siya ng mga tulisan. 22 Takot din siyang pumunta sa dilim dahil baka may pumatay sa kanya. 23 Kung saan-saan siya naghahanap ng pagkain. Alam niyang malapit nang dumating ang kapahamakan.[a] 24 Kaya labis ang kanyang pagkatakot, katulad ng hari na naghahanda sa pagsalakay sa kanyang mga kaaway. 25 Nangyayari ito sa kanya dahil nagrerebelde at sumusuway siya sa Makapangyarihang Dios. 26 Para siyang nakahawak sa matibay na kalasag at handang kalabanin ang Dios. 27 Kahit mataba at mayaman siya ngayon, 28 titira siya sa mga gibang bayan, sa mga bahay na walang nakatira at malapit nang gumuho. 29 Hindi na dadami ang kanyang kayamanan, at ang mga natitira niyang yaman at ari-arian ay hindi na magtatagal. 30 Hindi siya makakatakas sa kapahamakan.[b] Magiging tulad siya ng puno na ang mga sangaʼy masusunog. Lahat ng ari-arian niya ay mawawala sa isang ihip lamang ng Dios. 31 Huwag sana niyang dayain ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga bagay na walang kabuluhan, dahil wala siyang makukuha sa mga iyon. 32 Maagang darating sa kanya ang kanyang parusa at hindi na siya uunlad pa.[c] 33 At magiging tulad siya ng ubas na nalalagas ang mga hilaw na bunga o katulad ng olibo na nalalagas ang mga bulaklak. 34 Sapagkat mamamatay ng walang lahi ang mga taong walang takot sa Dios. At ang mga bahay na itinayo nila mula sa mga suhol ay masusunog. 35 Ang lagi nilang iniisip ay ang manggulo, gumawa ng masama, at mandaya.”

1 Corinto 3

Mga Lingkod ng Dios

Mga kapatid, hindi ko kayo makausap noon bilang mga taong ginagabayan ng Espiritu ng Dios, kundi bilang mga taong makamundo at sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. Ang mga ipinangaral ko sa inyoʼy mga simpleng aral lamang dahil sa hindi pa ninyo kayang unawain ang malalalim na pangaral. At kahit ngayon, hindi pa ninyo ito kayang unawain, dahil makamundo pa rin kayo. Nag-iinggitan kayo at nag-aaway-away. Hindi baʼt patunay ito na makamundo pa rin kayo at namumuhay ayon sa laman? Kapag sinasabi ninyong “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” hindi baʼt para kayong mga taong makamundo na nagkakampi-kampihan?

Bakit, sino ba si Apolos? At sino nga ba naman akong si Pablo? Kami ay mga lingkod lamang ng Dios na ginamit niya upang sumampalataya kayo. At ang bawat isa sa amin ay gumagawa lamang ng gawaing ibinigay sa amin ng Panginoon. Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpatubo. Hindi ang nagtanim at ang nagdilig ang mahalaga, kundi ang Dios na siyang nagpapatubo nito. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong mga lingkod lamang. Ang bawat isa sa kanilaʼy tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang ginawa. Kami ni Apolos ay nagtutulungan bilang mga manggagawa ng Dios, at kayoʼy katulad ng bukirin na ipinasasaka sa amin ng Dios.

Maihahalintulad din kayo sa isang gusali na kanyang itinatayo. 10 At ako naman, bilang dalubhasang tagapagtayo ang siyang naglagay ng pundasyon ayon sa kakayahang ibinigay sa akin ng Dios. Pagkatapos, iba namang manggagawa ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit kailangang maging maingat ang bawat nagtatayo 11 dahil wala nang pundasyong maaari pang ilagay maliban sa nailagay na, at itoʼy walang iba kundi si Jesu-Cristo.

12 May magtatayo sa pundasyong ito na gagamit ng mabuting klase ng mga materyales gaya ng ginto, pilak at mamahaling bato. Mayroon namang gagamit lamang ng kahoy, tuyong damo at dayami. 13 Ngunit sa Araw ng Paghuhukom, makikita ang kalidad ng itinayo ng bawat isa dahil susubukin ito sa apoy. 14 Kung ang itinayo ay hindi masusunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo. 15 Ngunit kung ito namaʼy masunog, wala siyang tatanggaping gantimpala. Ganoon pa man, maliligtas siya, ngunit tulad lamang ng isang taong nakaligtas sa sunog na walang nailigtas na kagamitan.

16 Hindi nʼyo ba alam na kayoʼy templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay naninirahan sa inyo? 17 Ang sinumang wawasak sa templo ng Dios ay parurusahan niya, dahil banal ang templo ng Dios. At ang templong iyon ay walang iba kundi kayo.

18 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung mayroon man sa inyong nag-aakala na siyaʼy marunong ayon sa karunungan ng mundo, kinakailangang tigilan na niya ang ganyang pag-iisip upang maging marunong siya sa paningin ng Dios. 19 Sapagkat ang karunungan ng mundo ay kamangmangan lamang sa paningin ng Dios. Ayon nga sa Kasulatan, “Hinuhuli ng Dios ang marurunong sa kanilang katusuhan,”[a] 20 at “Alam ng Dios na ang mga pangangatwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang sinuman. Sapagkat lahat ay ibinigay ng Dios sa inyo para sa ikabubuti ninyo. 22 Ako, si Apolos, at si Pedro[b], kaming lahat ay inyo. Maging ang mundo, ang buhay at kamatayan, ang kasalukuyan at hinaharap, lahat ng itoʼy sa inyo. 23 At kayo naman ay kay Cristo, at si Cristo naman ay sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®