Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 48

Si Manase at si Efraim

48 Hindi nagtagal, may nagbalita kay Jose na may sakit ang kanyang ama. Kaya dinala niya ang dalawang anak niyang sina Manase at Efraim at pumunta kay Jacob. Nang malaman ni Jacob na dumating ang anak niyang si Jose, sinikap niyang makaupo sa higaan niya.

Sinabi ni Jacob kay Jose, “Noong naroon pa ako sa Luz, sa lupain ng Canaan, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Dios at binasbasan niya ako.” Sinabi niya, “Bibigyan kita ng maraming lahi para maging ama ka ng maraming tao. At ibibigay ko ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi mo at magiging kanila ito magpakailanman.”

Nagpatuloy si Jacob sa pagsasalita, “Ang dalawa mong anak na sina Efraim at Manase, na ipinanganak dito sa Egipto bago ako dumating ay ituturing kong mga anak ko. Kaya kagaya kina Reuben at Simeon, magmumula rin sa kanila ang mga lahi ng mga Israelita. Pero ang susunod mong mga anak ay maiiwan sa iyo at makakatanggap ng mana galing kina Efraim at Manase. Naalala ko ang pagkamatay ng iyong ina. Galing kami noon sa Padan Aram at naglalakbay sa lupain ng Canaan. Malapit na kami noon sa Efrata nang mamatay siya, kaya inilibing ko na lang siya sa tabi ng daan na papunta sa Efrata. (Ang Efrata ang tinatawag ngayon na Betlehem.)”

Nang makita ni Israel[a] ang mga anak ni Jose, nagtanong siya, “Sino sila?”

Sumagot si Jose, “Sila po ang mga anak ko na ibinigay sa akin ng Dios dito sa Egipto.”

Kaya sinabi ni Israel, “Dalhin sila rito sa akin para mabasbasan ko sila.”

10 Halos hindi na makakita si Israel dahil sa katandaan, kaya dinala ni Jose ang mga anak niya papalapit kay Israel. Niyakap sila ni Israel at hinalikan.

11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi na talaga ako umaasa na makikita pa kita, pero ngayon ipinahintulot ng Dios na hindi lang ikaw ang makita ko kundi pati ang mga anak mo.”

12 Kinuha agad ni Jose ang mga anak niya sa kandungan ni Israel at yumukod siya bilang paggalang sa kanyang ama. 13 Pagkatapos, inilapit niyang muli ang mga anak niya sa lolo ng mga ito para mabasbasan sila. Si Efraim ay nasa kanan ni Jose, na nasa kaliwa ni Israel at si Manase ay nasa kaliwa ni Jose na nasa kanan ni Israel. 14 At ipinatong ni Israel ang kanang kamay niya sa ulo ni Efraim na siyang nakababata, at ipinatong ang kaliwang kamay niya sa ulo ni Manase na siya namang nakatatanda.

15 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga ito na sinasabi,

“Nawaʼy pagpalain ang mga batang ito ng Dios na pinaglingkuran ng aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, na siya ring Dios na nagbabantay sa akin simula nang ipinanganak ako hanggang ngayon.
16 At nawaʼy pagpalain din sila ng anghel na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan.
Nawaʼy maalala ako at ang aking mga ninunong sina Abraham at Isaac sa pamamagitan nila.
At nawaʼy dumami pa sila sa mundo.”

17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya ito ikinatuwa. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama para ilipat kay Manase, 18 At sinabi, “Ama hindi po iyan. Ito po ang panganay; ipatong po ninyo ang kanang kamay ninyo sa ulo niya.”

19 Pero sumagot ang kanyang ama, “Oo, alam ko anak. Ang mga lahi ni Manase ay magiging kilala ring mga bansa. Pero mas magiging kilala ang mga lahi ng nakababata niyang kapatid at magiging mas marami ang lahi nito.” 20 Kaya ginawa niya si Efraim na nakakahigit kaysa kay Manase. At sa araw na iyon, binasbasan niya ang mga ito na nagsasabing,

“Gagamitin ng mga Israelita ang pangalan mo sa pagbabasbas. Sasabihin nila, ‘Nawaʼy pagpalain ka ng Dios kagaya nina Efraim at Manase.’ ”

21 Kaya sinabi ni Israel kay Jose, “Malapit na akong mamatay, pero huwag kayong mag-aalala dahil sasamahan kayo ng Dios at pababalikin kayo sa lupain ng iyong ninuno. 22 At ikaw Jose ang magmamana ng Shekem, at hindi ang mga kapatid mo. Ang lupain na iyon na napasaakin dahil sa pakikipaglaban ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng espada at pana.”

Lucas 1:39-80

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabet

39 Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea kung saan nakatira sina Zacarias. 40 Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. 41 Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet 42 at malakas niyang sinabi, “Higit kang pinagpala ng Dios sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! 43 Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. 44 Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. 45 Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.”

Ang Awit ni Maria

46 At sinabi ni Maria,

    “Buong puso kong pinupuri ang Panginoon,
47 at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas!
48 Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod.
    Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon,
49 dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios.
    Banal siya!
50 Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon.
51 Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili.
52 Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono,
    at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
    ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman.
54-55 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.”

56 At nakitira si Maria kina Elizabet ng mga tatlong buwan bago siya umuwi.

Ang Pagsilang kay Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating na ang oras ng panganganak ni Elizabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Nabalitaan ng mga kapitbahay at mga kamag-anak niya kung paano siya pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

59 Nang walong araw na ang sanggol, dumalo ang mga kapitbahay at mga kamag-anak sa pagtutuli sa kanya. Zacarias sana ang ipapangalan nila sa bata dahil iyon din ang pangalan ng kanyang ama. 60 Pero sinabi ni Elizabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 Sumagot ang mga tao, “Pero wala namang may ganyang pangalan sa pamilya ninyo.” 62 Kaya tinanong nila ang ama sa pamamagitan ng senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan sa sanggol. 63 Sumenyas siya na bigyan siya ng masusulatan. Pagkatapos ay isinulat niya, “Juan ang ipapangalan sa kanya.” Nagtaka silang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Dios. 65 Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon. 66 Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, “Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?” Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.

Ang Pahayag ni Zacarias

67 Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:

68 “Purihin ang Panginoong Dios ng Israel!
    Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.
69 Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas mula sa angkan ng lingkod niyang si David.
70 Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.
71 Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin.
72 Kaaawaan niya ang ating mga ninuno, at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila
73 na ipinangako niya sa ninuno nating si Abraham.
74 Ayon nga sa kanyang kasunduan, ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo ay nabubuhay.”
76 Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,
    “Ikaw naman, anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Dios,
    dahil mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.
77 Ituturo mo sa mga mamamayan niya kung paano sila maliligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,
78 dahil maawain at mapagmahal ang ating Dios.
Tulad ng pagsikat ng araw, ipapadala niya sa atin ang Tagapagligtas 79     upang maliwanagan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.
    At tuturuan niya tayo kung paano mamuhay nang may mabuting relasyon sa Dios at sa kapwa.”

80 Lumaki ang batang si Juan at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na nagsimula siyang mangaral sa mga Israelita.

Job 14

14 “Ang buhay ng tao ay maikli lamang at puno ng kahirapan. Ang katulad nito ay isang bulaklak, namumukadkad pero agad nalalanta. Katulad din ito ng aninong biglang nawawala. Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan nang ganito ang tao? Gusto nʼyo pa ba siyang[a] hatulan sa inyong hukuman? May tao bang nabubuhay na lubusang matuwid? Wala! Sapagkat ang lahat ay ipinanganak na makasalanan. Sa simula paʼy itinakda nʼyo na kung gaano kahaba ang itatagal ng buhay ng isang tao. At hindi siya lalampas sa itinakda nʼyong oras sa kanya. Kaya hayaan nʼyo na lamang siya para makapagpahinga naman siya katulad ng isang manggagawa pagkatapos magtrabaho.

“Kapag pinutol ang isang puno, may pag-asa pa itong mabuhay at tumubong muli. Kahit na matanda na ang ugat nito at patay na ang tuod, tutubo itong muli na parang bagong tanim kapag nadiligan. 10 Pero kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang wakas niya. 11 Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog, 12 gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit.

13 Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon. 14 Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito. 15 At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon, sasagot ako, at kasasabikan nʼyo ako na inyong nilikha. 16 Sa mga araw na iyon, babantayan nʼyo pa rin ang aking mga ginagawa, pero hindi nʼyo na aalalahanin pa ang aking mga kasalanan. 17 Parang ipinasok nʼyo ito sa bag at tinakpan para hindi nʼyo na makita.

18 “Pero kung papaanong gumuguho ang mga bundok at nahuhulog ang mga bato mula sa kanilang kinalalagyan, 19 at kung paanong nagiging manipis ang bato sa patuloy na pag-agos ng tubig, at gumuguho ang lupa dahil sa malakas na ulan, ganyan nʼyo rin sinisira ang pag-asa ng tao. 20 Nilulupig nʼyo siyang lagi at namamatay siya, at binabago nʼyo ang mukha niya kapag patay na siya. 21 Hindi na niya malalaman kung ang mga anak niyaʼy nagtamo ng karangalan o kahihiyan. 22 Ang tanging madarama na lang niya ay ang sarili niyang paghihirap at kalungkutan.”

1 Corinto 2

Ang Kamatayan ni Cristo sa Krus

Mga kapatid, nang pumunta ako riyan upang ipahayag ang lihim na plano ng Dios, hindi ako gumamit ng malalalim na pananalita o karunungan. Sapagkat ipinasya ko na wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Jesu-Cristo lang at ang kanyang pagkapako sa krus. Pumunta ako riyan na may kahinaan, at nanginginig pa sa takot. At nang mangaral ako sa inyo, hindi ako gumamit ng matatamis na pananalita batay sa karunungan ng tao upang kumbinsihin kayo. Sa halip, pinatunayan ng Banal na Espiritu ang aking pangangaral sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nang sa ganoon, hindi nakasalalay sa karunungan ng tao ang inyong pananampalataya kundi sa kapangyarihan ng Dios.

Kung sabagay, nagtuturo rin kami ng malalalim na karunungan sa mga matatag na sa pananampalataya, ngunit ang karunungang itoʼy hindi mula sa karunungan ng mundong ito, o sa mga namumuno sa mundong ito na nakatakda nang malipol. Ang karunungang sinasabi ko ay ang karunungan ng Dios na kanyang inilihim noon. Itoʼy itinalaga niya para sa ating karangalan bago pa man niya likhain ang mundo. Ang karunungang ito ay hindi naunawaan ng mga namumuno sa mundong ito. Sapagkat kung naunawaan nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang dakilang Panginoon. Ganito nga ang sinasabi ng Kasulatan,

    “Wala pang taong nakakita, nakarinig, o nakaisip sa mga bagay na inihanda ng Dios para sa mga nagmamahal sa kanya.”[a]

10 Ngunit ang mga bagay na itoʼy ipinahayag na sa atin ng Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Sapagkat ang lahat ng bagay ay nalalaman ng Espiritu, maging ang mga malalalim na kaisipan ng Dios. 11 Hindi baʼt walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu? Ganoon din naman, walang nakakaalam sa iniisip ng Dios maliban sa kanyang Espiritu. 12 At ang Espiritu na ito ng Dios ang tinanggap nating mga mananampalataya, hindi ang espiritu ng mundong ito, upang maunawaan natin ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Dios.

13 Kaya nga ipinangangaral namin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga salitang mula sa Banal na Espiritu at hindi mula sa karunungan ng tao. Ipinangangaral namin ang espiritwal na mga bagay sa mga taong pinananahanan ng Espiritu. 14 Ngunit sa taong hindi pinananahanan ng Espiritu ng Dios, hindi niya tinatanggap ang mga aral mula sa Espiritu, dahil para sa kanya itoʼy kamangmangan. At hindi niya ito nauunawaan, dahil ang mga bagay na itoʼy mauunawaan lamang sa tulong ng Espiritu. 15 Sa taong pinananahanan ng Espiritu, nauunawaan niya ang mga bagay na ito, ngunit hindi naman siya maunawaan ng mga tao na hindi pinananahanan ng Espiritu ng Dios. 16 Ayon nga sa sinasabi ng Kasulatan,

    “Sino ba ang nakakaalam ng isip ng Panginoon?
    Sino ba ang makakapagpayo sa kanya?”

Ngunit tayo, taglay natin ang pag-iisip ni Cristo, kaya nakakaunawa tayo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®