M’Cheyne Bible Reading Plan
Panimulang Salita
1 Marami ang nagsagawa ng pagsusulat ng isang salaysay patungkol sa mga bagay na lubos na pinaniwalaan sa atin.
2 Ito ang mga ibinigay sa atin ng mga saksing nakakita at mga lingkod ng Salita buhat pa sa pasimula. 3 Kagalang-galang na Teofilo, ako ay may wastong kaalaman sa lahat ng mga bagay dahil ito ay maingat kong binantayan mula pa nang una. Dahil dito, minabuti kong sumulat sa iyo nang maayos. 4 Isinulat ko ito upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.
Ipinahayag ng Anghel ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbawtismo
5 Sa mga araw ni Herodes, ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang pangalan ay Zacarias. Kasama siya sa pangkat ni Abias. Ang kaniyang asawa ay isa sa mga anak na babaeng mula sa angkan ni Aaron na nagngangalang Elisabet.
6 Sila ay kapwa matuwid sa harapan ng Diyos. Namumuhay silang walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak sapagkat si Elisabet ay baog at sila ay kapwa matanda na.
8 Dumating ang panahon upang ganapin ni Zacarias ang paglilingkod bilang saserdote sa harapan ng Diyos ayon sa kaugalian ng kaniyang pangkat. 9 Ayon sa kaugalian ng paglilingkod bilang saserdote, nakamit niya sa palabunutan ang magsunog ng kamangyan nang siya ay pumasok sa banal na dako ng Diyos. 10 Ang buong karamihan ng mga tao ay nananalangin sa labas sa oras ng pagsusunog ng kamangyan.
11 At isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kaniya na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan. 12 Pagkakita ni Zacarias sa anghel, siya ay naguluhan at natakot. 13 Sinabi ng anghel sa kaniya: Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat ang iyong daing ay dininig na. Ang iyong asawang si Elisabet ay manganganak ng isang lalaki. Ang ipapangalan mo sa kaniya ay Juan. 14 Siya ay magiging kaligayahan at kagalakan sa iyo at marami ang magagalak sa kaniyang kapanganakan. 15 Ito ay sapagkat siya ay magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Kailanman ay hindi siya iinom ngalak at ng matapang na inumin. Siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula pa sa bahay-bata ng kaniyang ina. 16 Marami sa mga anak ni Israel ang papapanumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Diyos. 17 Siya ay yayaon sa harapan ng Panginoon sa espiritu at kapangyarihan ni Elias upang ibalik ang mga puso ng mga ama sa mga anak. Gayundin, upang ang suwail ay ibalik sa karunungan ng matuwid at upang maghanda siya ng mga taong inilaan para sa Panginoon.
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel: Papaano ko ito malalaman? Ito ay sapagkat ako ay lalaking matanda na at ang aking asawa ay matanda na rin.
19 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Ako ay si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang makipag-usap sa iyo at ipahayag sa iyo ang mabuting balitang ito. 20 Narito, mapipipi ka at hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito. Ito ay sapagkat hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na ang mga ito ay matutupad sa kanilang tamang panahon.
21 At ang mga tao ay naghihintay kay Zacarias. Namamangha sila sa kaniyang pagtatagal sa loob ng banal na dako. 22 Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Napag-isip-isip nila na siya ay nakakita ng pangitain sa banal na dako sapagkat siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga senyas at siya ay nanatiling pipi.
23 Pagkatapos na maganap ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, umuwi siya sa kaniyang bahay. 24 Pagkalipas ng mga araw na iyon, ang kaniyang asawang si Elisabet ay naglihi. Siya ay nagtago ng limang buwan. 25 Kaniyang sinabi: Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw na ako ay kaniyang isinaalang-alang upang alisin ang aking kahihiyan sa mga tao.
Ang Kapanganakan ni Jesus
26 Sa ika-anim na buwan, ang anghel na si Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, isang lungsod ng Galilea.
27 Isinugo siya sa isang dalagang birhen na ipinagkasundong mapangasawa ng isang lalaking nagngangalang Jose. Si Jose ay mula sa angkan ni David, at ang pangalan ng dalagang birhen ay Maria. 28 Paglapit ng anghel ay sinabi sa kaniya: Binabati kita, ikaw na kinalugdan. Ang Panginoon ay kasama mo. Kapuri-puri ka sa mga kababaihan.
29 Nang makita ni Maria ang anghel, siya ay naguluhan sa kaniyang salita at pinag-isipan niya kung ano kayang uri ng bati ito. 30 Sinabi ng anghel sa kaniya: Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakasumpong ka ng biyaya sa Diyos. 31 Narito, ikaw ay magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. At ang ipapangalan mo sa kaniya ay Jesus. 32 Siya ay magiging dakila at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kaniya ng Panginoong Diyos ang trono ni Davidna kaniyang ninuno. 33 Siya ay maghahari sa tahanan niJacob magpakailanman at ang kaniyang paghahari ay hindi magwawakas.
34 Sinabi ni Maria sa anghel: Paano ito mangyayari yamang ako ay hindi nakakakilala ng isang lalaki?
35 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Darating sa iyo ang Banal na Espiritu, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ang lililim sa iyo. Dahil dito, ang banal na ito na iyong ipapanganak ay tatawaging Anak ng Diyos. 36 Narito, ang pinsan mong si Elisabet ay nagdadalang-tao rin ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito ngayon ang ika-anim na buwan ng kaniyang pagdadalang-tao, siya na tinatawag na baog. 37 Ito ay sapagkat sa Diyos ay walang anumang bagay na hindi mangyayari.
38 Sinabi ni Maria: Narito ang aliping babae ng Panginoon. Mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.
1 Akong si Pablo, sa kalooban ng Diyos, ay tinawag na maging apostol ni Jesucristo. Ang ating kapatid na si Sostenes ay kasama ko.
2 Sumusulat ako sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto, na mga itinalaga kay Cristo Jesus. Sa kanila na tinawag na mga banal kasama ang lahat ng nasa bawat dako, na tumatawag sa pangalan ni Jesucristo na kanilang Panginoon at ating Panginoon.
3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
Pasasalamat
4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Diyos para sa inyo dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Jesucristo.
5 Nagpapasalamat ako na sa bawat bagay ay pinasasagana niya kayo sa kaniya, sa lahat ng inyong pagsasalita at sa lahat ng kaalaman. 6 Ito ay kung papaanong napagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. 7 Kaya nga, hindi kayo nagkulang sa isa mang kaloob, na kayo ay naghihintay ng kapahayagan ng ating Panginoong Jesucristo. 8 Siya ang magpapatibay sa inyo hanggang wakas, hindi mapaparatangan sa araw ng ating Panginoong Jesucristo. 9 Ang Diyos ay matapat. Sa pamamagitan niya kayo ay tinawag sa pakikipag-isa sa kaniyang Anak na si Jesucristo na ating Panginoon.
Ang Pagkakabaha-bahagi sa Iglesiya
10 Mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo na kayong lahat ay magkaisa sa mga sasabihin ninyo, at huwag magkaroon ng pagkakabahagi sa inyo. Sa halip, lubos kayong magkaisa sa iisang isipan at iisang pagpapasiya.
11 Nasabi nga sa akin ng ilan sa sambahayan ni Cloe na mayroong mga paglalaban-laban sa inyo. 12 Ito ang sasabihin ko: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi: Ako ay kay Pablo, ako ay kay Apollos, ako ay kay Cefas, ako ay kay Cristo.
13 Pinagbaha-bahagi ba si Cristo? Si Pablo ba ay ipinako sa krus ng dahil sa inyo? Binawtismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat na wala akong binawtismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang sinumang magsabi na ako ay nagbabawtismo sa aking pangalan. 16 Binawtismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Patungkol sa iba, wala na akong alam na binawtismuhan ko. 17 Ito ay sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbawtismo kundi upang ipangaral ang ebanghelyo. Ito ay hindi sa pamamagitan ng karunungan ng salita upang hindi mawalan ng halaga ang krus ni Cristo.
Si Cristo ang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos
18 Sapagkat ang salita patungkol sa krus ay kamangmangan sa mga napapahamak ngunit sa atin na naligtas ito ay kapangyarihan ng Diyos.
19 Ito ay sapagkat nasusulat:
Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at pawawalang kabuluhan ang talino ng matatalino.
20 Nasaan ang marunong? Nasaan ang guro ng kautusan? Nasaan ang nakikipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba ang karunungan ng sanlibutang ito ay ginawa ng Diyos na kamangmangan? 21 Ito ay sapagkat sa karunungan ng Diyos, ang sanlibutan ay hindi nakakilala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Dahil dito ikinalugod ng Diyos na iligtas sila na sumasampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. 22 Ang mga Judio ay humihingi ng tanda at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan. 23 Ang aming ipinangangaral ay si Cristo na ipinako sa krus. Sa mga Judio siya ay katitisuran, sa mga Griyego siya ay kamangmangan. 24 Sa mga tinawag, Judio at Griyego, siya ay Cristo na siyang kapangyarihan ng Diyos at karunungan ng Diyos. 25 Ito ay sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay higit sa karunungan ng tao at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.
26 Sapagkat nakita ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid. Iilan lang ang matatalino ayon sa laman, iilan lang ang makapangyarihan, iilan lang ang maharlika na tinawag. 27 Subalit pinili ng Diyos ang kamangmangan ng sanlibutan upang ipahiya ang marurunong. Pinili niya ang mga mahihina ng sanlibutan upang ipahiya ang mga malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga mabababa sa sanlibutan at mga hinamak at mga bagay na walang halaga upang mapawalang halaga ang mga bagay na itinuturing na mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang makapagmalaki sa harap niya. 30 Dahil sa kaniya, kayo ay na kay Cristo Jesus. Ginawa siya na maging karunungan, katuwiran, kabanalan at katubusan para sa atin mula sa Diyos. 31 Ito ay upang matupad ang nasusulat:
Siya na nagmamalaki, magmalaki siya sa Panginoon.
Copyright © 1998 by Bibles International