M’Cheyne Bible Reading Plan
47 Pagkatapos, umalis si Jose at pumunta sa Faraon kasama ang lima sa kanyang kapatid. Sinabi ni Jose sa hari, “Dumating na po ang aking ama at mga kapatid galing sa Canaan, at dala po nila ang mga hayop nila at ang lahat ng kanilang ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” 2 Ipinakilala niya agad sa Faraon ang lima sa kanyang kapatid.
3 Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”
Sumagot sila, “Mga pastol po kami ng hayop, katulad ng mga magulang namin. 4 Pumunta kami rito para pansamantalang manirahan dahil matindi po ang taggutom sa Canaan, at wala na kaming mapagpastulan ng mga hayop namin. Hinihiling po namin sa inyo na kung maaari ay payagan nʼyo kaming manirahan sa Goshen.”
5 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong dumating na ang iyong ama at mga kapatid, 6 nakabukas ang Egipto para sa pamilya ninyo. Patirahin sila sa Goshen, na isa sa magagandang lupain sa Egipto. Kung may mapipili ka sa kanila na mapagkakatiwalaan, gawin silang tagapagbantay ng mga hayop ko.”
7 Dinala ni Jose ang kanyang ama sa Faraon at ipinakilala. Pagkatapos, binasbasan[a] ni Jacob ang Faraon. 8 Tinanong siya ng Faraon, “Ilang taon ka na?”
9 Sumagot siya, “130 taon. Maikli at mahirap po ang naging buhay ko rito sa lupa. Hindi ito umabot sa kahabaan ng buhay ng aking mga ninuno.” 10 Pagkatapos, muli niyang binasbasan ang Faraon,[b] at umalis siya sa harapan ng Faraon.
11 Ayon sa utos ng Faraon, inilagay ni Jose sa ayos ang kanyang ama at mga kapatid sa Egipto; ibinigay niya sa kanila ang lugar ng Rameses,[c] na isa sa pinakamagandang lupain sa Egipto. 12 Sinustentuhan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama ayon sa dami ng kanilang mga anak.
13 Ngayon, malala na ang taggutom kaya wala nang pagkain kahit saan. Nanghina na ang mga tao sa Egipto at sa Canaan dahil sa gutom. 14 Tinipon ni Jose ang lahat ng perang ibinayad ng mga taga-Egipto at taga-Canaan na bumili ng pagkain, at dinala ito sa palasyo ng Faraon. 15 Dumating ang panahon na naubos na ang perang pambili ng mga taga-Egipto at ng mga taga-Canaan. Pumunta ang mga taga-Egipto kay Jose at sinabi, “Wala na po kaming pera. Kung maaari bigyan na lang ninyo kami ng pagkain dahil mamamatay na kami sa gutom.”
16 Sinabi ni Jose, “Kung wala na talaga kayong pera, dalhin nʼyo rito ang mga hayop ninyo at iyon ang ibayad ninyo sa pagkain ninyo.” 17 Kaya dinala nila kay Jose ang kanilang mga kabayo, tupa, baka at asno, at ipinalit ito sa pagkain. Sa loob ng isang taon, sinustentuhan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng kanilang mga hayop.
18 Pagkalipas ng isang taon, pumunta na naman ang mga tao kay Jose at nagsabi, “Hindi po maitatago sa inyo na wala na kaming pera at ang mga hayop namin ay nariyan na sa inyo. Wala na pong naiwan sa amin, maliban sa aming sarili at mga lupain. 19 Kaya tulungan nʼyo po kami para hindi kami mamatay at hindi mapabayaan ang mga lupain namin. Payag po kami na maging alipin na lang ng hari at mapasakanya ang mga lupain namin para may makain lang kami. Bigyan nʼyo po kami agad ng mga binhi na maitatanim para hindi kami mamatay at hindi namin mapabayaan ang mga lupain namin.”
20 Kaya ipinagbili ng lahat ng taga-Egipto ang mga lupain nila kay Jose dahil matindi na ang taggutom. Binili ni Jose ang lahat ng ito para sa hari, kaya ang mga lupaing iyon ay naging pag-aari ng Faraon. 21 Ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon ang mga tao sa buong Egipto. 22 Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi nabili ni Jose. Hindi nila kailangang ipagbili ang mga lupain nila dahil sinusustentuhan sila ng Faraon ng pagkain at ng mga pangangailangan nila.
23 Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayon na nabili ko na kayo pati ang mga lupain ninyo para sa Faraon, heto ang binhi para makapagtanim kayo. 24 Kapag aani kayo, ibigay ninyo sa Faraon ang 20 porsiyento ng ani ninyo. At sa inyo na ang matitira, para may maitanim kayo at may makain ang buong sambahayan ninyo.” 25 Sinabi ng mga tao, “Ginoo, napakabuti po ninyong amo sa amin; iniligtas nʼyo ang buhay namin. Pumapayag po kami na maging alipin ng Faraon.”
26 Kaya ginawa ni Jose ang kautusan sa lupain ng Egipto na ang 20 porsiyento ng ani ay para sa Faraon. Ang kautusang ito ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi naging pag-aari ng Faraon.
27 Tumira ang mga Israelita sa Goshen na sakop ng Egipto. Nagkaroon sila roon ng lupain at dumami pa ang lahi nila.
28 Tumira si Jacob sa Egipto sa loob ng 17 taon, nabuhay siya hanggang 147 taon. 29 Nang naramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Kung maaari, ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita[d] ko at manumpa ka na ipagpapatuloy mo ang pagpapakita ng iyong kagandahang-loob sa akin. Huwag mo akong ilibing dito sa Egipto. 30 Kapag namatay na ako, ilibing mo ako sa libingan ng aking mga ninuno.”
Sumagot si Jose, “Gagawin ko po ang sinasabi ninyo.”
31 Sinabi ni Jacob, “Sumumpa ka sa akin.” Kaya sumumpa si Jose sa kanya. Lumuhod si Jacob sa kanyang higaan para magpasalamat sa Dios.
Pasimula
1 1-3 Kagalang-galang na Teofilus:
Marami na ang sumulat tungkol sa mga nangyari rito sa atin. Isinulat nila ang tungkol kay Jesus, na isinalaysay din sa amin ng mga taong nangaral ng salita ng Dios at nakasaksi mismo sa mga pangyayari mula pa noong una. Pagkatapos kong suriing mabuti ang lahat ng ito mula sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, 4 upang lubusan mong matiyak na totoo ang mga aral na itinuro sa iyo.
Nagpakita ang Anghel kay Zacarias
5 Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na “Grupo ni Abijah.” Ang asawa niya ay si Elizabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. 6 Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harap ng Dios. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elizabet, at matanda na silang pareho.
8 Isang araw, ang grupo ni Zacarias ang nakatalagang maglingkod sa templo ng Panginoon. 9 At katulad ng nakaugalian nila bilang mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng templo para magsunog ng insenso sa altar. 10 Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. 12 Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Pero sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Dios ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elizabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. 14 Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, 15 dahil magiging dakila siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay sasakanya na ang Banal na Espiritu. 16 Maraming Israelita ang panunumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Dios. 17 Mauuna siya sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Banal na Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang[a] na mahalin ang kanilang mga anak, at ibabalik niya sa matuwid na pag-iisip ang mga taong masuwayin sa Dios.”
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano po mangyayari ang mga sinabi nʼyo? Matanda na ako, at ganoon din ang asawa ko.”
19 Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Dios. Siya ang nagsugo sa akin para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil hindi ka naniwala sa sinabi ko, magiging pipi ka. Hindi ka makakapagsalita hanggaʼt hindi natutupad ang sinabi ko sa iyo. Sapagkat tiyak na mangyayari ang sinabi ko pagdating ng panahong itinakda ng Dios.”
21 Samantala, hinihintay ng mga tao ang paglabas ni Zacarias. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita at sumesenyas na lang siya. Kaya inisip nila na may nakita siyang pangitain sa loob ng templo. At mula noon naging pipi na siya.
23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias. 24 Hindi nagtagal, nagbuntis si Elizabet, at sa loob ng limang buwan ay hindi siya umalis ng bahay. 25 Sinabi niya, “Napakabuti ng Panginoon. Inalis niya ang kahihiyan ko sa mga tao bilang isang baog.”
Nagpakita kay Maria ang Anghel
26 Nang ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabet, inutusan ng Dios ang anghel na si Gabriel na pumunta sa nayon ng Nazaret sa Galilea. 27 Pinapunta siya sa isang birhen[b] na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David. 28 Sinabi ni Gabriel kay Maria, “Matuwa ka,[c] Maria, ikaw na pinagpala ng Dios. Sumasaiyo ang Panginoon.”
29 Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon. 30 Kaya sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Dios. 31 Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. 32 Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Dios ang trono ng ninuno niyang si David. 33 Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang paghahari niya ay walang katapusan.”
34 Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?”
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Dios. Kaya ang banal na sanggol na ipapanganak mo ay tatawaging Anak ng Dios. 36 Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. 37 Sapagkat walang imposible sa Dios.”
38 Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” At iniwan siya ng anghel.
13 “Nakita koʼt napakinggan ang lahat ng sinabi ninyo, at itoʼy aking naunawaan. 2 Ang alam ninyo ay alam ko rin. Hindi kayo nakahihigit sa akin. 3 Pero hindi na ako makikipagtalo sa inyo tungkol sa kalagayan ko. Sa Makapangyarihang Dios ko na lang ito idudulog. 4 Sapagkat pinagsisikapan ninyong gamutin ako ng kasinungalingan. Lahat kayoʼy parang manggagamot na walang silbi. 5 Mas mabuti pang tumahimik na lang kayo. Iyan ang pinakamabuti nʼyong gawin.
6 “Pakiusap naman! Pakinggan ninyo ang katuwiran ko. 7 Ipagtatanggol nʼyo ba ang Dios sa pamamagitan ng pagsisinungaling? 8 Kumakampi ba kayo sa kanya? Ipagtatanggol ba ninyo siya? 9 Kung siyasatin kaya kayo ng Dios, may kabutihan kaya siyang makikita sa inyo? Huwag ninyong isipin na madadaya ninyo siya tulad ng pandaraya ninyo sa mga tao. 10 Tiyak na sasawayin kayo ng Dios kahit na kinakampihan ninyo siya. 11 Hindi ba kayo natatakot sa kapangyarihan niya? 12 Ang mga binabanggit nʼyong kasabihan ay walang kabuluhan; itoʼy parang abo. Ang mga katuwiran nʼyo ay marupok gaya ng palayok.
13 “Tumahimik kayo habang nagsasalita ako, at anuman ang mangyari sa akin, bahala na. 14 Nakahanda akong itaya ang buhay ko. 15 Tiyak na papatayin ako ng Dios; wala na akong pag-asa. Pero ipagtatanggol ko pa rin ang aking sarili sa kanya. 16 Baka sakaling sa pamamagitan nito ay maligtas ako, dahil walang masamang tao na makakalapit sa kanya.
17 “Pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 18 Ngayong handa na akong ipagtanggol ang sarili ko; alam kong mapapawalang-sala ako. 19 Sino ang makapagpaparatang na nagkasala ako? Kung mayroon nga, mananahimik na lang ako hanggang sa mamatay.
20 “O Dios, dalawang bagay lang ang hinihiling ko sa inyo, na kung ibibigay nʼyo sa akin ay hindi na ako magtatago sa inyo: 21 Tigilan nʼyo na ang pagpaparusa sa akin at huwag nʼyo na akong takutin ng mga nakakatakot na parusa ninyo. 22 Kausapin nʼyo ako at sasagot ako, o kayaʼy ako ang magsasalita sa iyo at sagutin nʼyo ako. 23 Anu-ano po ba ang mga nagawa kong pagkakamali at kasalanan? Sabihin nʼyo po sa akin ang aking pagkakamali at mga kasalanan. 24 Bakit umiiwas kayo sa akin at itinuturing nʼyo akong kaaway? 25 Bakit nʼyo ako tinatakot at hinahabol? Para lang akong dahon o tuyong ipa na tinatangay ng hangin. 26 Inililista nʼyo ang mabibigat na paratang laban sa akin at isinasama nʼyo pa ang lahat ng kasalanan ko noong bata pa ako. 27 Para nʼyong ikinadena ang aking mga paa. Bawat hakbang koʼy binabantayan nʼyo, at pati bakas ng paa koʼy sinusundan ninyo. 28 Kaya para na akong isang bagay na nabubulok o isang damit na sinisira ng amag.
1 Mula kay Pablo na tinawag upang maging apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Sostenes na ating kapatid.
2 Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] ng Dios diyan sa Corinto. Kayoʼy naging kanya sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Tinawag niya kayo upang maging banal,[b] kasama ng lahat ng kumikilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo saan mang lugar. Siyaʼy Panginoon nating lahat.
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 5 Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, pinalago kayo ng Dios sa lahat ng bagay – sa pananalita at kaalaman. 6 Dahil dito, napatunayan sa inyo na ang mga itinuro namin tungkol kay Cristo ay totoo. 7 Kaya hindi kayo kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Pananatilihin niya kayong matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang kayoʼy maging walang kapintasan sa araw ng kanyang pagdating. 9 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Dapat Magkaisa ang mga Mananampalataya
10 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkaisa kayong lahat, na walang hidwaang mamagitan sa inyo. Magkaisa kayo sa isip at layunin. 11 Sinasabi ko ito, dahil may nagbalita sa akin mula sa tahanan ni Cloe na may mga nag-aalitan sa inyo. 12 Ito ang ibig kong sabihin: Ang iba daw sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako”; ang iba naman ay “Kay Apolos ako.” May iba ring nagsasabi, “Kay Pedro[c] ako”; at ang iba naman ay “Kay Cristo ako.” 13 Bakit, nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo?
14 Salamat sa Dios at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispus at Gaius. 15 Kaya walang makapagsasabing binautismuhan kayo sa pangalan ko. 16 (Binautismuhan ko rin pala si Stefanas at ang kanyang pamilya. Maliban sa kanila, wala na akong natatandaang binautismuhan ko.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang mangaral ng Magandang Balita. At hindi ko ito ginagawa sa pamamagitan ng mahusay na pananalita at karunungan ng tao, upang hindi mawalan ng kapangyarihan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Dios.
18 Ang mensahe ng pagkamatay ni Cristo sa krus ay kamangmangan para sa mga napapahamak, ngunit sa mga naliligtas, itoʼy kapangyarihan ng Dios. 19 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at ipapawalang-saysay ko ang katalinuhan ng matatalino.”[d] 20 Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mahuhusay sa debate sa panahong ito? Hindi baʼt ipinakita ng Dios na ang karunungan ng mundo ay kamangmangan?
21 Sapagkat sa karunungan ng Dios, hindi niya pinahintulot na makilala siya ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng mundong ito. Mas minabuti ng Dios na iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa ipinangangaral na Magandang Balita, na ayon sa iba ay kamangmangan lamang. 22 Ang mga Judio ay ayaw maniwala hanggaʼt walang nakikitang himala, at ang mga Griego naman ay humahanap ng sinasabi nilang karunungan. 23 Ngunit kami naman ay ipinapangaral ang Cristo na ipinako sa krus – bagay na hindi matanggap ng mga Judio, at isang kamangmangan para sa mga hindi Judio. 24 Ngunit para sa mga tinawag ng Dios, Judio man o hindi, si Cristo ang siyang kapangyarihan at karunungan ng Dios. 25 Sapagkat ang inaakala ng tao na kamangmangan ng Dios ay higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Dios ay higit pa sa kalakasan ng tao. 26 Mga kapatid, isipin ninyo kung ano ang inyong kalagayan nang tawagin kayo ng Dios. Iilan lamang sa inyo ang masasabing matalino sa paningin ng mundo, at iilan lamang ang makapangyarihan o nagmula sa mga kilalang angkan. 27 Ngunit pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mangmang upang hiyain ang marurunong. Pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 At pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga upang mapawalang-halaga ang itinuturing ng mundo na mahalaga. 29 Kaya walang makakapagmalaki sa harap ng Dios. 30 Dahil sa kanya, tayoʼy nakay Cristo Jesus. Si Cristo ang karunungan ng Dios para sa atin. Sa pamamagitan niya, itinuring tayo ng Dios na matuwid, ibinukod para sa kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan. 31 Kaya gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang gustong magmalaki, ipagmalaki lamang ang ginawa ng Dios.”[e]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®