Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 45

Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid

45 Hindi na mapigilan ni Jose ang kanyang sarili, kaya pinalabas niya ang kanyang mga alipin. At nang sila na lamang ang naroon, nagpakilala siya sa kanyang mga kapatid. Umiyak nang malakas si Jose kaya narinig ito ng mga Egipcio at ng sambahayan ng Faraon.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako si Jose! Totoo bang buhay pa ang ating ama?” Pero hindi nakasagot sa kanya ang mga kapatid niya dahil natulala sila.

Kaya sinabi ni Jose, “Lumapit kayo sa akin.” Nang lumapit na sila, sinabi niya, “Ako si Jose na kapatid ninyo, ang ipinagbili at dinala nʼyo rito sa Egipto. Ngayon, huwag kayong mag-alala at huwag ninyong sisihin ang sarili nʼyo dahil ipinagbili nʼyo ako rito, dahil ang Dios ang siyang nagsugo sa akin dito para iligtas ang buhay ninyo. Ikalawang taon pa lang ito ng taggutom, at may susunod pang limang taon na walang ani. Pero sinugo ako rito ng Dios para mailigtas kayo at mapanatili ang marami sa inyo rito sa mundo.

“Kaya, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kundi ang Dios. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng buong Egipto. Ngayon, magmadali kayong bumalik sa aking ama at sabihin nʼyo sa kanya na ang anak niyaʼy ginawa ng Dios na tagapamahala ng buong Egipto. At sabihin ninyo sa kanya na pinapapunta ko siya rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Sabihin nʼyo rin sa kanya na maaari siyang tumira sa lupain ng Goshen kasama ang kanyang mga anak at mga apo, mga hayop, at ang lahat ng ari-arian niya, para malapit siya sa akin. 11 Aalagaan ko siya rito sa Goshen dahil may darating pang limang taon na taggutom. Ayaw kong magutom siya at ang kanyang sambahayan, pati ang kanyang mga hayop.”

12 Nagpatuloy si Jose sa pagsasalita, “Ngayong alam nʼyo na, maging ng kapatid kong si Benjamin, na talagang ako si Jose na nakikipag-usap sa inyo. 13 Sabihin nʼyo sa aking ama ang tungkol sa karangalang nakamit ko rito sa Egipto at ang lahat ng nakita ninyo tungkol sa akin. At dalhin nʼyo siya agad dito sa akin.”

14 Pagkatapos, niyakap ni Jose ang kanyang kapatid na si Benjamin, umiiyak siya habang nakayakap kay Jose. 15 Pagkatapos, pinaghahagkan ni Jose ang lahat ng kapatid niya at patuloy siyang umiiyak sa kanila. Pagkatapos noon ay nakipag-usap sa kanya ang mga kapatid niya.

16 Nang makarating ang balita sa palasyo ng Faraon na dumating ang mga kapatid ni Jose, natuwa ang Faraon at ang kanyang mga opisyal. 17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa mga kapatid mo na kargahan nila ng pagkain ang mga hayop nila at bumalik sa lupain ng Canaan. 18 Pagkatapos, dalhin nila rito ang kanilang ama at ang kani-kanilang pamilya, dahil ibibigay ko sa kanila ang pinakamagandang lupain sa Egipto at matitikman nila ang pinakamagandang ani nito.

19 “Sabihin mo rin sa kanila na magdala sila ng mga karwahe mula rito sa Egipto para masakyan ng mga asawaʼt anak nila sa paglipat nila rito. At dalhin nila rito ang kanilang ama. 20 Huwag na silang manghinayang sa mga ari-arian nilang maiiwan dahil ang magagandang bagay sa buong Egipto ay magiging sa kanila.”

21 Ginawa ito ng mga anak ni Jacob. At ayon sa utos ng Faraon, binigyan ni Jose ang mga kapatid niya ng mga karwahe at pinabaunan ng pagkain sa kanilang paglalakbay. 22 Binigyan din niya ang bawat isa sa kanila ng damit; pero ang ibinigay niya kay Benjamin ay limang damit at 300 pirasong pilak. 23 Pinadalhan din niya ang kanyang ama ng sampung asnong may mga kargang pinakamagandang ani mula sa Egipto, at sampung babaeng asno na may mga kargang trigo, tinapay at mga baon ng kanyang ama sa paglalakbay. 24 Nang pinaalis na niya ang kanyang mga kapatid, sinabi niyang huwag silang mag-aaway sa daan.

25 Kaya umalis sila sa Egipto at bumalik sa kanilang ama sa Canaan. 26 Pagdating nila roon, sinabi nila sa kanilang ama na buhay pa si Jose, at siya pa nga ang tagapamahala ng buong Egipto. Natulala si Jacob; hindi siya makapaniwala. 27 Pero nang sinabi nila sa kanya ang lahat ng sinabi ni Jose sa kanila, at nang makita niya ang mga karwahe na ipinadala ni Jose para sa pagpunta niya sa Egipto, bigla siyang lumakas. 28 Sinabi ni Jacob, “Naniniwala na ako! Ang anak kong si Jose ay buhay pa. Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”

Marcos 15

Dinala si Jesus kay Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio, mga tagapagturo ng Kautusan at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Ginapos nila si Jesus at dinala kay Gobernador Pilato. Nang naroon na sila, tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Maraming paratang ang mga namamahalang pari laban kay Jesus. Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Wala ka bang sagot sa paratang ng mga ito? Marami silang paratang laban sa iyo!” Pero hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya nagtaka si Pilato.

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(B)

Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ni Pilato na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. May isang bilanggo roon na ang pangalan ay Barabas. Nabilanggo siya dahil kabilang siya sa mga nakapatay noong naghimagsik sila laban sa pamahalaan. Marami ang lumapit kay Pilato at hiniling na gawin muli ang nakaugaliang pagpapalaya ng bilanggo. Kaya tinanong sila ni Pilato, “Gusto ba ninyo na palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa mga namamahalang pari na dalhin sa kanya si Jesus. 11 Sinulsulan ng mga namamahalang pari ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain at hindi si Jesus. 12 Nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Ano ngayon ang gagawin ko sa taong tinatawag nʼyong Hari ng mga Judio?” 13 Sumigaw sila, “Ipako siya sa krus!” 14 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 15 Dahil gustong pagbigyan ni Pilato ang mga tao, pinalaya niya si Barabas. Ipinahagupit naman niya si Jesus at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.

Pinahirapan ng mga Sundalo si Jesus(C)

16 Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador at tinipon nila roon ang buong batalyon ng mga sundalo. 17 Sinuotan nila si Jesus ng kapa na kulay ube at gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya. 18 Pagkatapos, pakutya silang nagsisigaw, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 At paulit-ulit nilang pinaghahampas ng tungkod ang kanyang ulo, at pinagduduraan nila siya. Lumuluhod sila sa kanya na kunwari ay sumasamba sa kanya. 20 Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila ang kulay ubeng kapa at ipinasuot ang kanyang damit. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(D)

21 Habang naglalakad sila, nasalubong nila ang isang tao na galing sa bukid. Siyaʼy si Simon na taga-Cyrene, na ama ni Alexander at ni Rufus. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22 Pagkatapos, dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo.” 23 Pagdating nila roon, binigyan nila si Jesus ng alak na may halong mira,[a] pero hindi niya ito ininom. 24 Ipinako nila sa krus si Jesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa. 25 Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus. 26 May karatula sa itaas ng krus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. 28 [Sa pangyayaring ito, natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Napabilang siya sa mga kriminal.”]

29 Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sabay sabi, “O ano ngayon? Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? 30 Bumaba ka sa krus at iligtas mo ang iyong sarili!” 31 Ganito rin ang pangungutya ng mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinasabi nila sa isaʼt isa, “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili! 32 Tingnan nga natin kung makakababa sa krus ang Cristong ito na hari raw ng Israel! Kapag nakababa siya, maniniwala na tayo sa kanya.” Maging ang mga ipinakong kasabay niya ay nang-insulto rin sa kanya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(E)

33 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 34 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[b] 35 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36 Tumakbo agad ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus para sipsipin niya. Sinabi ng taong iyon, “Tingnan natin kung darating nga si Elias upang ibaba siya sa krus.” 37 Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.

38 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. 39 Nakatayo sa harap ng krus ang kapitan ng mga sundalo at nakita niya kung paanong nalagutan ng hininga si Jesus. Sinabi niya, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” 40 Sa di-kalayuan ay may mga babaeng nanonood sa mga nangyayari. Kabilang sa kanila si Salome, si Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ni Jose at ng nakababata nitong kapatid na si Santiago. 41 Ang mga babaeng ito ay sumasama kay Jesus at tumutulong sa kanya noong nasa Galilea siya. Naroon din ang iba pang babaeng sumama sa kanya sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(F)

42 Namatay si Jesus sa araw ng paghahanda para sa pista. Padilim na noon, at ang susunod na araw ay Araw ng Pamamahinga. 43 Kaya naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na puntahan si Pilato at hingin ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isa sa mga iginagalang na miyembro ng Korte ng mga Judio. At isa siya sa mga naghihintay sa pagdating ng paghahari ng Dios. 44 Nang marinig ni Pilato na patay na si Jesus, nagtaka siya. Kaya ipinatawag niya ang kapitan ng mga sundalo at tinanong kung patay na nga si Jesus. 45 At nang marinig ni Pilato sa kapitan na patay na nga si Jesus, pinayagan niya si Jose na kunin ang bangkay ni Jesus. 46 Bumili si Jose ng mamahaling telang linen at kinuha ang bangkay ni Jesus sa krus. Binalot niya ito ng telang binili niya at inilagay sa libingang hinukay sa gilid ng burol. At pinagulong niya ang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan. 47 Nagmamasid noon si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina ni Jose, kaya nakita nila kung saan inilibing si Jesus.

Job 11

Nagsalita si Zofar

11 Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama,

“Hindi dapat palampasin itong mga sinabi mo. Hindi mapapatunayan ng isang tao na wala siyang kasalanan sa pamamagitan lang ng kanyang mga salita. Sa tingin mo baʼy mapapatahimik kami ng mga sinasabi mong walang saysay? Akala mo baʼy hindi ka namin sasawayin sa iyong panunuya? Sinasabi mong tama ang iyong paniniwala at matuwid ka sa paningin ng Dios. Magsalita sana ang Dios laban sa iyo, at sabihin sa iyo ang mga bagay na hindi mo pa alam. May mga bagay na alam mo na at may mga bagay ding hindi mo pa alam. Alam mo bang ang parusa ng Dios sa iyo ay kulang pa sa nararapat sa iyo?

“Kaya mo bang unawain ang lahat-lahat tungkol sa Dios? 8-9 Mas mataas pa ito kaysa sa langit at mas malalim pa kaysa sa lugar ng mga patay. Mas malawak pa ito kaysa sa mundo at mas maluwang pa kaysa sa dagat. Maihahambing mo kaya ang karunungan mo sa kanya?

10 “Halimbawang dakpin ka ng Dios, iharap sa hukuman at ipakulong, may makakapigil ba sa kanya? 11 Alam niya kung sino ang mga mandaraya at hindi lingid sa kanya ang kanilang kasamaan. 12 Ang mangmang ay imposibleng maging marunong gaya ng asnong-gubat na imposibleng manganak ng tao.

13 Job, kung magsisisi ka at lalapit sa Dios, 14 at tatalikuran ang iyong mga kasalanan, at kung pati ang sambahayan mo ay magsisisi sa kanilang kasalanan, 15 tiyak na hindi ka na mapapahiya, tatatag ang iyong pamumuhay at wala ka nang katatakutan. 16 Makakalimutan mo na rin ang iyong paghihirap na parang tubig na umagos lang at nawala. 17 At ang buhay moʼy magiging mas maliwanag pa kaysa sa sikat ng araw sa katanghaliang tapat. At ang dati mong buhay na madilim ay magiging maliwanag na parang umaga. 18 Mapapanatag ang buhay mo dahil may bago kang pag-asa. Iingatan ka ng Dios at makapagpapahinga ka ng walang kinatatakutan. 19 Matutulog ka ng walang mananakot sa iyo, at marami ang hihingi ng tulong sa iyo. 20 Pero ang masasama ay mabibigo at walang patutunguhan. At ang tanging pag-asa nila ay kamatayan.”

Roma 15

Mamuhay Tayo para sa Ikabubuti ng Iba

15 Tayong malalakas sa pananampalataya ay dapat tumulong sa mga kapatid nating mahihina sa pananampalataya. Hindi lang ang sarili nating kapakanan ang dapat nating isipin, kundi ang kapakanan din ng iba, para mapalakas ang kanilang pananampalataya. Maging si Cristo ay hindi hinangad ang sariling kapakanan, kundi ayon sa Kasulatan, “Nasaktan din ako sa mga pang-iinsultong ginawa sa inyo.”[a] Ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan noong unang panahon ay isinulat para turuan tayo. At sa pamamagitan ng Kasulatan, tayoʼy magiging matatag at malakas ang loob, at magkakaroon ng pag-asa.

Nawa ang Dios na nagpapalakas at nagbibigay sa atin ng pag-asa ay tulungan kayong mamuhay nang may pagkakaisa bilang mga tagasunod ni Cristo Jesus. Sa ganoon, sama-sama kayong magpupuri sa Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Magandang Balita para sa mga Hindi Judio

Kaya tanggapin ninyo ang isaʼt isa gaya nang pagtanggap ni Cristo sa inyo para mapapurihan ang Dios. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na isinugo ng Dios si Cristo para maglingkod sa mga Judio at para ipakita na ang Dios ay tapat sa pagtupad ng kanyang mga pangako sa kanilang mga ninuno. Sinugo rin si Cristo para ipakita ang awa ng Dios sa mga hindi Judio, nang sa ganoon ay papurihan din nila ang Dios. Ayon nga sa Kasulatan,

    “Pasasalamatan kita sa piling ng mga hindi Judio,
    at aawit ako ng mga papuri sa iyo.”[b]

10 At sinabi pa sa Kasulatan,

    “Kayong mga hindi Judio, makigalak kayo sa mga taong sakop ng Dios.”[c]

11 At sinabi pa,

    “Kayong lahat na mga hindi Judio, purihin ninyo ang Panginoon.
    Kayong lahat, purihin siya.”[d]

12 Sinabi naman ni Isaias,

    “Magmumula sa lahi ni Jesse ang isang mamumuno sa mga hindi Judio,
    at aasa sila sa kanya.”[e]

13 Nawa ang Dios na nagbibigay sa atin ng pag-asa ang siya ring magbigay sa inyo ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong pananampalataya sa kanya, para patuloy na lumago ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo

14 Mga kapatid, lubos akong naniniwala na puno kayo ng kabutihan, may sapat na kaalaman, at marunong magpaalala sa isaʼt isa. 15 Ganoon pa man, sumulat pa rin ako ng walang pag-aalinlangan tungkol sa mga bagay na dapat ipaalala sa inyo, dahil ipinagkaloob ng Dios sa akin 16 na maging lingkod ni Cristo Jesus para sa mga hindi Judio. Naglilingkod ako sa kanila na tulad ng isang pari at ipinangangaral ko ang Magandang Balita ng Dios. Ginagawa ko ito para maging handog sila na katanggap-tanggap sa Dios, na itinalaga sa kanya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 17 At dahil akoʼy nakay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking mga nagawa para sa Dios. 18 At wala akong ibang ipinagmamalaki kundi ang mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, na nahikayat ko ang mga hindi Judio na sumunod sa Dios sa pamamagitan ng aking mga aral at mga gawa, 19 sa tulong ng mga himala at kamangha-manghang mga bagay na gawa ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kaya naipangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo mula sa Jerusalem hanggang Iliricum. 20 Ang tanging nais koʼy maipangaral ang Magandang Balita sa mga lugar na hindi pa naipapangaral si Cristo para hindi ako makapangaral sa lugar na may gawaing pinasimulan na ng iba. 21 Sinasabi sa Kasulatan,

    “Makikilala siya ng mga hindi pa nasasabihan ng tungkol sa kanya.
    Makakaunawa ang mga hindi pa nakakarinig.”[f]

Ang Plano ni Pablo na Pagpunta sa Roma

22 Ang pangangaral ko sa mga lugar dito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakarating diyan sa inyo. 23 Pero ngayong natapos ko na ang mga gawain ko rito, at dahil matagal ko nang gustong pumunta riyan, 24 inaasahan kong magkikita-kita na tayo ngayon. Dadaan ako riyan sa pagpunta ko sa España. At alam kong magiging masaya ako sa ating pagkikita kahit saglit lang. Inaasahan ko rin na matutulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa España mula riyan. 25 Pero sa ngayon, kailangan ko munang pumunta sa Jerusalem para ihatid ang tulong sa mga pinabanal[g] ng Dios. 26 Sapagkat minabuti ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya na magbigay ng tulong para sa mga mahihirap na pinabanal ng Dios doon sa Jerusalem. 27 Masaya nilang ginagawa ito, at ito ang nararapat, dahil may utang na loob sila sa mga kapatid sa Jerusalem. Kung ang mga hindi Judio ay nakabahagi sa pagpapalang espiritwal ng mga Judio, dapat lang na tulungan nila ang mga Judio sa mga pagpapalang materyal. 28 Pagkatapos kong maihatid ang nakolektang tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, dadaan ako riyan sa inyo bago ako pumunta sa España. 29 Naniniwala ako na pagdating ko riyan, dala ko ang maraming pagpapala para sa inyo mula kay Cristo.

30 Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig na bigay ng Banal na Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na panalangin sa Dios para sa akin. 31 Ipanalangin ninyo na maligtas ako sa mga di-mananampalataya sa Judea, at malugod na tanggapin ng mga pinabanal ng Dios sa Jerusalem ang dala kong tulong para sa kanila. 32 Sa ganoon, masaya akong darating diyan sa inyo kung loloobin ng Dios, at makakapagpahinga sa piling ninyo. 33 Patnubayan nawa kayo ng Dios na nagbibigay ng kapayapaan. Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®