Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 40

Ipinaliwanag ni Jose ang Dalawang Panaginip

40 1-2 Pagkatapos ng mga nangyaring ito, nagkasala sa Faraon[a] ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at pinuno ng mga panadero. Lubhang nagalit ang hari sa dalawa niyang opisyal na ito. Kaya ipinabilanggo niya ang mga ito sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo kung saan naroon din si Jose nakabilanggo. Si Jose ang katiwala ng kapitan ng mga guwardya na nag-aalaga sa kanila. Nagkasama sila nang matagal sa bilangguan.

Isang gabi, nanaginip ang tagasilbi ng alak at ang panadero ng Faraon habang naroon sila sa bilangguan. Ang bawat isa sa kanila ay magkaiba ang panaginip at magkaiba rin ang kahulugan.

Kinaumagahan, pagpunta ni Jose sa kanila, nakita niyang nanlulupaypay sila. Kaya tinanong niya sila, “Bakit kayo malungkot?”

Sumagot sila, “Nanaginip kasi kami pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”

Sinabi ni Jose, “Ang Dios ang nagbibigay ng kaalaman sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip. Sige, sabihin nʼyo sa akin kung ano ang mga panaginip ninyo.”

Kaya sinabi ng pinuno ng tagasilbi ng alak ang kanyang panaginip. Sinabi niya, “Nanaginip ako na may isang puno ng ubas sa aking harapan 10 at itoʼy may tatlong sanga. Tumubo ito, namulaklak, at nahinog ang mga bunga. 11 Nakahawak daw ako sa saro ng Faraon at pumitas ng ubas, at piniga ko agad sa saro. Pagkatapos, ibinigay ko ang saro sa hari.”

12 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong sanga ay nangangahulugan ng tatlong araw. 13 Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan at pababalikin ka sa trabaho mo bilang tagasilbi ng kanyang alak. 14 Nawaʼy alalahanin mo ako kapag nasa mabuti ka nang kalagayan. At bilang pagpapakita ng kabutihan mo sa akin, banggitin mo rin ako sa Faraon para matulungan mo ako na makalabas sa bilangguan. 15 Sapagkat ang totoo, sapilitan lang akong dinala rito mula sa lupain ng mga Hebreo, at kahit dito ay wala rin akong nagawang kasalanan para ibilanggo ako.”

16 Nang marinig ng pinuno ng mga panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip, isinalaysay din niya ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip din ako na may dala-dala ako sa ulo ko na tatlong kaing na may mga laman na tinapay. 17 Ang ibabaw ng kaing ay may laman na ibaʼt ibang uri ng tinapay para sa Faraon, pero tinuka ito ng mga ibon.”

18 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong kaing ay nangangahulugan ng tatlong araw. 19 Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan pero ipapapatay ka niya at ibibitin ang bangkay mo sa kahoy, at tutukain ito ng mga ibon.”

20 Dumating ang ikatlong araw at ito ay kaarawan ng Faraon. Kaya nagpahanda siya para sa lahat ng opisyal niya. Pinalabas niya sa bilangguan ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at ang pinuno ng mga panadero niya, at pinaharap sa kanyang mga opisyal. 21 Ibinalik niya ang pinuno ng mga tagasilbi ng alak sa kanyang trabaho. 22 Pero ipinapatay niya ang pinuno ng mga panadero, at ibinitin ang bangkay nito sa puno. Nangyari lahat ang sinabi ni Jose sa kanila.

23 Pero hindi naalala ng pinuno ng mga tagasilbi ng alak si Jose.

Marcos 10

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(A)

10 Umalis si Jesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog ng Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng dati ay nangaral siya sa kanila.

Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya upang hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tinanong din sila ni Jesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?” Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na maaaring gumawa ang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay pwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.”[a] Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’[b] ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[c] Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.”

10 Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng mga tagasunod niya tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila, “Kung hiwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nangangalunya siya at nagkasala sa una niyang asawa. 12 At kung hiwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(B)

13 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Pero pinagbawalan sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga tagasunod niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.

Ang Mayamang Lalaking(C)

17 Nang paalis na si Jesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 19 Tungkol sa tanong mo, alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[d] 20 Sumagot ang lalaki, “Guro, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 21 Tiningnan siya ni Jesus nang may pagmamahal at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.

23 Tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa mga tagasunod niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.” 24 Nagtaka sila sa sinabi ni Jesus, kaya sinabi niya, “Mga anak, napakahirap talagang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Lalong nagtaka ang mga tagasunod niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao pero hindi sa Dios, dahil ang lahat ay posible sa Dios.”

28 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang lahat ng nag-iwan ng bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin at sa Magandang Balita 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, mga lupa, pati mga pag-uusig. At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon. 31 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”

Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)

32 Habang naglalakad sila papuntang Jerusalem, nauna sa kanila si Jesus. Kinakabahan ang mga tagasunod niya at natatakot naman ang iba pang sumusunod sa kanila. Ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at muli niyang sinabi kung ano ang mangyayari sa kanya, 33 “Makinig kayo! Papunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan at ibibigay sa mga hindi Judio. 34 Iinsultuhin nila ako, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit muli akong mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw.”

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(E)

35 Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee at nagsabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” 36 “Ano ang kahilingan ninyo?” Tanong ni Jesus. 37 Sumagot sila, “Sana po, kapag naghahari na kayo ay paupuin nʼyo kami sa inyong tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya nʼyo bang tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko? Kaya nʼyo ba ang mga hirap na daranasin ko?”[e] 39 Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin ang mga ito. 40 Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o kaliwa ko. Ang mga itoʼy para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”

41 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi nina Santiago at Juan, nagalit sila sa kanila. 42 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam nʼyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit ano ang gustuhin nila ay nasusunod. 43 Pero hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 44 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ako, na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para matubos ang maraming tao!”

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na si Bartimeus(F)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. At nang paalis na siya roon kasama ang mga tagasunod niya at marami pang iba, nadaanan nila ang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siyaʼy si Bartimeus na anak ni Timeus. 47 Nang marinig niyang dumadaan si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya, “Jesus, Anak ni David,[f] maawa po kayo sa akin!” 48 Pinagsabihan siya ng marami na tumahimik. Pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila si Bartimeus at sinabi, “Lakasan mo ang loob mo. Tumayo ka, dahil ipinapatawag ka ni Jesus.” 50 Itinapon ni Bartimeus ang balabal niya at dali-daling lumapit kay Jesus. 51 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakita.” 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Umuwi ka na; pinagaling[g] ka ng iyong pananampalataya.” Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus sa daan.

Job 6

Sumagot si Job

Sumagot si Job,

“Kung matitimbang lang ang dinaranas kong pagtitiis at paghihirap, mas mabigat pa ito kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Iyan ang dahilan kung bakit nagsasalita ako nang hindi ko pinag-iisipan nang mabuti. Sapagkat para akong pinana ng Makapangyarihan na Dios ng panang nakakalason, at ang lason nitoʼy kumalat sa buo kong katawan. Ang nakakatakot na pana ng Dios ay nakatusok na sa akin. Wala ba akong karapatang dumaing? Kahit asnong-gubat at baka ay umaatungal kapag walang damo. Ang tao namaʼy nagrereklamo kapag walang asin ang kanyang pagkain, lalo naʼt kung ang kakainin ay puti lang ng itlog. Ako man ay wala ring ganang kainin iyan, para akong masusuka.

“Nawaʼy ibigay ng Dios sa akin ang aking kahilingan. Matanggap ko na sana ang aking hinahangad, na bawiin na lang sana ng Dios ang aking buhay. 10 At kapag itoʼy nangyari, masaya pa rin ako, dahil sa kabila ng aking paghihirap hinding-hindi ko itinakwil ang mga salita ng Banal na Dios.

11 “Ngunit pagod na akong maghintay at wala na rin akong maaasahan pa. Bakit kailangang patagalin pa ang buhay ko? 12 Kasingtibay ba ako ng bato at gawa ba sa tanso ang katawan ko? Hindi! 13 Wala na akong lakas para iligtas ang sarili ko. Wala na rin akong pagkakataong magtagumpay pa.

14 “Bilang mga kaibigan nais kong damayan ninyo ako sa paghihirap kong ito, kahit na sa tingin ninyoʼy itinakwil ko na ang Dios na Makapangyarihan. 15 Pero kayong mga itinuturing kong kapatid ay hindi pala maaasahan; para kayong sapa na kung minsan ay umaapaw ang tubig at kung minsan naman ay tuyo. 16 Itoʼy umaapaw kapag napupuno ng tunaw na yelo at nyebe, 17 at natutuyo kapag tag-init. 18 Kapag dumaan doon ang mga naglalakbay, wala silang tubig na maiinom, kaya pagdating nila sa ilang namamatay sila. 19 Ang mga mangangalakal na nagmula sa Tema at Sheba na naglalakbay ay umaasang makakainom sa sapa, 20 pero nabigo sila. Umaasa silang may tubig doon pero wala pala. 21 Ang sapa na iyon ang katulad ninyo. Wala rin kayong naitutulong sa akin. Natakot kayo nang makita ninyo ang nakakaawa kong kalagayan. 22 Pero bakit? Humingi ba ako ng regalo sa inyo? Nakiusap ba ako na tulungan ninyo ako mula sa inyong kayamanan, 23 o iligtas sa kamay ng aking mga kaaway? 24 Hindi! Ang pakiusap ko lamang ay sabihin ninyo sa akin ang tamang sagot sa nangyayari sa akin, at tatahimik na ako. Sabihin ninyo sa akin kung ano ang nagawa kong pagkakamali. 25 Hindi baleng masakit ang sasabihin ninyo bastaʼt iyon ay totoo. Pero ang ibinibintang ninyo sa akin ay hindi totoo at hindi ninyo mapatunayan. 26 Gusto ninyong ituwid ang mga sinasabi ko, dahil para sa inyo, ang aking sinasabi bilang desperadong tao ay walang kabuluhan. 27 Bakit, kayo baʼy matuwid? Nagagawa nga ninyong ipaalipin ang isang ulila, o di kayaʼy ipagbili ang isang kaibigan! 28 Tingnan ninyo ako. Sa tingin ba ninyoʼy magsisinungaling ako sa inyo? 29 Tigilan na ninyo ang paghatol sa akin, dahil wala akong kasalanan. 30 Akala ba ninyo ay nagsisinungaling ako, at hindi ko alam kung ano ang tama at mali?

Roma 10

10 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at dalangin sa Dios ay ang kaligtasan ng aking mga kalahing Judio. Ako na rin ang makakapagpatunay na masigasig sila sa kanilang paglilingkod sa Dios, kaya nga lang ay hindi ayon sa katotohanan. Itoʼy sa dahilang hindi nila alam kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang isang tao. Nagsikap silang gumawa ng sariling pamamaraan sa halip na sundin nila ang pamamaraan ng Dios. Sapagkat hindi nila alam na si Cristo ang hangganan ng Kautusan. Dahil sa kanyang ginawa, ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay itinuturing ng Dios na matuwid.

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa taong itinuturing ng Dios na matuwid batay sa Kautusan: “Ang taong sumusunod sa Kautusan ay mabubuhay nang ayon sa Kautusan.”[a] Pero ganito naman ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya: “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ba ang aakyat sa langit?’ ” (para ibaba si Cristo). “O di kayaʼy, ‘Sino ang bababa sa lugar ng mga patay?’ ” (para ibangon si Cristo mula sa mga patay). Sa halip, sinasabi ng Kasulatan,

    “Ang salita ng Dios ay malapit sa iyo; nasa bibig at puso mo.”[b]

Itoʼy walang iba kundi ang pananampalataya na ipinangangaral namin: na kung ipapahayag mo na si Jesus ay Panginoon at sasampalataya ka nang buong puso na muli siyang binuhay ng Dios, maliligtas ka. 10 Sapagkat itinuring ng Dios na matuwid ang taong sumasampalataya sa kanya nang buong puso. At kung ipapahayag niya na siyaʼy sumasampalataya, maliligtas siya. 11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”[c] 12 At ang pangakong itoʼy para sa lahat dahil walang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio.[d] Ang Panginoon ay Panginoon ng lahat, at pinagpapala niya nang masagana ang lahat ng tumatawag sa kanya. 13 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon.”[e]

14 Pero paano sila tatawag kung hindi naman sila sumasampalataya sa kanya? At paano sila sasampalataya kung hindi pa sila nakakarinig ng tungkol sa kanya? At paano sila makakarinig kung walang nangangaral? 15 At paano makakapangaral ang sinuman kung hindi naman siya isinugo? Ayon sa Kasulatan, “Napakagandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng magandang balita.”[f] 16 Pero hindi naman tinatanggap ng lahat ang Magandang Balita. Sinabi nga ni Isaias, “Panginoon, sino po ba ang naniwala sa sinabi namin?”[g]

17 Sasampalataya lang ang tao kung maririnig niya ang mensahe tungkol kay Cristo, at maririnig lang niya ito kung may mangangaral sa kanya. 18 Ito ngayon ang tanong ko: Hindi ba nakarinig ang mga Israelita? Nakarinig sila, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Narinig sa lahat ng dako ang kanilang tinig, at ang sinabi nila ay nakarating sa buong mundo.”[h] 19 Kung ganoon, hindi ba nila ito naunawaan? Naunawaan nila, dahil ayon sa isinulat ni Moises, sinabi ng Dios sa kanila, “Iinggitin ko kayo sa pamamagitan ng ibang bansa. Iinisin ko kayo dahil ipapakita ko ang aking awa sa mga taong hindi nakakakilala sa akin.”[i] 20 At buong tapang naman na sinabi ni Isaias ang sinabing ito ng Dios:

    “Natagpuan ako ng mga taong hindi naghahanap sa akin. Ipinakilala ko ang aking sarili sa mga hindi nagtatanong tungkol sa akin.”[j]

21 Pero tungkol naman sa Israel, ito ang sinabi ng Dios: “Matagal akong nanawagan at naghintay sa isang bansang matigas ang ulo at suwail.”[k]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®