M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinakain ni Jesus ang Apat na Libong Tao
8 Nang mga araw na iyon, ang mga tao ay napakarami. Walang makain ang mga ito kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila:
2 Ako ay nahahabag sa mga tao, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at walang makain. 3 Kung pauwin ko sila sa kanilang tirahan na hindi pa nakakakain, manlulupaypay sila sa daan sapagkat malayo pa ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.
4 Sinabi ng mga alagad: Papaano mapapakain ng sinuman ang mga taong ito ng tinapay sa ilang na dakong ito?
5 Tinanong niya sila: Ilan ang inyong tinapay diyan?
Sumagot sila: Pito.
6 Iniutos niya sa napakaraming tao na maupo sa lupa. Nang makuha niya ang pitong tinapay at makapagpasalamat, pinagpira-piraso niya ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad upang idulot sa mga tao. Idinulot nila ang mga ito sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Nang mapagpala niya ito ay ninais din niyang ito ay maidulot sa kanila. 8 Kumain ang lahat at sila ay nabusog. Kanilang kinuha ang lumabis na pira-pirasong tinapay. Nakapuno sila ng pitong kaing. 9 Iyong mga nakakain ay halos apat na libo. Nang magkagayon, pinauwi sila ni Jesus. 10 Kapagdaka, nang siya ay sumakay sa bangka kasama ng kaniyang mga alagad. Nagtungo sila sa mga sakop ng Dalmanuta.
Hiningan si Jesus ng Tanda
11 Lumabas ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kaniya. Hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya.
12 Dumaing siya sa kaniyang espiritu na sinasabi: Bakit mahigpit na naghahangad ng tanda ang lahing ito? Tunay na sinasabi ko sa inyo: Hindi bibigyan ng isang tanda ang mga tao sa panahong ito. 13 Pagkaiwan niya sa kanila at pagkasakay muli sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo.
Mag-ingat sa Pampaalsa ng mga Fariseo at ni Herodes
14 Nalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na dala nila sa bangka.
15 Sila ay pinagbilinan ni Jesus na sinasabi: Narito, mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Fariseo at sa pampaalsa ni Herodes.
16 Sila ay nangatwiranan sa isa’t isa na nagsasabi: Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.
17 Sa pagkaalam nito sinabi sa kanila ni Jesus: Bakit kayo nangangatwiran sa isa’t isa? Ito ba ay dahil sa wala kayong tinapay? Hindi ba ninyo napag-iisipan at nauunawaan? Pinatigas na ba ninyo ang inyong puso? 18 Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi ba ninyo maalaala? 19 Noong putul-putulin ko ang limang tinapay para sa limang libo at inipon ninyo ang natirang tinapay, ilang bakol ang napuno?
Sinabi nila sa kaniya: Labindalawa.
20 Nang putul-putulin ko ang pitong tinapay para sa apat na libo at ipunin ninyo ang natirang tinapay, ilang kaing ang napuno ninyo?
Sinabi nila: Pito.
21 Sinabing muli ni Jesus sa kanila: Paanong hindi ninyo nauunawaan?
Ang Pagpapagaling sa Lalaking Bulag na Taga-Betsaida
22 Siya ay pumunta sa Betsaida at kanilang dinala sa kaniya ang isang lalaking bulag. Ipinamanhik nila sa kaniya na siya ay hipuin ni Jesus.
23 Sa paghawak ni Jesus sa kamay ng lalaking bulag, kaniyang inakay siya na palabas sa nayon. Niluraan niya ang mga mata ng bulag at ipinatong ang kaniyang kamay sa kaniya. Tinanong siya ni Jesus: May nakita ka bang anuman?
24 Pagtingala niya ay kaniyang sinabi: Nakikita ko ang mga tao na parang mga punong-kahoy na lumalakad.
25 Muling ipinatong ni Jesus ang kamay niya sa kaniyang mga mata at muli siyang pinatingala. Siya ay napanauli at malinaw niyang nakikita ang lahat ng mga tao. 26 Pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang bahay na sinasabi: Huwag kang papasok sa anumang nayon at huwag mo itong sasabihin sa kaninuman.
Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas
27 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay umalis patungo sa mga nayon ng Cesarea Filipo. Habang sila ay nasa daan,tinanong sila ni Jesus: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ako?
28 Sumagot sila: Ang sabi ng iba: Si Juan na tagapagbawtismo. Ang sabi ng ilan: Si Elias. Ngunit ang iba ay nagsabing ikaw ay isa sa mga propeta.
29 Sinabi niya sa kanila: Ngunit ayon sa inyo, sino ako?
Sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya: Ikaw ang Mesiyas.
30 Kaya mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag nilang sasabihin sa kaninuman ang patungkol sa kaniya.
Ipinahayag ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
31 Sinimulan niyang magturo sa kanila: Kinakailangang ang Anak ng Tao ay maghirap ng maraming bagay at tanggihan ng mga matanda, mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at ipapapatay. At pagkalipas ng tatlong araw ay muling mabubuhay.
32 Hayagang sinabi ito ni Jesus sa kanila. Gayunman, isinama siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang sawayin siya.
33 Ngunit sa paglingon at pagkakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad, sinaway niya si Pedro na sinasabi: Pumunta ka sa likuran ko, Satanas. Ito ay sapagkat hindi ukol sa Diyos ang iniisip mong mga bagay kundi ukol sa mga tao.
Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin
34 Pinalapit ni Jesus ang mga tao kasama ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
35 Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Datapuwat ang sinumang mawalan ng buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas niya ito. 36 Ano ang mapapakinabangan ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan at mawala ang kaniyang kaluluwa? 37 Ano ang maibibigay ng tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa? 38 Ito ay sapagkat ang sinumang magkakahiya sa akin at sa aking mga salita sa harapan ng lahing ito na mapangalunya at makasalanan ay ikakahiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.
Buhay sa Pamamagitan ng Espiritu
8 Ngayon nga ay wala nang kahatulan sa kanila na na kay Cristo Jesus. Sila ang mga lumalakad na hindi ayon sa makalamang kalikasan kundi ayon sa Espiritu.
2 Ito ay sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhayna nasa kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa akin mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. 3 Ito ay sapagkat ang kautusan ay mahina sa pamamagitan ng makalamang kalikasan, kaya ito ay walang kapangyarihan. Isinugo ng Diyos ang sarili niyang anak na nasa anyo ng taong makasalanan upang maging hain para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, sa laman ay hinatulan na niya ang kasalanan. 4 Upang matupad ang matuwid na hinihiling ng kautusan sa atin na mga lumalakad nang hindi ayon sa makalamang kalikasan kundi ayon sa Espiritu.
5 Ito ay sapagkat sila na mga ayon sa makalamang kalikasan ay nag-iisip ng mga bagay ukol sa laman. Ngunit sila na mga ayon sa Espiritu ay nag-iisip ng mga bagay ukol sa Espiritu. 6 Ang mag-isip sa makalamang kalikasan ay kamatayan. Ang mag-isip sa Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7 Ang mag-isip sa makalamang kalikasan ay pagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindiito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos ni hindi rin ito maaaring magpasakop. 8 Sila na nasa makalamang kalikasan ay hindi makapagbibigay lugod sa Diyos.
9 Kayo ay wala sa makalamang kalikasan. Kayo ay nasa Espiritu kung ang Espiritu ng Diyos ay tunay na nananahan sa inyo. Ang sinumang walangEspiritu ni Cristo, siya ay hindi sakaniya. 10 Yamang si Cristo nga ay nasa inyo, tunay ngang ang katawan ay patay dahil sa kasalanan. Ngunit dahil sa katuwiran, ang Espiritu ay buhay. 11 Ngunit kung ang Espiritu na nagbangon kay Jesus mula sa mga patay ay nananahan sa inyo, siya na nagbangon kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay din ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nananahan sa inyo.
12 Kaya nga, mga kapatid, tayo ay may pagkakautang hindi sa makalamang kalikasan upang tayo ay mamuhay ayon sa makalamang kalikasan. 13 Ito ay sapagkat namamatay na kayo kung mamumuhay kayo sa makalamang kalikasan. Ngunit kayo ay mabubuhay kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng inyong katawan. 14 Ito ay sapagkat sila na inaakay ng Espiritu ng Diyos, sila ang mga anak ng Diyos. 15 Ito ay sapagkat hindi kayo tumanggap ng Espiritu na magdadala sa inyo sa muling pagkaalipin sa takot. Subalit ang tinanggap ninyo ay ang Espiritu ng pag-ampon, kaya nga, tayo ay tumatawag ng: Abba, Ama. 16 Ang Espiritu ang siyang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo ay mga anak ng Diyos. 17 Yamang tayo nga ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana. Tagapagmana tayo ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Yamang tunay na naghirap tayo nakasama niya, tayo ay luluwalhatiin ding kasama niya.
Kaluwalhatian sa Hinaharap
18 Ito ay sapagkat itinuturing ko na ang mga paghihirap sa kasalukuyan ay hindi karapat-dapat ihalintulad sa kaluwalhatiang ihahayag na sa atin.
19 Ito ay sapagkat ang matamang pag-asam ng nilikha ay naghihintay sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20 Ang nilikha ay ipinasakop sa paggawa ng mga bagay na walang kabuluhan. Hindi nang kusang loob, subalit sa pamamagitan niya na nagpasakop nito sa pag-asa. 21 Upang ang nilikha din naman ay mapalaya mula sa pagkaalipin ng kabulukan patungo sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.
22 Ito ay sapagkat alam natin na hanggang ngayon ang buong nilikha ay sama-samang dumadaing at naghihirap tulad ng babaeng nanganganak. 23 Hindi lang iyan, maging tayo na may unang-bunga ng Espiritu ay dumadaing din. Tayo sa ating sarili ay dumadaing sa ating kalooban na naghihintay ng pag-ampon na walang iba kundi ang katubusan ng ating katawan. 24 Ito ay sapagkat sa pag-asa tayo ay naligtas, ngunit ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa sapagkat bakit aasa pa ang tao sa nakikita na niya? 25 Ngunit kung tayo ay umaasa sa hindi natin nakikita, naghihintay tayo na may pagtitiis.
26 Sa gayong paraan, ang Espiritu rin ay kasamang tumutulong sa ating mga kahinaan sapagkat hindi natin alam kung ano ang kinakailangan nating ipanalangin. Subalit ang Espiritu mismo ang siyang namamagitan para sa atin na may pagdaing na hindi kayang ipahayag ng salita. 27 Siya na sumusuri sa mga puso ang siyang nakakaalam ng kaisipan ng Espiritu sapagkat ang Espiritu ay namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.
Higit pa sa Mananakop
28 Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip-lakip na gumagawa para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin.
29 Ito ay sapagkat ang mga kilala na ng Diyos nang una pa ay itinalaga rin niya nang una pa na magingkawangis ng kaniyang Anak, upang siya ay maging panganay sa maraming kapatiran. 30 At sila na itinalaga niya nang una pa ay tinawag din niya. Sila na tinawag niya ay pinaging-matuwid din niya at sila na pinaging-matuwid niya ay niluwalhati din niya.
31 Ano nga ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Yamang ang Diyos ay kakampi natin, sino ang tatayong laban sa atin? 32 Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak, kundi ipinagkaloob niya siya para sa ating lahat. Papaano ngang hindi niya ipagkaloob nang walang bayad sa atin ang lahat ng mga bagay? 33 Sino ang magsasakdal laban sa pinili ng Diyos?Ang Diyos na siyang nagpapaging-matuwid. 34 Sino ang magbibigay hatol? Si Cristo nga na namatay, ngunit higit dito, siya ay bumangong muli na ngayon ay nasa dakong kanan ng Diyos at namamagitan para sa atin. 35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang paghihirap ba, o kagipitan, o pag-uusig, o kagutuman, o kahubaran, o panganib o tabak? 36 Ayon sa nasusulat:
Alang-alang sa inyo, pinapatay nila kami buong araw. Itinuturing kaming mga tupang kakatayin.
37 Subalit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo ay higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niya na umiibig sa atin. 38 Ito ay sapagkat nakakatiyak ako na walang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ang kamatayan, o buhay, o mga anghel, o mga pamunuan, o mga kapangyarihan, o mga bagay sa kasalukuyan o mga bagay na darating. 39 Hindi ang matataas na bagay, o mga kalaliman o kahit anumang bagay na nilikha. Walang anumang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Copyright © 1998 by Bibles International