Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 35-36

Binasbasan ng Dios si Jacob sa Betel

35 Ngayon, sinabi ng Dios kay Jacob, “Maghanda ka, pumunta ka sa Betel at doon manirahan. Gumawa ka roon ng altar para sa akin, ang Dios na nagpakita sa iyo nang tumakas ka sa kapatid mong si Esau.”

Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyo ang mga dios-diosan ninyo. Maging malinis kayo at magbihis ng damit bilang simbolo ng bago at malinis na buhay. Pagkatapos, pupunta tayo sa Betel, at gagawa ako roon ng altar para sumamba sa Dios na tumulong sa akin noong nasa kahirapan ako, at aking kasama kahit saan ako pumaroon.” Kaya ibinigay nila kay Jacob ang mga dios-diosan nila pati na ang mga hikaw nila na ginagamit bilang anting-anting. Ibinaon ni Jacob ang lahat ng ito sa ilalim ng punongkahoy na terebinto malapit sa Shekem. Nang umalis na sina Jacob, pinagharian ng takot mula sa Dios ang mga tao sa palibot ng mga bayan, kaya hindi sila lumusob at hindi nila hinabol sila Jacob.

Nakarating sila Jacob at ang mga kasama niya sa Luz (na tinatawag ding Betel) doon sa Canaan. Gumawa siya roon ng altar. Tinawag niya ang lugar na iyon na El Betel[a] dahil nagpakita sa kanya roon ang Dios nang tumakas siya sa kanyang kapatid na si Esau.

Namatay si Debora na tagapag-alaga ni Rebeka. Kaya inilibing siya sa ilalim ng punongkahoy na terebinto na nasa paanan ng Betel. Tinawag iyon na punongkahoy na Allon Bacut.[b]

Nang umuwi si Jacob mula sa Padan Aram,[c] muling nagpakita ang Dios sa kanya at binasbasan siya. 10 Sinabi ng Dios sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, pero mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob.

11 Sinabi pa ng Dios sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Dios. Magkakaroon ka ng maraming anak. Magiging ama ka ng isang bansa at ng marami pang bansa, at magiging hari ang iba mong mga lahi. 12 Ang lupain na ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo at sa mga lahi mo.” 13-14 Pagkatapos, umalis ang Dios sa lugar na iyon kung saan nakipag-usap siya kay Jacob, at nagtayo roon si Jacob ng batong alaala. Binuhusan niya agad ng alak at langis ang bato para maging banal. 15 Pinangalanan niya ang lugar na iyon na Betel.[d]

Ang Pagkamatay ni Raquel

16 Umalis si Jacob at ang sambahayan niya sa Betel. Manganganak na noon si Raquel. Malayo pa sila sa bayan ng Efrata, sumakit na ang tiyan ni Raquel. 17 Nang matindi na ang sakit, sinabi ng manghihilot sa kanya, “Huwag kang matakot Raquel, lalaki na naman ang anak mo.” 18 Isinilang ang sanggol pero nasa bingit ng kamatayan si Raquel. Bago siya malagutan ng hininga, pinangalanan niya ang sanggol na Ben Oni.[e] Pero pinangalanan ni Jacob ang sanggol na Benjamin.[f]

19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daan na papunta sa Efrata (na tinatawag ngayong Betlehem). 20 Nilagyan ni Jacob ng bato ang libingan ni Raquel bilang palatandaan, at hanggang ngayon naroon pa rin ang palatandaang ito.

21 Nagpatuloy sina Jacob[g] sa kanilang paglalakbay. Pagdating nila sa kabilang panig ng Migdal Eder,[h] nagtayo sila roon ng mga tolda nila. 22 Habang nakatira roon sila Jacob,[i] sumiping si Reuben kay Bilha na isa sa mga asawa ng kanyang ama. Nang malaman iyon ni Jacob, galit na galit siya.[j]

Ang mga Anak na Lalaki ni Jacob(A)

May 12 Anak na lalaki si Jacob.

23 Ang mga anak niya kay Lea ay sina Reuben na panganay, pagkatapos ay sina Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun.

24 Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin.

25 Ang mga anak niya kay Bilha na alipin ni Raquel ay sina Dan at Naftali.

26 Ang mga anak niya kay Zilpa na alipin ni Lea ay sina Gad at Asher.

Silang lahat ang anak na lalaki ni Jacob na isinilang sa Padan Aram.

Ang Pagkamatay ni Isaac

27 Pumunta si Jacob sa ama niyang si Isaac sa Mamre, malapit sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron). Ito ang lugar na tinitirhan ni Isaac na siya ring tinitirhan noon ni Abraham. 28 Nabuhay si Isaac ng 180 taon. 29 Namatay siya sa katandaan na kontento sa kanyang buhay, at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. Inilibing siya ng mga anak niyang sina Esau at Jacob.

Ang mga Lahi ni Esau(B)

36 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau (na tinatawag ding Edom).

Nakapag-asawa si Esau ng mga babaeng taga-Canaan. Silaʼy sina Ada na anak ni Elon na Heteo, si Oholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hiveo, at si Basemat na kapatid ni Nebayot na anak ni Ishmael.

Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz. Ang anak niya kay Basemat ay si Reuel. At ang mga anak niya kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. Sila ang mga anak ni Esau na isinilang sa Canaan.

Dinala ni Esau ang kanyang mga asawaʼt anak, ang lahat ng sakop ng kanyang sambahayan, pati ang mga ari-arian at mga hayop niya na naipon niya sa Canaan. At lumipat siya sa isang lupain na malayo kay Jacob na kanyang kapatid. Sapagkat hindi na sila maaaring magsama sa isang lupain dahil sa dami ng mga ari-arian nila; at ang lupain na kanilang tinitirhan ay hindi sapat sa kanila dahil sa dami ng mga hayop nila. Kaya roon tumira si Esau (na tinatawag ding Edom) sa kabundukan ng Seir.

Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau na ama ng mga Edomita na nakatira sa kabundukan ng Seir.

10 Ang anak na lalaki ni Esau kay Basemat ay si Reuel, at ang anak niyang lalaki kay Ada ay si Elifaz.

11 Ang mga anak na lalaki ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz.

12 May anak ding lalaki si Elifaz sa isa pa niyang asawa na si Timna. Siya ay si Amalek. Sila ang mga apo ni Esau kay Ada.

13 Ang mga anak na lalaki ni Reuel ay sina Nahat, Zera, Shama, at Miza. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.

14 Ang mga anak na lalaki ni Esau kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. (Si Oholibama ay anak ni Ana at apo ni Zibeon).

15 Ito ang mga lahi ni Esau na naging pinuno ng ibaʼt ibang angkan: Ang mga lahi ng panganay na anak ni Esau na si Elifaz na naging mga pinuno ay sina Teman, Omar, Zefo, Kenaz, 16 Kora, Gatam at Amalek. Sila ang mga pinuno sa lupain ng Edom na nagmula kay Elifaz. Sila ay nagmula sa asawa ni Esau na si Ada.

17 Naging pinuno rin sa Edom ang mga anak ni Reuel na sina Nahat, Zera, Shama, at Miza. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.

18 Naging pinuno rin ang mga anak ni Esau kay Oholibama na anak ni Ana. Sila ay sina Jeush, Jalam at Kora.

19 Silang lahat ang lahi ni Esau na mga pinuno ng Edom.

Ang mga Lahi ni Seir(C)

20 Ito ang mga anak na lalaki ni Seir na Horeo na nakatira sa Edom: Si Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, 21 Dishon, Ezer at Dishan. Naging pinuno rin sila ng mga Horeo na nakatira sa Edom.

22 Ang mga anak na lalaki ni Lotan ay sina Hori at Heman.[k] Si Lotan ay mayroong kapatid na babae na si Timna na isa pang asawa ni Elifaz.

23 Ang mga anak na lalaki ni Shobal ay sina Alvan, Manahat, Ebal, Shefo at Onam.

24 Ang mga anak na lalaki ni Zibeon ay sina Aya at Ana. Si Ana ang nakatuklas ng bukal doon sa ilang habang nagpapastol siya ng mga asno ng kanyang ama.

25 Ang mga anak ni Ana ay sina Dishon at Oholibama.

26 Ang mga anak na lalaki ni Dishon ay sina Hemdan, Eshban, Itran at Keran.

27 Ang mga anak na lalaki ni Ezer ay sina Bilhan, Zaavan at Akan.

28 Ang mga anak na lalaki ni Dishan ay sina Uz at Aran.

29-30 Ito naman ang mga pinuno batay sa bawat lahi ng mga Horeo na may pinamamahalaang lupain sa Seir: sina Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, Dishon, Ezer at Dishan.

Ang mga Hari ng Edom(D)

31 Ito ang mga hari ng Edom noong panahon na wala pang mga hari ang mga Israelita:

32 Si Bela na taga-Dinhaba na anak ni Beor ay naging hari sa Edom.

33 Pagkamatay ni Bela, pinalitan siya ni Jobab na anak ni Zera na taga-Bozra.

34 Pagkamatay ni Jobab, pinalitan siya ni Husham na taga-Teman.

35 Pagkamatay ni Husham, pinalitan siya ni Hadad na taga-Avit na anak ni Bedad. Si Hadad ang tumalo sa mga Midianita roon sa Moab.

36 Pagkamatay ni Hadad, pinalitan siya ni Samla na taga-Masreka.

37 Pagkamatay ni Samla, pinalitan siya ni Shaul na taga-Rehobot na malapit sa ilog.[l]

38 Pagkamatay ni Shaul, pinalitan siya ni Baal Hanan na anak ni Acbor.

39 Pagkamatay ni Baal Hanan na anak ni Acbor, pinalitan siya ni Hadad na taga-Pau. Ang asawa niya ay si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Me-Zahab.

40-43 Si Esau (na tinatawag ding Edom) ang pinagmulan ng mga Edomita. At ito ang mga naging pinuno sa mga lahi ni Esau na ang angkan at lupain ay ipinangalan sa kanila: Timna, Alva, Jetet, Oholibama, Elah, Pinon, Kenaz, Teman, Mibzar, Magdiel, at Iram.

Marcos 6

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)

Umalis si Jesus sa lugar na iyon at umuwi sa sarili niyang bayan. Kasama niya ang kanyang mga tagasunod. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio at nagturo roon. Nagtaka ang maraming taong nakikinig sa kanya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan? At ano ang karunungang ito na ibinigay sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga himala? Hindi baʼt siya ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi baʼt ang mga kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin?” At hindi siya pinaniwalaan. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban sa kanyang sariling bayan at mga kamag-anak at mga kasambahay.” Iyan ang dahilan kung bakit hindi siya nakagawa ng mga himala roon maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Nagtaka siya sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.

Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)

Nilibot ni Jesus ang mga kanayunan at nangaral sa mga tao. Tinawag niya ang 12 apostol at sinugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. At ibinilin niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit pagkain, pera o bag, maliban sa isang tungkod. Pwede kayong magsuot ng sandalyas, pero huwag kayong magdala ng bihisan. 10 Kapag pinatuloy kayo sa isang bahay, doon na lang kayo manatili hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon. 11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan ng mga tao sa isang lugar, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” 12 Kaya umalis ang 12 at nangaral sa mga tao na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang maraming masamang espiritu at maraming may sakit ang pinahiran nila ng langis at pinagaling.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(C)

14 Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, “Siya ay si Juan na tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” 15 Ang sabi naman ng iba, “Siya ay si Elias.” At may mga nagsasabi rin na siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon.

16 Pero nang mabalitaan ni Herodes ang mga sinabing iyon ng mga tao, sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!” 17 Ipinahuli noon ni Herodes si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias. Si Herodias ay asawa ng kapatid ni Herodes na si Felipe. Pero kinuha siya ni Herodes bilang asawa. 18 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tama na kunin niya ang asawa ng kanyang kapatid. 19 Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Pero hindi niya magawa, dahil ayaw pumayag ni Herodes. 20 Takot si Herodes kay Juan dahil alam niyang matuwid at mabuting tao si Juan. Kaya ipinagtatanggol niya ito. Kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.

21 Pero sa wakas ay dumating din ang pagkakataong hinihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalong Romano at iba pang mga kilalang tao roon. 22 Nang oras na ng kasiyahan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya. Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, “Humingi ka sa akin ng kahit anong gusto mo at ibibigay ko.” 23 At sumumpa pa siya na ibibigay niya sa dalaga kahit ang kalahati pa ng kanyang kaharian. 24 Lumabas muna ang dalaga at tinanong ang kanyang ina kung ano ang hihilingin niya. Sinabihan siya ng kanyang ina na hingin ang ulo ni Juan na tagapagbautismo. 25 Kaya dali-daling bumalik ang dalaga sa hari at sinabi, “Gusto ko pong ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na tagapagbautismo, na nakalagay sa isang bandehado.” 26 Labis itong ikinalungkot ng hari, pero dahil nangako siya sa harap ng mga bisita niya, hindi siya makatanggi sa dalaga. 27 Kaya pinapunta niya agad sa bilangguan ang isang sundalo upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Pumunta ang sundalo sa bilangguan at pinugutan ng ulo si Juan, 28 inilagay niya ang ulo sa bandehado at ibinigay sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(D)

30 Bumalik ang mga apostol na inutusan ni Jesus na mangaral, at ikinuwento nila sa kanya ang lahat ng ginawa at ipinangaral nila. 31 Dahil sa dami ng mga taong dumarating at umaalis, wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iwan muna natin ang mga taong ito. Pumunta tayo sa ilang para makapagpahinga.” 32 Kaya sumakay sila sa isang bangka at pumunta sa isang ilang.

33 Pero marami ang nakakita at nakakilala sa kanila noong umalis sila. Kaya mabilis namang naglakad ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan papunta sa lugar na pupuntahan nina Jesus. At nauna pa silang dumating doon. 34 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila, dahil para silang mga tupa na walang pastol. Kaya tinuruan niya sila ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang po tayo at malapit nang gumabi. 36 Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa mga karatig nayon at bukid para makabili ng pagkain.” 37 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “Aabutin po ng walong buwang sahod ang gagastusin para sa kanila! Bibili po ba kami ng ganoong halaga ng tinapay para ipakain sa kanila?” 38 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Sige, tingnan nga ninyo.” Tiningnan nga nila, at sinabi kay Jesus, “Mayroon po tayong limang tinapay at dalawang isda.”

39 Pagkatapos, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na paupuin ng grupo-grupo ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya umupo nga sila ng grupo-grupo, tig-100 at tig-50 bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Pagkatapos, tinipon nila ang natirang tinapay at isda, at nakapuno sila ng 12 basket. 44 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay 5,000.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(E)

45 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 46 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin. 47 Nang gumabi na, nasa laot na ang bangka at siya na lang ang naiwan. 48 Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga tagasunod niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila, 49-50 pero nakita siya ng mga tagasunod niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Natakot sila at nagsigawan, dahil akala nila ay multo siya. Pero nagsalita agad si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 51 Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Namangha sila nang husto, 52 dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Jesus sa tinapay. Ayaw nilang maniwala dahil matigas ang puso nila.

Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(F)

53 Nang makatawid na sila sa lawa, dumating sila sa Genesaret at doon nila idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila, nakilala agad si Jesus ng mga tao roon. 55 Kaya nagmamadaling pumunta ang mga tao sa mga karatig lugar, inilagay sa mga higaan ang mga may sakit at dinala kay Jesus saan man nila mabalitaang naroon siya. 56 Kahit saan siya pumunta, sa nayon, sa bayan, o sa kabukiran, dinadala ng mga tao ang mga may sakit sa kanila sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Nagmamakaawa sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.

Job 2

Ang Pangalawang Pagsubok kay Job

Isang araw, muling nagtipon ang mga anghel[a] sa presensya ng Panginoon, at muli ring sumali sa kanila si Satanas. Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya, malinis ang pamumuhay, may takot sa akin at umiiwas sa kasamaan. Tapat pa rin siya sa akin, kahit na pinilit mo akong payagan ka na sirain siya ng walang dahilan.” Sinabi ni Satanas, “Matatanggap ng tao na mawala ang lahat sa kanya bastaʼt buhay lang siya. Pero kapag siya na ang sinaktan mo, tiyak na isusumpa ka niya.” Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, pero huwag mo siyang papatayin.” Kaya umalis si Satanas sa presensya ng Panginoon, at sinaktan si Job sa pamamagitan ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan. Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamit na pangkayod sa kanyang mga sugat habang nakaupo sa abo. Sinabi sa kanya ng asawa niya, “Ano, tapat ka pa rin ba sa iyong Dios? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!”

10 Sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Dios at hindi ang masasama?” Sa kabila ng lahat ng nangyari kay Job ay hindi siya nagkasala kahit sa pananalita.

Ang Tatlong Kaibigan ni Job

11 Tatlo sa kaibigan ni Job ang nakabalita tungkol sa masamang nangyari sa kanya. Itoʼy sina Elifaz na taga-Teman, si Bildad na taga-Shua, at si Zofar na taga-Naama. Nagkasundo silang dalawin si Job para makiramay at aliwin. 12 Malayu-layo pa sila, nakita na nila si Job, pero halos hindi na nila ito makilala. Kaya napaiyak sila nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo bilang pagpapakita ng pagdadalamhati. 13 Pagkatapos, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw at pitong gabi. Hindi sila nagsalita dahil nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job.

Roma 6

Ang Bagong Buhay kay Cristo

Ano ngayon ang masasabi natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan para lalong madagdagan ang biyaya ng Dios sa atin? Aba, hindi maaari! Hindi maaari na magpatuloy pa tayo sa pagkakasala dahil ang kasalanan ay wala ng kapangyarihan sa atin. Hindi ba ninyo alam na noong binautismuhan tayo kay Jesu-Cristo, nangangahulugan ito na kasama tayo sa kanyang kamatayan? Kaya noong binautismuhan tayo, namatay tayo at inilibing na kasama niya. Kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay mamuhay sa bagong buhay.

At kung nakasama tayo sa kanyang kamatayan, tiyak na mabubuhay tayong muli[a] tulad ng muli niyang pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinako na sa krus kasama ni Cristo para mamatay, kaya hindi na tayo dapat alipinin pa ng kasalanan. Sapagkat ang taong patay na ay malaya na sa kasalanan. At kung namatay tayong kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay din tayong kasama niya. Sapagkat alam nating si Cristoʼy muling nabuhay at hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Minsan lang siyang namatay para sa kasalanan ng mga tao; at nabubuhay siya ngayon para sa Dios. 11 At dahil nakay Cristo Jesus na kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan at nabubuhay na para sa Dios. 12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, para hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong gamitin ang alin mang bahagi ng inyong katawan sa paggawa ng kasalanan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Dios bilang mga taong binigyan ng bagong buhay. Ilaan ninyo sa Dios ang inyong katawan sa paggawa ng kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari pa sa inyo ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa ilalim na ng biyaya ng Dios.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ngayon, dahil wala na tayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa biyaya na ng Dios, nangangahulugan bang magpapatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kasalanan? Aba, hindi! 16 Hindi nʼyo ba alam na alipin tayo ng anumang sinusunod natin? Kaya kung sinusunod natin ang kasalanan, alipin tayo ng kasalanan at ang dulot nitoʼy kamatayan. Pero kung sumusunod tayo sa Dios, mga alipin tayo ng Dios at ang dulot nitoʼy katuwiran. 17 Noong una, alipin kayo ng kasalanan. Pero salamat sa Dios dahil ngayon, buong puso ninyong sinusunod ang mga aral na itinuro sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayoʼy mga alipin na kayo ng katuwiran.

19 Ginagamit ko bilang halimbawa ang tungkol sa mga alipin para madali ninyong maunawaan ang ibig kong sabihin. Noong unaʼy nagpaalipin kayo sa karumihan at kasamaan, at naging masama nga kayo. Ngayon namaʼy magpaalipin kayo sa kabutihan para maging banal kayo. 20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, wala kayong pakialam sa matuwid na pamumuhay. 21 Ano nga ba ang napala ninyo sa dati ninyong pamumuhay na ikinakahiya na ninyo ngayon? Ang dulot ng mga iyon ay kamatayan. 22 Pero pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng Dios. At ang dulot nitoʼy kabanalan at buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Dios ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®