Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 3

Muling pumasok si Jesus sa sinagoga at may lalaki doon na tuyot ang isang kamay. Minamatiyagan nila siya kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa araw ng Sabat upang may maiparatang sila sa kaniya. Sinabi ni Jesus sa lalaking tuyot ang kamay: Tumindig ka at pumunta ka sa kalagitnaan.

Sinabi niya sa kanila: Naaayon ba sa kautusan ang gumawa ng kabutihan o ang gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay? Ngunit hindi sila sumagot.

Tiningnan ni Jesus ang mga taong nasa paligid niya na may galit at pagdadalamhati dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Iniunat niya ang kaniyang kamay at ito ay nanauli na gaya ng isa. Sa paglabas ng mga Fariseo, kaagad silang nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano nila maipapapatay si Jesus.

Sinundan si Jesus ng Maraming Tao

Umalis si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad patungo sa lawa. Napakaraming taong mula sa Galilea at Judea ang sumunod sa kaniya.

Maraming dumating mula sa Jerusalem, sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon. Napakaraming tao ang pumaroon sa kaniya pagka­rinig nila sa mga ginawa ni Jesus. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na maghanda para sa kaniya ng isang maliit na bangka upang hindi magsiksikan sa kaniya ang napakaraming tao. 10 Ito ay sapagkat marami siyang pinagaling, kaya nagsiksikan sa kaniya ang mga naghihirap sa kanilang sakit upang mahipo siya. 11 Nang makita siya ng mga karumal-dumal na espiritu, nagpatirapa ang mga ito sa harapan niya at sumigaw: Ikaw ang Anak ng Diyos! 12 Ngunit mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nilang ihayag kung sino siya.

Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad

13 Umahon siya sa bundok, tinawag niya ang kaniyang mga maibigan at sila ay lumapit sa kaniya.

14 Humirang siya ng labindalawang lalaki upang makasama niya at suguing mangaral. 15 Ito ay upang magkaroon sila ng kapamahalaang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo. 16 Si Simon ay tinagurian niyang Pedro. 17 Si Santiago, na anak ni Zebedeo at ang kapatid niyang si Juan na tinagurian ni Jesus na mga Boanerges, na ang ibig sabihin ay mga taong tulad ng kulog. 18 Sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo at si Simon na kabilang sa mga Makabayan. 19 At si Judas na taga-Keriot na siyang nagkanulo sa kaniya. Sila ay pumasok sa isang bahay.

Paanong Napalabas ni Satanas si Satanas

20 Muling nagkatipon ang napakaraming tao na anupa’t si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi man lamang makakain ng tinapay.

21 Nang marinig ito ng kaniyang mga kamag-anak, sila ay pumaroon upang hulihin siya sapagkat sinasabi ng mga tao: Nasisiraan siya ng bait.

22 Ang mga guro ng kautusan na dumating mula sa Jerusalem ay nagsabi naman: Nasa kaniya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinakapinuno ng mga demonyo ay nagpapa­layas siya ng mga demonyo.

23 Pinalapit ni Jesus ang mga tao sa kaniya at nangusap sa kanila sa mga talinghaga. Paanong mapapalabas ni Satanas si Satanas? 24 Kapag ang isang paghahari ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang paghaharing iyon ay hindi makakatayo. 25 At kapag ang isang sambahayan ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang sambahayang iyon ay hindi makakatayo. 26 Gayundin, kung si Satanas ay maghimagsik laban sa kaniyang sarili at mahati, hindi siya makakatayo kundi iyon na ang kaniyang wakas. 27 Walang makakapasok sa anumang paraan sa bahay ng isang taong malakas at magnakaw at manira ng kaniyang ari-arian. Malibang magapos muna niya ang taong malakas saka pa lamang niya mananakawan at masisira ang bahay na iyon. 28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lahat ng kasalanan ay ipapatawad sa mga anak ng tao at ang anuman pamumusong. 29 Ngunit ang sinumang mamusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin kailanman. Nanga­nganib siya sa walang hanggang kahatulan.

30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi nila: Mayroon siyang karumal-dumal na espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus

31 Pagkatapos nito ay dumating ang ina at mga kapatid na lalaki ni Jesus. Sila ay nakatayo sa labas ng bahay at nagsugo na tawagin siya.

32 Nakaupo ang napakaraming tao sa palibot niya. Sinabi ng mga sinugo sa kaniya: Narito, nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka.

33 Sinagot sila ni Jesus: Sino ang aking ina o mga kapatid?

34 Pagtingin niya sa mga taong nakaupo sa palibot, sinabi niya: Tingnan ninyo ang aking ina at mga kapatid. 35 Ito ay sapagkat ang sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae at ina.

Roma 3

Ang Katapatan ng Diyos

Ano nga ang kalamangan ng pagiging Judio? Ano ang kapakinabangan ng pagiging nasa pagtutuli?

Marami sa lahat ng paraan. Una sa lahat, sa kanila ipinagkatiwala ang mga salita ng Diyos.

Paano kung may ilang hindi nanampalataya? Mapapawalang-bisa ba ng kanilang hindi pagsampalataya ang katapatan ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sa halip, ang Diyos ay totoo at ang bawat tao ay sinungaling. Ayon sa nasusulat:

Na sa iyong mga pagsasalita ay pinapaging-matuwid ka at sa paghatol sa iyo ay makaka­panaig ka.

Ngunit kung ang ating kalikuan ay magpapakita ng katuwiran ng Diyos, ano ang sasabihin natin? Ang Diyos ba ay hindi matuwid na nagdadala ng galit? Nagsasalita ako na tulad ng tao. Huwag nawang mangyari. Papaano ngang hahatulan ng Diyos ang sangkatauhan? Kung sa aking kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos ay sumagana sa kaniyang kaluwal­hatian, bakit pa ako hahatulan bilang makasalanan? At bakit hindi na lang nating sabihin: Gumawa tayo ng masama upang mangyari ang mabuti. Sa katunayan, ibini­bintang sa atin ng iba na sinasabi natin ito. Kaya marapat lamang na sila ay hatulan sa pagbibintang na ito.

Walang Isa mang Tao na Matuwid

Ano ngayon? Kami ba ay nakakahigit? Hindi! Ito ay sapagkat napatunayan na namin noong una pa man, na kapwa ang mga Judio at mga Griyego ay nasa ilalim ng kasalanan.

10 Ito ay ayon sa nasusulat:

Walang sinumang matuwid, wala kahit isa.

11 Walang sinumang nakakaunawa, walang sinu­mang humahanap sa Diyos. 12 Ang lahat ay lumihis ng daan, sama-sama silang naging walang pakinabang. Walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa. 13 Ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan. Sa kanilang mga dila ay ginagamit nila ang pandaraya. Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa mga labi nila. 14 Ang mga bibig nila ay puno ng pag­sumpa at mapait na mananalita. 15 Ang mga paa nila ay mabilis sa pagbuhos ng dugo. 16 Pagkawasak at paghihirap ang nasa kanilang mga landas. 17 Hindi nila alam ang landas ng kapayapaan. 18 Ang pagkatakot sa Diyos ay wala sa kanila.

19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan ay sinasabi sa kanila na nasa ilalim ng kautusan upang patigilin ang bawat bibig at ang buong sanlibutan ay mananagot sa Diyos. 20 Kaya nga, sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan walang taong mapapaging-matuwid sa harapan niya sapagkat ang lubos na pagkaalam sa kasalanan ay sa pamamagitan ng kautusan.

Pagiging Matuwid sa Pamamagitan ng Pananampalataya

21 Subalit ngayon, ang katuwiran ng Diyos ay inihayag nang hiwalay sa kautusan. Ito ay pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta.

22 Ang katuwirang ito ng Diyos ay sa pamama­gitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ito ay para sa lahat at sa kanilang lahat na sumampalataya dahil walang pagkakaiba. 23 Ito ay sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ang lahat ay pinapaging-matuwid ng Diyos nangwalang bayad sa pamama­gitan ng kaniyang biyaya, sa pamamagitan ng katubusan na na kay Cristo Jesus. 25 Siya ang itinalaga ng Diyos na maging kasiya-siyang handog sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kaniyangdugo, upang ipakita ng Diyos ang kaniyang katu­wiran ay ipinagpaliban niya ang kahatulan sa mga nakalipas na kasa­lanan sa pamamagitan ng kaniyang kahinahunan. 26 Ginawa niya ito upang ipakita ang kaniyang katuwiran sa kasalukuyang panahon sapagkat siya ay matuwid at tagapagpaging-matuwid sa kanila na sumasampalataya kay Jesus.

27 Saan pa makapagmamalaki? Wala na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Sa pamamagitan ba ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananam­palataya. 28 Kaya, kinikilala natin na ang tao aypinapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, hiwalay sa mga gawa ng kautusan. 29 Hindi ba ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba Diyos din siya ng mga Gentil? Oo, Diyos din siya ng mga Gentil. 30 Ito ay sapagkat iisa ang Diyos na magpapaging-matuwid sa mga nasa pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya at sa mga nasa hindi pagtutuli ay sa gayunding pananampalataya. 31 Ginagawa ba nating walang bisa ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari. Sa halip ay pinalalakas natin angkautusan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International