Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 2

Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko

Makalipas ang ilang araw muling pumasok si Jesus sa Capernaum. Kumalat ang balita na siya ay nasa isang bahay.

Kaagad na natipon ang maraming tao, anupa’t wala nang matayuan kahit na sa may pintuan. Ipinangaral niya ang salita sa kanila. At pumunta sa kaniya ang apat na tao na pasan-pasan ang isang paralitiko. Hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kayat binakbak nila at binutasan ang bubong sa tapat niya. Kanilang inihugos ang higaan na kinararatayan ng paralitiko. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko: Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.

Ang ilang mga guro ng kautusan na nakaupo roon ay nagtatalo-talo sa kani-kanilang sarili: Bakit namumusong ng ganito ang taong ito? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan? Hindi ba ang Diyos lamang?

Nang matalos ni Jesus sa kaniyang espiritu ang kanilang pagtatalo, sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo pinagtatalunan ang mga bagay na ito? Alin ba ang higit na madaling sabihin sa paralitiko: Pinatawad na ang iyong mga kasalanan o tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka? 10 Upang inyong malaman na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan, sasabihin ko ito sa kaniya: 11 Sinasabi ko sa iyo: Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 12 Kaagad na tumindig ang paralitiko at binuhat ang kaniyang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Kaya nga, ang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos na nagsasabi: Kailanman ay hindi tayo nakakita nang ganito!

Tinawag ni Jesus si Levi

13 Nagtungo muli si Jesus sa tabi ng lawa. Lahat ng mga tao ay pumunta sa kaniya at sila ay tinuruan niya.

14 Sa kaniyang paglalakad ay nakita niya si Levi, na anak ni Alfeo, na nakaupo sa may singilan ng buwis. Sinabi sa kaniya ni Jesus: Sumunod ka sa akin. At siya ay tumindig at sumunod kay Jesus.

15 Nangyari nga nang si Jesus ay kumain sa bahay ni Levi, maraming mga maniningil ng buwis at makasalanan ang nakisalo sa kaniya at sa kaniyang mga alagad. Marami sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ang sumusunod kay Jesus. 16 Nakita ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo na siya ay kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis. Sinabi nila sa kaniyang mga alagad: Bakit siya kumakain at umiinom na kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?

17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Ang nangangailangan ng manggagamot ay ang mga maysakit, hindi ang mga malulusog. Hindi ako naparito upang tawagin sa pagsisisi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.

Tinanong ng mga Tao si Jesus Patungkol sa Pag-aayuno

18 Ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ay nag-aayuno. At sila ay lumapit kay Jesus at sinabi nila sa kaniya: Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?

19 At sinabi ni Jesus sa kanila: Makapag-aayuno ba ang mga panauhin ng lalaking ikakasal habang siya ay kasama nila? Hindi sila makapag-aayuno habang kasama nila ang lalaking ikakasal. 20 Subalit darating ang mga araw na aalisin siya sa kanila at sila ay mag-aayuno sa mga araw na iyon.

21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat ang bagong telang itinagpi, kapag umurong ay babatak sa lumang tela at ang punit ay lalong lalaki. 22 Walang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kung gagawin ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat. Masisira ang balat at matatapon ang alak. Ang bagong alak ay dapat isalin sa bagong sisidlang-balat.

Panginoon ng Sabat

23 Nangyari nga, isang araw ng Sabat, nang dumaan si Jesus sa triguhan ay kasama ang kaniyang mga alagad. Habang naglalakad sila, namigtal ng uhay ng mga trigo ang mga alagad.

24 Kaya nga, ang mga Fariseo ay nagsabi sa kaniya: Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng Sabat ang hindi ayon sa kautusan?

25 Sumagot si Jesus: Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David at ng kaniyang mga kasama nang sila ay nangailangan at nagutom? 26 Nang si Abiatar ang pinunong-saserdote, pumasok si David sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na itinalaga sa Diyos na hindi dapat kainin. Ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyaon, ngunit kinain iyon ni David. Binigyan pa niya ang mga kasama niya. Hindi ba ninyo nabasa ito?

27 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ang araw ng Sabat ay ginawa para sa tao at hindi ang tao para sa araw ng Sabat. 28 Kaya nga, ako na Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.

Roma 2

Ang Matuwid na Hatol ng Diyos

Kaya nga, wala kang maidadahilan, ikaw na taong humahatol sa iba sapagkat kapag hinatulan mo ang ibang tao, hinahatulan mo rin ang iyong sarili dahil ginagawa mo rin ang gayong mga bagay.

Ngunit alam natin na sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, ang hatol ng Diyos ay ayon sa katotohanan. Iniisip mo bang makakaligtas ka sa hatol ng Diyos, ikaw na taong humahatol sa kanila na gumagawa ng gayong mga bagay at gumagawa rin ng gayon? Minamaliit mo ba ang yaman ng kaniyang kabaitan? Minamaliit mo ba ang kaniyang pagtitiis at pagtitiyaga? Hindi mo ba nalalaman na ang kabutihan ng Diyos ang gumagabay sa iyo sa magsisi.

Ngunit ayon sa katigasan ng iyong puso at hindi pagsisisi, ikaw ay nag-iipon ng galit laban sa iyong sarili. Ito ay sa araw ng galit at paghahayag ng matuwid na hatol ng Diyos. Ang Diyos ang nagbibigay ng hatol sa bawat tao ayon sa gawa niya. Sila na patuloy na gumagawa ng mabuti, na may pagtitiis at naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng walang kasiraan ay bibigyan ng walang hanggang buhay. Ngunit sa kanila na makasarili at masuwayin sa katotohanan at sumu­sunod sa kalikuan ay tatanggap ng poot at galit. Paghihirap at kagipitan ang ibibigay sa bawat kaluluwa ng tao na patuloy na gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego. 10 Ngunit kaluwalhatian, kapurihan at kapayapaan ang ibibigay sa lahat ng gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at saka sa mga Griyego. 11 Ito ay sapagkat hindi nagtatangi ng tao ang Diyos.

12 Ito ay sapagkat ang lahat ng nagkasala na hindi sa ilalim ng kautusan ay lilipulin na hindi sa ilalim ng kautusan. Ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusan. 13 Ito ay sapagkat hindi ang mga nakikinig ng kautusan ang matuwid sa paningin ng Diyos kundi ang mga gumagawa ng kautusan ang siyang pinapaging-matuwid. 14 Ito ay sapagkat ang mga Gentil bagaman walang kautusan, ay likas naman nilang ginagawa ang bagay na nakapaloob sa kautusan. Sa paggawa nila nito, nagiging kautusan ito para sa kanilang sarili. 15 Ipinapakita nila na nakasulat sa kanilang mga puso ang gawa ng kautusan. Nagpapatotoo rin ang kanilang budhi at sa bawat isa ang kanilang isipan ang umuusig o kaya ay nagtatanggol sa kanila. 16 Ito ay mangyayari sa araw na ang lihim ng mga tao ay hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo ayon sa ebanghelyo na ipinangaral ko.

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Narito, ikaw ay tinatawag na Judio, nagtitiwala ka sa kautusan at ipinagmamalaki mo na ikaw ay sa Diyos.

18 Alam mo ang kalooban niya. Dahil naturuan ka sa kautusan, sinasang-ayunan mo ang mga bagay na higit na mabuti. 19 Naka­ka­­tiyak kang ikaw ay tagaakay ng mga bulag at liwanag ng mga nasa kadiliman. 20 Ikaw ay tagapagturo ng mga hangal, isang guro ng mga sanggol. Nasa iyo ang anyo ng kaalaman at sa katotohanan ng kautusan. 21 Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral na huwag magnakaw ang isang tao, nagnanakaw ka ba? 22 Ikaw na nagsasabing huwag mangangalunya ang isang tao, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyos-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo? 23 Ikaw na nagmamalaki patungkol sa kautusan, sa pagsuway mo sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos? 24 Ito ay sapagkat tulad ng nasusulat:

Dahil sa iyo, nagkaroon nga ng pamumusong sa pangalan ng Diyos sa gitna ng mga Gentil.

25 Kapag tinupad mo ang kautusan, may halaga ang iyong pagiging nasa pagtutuli. Ngunit kapag nilabag mo ang kautusan, ang iyong pagiging nasa pagtutuli ay naging hindi nasa pagtutuli. 26 Hindi ba kapag ang hindi gumagawa ng pagtutuli ay tumupad ng hinihingi ng kautusan, ang kaniyang hindi pagiging nasa pagtutuli ay ibibilang na pagtutuli? 27 Hindi ba ang likas na hindi nasa pagtutuli at tumutupad sa kautusan, siya ang hahatol sa iyo, ikaw na sumusuway sa kautusan, kahit na mayroon kang nakasulat na kautusan at ang iyong pagiging nasa pagtutuli?

28 Ito ay sapagkat siya, na sa panlabas na anyo ay Judio, ay hindi tunay na Judio, maging ang pagtutuli sa panlabas na laman ay hindi tunay na pagtutuli? 29 Ang tunay na Judio ay ang Judio sa kalooban at ang tunay na nasa pagtutuli ay sa puso, sa espiritu at hindi ayon sa titik ng kautusan. Ang papuri sa kaniya ay hindi mula sa tao kundi mula sa Diyos.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International