M’Cheyne Bible Reading Plan
Inihanda ni Juan na Tagapagbawtismo ang Daan
1 Ito ang pasimula ng ebanghelyo patungkol kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos.
2 Ito ang nasusulat sa aklat ng mga propeta:
Narito, isusugo ko ang aking sugo na mauuna sa inyo. Siya ang maghahanda sa harap mo ng iyong daraanan.
3 May isang tinig ng isang sumisigaw sa ilang. Sinabi niya: Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
4 Si Juan ay dumating na nagbabawtismo sa ilang. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 5 Pumunta sa kaniya ang lahat ng mga taga-Judea at lahat ng mga taga-Jerusalem. Inihahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at lahat sila ay binawtismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. 6 Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at sa baywang niya ay may pamigkis na katad. Balang at pulut-pukyutan ang kaniyang kinakain. 7 Kaniyang ipinapangaral ang ganito: Ang sumusunod sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kaniyang mga panyapak. 8 Binabawtismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babawtismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.
Binawtismuhan ni Juan si Jesus
9 Pagkatapos noon ay dumating si Jesus mula sa Nazaretng Galilea at binawtismuhan siya ni Juan sa ilog ng Jordan.
10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan. Ang Espiritu na katulad ng kalapati ay bumababa sa kaniya. 11 Isang tinig na nagmula sa langit ang nagsabi: Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.
12 Kaagad siyang itinaboy ng Espiritu sa ilang. 13 Apatnapung araw siyang naroroon sa ilang at tinukso ni Satanas. Ang kasama niya roon ay maiilap na hayop. At pinaglingkuran siya ng mga anghel.
Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad
14 Pagkatapos maipabilango ni Herodes si Juan, pumunta sa Galilea si Jesus at nangaral ng ebanghelyo ng paghahari ng Diyos.
15 Sinasabi niya: Naganap na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Magsisi kayo at sampalatayanan ninyo ang ebanghelyo.
16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kapatid nitong si Andres. Sila ay naghahagis ng lambat sa lawa sapagkat sila ay mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng tao. 18 Kaagad na iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.
19 Nang sila ay malayo-layo na, nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kapatid nitong si Juan. Sila ay nasa kanilang bangka at naghahayuma ng kanilang mga lambat. 20 Agad din silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga upahang katulong, at sumunod kay Jesus.
Nagpagaling si Jesus sa Capernaum
21 Dumating sila sa Capernaum. Pagdaka, pumasok si Jesus sa sinagoga nang araw ng Sabat at nagturo.
22 Nanggilalas ang mga tao sa kaniyang turo sapagkat nagturo siya sa kanila bilang isang may kapamahalaan at hindi gaya ng mga guro ng kautusan. 23 Sa kanilang sinagoga ay may lalaking inaalihan ng karumal-dumal na espiritu na sumisigaw. 24 Sinasabi niya: Anong kaugnayan mayroon tayo sa isa’t isa, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami ay lipulin? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos.
25 Sinaway siya ni Jesus na sinabi: Tumahimik ka! Lumabas ka sa kaniya! 26 Matapos pangisayin ng karumal-dumal na espiritu ang lalaki at sumigaw nang malakas na tinig, ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas mula sa kaniya.
27 Namangha ang lahat at sila-sila ay nagtanungan: Ano ito? Ano itong bagong turo? Kapag inuutusan niyang may kapamahalaan ang mga karumal-dumal na espiritu, sumusunod sila sa kaniya. 28 Mabilis na kumalat ang balita patungkol kay Jesus sa palibot ng lupain ng Galilea.
29 Agad silang umalis sa sinagoga at pumunta sa bahay nina Simon at Andres. Kasama nila sina Santiago at Juan. 30 Ang ina ng asawa ni Simon ay nakaratay na nilalagnat. Agad nilang sinabi kay Jesus ang patungkol sa kaniya. 31 Nilapitan siya at ibinangon ni Jesus na hawak ang kaniyang kamay. Kaagad na inibsan ng lagnat ang babae at naglingkod sa kanila.
32 Sa pagdapit-hapon, pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo. 33 Ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pintuan. 34 Marami siyang pinagaling na may iba’t ibang sakit. Nagpalayas din siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinayagang magsalita ang mga demonyo sapagkat kilala nila kung sino siya.
Nanalangin si Jesus sa Isang Tahimik na Dako
35 Nang madaling-araw na, habang madilim pa, si Jesus ay bumangon at lumabas. Pumunta siya sa ilang na dako at doon ay nanalangin.
36 Hinanap siya ni Simon at ng kaniyang mga kasama. 37 Nang makita nila siya ay sinabi nila: Hinahanap ka ng lahat!
38 Sinabi niya sa kanila: Tayo na sa mga kabayanan upang makapangaral din ako roon sapagkat iyan ang layon ng pagparito ko. 39 Kaya sa buong Galilea, si Jesus ay nangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.
Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin
40 At isang ketongin ang lumapit kay Jesus na namamanhik at naninikluhod sa kaniya. Sinabi niya kay Jesus: Kung ibig mo, malilinis mo ako!
41 Nahabag si Jesus. Iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo ang ketongin at sinabi: Ibig ko. Luminis ka. 42 Nang masabi ito ni Jesus, biglang nawala ang ketong at luminis siya.
43 Agad siyang pinaalis ni Jesus na may mahigpit na bilin. 44 Sinabi ni Jesus: Huwag na huwag mong sasabihin kaninuman ang nangyaring ito, sa halip, pumunta ka at magpakita sa saserdote. Maghain ka para sa iyong pagkalinis ayon sa iniutos ni Moises, bilang patotoo sa kanila. 45 Ngunit nang lumabas ang tao ay ipinamalita at ikinalat sa marami ang nangyari sa kaniya. Dahil dito, hindi na hayagang makapasok ng lungsod si Jesus. Naroon na lamang siya sa mga ilang na pook sa labas ng bayan. Gayunman, pinuntahan pa rin siya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.
1 Akong si Pablo ay alipin ni Jesucristo. Tinawag ako ng Diyos na maging apostol at ihiniwalay para sa ebanghelyo ng Diyos. 2 Ito ay ang ipinangako niya noong nakaraang panahon, sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, sa banal na kasulatan. 3 Ito ay patungkol sa kaniyang Anak na mula sa lahi ni David ayon sa laman. 4 Itinalaga siya na Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang paraan ayon sa Espiritu ng kabanalan at sa pamamagitan ng pagkabuhay muli mula sa mga patay. Siya ay si Jesucristo na ating Panginoon. 5 Sa pamamagitan niya, kami ay tumanggap ng biyaya at pagiging apostol. Ito ay patungo sa pagsunod sa pananampalataya para sa lahat ng mga bansa alang-alang sa kaniyang pangalan. 6 Kayo rin naman ay tinawag na kasama nila upang mapabilang kay Jesucristo.
7 Sumusulat ako sa inyong lahat, na mga nasa Roma, na mga inibig ng Diyos at tinawag na mga banal.
Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
Nananabik si Pablo na Makadalaw sa Roma
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos para sa inyong lahat sa pamamagitan ni Jesucristo. Nagpapasalamat ako na ang inyong pananampalataya ay nababalita sa buong sanlibutan.
9 Ito ay sapagkat ang Diyos ang aking saksi kung paano ko kayo laging binabanggit nang walang patid sa aking mga pananalangin. Ang Diyos ang pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa ebanghelyo patungkol sa kaniyang Anak. 10 Lagi kong hinihiling sa pananalangin, na sa anumang paraan sa isang pagkakataon, ay magkaroon ako ng matagumpay na paglalakbay sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta ako sa inyo.
11 Ito ay sapagkat nananabik akong makita kayo upang mabahaginan ko kayo ng ilang espirituwal na kaloob na siyang magpapatatag sa inyo. 12 Ito ay upang kayo at ako ay maaliw sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa isa’t isa, na kapwa nasa inyo at nasaakin. 13 Mga kapatid, ibig kong malaman ninyo na ilang ulit na akong nagbalak pumunta sa inyo. Ngunit hanggang sa ngayon, ito ay nahahadlangan. Binabalak kong pumunta sa inyo upang makapagbunga rin sa inyo, tulad din naman sa ibang mga Gentil.
14 May pagkakautang ako, kapwa sa mga Griyego at sa mga hindi Griyego, kapwa sa mga matatalino at sa mga mangmang. 15 Kaya nga, nananabik na rin akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyo na nasa Roma.
16 Ito ay sapagkat hindi ko ikinakahiya ang ebanghelyo patungkol kay Cristo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat isang sumasampalataya. Ang ebanghelyo ay una, para sa mga Judio at sunod ay para sa mga Gentil. 17 Ito ay sapagkat sa ebanghelyo, ang katuwiran ng Diyos ay nahayag mula sa pananampalataya patungo sa pananampalataya. Ayon sa nasulat:
Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Poot ng Diyos Laban sa Sangkatauhan
18 Ngayon, nahayag mula sa langit ang galit ng Diyos laban sa lahat ng kawalang pagkilala sa Diyos at hindi pagiging matuwid ng mga tao. Kanilang pinipigil ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang hindi pagiging matuwid.
19 Ito ay sapagkat ang maaari nilang malaman patungkol sa Diyos ay maliwanag na sa kanila, dahil inihayag na ito ng Diyos sa kanila. 20 Ito ay sapagkat ang hindi nakikitang mga bagay patungkol sa Diyos, simula pa sa paglikha ng sanlibutan, ay malinaw na nakikita na nauunawaan ng mga bagay na nalikha, kahit ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kaya nga, wala na silang anumang maidadahilan.
21 Ito ay sapagkat kahit kilala na nila ang Diyos, hindi nila siya niluwalhati bilang Diyos, ni nagpasalamat sa kaniya. Sa halip, ang kanilang pag-iisip ay naging walang kabuluhan at ang mga puso nilang hindi nakakaunawa ay napuno ng kadiliman. 22 Sa pagsasabi nilang sila ay matatalino, sila ay naging mga mangmang. 23 Ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kabulukan ay pinalitan nila ng tulad ng anyo ng taong may kabulukan. At ng mga anyo ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga hayop na gumagapang.
24 Kaya nga, hinayaan sila ng Diyos na gumawa ng maruruming mga bagay ayon sa pagnanasa ng kanilang mga puso. Ang idinulot nito ay ang paglapastangan ng kanilang mga katawan sa isa’t isa. 25 Pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos. Ang nilikhang bagay ay sinamba nila at pinaglingkuran kaysa sa lumikha, na pinupuri magpakailanman. Siya nawa.
26 Sa dahilang ito, hinayaan sila ng Diyos sa pagnanasang walang dangal sapagkat maging ang kababaihan nila ay nagbago ng likas nilang gamit patungo sa taliwas sa kalikasan. 27 Gayundin ang mga lalaki sa pag-iwan nila sa likas na gamit ng mga babae. Sila ay nag-aalab sa pita sa isa’t isa. Ang mga lalaki kasama ang lalaki ay gumagawa ng kahihiyan at tinanggap nila ang kaparusahang karapat-dapat sa mga liko nilang gawa.
28 At ayon sa pinagpasiyahan nilang huwag mapasakaalaman nila ang Diyos, hinayaan na sila ng Diyos sa kaisipang taliwas upang gawin nila ang mga bagay na hindi karapat-dapat. 29 Sila ay napuspos ng lahat ng uri ng hindi pagiging matuwid, pakikiapid, kasamaan, kasakiman, masamang hangarin, pagka-mainggitin, pagpatay, paglalaban-laban, panlilinlang, hangaring manakit at pagsisitsit.[a] 30 Sila ay mga mapanirang puri, namumuhi sa Diyos, walang galang, mapagmataas, mayabang, mapaglikha ng masasamang mga bagay at masuwayin sa mga magulang. 31 Sila ay mga walang pang-unawa, sumisira sa usapan, walang likas na paggiliw, hindi nagpapatawad at mga walang habag. 32 Alam nila ang matuwid na kautusan ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay nararapat sa kamatayan. Hindi lang sa kanila na gumagawa ng mga ito, kundi sa kanila rin na sumasang-ayon pa sa mga gumagawa ng mga ito.
Copyright © 1998 by Bibles International