M’Cheyne Bible Reading Plan
30 Si Raquel ay hindi pa rin nagbubuntis, kaya nainggit siya kay Lea. Sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng anak dahil kung hindi, mamamatay talaga ako!”
2 Nagalit si Jacob sa kanya at sinabi, “Bakit, Dios ba ako? Siya ang nagpasya na hindi ka magkaanak.”
3 Sinabi ni Raquel, “Kung ganoon, sumiping ka kay Bilha na alipin ko para kahit sa pamamagitan niya magkaroon din ako ng anak.”
4 Kaya ibinigay niya si Bilha kay Jacob bilang asawa, at sumiping si Jacob kay Bilha.
5 Dumating ang panahon, nabuntis si Bilha at nanganak ng lalaki. 6 Sinabi ni Raquel, “Kinuha na ng Dios ang aking kahihiyan. Tinugon niya ang panalangin ko dahil binigyan niya ako ng isang anak na lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Dan.[a]
7 Muling nagbuntis si Bilha na alipin ni Raquel at nanganak ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. 8 Sinabi ni Raquel, “Napakahigpit ng labanan namin bilang magkapatid, at nagtagumpay ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Naftali.[b]
9 Nang hindi na magkaanak si Lea, pinasipingan niya kay Jacob ang alipin niyang si Zilpa. 10 Nabuntis si Zilpa at nanganak ng lalaki. 11 Sinabi ni Lea, “Parang pinalad ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Gad.[c]
12 Muling nanganak si Zilpa ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. 13 Sinabi ni Lea, “Lubha akong nasisiyahan! Ngayon tatawagin ako ng mga babae na masiyahin.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Asher.[d]
14 Anihan ng trigo noon, pumunta si Reuben sa bukid at may nakita siyang tanim na mandragora. Kumuha siya ng bunga nito at dinala sa ina niyang si Lea. Pagkakita noon ni Raquel ay sinabi niya kay Lea, “Bigyan mo rin ako ng mandragora na dinala ng anak mo.”
15 Pero sumagot si Lea, “Hindi ka pa ba kontento na kinuha mo ang asawa ko? Ngayon, kukunin mo pa ang mandragora ng anak ko?”
Sinabi ni Raquel, “Kung bibigyan mo ako ng mandragora pasisipingin ko si Jacob sa iyo ngayong gabi.”
16 Mag-aagaw dilim na nang dumating si Jacob mula sa bukid, sinalubong siya ni Lea at sinabi, “Kailangang sa akin ka sumiping ngayong gabi, dahil binayaran na kita kay Raquel ng mandragora na dala ng anak ko.” Kaya sumiping si Jacob kay Lea nang gabing iyon.
17 Sinagot ng Dios ang panalangin ni Lea at siyaʼy nabuntis. Nanganak siya ng lalaki na ikalimang anak nila ni Jacob. 18 Sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Dios dahil ibinigay ko ang alipin ko sa aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang kanyang anak na Isacar.[e]
19 Muling nabuntis si Lea at nanganak ng lalaki na ikaanim nilang anak ni Jacob. 20 Sinabi niya, “Binigyan ako ng Dios ng mabuting regalo. Pararangalan na ako nito ngayon ng asawa ko dahil nabigyan ko na siya ng anim na anak na puro lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Zebulun.[f]
21 Hindi nagtagal nanganak si Lea ng babae at pinangalanan niyang Dina.
22 Hindi rin kinalimutan ng Dios si Raquel. Sinagot niya ang kanyang panalangin na magkaanak din siya. 23 Nagbuntis siya at nanganak ng lalaki. Sinabi niya, “Inalis ng Dios ang aking kahihiyan.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Jose[g] dahil sinabi niya, 24 “Nawaʼy bigyan ako ng Panginoon ng isa pang anak.”
Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban
25 Pagkatapos na ipanganak ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan nʼyo akong makauwi sa lugar namin. 26 Ibigay nʼyo sa akin ang mga asawa ko, na ipinaglingkod ko sa inyo, at ang mga anak ko, dahil babalik na ako sa amin. Nalalaman nʼyo kung paano ako naglingkod sa inyo.”
27 Sumagot si Laban, “Kung maaari huwag muna. Ayon sa pagpapahula ko, nalaman ko na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo. 28 Sabihin mo lang kung magkano ang ibabayad ko sa iyo at babayaran kita.”
29 Sinabi ni Jacob, “Alam mo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang mga hayop ninyo dahil sa pag-aalaga ko. 30 Nang dumating ako rito, kakaunti pa lang ang mga hayop nʼyo, pero ngayon ay napakarami na, dahil pinagpala kayo ng Panginoon dahil sa akin. Ngayon, dapat na sigurong magsumikap ako para sa sarili kong sambahayan.”
31 Nagtanong si Laban, “Ano ba ang gusto mong ibayad ko sa iyo?”
Sumagot si Jacob, “Huwag nʼyo na lang po akong bayaran. Ipagpapatuloy ko ang pag-aalaga sa mga hayop ninyo kung papayag kayo sa kundisyon ko: 32 Titingnan ko ngayon ang mga hayop nʼyo at kukunin ko ang itim na mga tupa at batik-batik na mga kambing. Iyon na lang ang pinakabayad nʼyo sa akin. 33 Darating ang araw, malalaman nʼyo kung maaasahan ako o hindi kung susuriin nʼyo ang mga hayop na ibinayad sa akin. Kung may makita po kayong kambing na hindi batik-batik o tupa na hindi itim, ituring nʼyo na ninakaw ko ito.”
34 Sumagot si Laban, “Kung ganyan ang gusto mo, payag ako.”
35 Pero nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga batik-batik na kambing na lalaki at babae, pati ang mga itim na tupa. Pinaalagaan niya ito sa mga anak niyang lalaki. 36 Ibinukod niya ito kay Jacob sa layo na tatlong araw kung lalakarin. Ang naiwang mga hayop ay ang binabantayan ni Jacob.
37 Kumuha si Jacob ng mga sanga ng almendro, abilyano, at kastanyo, at binalat-balatan niya ito. Pero hindi niya lubos na binalatan, kaya may batik-batik na puti kapag tiningnan ang mga sanga. 38-39 Inilagay niya ang mga sangang iyon sa harapan ng painuman ng mga hayop para makita ng mga ito kapag iinom sila. Doon sa harapan ng mga sanga nagkakastahan[h] ang mga kambing kapag umiinom sila. Batik-batik ang mga anak nila kapag nanganganak sila. 40 Pero iba ang ginawa ni Jacob sa mga tupa: Habang nagkakastahan ang mga hayop na ito, pinapaharap niya sila sa mga batik-batik na kambing niya at sa itim na mga kambing ni Laban. Kaya nakaipon din si Jacob ng sarili niyang mga hayop at hindi niya ito isinama sa mga hayop ni Laban. 41 Kapag nagkakastahan na ang mga hayop na maganda ang katawan doon sa pinag-iinuman, inilalagay agad ni Jacob ang mga sangang iyon sa harapan ng mga ito. 42 Pero kapag ang mga hayop na matatamlay ang nagkakastahan, hindi niya inilalagay ang mga sanga, kaya ang mga matatamlay ay kay Laban at ang mga masisigla ang katawan ay kay Jacob. 43 Sa ganitong paraan, labis na yumaman si Jacob. Dumami ang hayop niya pati na ang mga kamelyo at asno. Dumami rin ang alipin niyang lalaki at babae.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 1-2 Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. Nagsimula ito nang matupad ang isinulat ni Propeta Isaias tungkol sa sinabi ng Dios sa kanyang Anak: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.[a] 3 Maririnig ang kanyang sigaw sa ilang, na nagsasabi,
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[b]
4-5 At natupad ito noong dumating si Juan na tagapagbautismo roon sa ilang. Napakaraming tao ang pumunta sa kanya galing sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea. Nangaral si Juan sa mga tao, “Magsisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan; magpabautismo kayo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan. 6 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kanyang kinakain ay balang at pulot pukyutan. 7 Ito ang ipinapahayag niya, “May isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin at hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.[c] 8 Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(B)
9 Sa panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at nagpabautismo kay Juan sa Ilog ng Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang langit at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu tulad ng isang kalapati. 11 At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”
12 At noon din ay pinapunta siya ng Banal na Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya roon ng 40 araw na tinutukso ni Satanas. May mababangis na hayop doon, pero tinulungan si Jesus ng mga anghel.
Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(C)
14 Nang mabilanggo si Juan na tagapagbautismo, pumunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balita na mula sa Dios. 15 Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na[d] ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita!”
16 Isang araw, habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila ng lambat. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[e] 18 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang dalawang anak ni Zebedee na sina Santiago at Juan na nag-aayos ng kanilang lambat sa bangka nila. 20 Agad silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedee at ang mga tauhan nila, at sumunod kay Jesus.
Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(D)
21 Pumunta sina Jesus sa Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at doon ay nangaral si Jesus. 22 Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 May isang tao roon na sinasaniban ng masamang espiritu ang biglang nagsisigaw: 24 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Dios!” 25 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” 26 Pinangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumigaw siya habang lumalabas. 27 Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, “Ano ito? Isang bagong aral na may kapangyarihan! Pati ang masasamang espiritu ay nauutusan niya at sumusunod sila!” 28 At mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong Galilea.
Maraming Pinagaling si Jesus(E)
29 Mula sa sambahan ng mga Judio, pumunta sina Jesus sa bahay nina Simon at Andres. Kasama pa rin nila sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil nilalagnat. Sinabi agad nila ito kay Jesus. 31 Nilapitan ni Jesus ang may sakit, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Biglang nawala ang lagnat ng babae, at pinagsilbihan niya sina Jesus.
32 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit at ang mga sinasaniban ng masamang espiritu. 33 At ang lahat ng tao sa bayang iyon ay nagkatipon-tipon sa harapan ng pinto ng bahay. 34 Maraming may sakit ang pinagaling ni Jesus, anuman ang kanilang karamdaman, at pinalayas din niya ang maraming masamang espiritu. Hindi niya pinayagang magsalita ang masasamang espiritu, dahil alam nila kung sino siya.
Nangaral si Jesus sa Galilea(F)
35 Kinabukasan ng madaling-araw, bumangon si Jesus at pumunta sa ilang upang manalangin. 36 Hinanap siya nina Simon at ng kanyang mga kasama. 37 Nang matagpuan nila si Jesus, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Pumunta naman tayo sa mga kalapit-bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako naparito sa mundo.” 39 Kaya nilibot ni Jesus ang buong Galilea at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at nagpalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinaniban ng mga ito.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(G)
40 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat.[f] Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawang pagalingin siya. Sinabi niya, “Kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”[g] 41 Naawa si Jesus sa kanya. Kaya hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” 42 Gumaling agad ang sakit niya, at siya ay luminis. 43-44 Pinaalis siya agad ni Jesus at binilinan, “Huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.” 45 Pero pagkaalis niya, ipinamalita niya ang nangyari sa kanya. Kaya kumalat ang balitang ito hanggang sa hindi na lantarang makapasok si Jesus sa mga bayan dahil pinagkakaguluhan siya ng mga tao. Kaya roon na lang siya nanatili sa mga ilang. Pero pumupunta pa rin doon ang mga tao mula sa ibaʼt ibang lugar.
Pinarangalan si Mordecai
6 Kinagabihan, hindi makatulog si Haring Ahasuerus, kaya ipinakuha niya ang aklat tungkol sa kasaysayan ng kaharian niya at ipinabasa habang nakikinig siya. 2 Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkakatuklas ni Mordecai sa plano nina Bigtan at Teres na patayin si Haring Ahasuerus. Sina Bigtana at Teres ay mga lingkod ng hari. Sila ang guwardya ng pintuan ng kwarto ng hari.
3 Sa nabasang iyon, nagtanong ang hari, “Anong gantimpala o parangal ang ginawa o ibinigay kay Mordecai dahil sa mabuting ginawa niya sa akin?” Sinabi ng lingkod ng hari, “Wala po, Mahal na Hari.”
4 Tamang-tama naman na nang oras ding iyon, papasok si Haman sa bulwagan ng palasyo para hilingin sa hari na ituhog si Mordecai sa matulis na kahoy na ipinagawa niya para dito. Nagtanong ang hari, “Sino ang nasa bulwagan?” 5 Sumagot ang mga lingkod ng hari, “Si Haman po.” Kaya sinabi ng hari, “Papasukin ninyo siya rito.”
6 Nang naroon na si Haman, tinanong siya ng hari, “Ano ang mabuting gawin sa taong nais parangalan ng hari?” Ang akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari na pararangalan. 7 Kaya sinabi niya, “Ito po ang gawin nʼyo, Mahal na Hari: 8 Ipakuha nʼyo ang isa sa inyong mga damit na panghari na nasuot na, at ang isa sa mga sinasakyan nʼyong kabayo, na may sagisag ng hari na nakasuot sa ulo nito. 9 Pagkatapos, utusan po ninyo ang isa sa mga pinuno ninyo na isuot sa taong pararangalan ang damit ng hari at pasakayin siya sa kabayo ng hari, at ilibot sa buong bayan habang isinisigaw ng mga kasama niya, ‘Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.’ ”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Sige, ipakuha mo ang isa sa mga damit at kabayo ko, at gawin mo ang lahat ng sinabi mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa pintuan ng aking palasyo. Tiyakin mo na matutupad ang lahat ng sinabi mo.”
11 Kaya kinuha ni Haman ang damit ng hari at isinuot kay Mordecai, at isinakay sa kabayo ng hari at inilibot sa lungsod habang sumisigaw siya, “Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.”
12 Pagkatapos, bumalik si Mordecai sa pintuan ng palasyo. Si Haman naman ay dali-daling umuwi na nakatalukbong dahil sa hiya at sama ng loob. 13 Pagdating niya sa bahay, isinalaysay niya sa asawa niyang si Zeres at sa mga kaibigan niya ang lahat ng nangyari. Sinabi sa kanya ng asawa niya at mga kaibigan na mga tagapayo niya, “Unti-unti ka nang nadadaig ni Mordecai. Hindi mo siya madadaig dahil isa siyang Judio. Tiyak na ikaw ang matatalo.” 14 Habang nag-uusap pa sila, dumating ang ilang lingkod ng hari at dali-daling isinama si Haman sa inihandang hapunan ni Ester.
1 Mula kay Pablo na lingkod[a] ni Cristo Jesus.
Pinili at tinawag ako ng Dios na maging apostol upang ipangaral ang kanyang Magandang Balita. 2 Ang Magandang Balitang itoʼy ipinangako ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta at nakasulat sa Banal na Kasulatan. 3-4 Ang balitang itoʼy tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanyang pagkatao, isinilang siya sa lahi ni Haring David, at sa kanyang banal na espiritu,[b] napatunayang siya ang makapangyarihang Anak ng Dios, nang siyaʼy nabuhay mula sa mga patay. 5 Sa pamamagitan ni Cristo, tinanggap namin ang kaloob na maging apostol para madala namin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya ang mga tao sa lahat ng bansa. Ginagawa namin ito para sa kanya. 6 At kayong mga mananampalataya riyan sa Roma ay kabilang din sa kanyang mga tinawag na maging tagasunod ni Jesu-Cristo.
7 Sa inyong lahat diyan sa Roma na minamahal ng Dios at tinawag na maging banal,[c] sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Dahilan ng Pagpunta ni Pablo sa Roma
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil balitang-balita ang inyong pananampalataya sa buong mundo. 9 Palagi ko kayong idinadalangin, at alam ito ng Dios na buong puso kong pinaglilingkuran sa aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak. 10 Lagi ko ring idinadalangin na loobin sana ng Dios na makapunta ako riyan sa inyo. 11 Nananabik akong makita kayo para maipamahagi sa inyo ang mga espiritwal na kaloob na makakapagpatatag sa inyo. 12 Sa ganoon, magkakatulungan tayo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isaʼt isa.
13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, pero laging may humahadlang. Nais kong pumunta riyan para mayroon din akong maakay sa pananampalataya kay Cristo, tulad ng ginawa ko sa mga hindi Judio sa mga napuntahan kong lugar. 14 Sapagkat may pananagutan ako na mangaral sa lahat ng tao: sa mga may pinag-aralan man o wala, sa marurunong o hangal. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nais ko ring maipangaral ang Magandang Balita riyan sa inyo sa Roma.
Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita
16 Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, dahil ito ang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya – una ang mga Judio at gayon din ang mga hindi Judio. 17 Sapagkat ipinapahayag sa Magandang Balita kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao,[d] at itoʼy sa pamamagitan lang ng pananampalataya. Ayon nga sa Kasulatan, “Sa pananampalataya mabubuhay ang matuwid.”[e]
Ang Galit ng Dios sa Lahat ng Kasamaan
18 Ipinapahayag ng Dios mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na siyang pumipigil sa kanila para malaman ang katotohanan tungkol sa Dios. 19 Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Dios ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Dios. 20 Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan. 21 At kahit alam nilang may Dios, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. 22 Nagmamarunong sila, pero lumilitaw na silaʼy mga mangmang. 23 Sapagkat ipinagpalit nila ang dakila at walang kamatayang Dios sa mga dios-diosang anyong tao na may kamatayan, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na nagsisigapang.
24 Kaya hinayaan na lang sila ng Dios sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. 25 Ipinagpalit nila sa kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Dios. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha sa halip na ang Manlilikha na siyang dapat papurihan magpakailanman. Amen!
26 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Dios, hinayaan na lang sila ng Dios na gawin ang kanilang malalaswang pagnanasa. Ipinagpalit ng mga babae ang natural na pakikipagrelasyon nila sa lalaki sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa kapwa babae. 27 Ganoon din ang mga lalaki. Tinalikuran nila ang natural na pakikipagrelasyon sa babae, at sa halip ay pinagnasahan ang kapwa lalaki. Kahiya-hiya ang ginagawa nila sa isaʼt isa. Dahil dito, pinarusahan sila ng Dios nang nararapat sa kanila.
28 At dahil sa ayaw talaga nilang kilalanin ang Dios, hinayaan niya sila sa kanilang kaisipang hindi makapili ng tama. Kaya ginagawa nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman at masasamang hangarin. Silaʼy mainggitin, mamamatay-tao, mapanggulo, mandaraya, at laging nag-iisip ng masama sa kanilang kapwa. Silaʼy mga tsismosoʼt tsismosa 30 at mapanirang-puri. Napopoot sila sa Dios, mga walang galang at mapagmataas. Naghahanap sila ng magagawang masama, at suwail sa mga magulang nila. 31 Silaʼy mga hangal, mga traydor, at walang awa. 32 Alam nila ang utos ng Dios na dapat parusahan ng kamatayan ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito, pero patuloy pa rin silang gumagawa nito, at natutuwa pa sila na ginagawa rin ito ng iba.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®