Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 28

Muling Nabuhay si Jesus

28 Sa pagtatapos ng Sabat, magbubukang-liwayway na sa unang araw ng linggo. Si Maria na taga-Magdala at ang isang Maria ay dumating upang tingnan ang libingan.

Narito, nagkaroon ng malakas na lindol sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit. Pumunta siya sa libingan at iginulong ang bato papalayo sa bukana ng libingan at umupo sa ibabaw nito. Ang anyo niya ay parang kidlat. Ang damit niya ay kasimputi ng niyebe. Dahil sa takot sa anghel, ang mga bantay ay nanginig at naging parang mga patay.

Sumagot ang anghel sa mga babae, na sinasabi: Huwag kayong matakot sapagkat alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito. Ito ay sapagkat nabuhay na siya ayon sa sinabi niya. Halikayo at tingnan ninyo ang dakong pinaghigaan sa Panginoon. Magmadali kayong pumunta at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad: Nabuhay na siya mula sa mga patay at narito, mauuna siya sa inyo patungong Galilea. Doon ay makikita ninyo siya. Narito, sinabi ko na sa inyo.

Sila ay mabilis na umalis mula sa libingan na may takot at malaking kagalakan. Sila ay tumakbo upang sabihin sa kaniyang mga alagad. Nang sila ay papunta na sa kaniyang mga alagad, narito, sinalubong sila ni Jesus. Sinabi niya: Bumabati! Lumapit sila sa kaniya, hinawakan ang kaniyang paa at sinamba siya. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila:Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea at doon ay makikita nila ako.

Ang Ulat ng mga Bantay

11 Habang sila ay papaalis, narito, ang mga bantay ay umalis papuntang lungsod. Kanilang iniulat sa mga pinunong-saserdote ang lahat ng mga nangyari.

12 Sila ay nagtipun-tipon kasama ng matatanda. At nang makapagsangguni na sila, binigyan nila ng malaking halagang salapi ang mga bantay. 13 Sinabi nila: Sabihin ninyo na dumating ang kaniyang mga alagad nang gabi habang kami ay natutulog at ninakaw nila si Jesus. 14 Kapag ito ay narinig ng gobernador, hihimukin namin siya at ililigtas kayo sa inyong pananagutan. 15 Kinuha nila ang salapi at ginawa ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang ulat na ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa kasalukuyan.

Ang Dakilang Utos

16 Ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus.

17 Nang makita nila si Jesus, sinamba nila siya. Ngunit ang iba sa kanila ay nag-alinlangan. 18 At lumapit si Jesus at nagsalita sa kanila, na sinasabi: Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay sa akin sa langit at sa lupa. 19 Humayo nga kayo. Gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, inyong bawtismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan ninyo sila na ganapin ang lahat ng mga bagay na aking iniutos sa inyo. At narito, ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng kapanahunang ito. Siya nawa!

Gawa 28

Ang Pagdaong sa Malta

28 Nang sila ay makaligtas na, napag-alaman nilang ang pangalan ng pulo ay Malta.

Kami ay pinakitaan ng hindi pangkaraniwang kagandahang-loob ng mga barbaro. Sa pagtanggap nila sa bawat isa sa amin, nagsiga sila sapagkat umuulan noon at maginaw. Ngunit pagkatipon ni Pablo ng isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init. Kumapit ito sa kaniyang kamay. Nang makita ng mga barbaro ang hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, nagsabi ang isa sa isa’t isa: Walang salang mamamatay-tao ang lalaking ito. Bagamat siya ay nakaligtas sa dagat, gayunman ay hindi siya pinabayaang mabuhay ng katarungan. Ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya ay hindi nasaktan. Nang magkagayon ay hinintay nilang mamaga na siya o bigla na lamang mabuwal na patay. Ngunit nang matagal na silang naghihintay at nakitang walang nangyaring masama sa kaniya, nagbago sila ng akala. Sinabi nilang siya ay isang diyos.

Sa mga kalapit ng dakong iyon ay may mga lupain ang pangulo ng pulong iyon. Ang pangalan niya ay Publio. Tinanggap niya kami at kinupkop ng tatlong araw na may kagandahang-loob. Nangyari na ang ama ni Publio ay nakaratay at maysakit na lagnat at disinterya. Pumasok si Pablo at ipinanalangin siya. Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at siya ay pinagaling. Nang mangyari nga ito, pumaroon naman ang ibang may mga karamdaman sa pulo at sila rin ay pinagaling. 10 Kami naman ay pinarangalan nila ng maraming parangal. Nang maglayag na kami, binigyan nila kami ng mga bagay na kinakailangan namin.

Dumating si Pablo sa Roma

11 Pagkaraan ng tatlong buwan ay naglayag kami na sakay ng isang barko na mula sa Alexandria. Tumigil kami sa pulo nang tag-ulan na. Ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.

12 Nang dumaong kami sa Siracusa, tumigil kami roon ng tatlong araw. 13 Mula roon ay lumigid kami at dumating sa Regio. Pagkaraan ng isang araw ay umihip ang hanging katimugan. Nang ikalawang araw ay dumating kami sa Putiole. 14 Doon ay nakakita kami ng mga kapatid. Ipinamanhik nila na manatili sa kanila ng pitong araw. Pagkatapos ay nagtuloy kami sa Roma. 15 Buhat doon, pagkarinig ng mga kapatid sa mga bagay patungkol sa amin, sinalubong nila kami hanggang sa Foro ng Appio at sa Tatlong Bahay-panuluyan. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos at lumakas ang loob. 16 Nang makapasok kami sa Roma, ibinigay ng mga kapitan ang mga bilanggo sa pinunong kawal. Ngunit si Pablo ay pinahintulutang mamahay na mag-isa. Kasama niya ang kawal na nagbabantay sa kaniya.

Binantayan si Pablo Habang Nangangaral sa Roma

17 Nangyari na pagkaraan ng tatlong araw, tinipon ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio. Nang magkatipon na sila, sinabi niya sa kanila: Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anumang laban sa mga tao o sa mga kaugalian ng mga ninuno ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga-Roma.

18 Nang ako ay masiyasat na nila, ibig sana nila akong palayain sapagkat walang anumang maipaparatang laban sa akin na nararapat sa kamatayan. 19 Ngunit nang magsalita laban dito ang mga Judio, napilitan akong umapela hanggang kay Cesar. Hindi sa mayroon akong anumang sukat na maisakdal laban sa aking bansa. 20 Kaya nga, ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makipagkita at makipag-usap sa inyo sapagkat sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.

21 Sinabi nila sa kaniya: Hindi kami tumanggap ng mga sulat na galing sa Judea patungkol sa iyo. Hindi rin naparito ang sinumang kapatid na magbalita o magsalita ng anumang masama patungkol sa iyo. 22 Ngunit ibig naming marinig mula sa iyo kung ano ang iniisip mo sapagkat alam naming ang mga tao sa lahat ng dako ay totoong nagsalita ng laban sa sektang ito.

23 Nang makapagtakda na sila ng isang araw sa kaniya, pumaroon sa kaniyang tinutuluyan ang lubhang maraming tao. Ipinaliwanag niya sa kanila ang bagay na sinasaksihan ang paghahari ng Diyos. Sila ay hinihimok niya patungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at sa pamama­gitan ng aklat ng mga propeta. Ito ay ginawa niya mula sa umaga hanggang sa gabi. 24 Ang ilan ay naniwala sa mga bagay na sinabi niya at ang ilan ay hindi naniwala. 25 Nang sila ay hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pananalita: Tama ang pagkasabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. 26 Sinasabi:

Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo: Sa pamamagitan ng pakikinig ay makakarinig kayo ngunit hindi kayo makakaunawa. Sa pagtingin ay makakakita kayo, ngunit hindi kayo makakatalos.

27 Ito ay sapagkat ang mga puso ng mga taong ito ay matigas na at nahihirapan nang makinig ang kanilang mga tainga. Ipinikit na nila ang kanilang mga mata. Baka sa anumang oras makakita pa ang kanilang mga mata, makarinig ang kanilang mga tainga. Maka­unawa ang kanilang mga puso, at manumbalik sila at sila ay aking pagalingin.

28 Kaya nga, alamin ninyo na ang kaligtasan ng Diyos ay ipinadala sa mga Gentil. Sila ay makikinig. 29 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, umalis ang mga Judio na may malaking pagtatalo sa isa’t isa.

30 Si Pablo ay nanatili ng dalawang buong taon sa bahay na inuupahan niya. Tinatanggap niya ang lahat ng pumu­punta sa kaniya. 31 Ipinapangaral niya ang paghahari ng Diyos. At itinuturo niya ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong kalayaan at walang anumang nakahadlang.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International