Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 27

Nagbigti si Judas

27 Kinaumagahan, lahat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao ay sumangguni sa isa’t isa laban kay Jesus upang maipapatay nila siya.

Tinalian nila si Jesus at ibinigay kay Pontio Pilato na gobernador.

Nang makita ni Judas, na siyang nagkanulo kay Jesus, na siya ay hinatulan, nagsisi siya. Isinauli niya ang tatlumpung pilak sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. Sinabi niya: Nagkasala ako sa pagkakanulo ko sa walang salang dugo.

Ngunit sinabi nila: Ano iyan sa amin? Ikaw na ang bahala diyan.

Itinapon niya ang tatlumpung pilak sa banal na dako at siya ay umalis. Pagkaalis niya roon, siya ay nagbigti.

Kinuha ng mga pinunong-saserdote ang tatlumpung pilak.Kanilang sinabi: Labag sa kautusan na ilagay ang mga ito sa kaban ng yaman sapagkat ibinayad sa dugo ang salaping ito. Nang sila ay nakapagsanggunian na, ibinili nila ito ng bukid ng magpapalayok upang ito ay maging libingan ng mga dayuhan. Kaya nga, ang bukid na iyon ay tinawag, hanggang sa araw na itona: Bukid ng dugo. Natupad nga ang sinabi ni propeta Jeremias. Sinabi niya: Kinuha ko ang tatlumpung pilak. Ito ang ibinigay na kaniyang halaga, na itinakdang halaga ng mga anak ni Israel. 10 Ito ay ibinigay para sa bukid ng magpapalayok ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.

Si Jesus sa Harap ni Pilato

11 Si Jesus ay tumayo sa harap ng gobernador. Tinanong siya ng gobernador na sinasabi: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.

12 Nang siya ay pinaratangan ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda, wala siyang isinagot. 13 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Narinig mo ba ang marami nilang paratang laban sa iyo? 14 Hindi sumagot si Jesus sa kaniya, na lubhang ikinamangha ng gobernador.

15 Kinaugalian na ng gobernador na sa tuwing araw ng paggunita ay magpapalaya siya sa karamihan ng isang bilanggo na ibig nila. 16 Nang panahong iyon, ay mayroon silang isang kilalang bilanggo na tinatawag na Barabas. 17 Nang sila ay nagtipun-tipon sinabi ni Pilato sa kanila: Sino ang nais ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo? 18 Ito ay sapagkat alam niya na inggit ang dahilan nang ibinigay nila si Jesus sa kaniya.

19 Samantalang siya ay nakaupo sa upuan ng hukom, lumapit sa kaniya ang kaniyang asawa. Kaniyang sinabi: Huwag mo nang pakialaman ang matuwid na taong iyan. Ang dahilan ay lubha akong nahirapan sa araw na ito sa isang panaginip dahil sa lalaking iyan.

20 Ngunit hinikayat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao, na hingiin ng karamihan si Barabas at ipapatay si Jesus.

21 Sumagot ang gobernador: Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko para sa inyo?

Sinabi nila: Si Barabas!

22 Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano nga ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?

Sinabi nilang lahat sa kaniya: Ipapako siya sa krus!

23 Sinabi ng gobernador: Ano ang ginawa niyang masama?

Ngunit lalo silang sumigaw, na sinasabi: Ipapako siya sa krus!

24 Nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa dito at ang mga tao ay nagsimula ng magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng napakaraming tao. Sinabi niya: Wala akong sala sa dugo ng matuwid na lalaking ito. Kayo na ang bahala sa bagay na ito.

25 Sumagot ang lahat ng mga tao: Mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo.

26 Pagkatapos nito ay pinalaya niya si Barabas ngunit ipinahagupit niya si Jesus at ibinigay niya sa kanila upang ipako sa krus.

Kinutya ng mga Kawal si Jesus

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa hukuman at pinalibutan siya ng buong batalyon ng mga kawal.

28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng isang balabal na kulay ube. 29 Nagsalapid sila ng isang koronang tinik at inilagay sa kaniyang ulo. Isang tangkay ng tambo ang inilagay sa kaniyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap ni Jesus at siya ay kinutya. Sinabi nila: Binabati ang Hari ng mga Judio! 30 Dinuraan nila siya at kinuha ang tambo at ipinalo sa kaniyang ulo. 31 Kinutya nila siya at kinuha sa kaniya ang kaniyang balabal. Isinuot nila sa kaniya ang kaniyang damit at siya ay dinala upang ipako sa krus.

Ipinako nila sa Krus si Jesus

32 Nang sila ay papunta na roon, nakita nila ang isang lalaking taga-Cerene na nagngangalang Simon. Isinama nila siya upang ipapasan sa kaniya ang krus.

33 Dumating sila sa isang dako na tinatawag na Golgota. Ang kahulugan nito ay Lugar ng mga Bungo. 34 Binigyan nila si Jesus ng maasim na alak na hinaluan ng apdo upang inumin. Nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin. 35 Nang maipako na nila siya, pinaghati-hatian nila ang kaniyang damit at sila ay nagpala­bunutan. Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpala­bunutan sa aking kasuotan. 36 Sila ay naupo roon at binantayan siya. 37 Inilagay nila sa kaniyang ulunan ang paratang sa kaniya. Ito ang nakasulat: ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO. 38 Ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan. Ang isa ay sa kaniyang gawing kanang kamay at ang isa ay sa kaniyang gawing kaliwang kamay. 39 Nilait siya ng mga dumaraan na iniiling ang kanilang mga ulo. 40 Sinasabi nila: Ikaw na magwawasak ng banal na dako at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili. Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka mula sa krus.

41 Sa gayunding paraan kinutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ng mga guro ng kautusan at ng mga matanda, na sinasabi: 42 Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Kung siya ang hari ng Israel, bumaba siya mula sa krus at sasampalataya kami sa kaniya. 43 Nagtiwala siya sa Diyos. Magpaligtas siya sa kaniya, kung ililigtas siya sapagkat sinabi niya: Ako ay ang Anak ng Diyos. 44 Gayundin nilibak siya ng mga tulisang ipinakong kasama niya.

Si Jesus ay Namatay

45 Nagkaroon ng kadiliman sa buong lupa mula sa ika-anim na oras hanggang sa ika-siyam na oras.

46 Nang mag-iikasiyam na ang oras, si Jesus ay sumigaw nang may malakas na tinig. Sinabi niya: Eli, Eli, lama sabachthani? Ang ibig sabihin nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?

47 Narinig siya ng ilan sa mga nakatayo roon. Sinabi nila: Tinatawag ng lalaking ito si Elias.

48 Ang isa sa kanila ay agad-agad na tumakbo at kumuha ng isang espongha. Inilubog niya ito sa maasim na alak at inilagay sa isang tambo upang ipainom sa kaniya. 49 Sinabi ng iba: Pabayaan mo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.

50 Muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig. Pagkatapos, ipinaubaya niya ang kaniyang espiritu.

51 Narito, ang telang tabing sa banal na dako ay napunit sa dalawa mula sa itaas pababa. Ang lupa ay nayanig at nabiyak ang mga bato. 52 Ang mga libingan ay nabuksan atmaraming katawan ng mga banal na namatay ang bumangon. 53 Pagkatapos niyang mabuhay muli, lumabas sila sa mga libingan at pumasok sa banal na lungsod. Nagpakita sila roon sa maraming tao.

54 Isang kapitan ang naroroon at kasama niya ang mga nagbabantay kay Jesus. Pagkakita nila sa lindol at sa mga bagay na nangyari, lubha silang natakot. Sinabi nila: Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.

55 Maraming mga babae roon ang nakamasid mula sa malayo.Sila yaong sumunod kay Jesus mula sa Galilea at naglingkod sa kaniya. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina nina Santiago at Jose at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

 

Inilibing si Jesus

57 Nang gumabi na, dumating ang isang mayamang lalaki na taga-Arimatea. Siya ay si Jose na naging alagad ni Jesus.

58 Sa pagpunta niya kay Pilato ay hiningi niya ang katawan ni Jesus. Iniutos ni Pilato na ibigay ang katawan ni Jesus. 59 Pagkakuha ni Jose sa katawan ni Jesus, binalot niya iyon sa malinis na telang lino. 60 At inilagay niya iyon sa kaniyang bagong libingan na inuka niya sa malaking bato. Nang maipagulong na ang isang malaking bato tungo sa pintuan ng libingan ay umalis na siya. 61 Naroroon si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria. Sila ay nakaupo sa harap libingan.

Ang mga Bantay ng Libingan

62 Kinabukasan ay ang araw pagkatapos ng paghahanda. Ang mga pinunong-saserdote at mga Fariseo ay nagtipun-tipon sa harap ni Pilato.

63 Sinabi nila: Ginoo, naala-ala namin ang sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya. Sinabi niya: Pagkalipas ng tatlong araw, ako ay babangon. 64 Ipag-utos mo nga na bantayang maigi ang libingan hanggang sa ikatlong araw at baka sa gabi ay nakawin siya ng kaniyang mga alagad. At sabihin nila sa mga tao: Siya ay nabuhay mula sa mga patay. Kung magkakagayon, ang pandaraya ay magiging malala kaysa una.

65 Sinabi ni Pilato sa kanila: Mayroon kayong tagapag­bantay. Humayo kayo at ipabantayang mahigpit ayon sa inyong kakayanan. 66 Sa pag-alis nila, tiniyak nila na nakasara na ang libingan at nilagyan ng selyo ang bato at ipinabantayan sa mga bantay.

Gawa 27

Naglayag si Pablo Papunta sa Roma

27 Nang ipasiya na kami ay maglalayag na patungong Italia, si Pablo at ang ibang mga bilanggo ay ibinigay sa isang kapitan. Ang pangalan ng senturyon ay Julio, mula sa balangay ng Emperador Augusto.

Sumakay kami sa isang barko na mula sa Adrameto. Ito ay maglalayag na sa mga dakong nasa Asya. Kasama namin si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.

Nang sumunod na araw, dumaong kami sa Sidon. Si Julio ay nagpakita ng kagandahang-loob kay Pablo. Pinahintulutan niya siyang pumunta sa kaniyang mga kaibigan upang matanggap niya ang kanilang pagmamalasakit. Nang kami ay maglayag muli buhat doon, naglayag kaming nanganganlong sa Chipre sapagkat pasalungat ang hangin. Nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, dumating kami sa Mira ng Licia. Doon ay nasumpungan ng kapitan ang isang barko na mula sa Alexandria. Ito ay maglalayag patungong Italia. Inilulan niya kami roon. Maraming araw kaming naglayag na marahan at may kahirapan naming narating ang tapat ng Cinido. Hindi kami tinulutan ng hangin na makasulong pa kaya naglayag kami na nanganganlong sa Creta. Ito ay nasa tapat ng Salmonte. Sa pamamaybay namin dito, may kahirapan kaming nakarating sa isang dakong tinatawag na Mabuting Daungan. Malapit doon ang lungsod ng Lasea.

Nang makalipas ang mahabang panahon, ang paglalayag ay nagiging mapanganib na. At dahil ang pag-aayuno ay nakalampas na, pinayuhan sila ni Pablo. 10 Sinabi sa kanila: Mga ginoo, nakikinita kong ang paglalayag na ito ay makaka­pinsala at magiging malaking kawalan. Hindi lamang sa lulan at sa barko kundi sa atin ding mga buhay. 11 Ngunit higitna pinaniwalaan ng kapitan ang taga-ugit at ang may-aring barko kaysa sa mga sinabi ni Pablo. 12 Sa dahilang hindi mabuting hintuan sa tag-ulan ang daungan, ipinayo ng nakakarami na maglayag na mula roon. Nagbabaka-sakali silang sa anumang paraan ay makarating sila sa Fenix. Doon nila gugugulin ang tag-ulan. At iyon ay daungan ng Cretana nakaharap sa dakong timugang-kanluran at hilagang-kanluran.

Ang Malakas na Bagyo

13 Nang marahang umihip ang hanging timugan, inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang hangarin. Itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.

14 Ngunit hindi nagtagal, humampas doon ang malakas na hangin na tinatawag na Euroclidon. 15 Nang hinampas ng hangin ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lang kami sa hangin. 16 Kami ay nagkubli sa isang maliit na pulo na tinatawagna Clauda. At nahirapan kami na isampa ang bangkang-pangkagipitan. 17 Nang maisampa na ito, guma­mit sila ng mga pantulong. Tinalian nila ang ibaba ng barko. At sa takot na baka masadsad sa look ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayon ay nagpaanod sila. 18 Ngunit patuloy kaming hinahampas at ipinapadpad ng lubhang malakas na hangin sa magkabila. Kinabukasan, nagsimula na silang magtapon ng kanilang lulan sa dagat. 19 Nang ikatlong araw, itinapon ng aming mga kamay ang mga kagamitan ng barko. 20 At maraming araw na hindi namin nakita ang araw ni ang mga bituin man. Napakalakas na bagyo ang dumaan sa amin kaya nawalan na kami ng pag-asa na makakaligtas pa.

21 Nang matagal na silang hindi kumain, tumayo nga si Pablo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi niya: Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo naglayag muli sa Creta. Kung nakinig sana kayo, hindi natin nakamtan ang kapinsalaan at ang kawalang ito. 22 Ngayon, ipinapayo ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapa­hamak sa inyo kundi ang barko lamang. 23 Ito ay sapagkat ngayong gabi tumayo sa tabi ko ang isang anghel mula sa Diyos na nagmamay-ari sa akin at siyang aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya: Pablo, huwag kang matakot. Kinakailangang humarap ka kay Cesar. Narito, ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa paglalayag. 25 Kaya nga, mga ginoo lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos at mangyayari ang ayon sa sinalita sa akin. 26 Ngunit kailangang tayo ay mapasadsad sa isang pulo.

Nawasak ang Barko

27 Nang sumapit ang ikalabing-apat na gabi, ipinadpad kami ng hangin paroo’t parito sa Adriatico. Nang maghahating gabi na, inakala ng mga magdaragat na nalalapit na sila sa isang lupain.

28 Tinarok nila at nasumpungang may dala­wampung dipa ang lalim. Nang makalayo sila ng kaunti, muli nilang tinarok at nasumpungang may labinlimang dipa ang lalim. 29 Sa takot nilang mapasadsad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan. Hinahangad nila na mag-umaga na sana. 30 Ngunit nagpupumilit ang mga magdaragat na makatakas sa barko. Nagpakunyari sila na ihuhulog nila ang mga angkla sa unahan. 31 Sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga kawal: Maliban na manatili ang mga ito sa barko, kayo ay hindi makakaligtas. 32 Kaya pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangkang-pangkagipitan at pinabayaan itong mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, ipinamanhik ni Pablo sa lahat na kumain. Sinabi niya: Ngayon ay ikalabing-apat na araw na kayo ay naghihintay. Hindi kayo kumakain at walang tina­tanggap na anuman. 34 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay kumain dahil ito ay makakatulong na makalagpas kayo sa sakunang ito. Ito ay sapagkat isa mang buhok ay hindi malalagas mula sa ulo ng sinuman sa inyo. 35 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, kumuha siya ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Pinagputul-putol niya ito at nagsimulang kumain. 36 Nang magkagayon, lumakas ang loob ng lahat. Sila namang lahat ay kumuha din ng pagkain. 37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawang daan at pitumpu’t anim na kaluluwa. 38 Nang mabusog na sila, pinagaan nila ang barko. Itinapon nila sa dagat ang trigo.

39 Kinabukasan, hindi nila makilala ang lupain. Ngunit nabanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin. Sila ay nag-usap kung maaari nilang maisadsad ang barko mula doon. 40 Pinutol nila ang lubid ng angkla at pinabayaan nila sa dagat. Kasabay nito ay kinakalag nila ang mga tali ng mga timon. Pagkataas ng layag sa unahan ay tinungo nila ang pampang paayon sa ihip ng hangin. 41 Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, isinadsad nila ang unahan ng barko. Ito ay tumigil at hindi na kumikilos. Ngunit nagpasimulang mawasak ang hulihan dahil sa kalakasan ng mga alon.

42 Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo. Baka mayroong makalangoy palayo at makatakas. 43 Subalit sa kagustuhang ng kapitan na iligtas si Pablo, ay pinigil niya sila sa gusto nilang gawin. Iniutos niya sa kanila: Sinuman ang marunong lumangoy ay tumalon nang una at nang makarating sa lupa. 44 Sa mga naiwan, ang iba ay sa mga tabla at ang iba naman ay sa mga bagay na galing sa barko. Sa ganitong paraan, ang lahat ay nakarating nang ligtas hanggang sa lupa.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International