Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 28

28 Kaya ipinatawag ni Isaac si Jacob. Pagdating niya, binasbasan niya ito at inutusan, “Huwag kang mag-aasawa ng taga-Canaan. Maghanda ka at pumunta sa Padan Aram,[a] doon sa lolo mong si Betuel na ama ng iyong ina. Doon ka pumili ng iyong mapapangasawa sa isa sa mga dalagang anak ni Laban na kapatid ng iyong ina. Nawaʼy pagpalain ka ng Makapangyarihang Dios at bigyan ka ng maraming anak para maging ama ka ng maraming grupo ng tao. Nawaʼy ibigay din sa iyo at sa mga lahi mo ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham, para maging iyo ang lupaing ito na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ang lupaing ito ay ibinigay nga ng Dios kay Abraham.” Agad na pinapunta ni Isaac si Jacob sa Padan Aram, sa lugar ni Laban na anak ni Betuel na Arameo. Si Laban ay kapatid ni Rebeka na ina nina Jacob at Esau.

Muling nag-asawa si Esau

Nalaman ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob at pinapunta sa Padan Aram para roon maghanap ng mapapangasawa. Nalaman din niya na binasbasan ni Isaac si Jacob, inutusan niya ito na huwag mag-asawa ng taga-Canaan. At nalaman din niyang sumunod si Jacob sa magulang nila at pumunta sa Padan Aram. Dito napansin ni Esau na ayaw ng kanyang ama ang mga babaeng taga-Canaan. Kaya pumunta siya sa tiyuhin niyang si Ishmael na anak ni Abraham kay Hagar at napangasawa si Mahalat na kapatid ni Nebayot at anak ni Ishmael, bukod pa sa dalawang naging asawa niya.

Nanaginip si Jacob sa Betel

10 Umalis si Jacob sa Beersheba at lumakad papuntang Haran. 11 Nang lumubog na ang araw, nakarating siya sa isang lugar at doon nanatili nang gabing iyon. Kumuha siya ng isang bato at ginawa niyang unan sa pagtulog niya. 12 Ngayon, nanaginip siya na may isang hagdan na nakatayo sa lupa na abot hanggang langit. Nakita niya ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa hagdan. 13 Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan[b] at sinabi sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan. 14 Ang mga lahi mo ay magiging kasindami ng alikabok sa lupa. Mangangalat sila sa ibaʼt ibang bahagi ng lupa. Sa pamamagitan mo at ng mga lahi mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 15 Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo.”

16 Biglang nagising si Jacob at sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito.” 17 Kinabahan siya at sinabi, “Nakakamangha ang lugar na ito! Tirahan ito ng Dios at dito mismo ang pintuan papuntang langit.”

18 Maagang bumangon si Jacob. Kinuha niya ang batong inunan niya noong gabi at itinayo bilang isang alaala. Pagkatapos, binuhusan niya ito ng langis para maging banal. 19 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Betel.[c] Dati ay Luz ang pangalan ng lugar na iyon.

20 Sumumpa agad si Jacob na nagsabi, “Panginoon, kung sasamahan po ninyo ako at bibigyan po ng pagkain at damit, 21 at kung makakabalik po akong muli sa bahay ng aking ama na walang masamang nangyari sa akin, kikilalanin ko po kayong aking Dios. 22 Ang bato pong ito na itinayo ko bilang isang alaala ay magpapatunay ng inyong presensya sa lugar[d] na ito. At ibibigay ko po sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ibibigay nʼyo sa akin.”

Mateo 27

Dinala si Jesus kay Pilato(A)

27 Kinaumagahan, nagplano ang lahat ng namamahalang pari at ang pinuno ng mga Judio kung ano ang gagawin nila para maipapatay si Jesus. Ginapos nila si Jesus at dinala kay Gobernador Pilato.

Ang Pagkamatay ni Judas(B)

Nang malaman ng traydor na si Judas na hinatulan ng kamatayan si Jesus, nagsisi siya sa kanyang ginawa at isinauli ang 30 pirasong pilak sa mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio. Sinabi niya sa kanila, “Nagkasala ako dahil ibinigay ko sa inyo ang isang taong walang kasalanan.” Pero sumagot sila, “Ano ang pakialam namin diyan? Problema mo na iyan.” Itinapon ni Judas sa templo ang salapi. Pagkatapos ay umalis siya at nagbigti.

Pinulot ng mga namamahalang pari ang salapi at sinabi, “Hindi natin maaaring ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng templo, dahil ibinayad ito upang maipapatay ang isang tao. Labag ito sa ating Kautusan.” Kaya napagkasunduan nilang gamitin ang salapi para bilhin ang bukid ng magpapalayok at gawing libingan ng mga dayuhan. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay tinatawag pa rin ang lugar na iyon na “Bukid ng Dugo.”

Sa pangyayaring iyon, natupad ang ipinahayag ni Propeta Jeremias nang sabihin niya, “Kinuha nila ang 30 pirasong pilak, ang halagang napagkasunduan ng mga taga-Israel na ipambili sa kanya, 10 at ginamit nila ang pera bilang pambili ng bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”[a]

Inimbestigahan ni Pilato si Jesus(C)

11 Nang madala na si Jesus kay Pilato, tinanong siya nito, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.” 12 Pero hindi sumagot si Jesus sa mga paratang ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 13 Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Bakit ayaw mong sagutin ang mga paratang nila sa iyo?” 14 Pero hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya nagtaka ang gobernador.

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(D)

15 Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ng Gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. 16 Nang panahong iyon, may isang kilalang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. 17 Nang magtipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Judio na dalhin sa kanya si Jesus.

19 Habang nakaupo si Pilato sa hukuman, nagpadala ang kanyang asawa ng ganitong mensahe: “Huwag mong pakialaman ang taong iyan na walang kasalanan, sapagkat nabagabag ako nang husto dahil sa panaginip ko tungkol sa kanya.”

20 Pero sinulsulan ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang mga tao na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Jesus ang ipapatay. 21 Kaya nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw sila, “Si Barabas!” 22 Nagtanong pa ulit si Pilato, “Ano ngayon ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sumagot ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 23 Tinanong sila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 24 Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.” 25 Sumagot ang mga tao, “Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!” 26 Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero si Jesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.

Pinahirapan ng mga Sundalo si Jesus(E)

27 Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. 28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. 29 Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro[b] niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Dinuraan nila si Jesus at kinuha ang tungkod sa kanyang kamay at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(F)

32 Nang nasa labas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cyrene na ang pangalan ay Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo,” 34 pinainom nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, pero nang matikman ito ni Jesus ay hindi niya ininom.

35 Ipinako nila si Jesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. 36 Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Jesus. 37 Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

39 Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila 40 at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, bumaba ka sa krus!” 41 Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang Hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. 43 Nagtitiwala siya sa Dios at sinasabi niyang siya ang Anak ng Dios. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Dios!” 44 Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay nang-insulto rin sa kanya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(G)

45 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 46 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[c] 47 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” 48 Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya. 49 Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” 50 Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.

51 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at maraming banal[d] ang muling nabuhay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem[e] at marami ang nakakita sa kanila.

54 Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” 55 Sa di-kalayuan ay maraming babae na nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Jesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala,[f] si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedee.

Ang Paglilibing kay Jesus(H)

57 Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. 58 Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. 59 Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. 60 Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. 61 Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan.

Naglagay ng mga Guwardya sa Libingan

62 Kinabukasan, Araw ng Pamamahinga, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. 63 Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buhay pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya na mabubuhay daw siyang muli pagkatapos ng tatlong araw. 64 Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga tagasunod niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa sa noong una.” 65 Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardya kayo. Kayo na ang magpabantay ayon sa nalalaman ninyo.” 66 Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang bato na nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.

Ester 4

Humingi ng Tulong si Mordecai kay Ester

Nang malaman ni Mordecai ang plano laban sa kanila, pinunit niya ang damit niya bilang pagpapakita ng kanyang pagdadalamhati. At nagsuot siya ng sako, naglagay ng abo sa ulo, at pumasok sa lungsod na umiiyak nang napakalakas. Pero hanggang doon lang siya sa labas ng pintuan ng palasyo, dahil hindi pinapayagang pumasok sa palasyo ang nakasuot ng sako. Ang mga Judio sa bawat probinsya na nakarinig sa utos ng hari ay nagsipag-ayuno, nag-iyakan nang napakalakas, at nanaghoy. Marami sa kanila ang nagsuot ng sako at humiga sa abo.

Nang malaman ni Reyna Ester ang tungkol kay Mordecai sa pamamagitan ng mga alipin niyang babae at mga pinunong nangangalaga sa kanya, nalungkot siya. Pinadalhan niya ng damit si Mordecai para palitan ang kanyang suot na sako, pero hindi niya ito tinanggap. Kaya ipinatawag ni Ester si Hatak. Isa siya sa mga pinuno ng hari na itinalagang mag-asikaso sa kanya. Pinapunta niya si Hatak kay Mordecai para alamin kung bakit siya nagkakaganoon.

Kaya pinuntahan naman ni Hatak si Mordecai sa plasa ng lungsod na nasa harap ng pintuan ng palasyo. Sinabi sa kanya ni Mordecai ang lahat ng nangyari at kung magkano ang ipinangako ni Haman na ibibigay sa taguan ng kayamanan ng kaharian ng Susa, para patayin ang lahat ng Judio. Binigyan siya ni Mordecai ng isang kopya ng kautusan ng hari na ipinagbigay-alam sa mga taga-Susa, para ipakita kay Ester. Sinabihan din niya si Hatak na sabihing lahat kay Ester ang lahat ng nangyari, at pakiusapan ito na pumunta sa hari upang magmakaawa para sa mga kalahi niya.

Bumalik si Hatak kay Ester at sinabi ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Pinabalik muli ni Ester si Hatak kay Mordecai at ipinasabi ang ganito. 11 “Alam ng lahat sa buong kaharian na ang sinumang lalapit sa hari sa loob ng kanyang bulwagan, lalaki man o babae na hindi ipinapatawag ay papatayin, maliban na lang kung ituturo ng hari ang kanyang gintong setro sa taong ito. At isang buwan na akong hindi ipinapatawag ng hari.”

12 Pagkatapos na masabi kay Mordecai ang ipinapasabi ni Ester, 13 ito naman ang ipinasabi niya kay Ester, “Huwag mong isiping ikaw lang sa lahat ng Judio ang makakaligtas dahil sa palasyo ka nakatira. 14 Sapagkat kahit na manahimik ka sa panahong ito, may ibang tutulong at magliligtas sa mga Judio, pero ikaw at ang mga kamag-anak mo ay mamamatay. Baka nga kaya ka ginawang reyna ay para mailigtas mo ang kapwa mo mga Judio.”

15 Ito naman ang ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Humayo ka, tipunin mo ang lahat ng Judio na nandito sa Susa at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw. Ako at ang mga alipin kong babae ay mag-aayuno rin. At pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit na labag sa batas. At kung papatayin man ako, handa akong mamatay.”

17 Kaya umalis si Mordecai at ginawa niya ang ipinapagawa ni Ester.

Gawa 27

Ang Biyahe ni Pablo Papuntang Roma

27 Nang mapagpasyahan nilang papuntahin kami sa Italia, ipinagkatiwala nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo kay Julius. Si Julius ay isang kapitan ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyon ng Emperador. Doon sa Cesarea ay may isang barkong galing sa Adramitium at papaalis na papunta sa mga daungan ng lalawigan ng Asia. Doon kami sumakay. Sumama sa amin si Aristarcus na taga-Tesalonica na sakop ng Macedonia. Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabait si Julius kay Pablo. Pinahintulutan niya si Pablo na dumalaw sa kanyang mga kaibigan doon para matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Mula sa Sidon, bumiyahe uli kami. At dahil salungat sa amin ang hangin, doon kami dumaan sa kabila ng isla ng Cyprus na kubli sa hangin. Nilakbay namin ang karagatan ng Cilicia at Pamfilia, at dumaong kami sa Myra na sakop ng Lycia. Nakakita roon si Kapitan Julius ng isang barko na galing sa Alexandria at papunta sa Italia, kaya pinalipat niya kami roon.

Mabagal ang biyahe namin. Tumagal ito ng maraming araw, at talagang nahirapan kami hanggang sa nakarating kami malapit sa Cnidus. At dahil salungat ang hangin, hindi kami makatuloy sa pupuntahan namin. Kaya bumiyahe kami sa kabila ng isla ng Crete na kubli sa hangin, at doon kami dumaan malapit sa Salmone. Namaybay kami, pero talagang nahirapan kami bago makarating sa lugar na tinatawag na “Magagandang Daungan.” Malapit ito sa bayan ng Lasea.

Nagtagal kami roon hanggang inabot kami ng panahong mapanganib ang pagbibiyahe, dahil nakalipas na ang Araw ng Pag-aayuno.[a] Kaya sinabi ni Pablo sa aming mga kasama, 10 “Ang tantiya ko, mapanganib na kung tutuloy tayo, at hindi lang ang mga karga at ang barko ang mawawala baka pati na rin ang ating buhay.” 11 Pero mas naniwala ang kapitan ng mga sundalo sa sinabi ng kapitan ng barko at ng may-ari nito kaysa sa payo ni Pablo. 12 At dahil sa hindi ligtas sa malakas na hangin ang daungan doon, karamihan sa mga kasama namin ay sumang-ayon na magbiyahe. Nagbakasakali silang makakarating kami sa Fenix at doon magpapalipas ng tag-unos. Sapagkat ang Fenix ay isang daungan sa Crete na may magandang kublihan kung tag-unos.

Ang Malakas na Hangin at Alon sa Dagat

13 Nang umihip ang mahinang hangin galing sa timog, ang akala ng mga kasamahan namin ay pwede na kaming bumiyahe. Kaya itinaas nila ang angkla at nagbiyahe kaming namamaybay sa isla ng Crete. 14 Hindi nagtagal, bumugso ang malakas na hilagang-silangang hangin mula sa isla ng Crete. 15 Pagtama ng malakas na hangin sa amin, hindi na kami makaabante,[b] kaya nagpatangay na lang kami kung saan kami dalhin ng hangin. 16 Nang nasa bandang timog na kami ng maliit na isla ng Cauda, nakapagkubli kami nang kaunti. Kahit nahirapan kami, naisampa pa namin ang maliit na bangka na dala ng barko para hindi ito mawasak. 17 Nang mahatak na ang bangka, itinali ito nang mahigpit sa barko. Sapagkat natatakot sila na baka sumayad ang barko malapit sa Libya,[c] ibinaba nila ang layag at nagpatangay sa hangin. 18 Tuloy-tuloy pa rin ang malakas na bagyo, kaya kinabukasan, nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat. 19 Nang sumunod pang araw, ang mga kagamitan na mismo ng barko ang kanilang itinapon. 20 Sa loob ng ilang araw, hindi na namin nakita ang araw at mga bituin, at tuloy-tuloy pa rin ang bagyo, hanggang sa nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.

21 Ilang araw nang hindi kumakain ang mga tao, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga kaibigan, kung nakinig lang kayo sa akin na hindi tayo dapat umalis sa Crete, hindi sana nangyari sa atin ang mga kahirapan at mga kapinsalaang ito. 22 Pero ngayon, hinihiling ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob dahil walang mamamatay sa atin. Ang barko lang ang masisira. 23 Sapagkat kagabi, nagpakita sa akin ang isang anghel. Ipinadala siya ng Dios na nagmamay-ari sa akin at aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya, ‘Pablo, huwag kang matakot. Dapat kang humarap sa Emperador sa Roma. At sa awa ng Dios, ang lahat mong kasama rito sa barko ay maliligtas dahil sa iyo.’ 25 Kaya mga kaibigan, huwag na kayong matakot, dahil nananalig ako sa Dios na matutupad ang kanyang sinabi sa akin. 26 Pero ipapadpad tayo sa isang isla.”

27 Ika-14 na ng gabi nang tinangay kami ng bagyo sa Dagat ng Mediteraneo. At nang mga hatinggabi na, tinantiya ng mga tripulante na malapit na kami sa tabi ng dagat. 28 Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 20 dipa ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 15 dipa na lang. 29 At dahil sa takot na bumangga kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana. 30 Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko. 31 Pero sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.

33 Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Dalawang linggo na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain. 34 Kaya kumain na kayo upang lumakas kayo, dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.” 35 Pagkatapos magsalita ni Pablo, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat siya sa Dios. Pinira-piraso niya ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang kanilang loob at kumain silang lahat. 37 (276 kaming lahat na sakay ng barko.) 38 Nang makakain na ang lahat at busog na, itinapon nila sa dagat ang kanilang mga dalang trigo para gumaan ang barko.

Ang Pagkasira ng Barko

39 Nang mag-umaga na, hindi alam ng mga tripulante kung saang isla kami napadpad, pero may nakita silang isang look na may dalampasigan, kaya nagkasundo sila na doon nila isadsad ang barko. 40 Kaya pinutol nila ang mga lubid na nakatali sa angkla. Kinalag din nila ang mga tali ng timon. At itinaas nila ang layag sa unahan para tangayin ng hangin ang barko papuntang dalampasigan. 41 Pero sumayad ang barko sa mababaw na parte ng tubig. Bumaon ang unahan nito at hindi na makaalis. Ang hulihan naman ay nawasak dahil sa salpok ng malalakas na alon.

42 Papatayin na sana ng mga sundalo ang lahat ng bilanggo para walang makalangoy papuntang dalampasigan at makatakas. 43 Pero pinigilan sila ng kanilang kapitan dahil gusto niyang maligtas si Pablo. Nag-utos siya na lumukso muna ang lahat ng marunong lumangoy, at mauna na sa dalampasigan. 44 Pagkatapos, pinasunod niya ang iba na nakakapit sa tabla at sa mga parte ng barko na lumulutang. Ganoon ang aming ginawa, at lahat kami ay ligtas na nakarating sa dalampasigan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®