M’Cheyne Bible Reading Plan
Binasbasan ni Isaac si Jacob
27 Matandang matanda na si Isaac at halos hindi na makakita. Isang araw, tinawag niya ang panganay niyang anak na si Esau. Sinabi niya, “Anak.” Sumagot si Esau, “Narito po ako ama.” 2 Sinabi ni Isaac, “Matanda na ako at hindi magtatagal ay mamamatay na ako. 3 Mabuti pang kunin mo ang pana mo. Pumunta ka sa bukid at mangaso ka para sa akin. 4 Pagkatapos, ipagluto mo ako ng paborito kong pagkain at dalhin mo agad ito para makakain ako. At babasbasan kita bago ako mamatay.”
5 Nakikinig pala si Rebeka habang kausap ni Isaac si Esau. Kaya nang pumunta si Esau sa bukid para mangaso, 6 kinausap ni Rebeka ang anak niyang si Jacob, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau na 7 mangaso at agad siyang ipagluto ng paborito niyang pagkain. Sapagkat bago raw siya mamatay babasbasan niya si Esau sa presensya ng Panginoon. 8 Kaya anak, sundin mo ang iuutos ko sa iyo: 9 Pumunta ka sa mga hayop natin at kumuha ka ng dalawang matabang batang kambing, at ipagluluto ko ang iyong ama ng paborito niyang pagkain. 10 Pagkatapos, dalhin mo ito sa kanya para basbasan ka niya bago siya mamatay.”
11 Pero sinabi ni Jacob sa kanyang ina, “Alam naman po ninyo na balbon si Esau at ako namaʼy hindi. 12 Baka hawakan po ako ni ama at malaman niyang niloloko ko lang siya at sumpain po niya ako sa halip na basbasan.”
13 Sumagot si Rebeka, “Anak, ako ang mananagot kung susumpain ka niya, basta gawin mo lang ang iniuutos ko sa iyo. Lumakad ka na at dalhan mo ako ng kambing.”
14 Kaya kumuha si Jacob ng dalawang kambing at dinala niya sa kanyang ina, at niluto ni Rebeka ang paboritong pagkain ni Isaac. 15 Pagkatapos, kinuha niya ang pinakamagandang damit ni Esau na nasa bahay nila at ipinasuot kay Jacob. 16 Nilagyan niya ng balat ng kambing ang braso ni Jacob pati ang leeg nito na hindi balbon. 17 Pagkatapos, ibinigay niya kay Jacob ang pagkain at ang tinapay na niluto niya.
18 Dinala iyon ni Jacob sa kanyang ama at sinabi, “Ama!”
Sinabi ni Isaac, “Sino ka ba anak ko?” 19 Sumagot si Jacob, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak. Nagawa ko na po ang iniutos ninyo sa akin. Bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan nʼyo po ako.”
20 Sinabi ni Isaac, “Anak, paano mo ito nahuli agad?” Sumagot si Jacob, “Tinulungan po ako ng Panginoon na inyong Dios.”
21 Sinabi ni Isaac, “Lumapit ka sa akin anak ko para mahawakan kita kung ikaw nga talaga si Esau.”
22 Kaya lumapit si Jacob, at hinawakan siya ng kanyang ama at sinabi, “Ang boses mo ay parang kay Jacob pero ang braso mo ay parang kay Esau.” 23 Hindi nakilala ni Isaac si Jacob, dahil ang braso niya ay balbon din katulad ng kay Esau.
Bago niya basbasan si Jacob, 24 nagtanong pa siya, “Ikaw ba talaga si Esau?”
Sumagot si Jacob, “Opo, ako nga po.”
25 Sinabi ni Isaac, “Sige nga, dalhin mo rito ang niluto mo mula sa pinangaso mo, at pagkatapos kong kumain ay babasbasan kita.”
Kayaʼt binigyan siya ni Jacob ng makakain at maiinom, at kumain siya at uminom. 26 Pagkatapos, sinabi ni Isaac sa kanya, “Lumapit ka sa akin, anak, at hagkan mo ako.”
27 Lumapit si Jacob sa kanya at hinagkan ang kanyang ama. Nang maamoy ni Isaac ang damit nito, binasbasan niya agad si Jacob na nagsasabi,
“Ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng bukid na binasbasan ng Panginoon.
28 Nawaʼy bigyan ka ng Dios ng lupaing masagana ang ani na palaging may hamog na biyaya niya,[a] para maging sagana ang pagkain at katas ng inumin mo.
29 Nawaʼy magpasakop at maglingkod sa iyo ang maraming tao.
Nawaʼy maghari ka sa mga kamag-anak mo at magpasakop sila sa iyo.
Nawaʼy ang sumusumpa sa iyo ay susumpain din,
at ang magpapala sa iyo ay pagpapalain din.”
Nagmakaawa si Esau na Basbasan din Siya
30 Pagkatapos basbasan ni Isaac si Jacob, lumakad agad si Jacob. Kaaalis lang niya ay dumating naman agad si Esau mula sa pangangaso. 31 Nagluto rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya, “Ama, bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan po ninyo ako.” 32 Nagtanong si Isaac sa kanya, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak.” 33 Nang marinig ito ni Isaac, nanginig siya at sinabi, “Sino kaya ang unang nangaso at nagdala rito sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kainin iyon nang dumating ka. Ibinigay ko na sa kanya ang aking basbas at hindi ko na iyon mababawi.”
34 Pagkarinig nito ni Esau, umiyak siya nang labis. Sinabi niya, “Ama, basbasan nʼyo rin po ako!”
35 Pero sumagot si Isaac, “Niloko ako ng nakababatang kapatid mo at nakuha na niya ang basbas ko na para sana sa iyo.”
36 Sinabi ni Esau, “Pangalawang beses na ito na niloko niya ako. Kaya pala Jacob[b] ang pangalan niya. Kinuha na niya ang karapatan ko bilang panganay at ngayon, kinuha pa niya ang basbas na para sa akin.” Pagkatapos, nagtanong siya, “Ama, wala na po bang natitirang basbas na para sa akin?”
37 Sumagot si Isaac, “Ginawa ko na siya na maging iyong amo at ginawa ko rin ang lahat ng kamag-anak niya na maging mga alipin niya. Ibinigay ko na sa kanya ang saganang pagkain at inumin. Kaya ano pa ang maibibigay ko para sa iyo anak?”
38 Nagmakaawa pa si Esau sa kanyang ama, “Ama, wala na po bang kahit isang basbas? Basbasan nʼyo rin po ako.” At patuloy ang kanyang paghagulgol.
39 Sinabi ni Isaac sa kanya,
“Hindi aani ng sagana ang lupaing titirhan mo,
at palagi itong walang hamog na biyaya ng Dios.
40 Palagi kang makikipaglaban,
at maglilingkod ka sa iyong kapatid.
Pero kung lalaban ka sa kanya,
makakalaya ka sa kanyang kapangyarihan.”
41 Kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay ng kanyang ama kay Jacob. Sinabi ni Esau sa kanyang sarili, “Malapit nang mamatay si ama; kapag namatay na siya, papatayin ko si Jacob.”
42 Pero nabalitaan ni Rebeka ang balak ni Esau, kaya ipinatawag niya si Jacob at sinabi, “Ang kuya mong si Esau ay balak kang patayin para mawala ang galit niya sa iyo. 43 Kaya makinig ka sa sasabihin ko: Tumakas ka at pumunta sa Haran, doon sa kapatid kong si Laban. 44 Doon ka muna hanggang mawala ang galit ng iyong kuya, 45 at makalimutan na niya ang iyong ginawa sa kanya. Ipapasundo na lang kita roon kapag hindi na siya galit sa iyo. Hindi ko hahayaang mawala kayong dalawa sa akin, baka isang araw magpatayan kayo.”
Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban
46 Ngayon, sinabi ni Rebeka kay Isaac, “Nagsasawa na ako sa buhay ko dahil sa mga asawang Heteo ni Esau. Kung ang magiging asawa ni Jacob ay taga-rito rin lang na isang babaeng Heteo mabuti pang mamatay na lang ako.”
Ang Planong Pagpatay kay Jesus(A)
26 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 2 “Alam nʼyo na dalawang araw na lang at sasapit na ang Pista ng Paglampas ng Anghel,[a] at ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga taong kumokontra sa akin upang ipako sa krus.” 3 Nang mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari. 4 Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay. 5 Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(B)
6 Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, 7 lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabango sa isang sisidlang yari sa batong alabastro. At habang kumakain si Jesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Jesus. 8 Nagalit ang mga tagasunod ni Jesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? 9 Maipagbibili sana iyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” 10 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. 11 Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama, pero ako ay hindi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa libing. 13 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)
14 Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari. 15 Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Jesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng 30 pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang traydurin si Jesus.
Sinabi ni Jesus na Tatraydurin Siya(D)
17 Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga tagasunod ni Jesus at nagtanong, “Saan nʼyo po gustong maghanda kami ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 18 Sumagot si Jesus, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi ng Guro na malapit na ang kanyang oras, at gusto niyang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay, kasama ang mga tagasunod niya.’ ” 19 Sinunod nila ang utos ni Jesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.
20 Kinagabihan, naghapunan si Jesus at ang 12 tagasunod. 21 Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magtatraydor sa akin.” 22 Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?” 23 Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magtatraydor sa akin. 24 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.” 25 Nagtanong din si Judas na siyang magtatraydor sa kanya, “Guro, ako po ba iyon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
Huling Hapunan ni Jesus(E)
26 Habang kumakain sila, kumuha si Jesus ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 27 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[b] nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito, 28 dahil ito ang aking dugo na ibubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng maraming tao. Katibayan ito ng bagong[c] kasunduan ng Dios sa mga tao. 29 Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng aking Ama. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.” 30 Umawit sila ng papuri sa Dios, at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(F)
31 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat ngayong gabi, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’[d] 32 Ngunit pagkatapos na mabuhay akong muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 33 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan kayo ng lahat, hinding-hindi ko po kayo iiwan.” 34 Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 35 Sinabi ni Pedro, “Hinding-hindi ko po kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pang mga tagasunod.
Nanalangin si Jesus sa Getsemane(G)
36 Pagkatapos, pumunta si Jesus kasama ang mga tagasunod niya sa lugar na kung tawagin ay Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Maupo muna kayo rito. Pupunta ako sa banda roon upang manalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedee. Nagsimulang mabagabag at maghinagpis nang lubos si Jesus, 38 at sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” 39 Lumayo siya nang kaunti, lumuhod at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating.[e] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”
40 Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras lang? 41 Magpuyat kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”[f]
42 Lumayong muli si Jesus at nanalangin, “Ama ko, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy mangyari ang kalooban ninyo.” 43 Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila.
44 Lumayo ulit si Jesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin. 45 Binalikan niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan. 46 Tayo na! Narito na ang taong nagtatraydor sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(H)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 48 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya.” 49 Lumapit si Judas kay Jesus at bumati, “Magandang gabi sa iyo, Guro!” saka hinalikan siya. 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo rito.” Kaya lumapit ang mga tao at dinakip si Jesus. 51 Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo ang iyong espada sa lalagyan nito! Ang gumagamit ng espada ay sa espada rin mamamatay. 53 Hindi mo ba alam na pwede akong humingi ng tulong sa aking Ama, at kaagad niya akong padadalhan ng 12 batalyon ng mga anghel? 54 Ngunit kung gagawin ko iyon, paano matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ito ang dapat mangyari?”
55 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tao, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw akong nasa templo at nagtuturo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? 56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang isinulat ng mga propeta.” Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
Dinala si Jesus sa Korte ng mga Judio(I)
57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ng punong pari na si Caifas. Doon ay nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng mga Judio. 58 Sumunod din si Pedro roon, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya upang malaman kung ano ang mangyayari kay Jesus. 59 Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan. 60 Pero wala silang nakuha, kahit marami pa ang lumapit at sumaksi ng kasinungalingan. Nang bandang huli, may dalawang lalaking lumapit 61 at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Dios at sa loob ng tatlong araw ay itatayo niya itong muli.”
62 Tumayo ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na iyan laban sa iyo?” 63 Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Sa ngalan ng buhay na Dios, sabihin mo sa amin ngayon: Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Dios?” 64 Sumagot si Jesus, “Ikaw na mismo ang nagsabi. At nais kong sabihin sa inyong lahat na mula ngayon ay makikita ninyo ako na Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihan na Dios. At makikita rin ninyo ako na dumarating mula sa ulap dito sa mundo.”
65 Nang marinig iyon ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Nilalapastangan niya ang Dios! Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios! 66 Ano ngayon ang hatol ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.” 67 Dinuraan nila si Jesus sa mukha at binugbog. Sinampal naman siya ng iba, 68 at sinabi, “Kung ikaw ang Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(J)
69 Samantala, habang nakaupo si Pedro sa loob ng bakuran, nilapitan siya ng isang utusang babae ng punong pari at sinabi, “Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?” 70 Pero itinanggi ito ni Pedro sa harap ng mga tao. Sinabi niya, “Hindi ko alam ang mga sinasabi mo.” 71 Kaya pumunta si Pedro sa may labasan, at isa pang utusang babae ang nakakita sa kanya at sinabi sa mga tao roon, “Ang taong iyan ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.” 72 Muli itong itinanggi ni Pedro at sinabi, “Sumpa man, hindi ko kilala ang taong iyan!” 73 Maya-maya, nilapitan si Pedro ng iba pang naroon at sinabi, “Isa ka nga sa mga kasamahan ni Jesus, dahil halata sa pagsasalita mo.” 74 Sumagot si Pedro, “Sumpa man at mamatay man ako! Hindi ko kilala ang taong iyan!” Noon din ay tumilaok ang manok, 75 at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Nagplano si Haman na Lipulin ang mga Judio
3 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo.[a] Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya. 2 Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai. 3 Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari. 4 At sinabi niyang isa siyang Judio.[b] Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Judio.
5 Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay galang, nagalit siya ng labis. 6 At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Judio, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Ahasuerus. 7 Nang buwan ng Nisan, ang unang buwan ng taon, noong ika-12 taon ng paghahari ni Ahasuerus, nag-utos si Haman na magpalabunutan para malaman kung ano ang tamang araw at buwan para ipatupad ang plano niya. (Ang ginagamit nila sa palabunutan ay tinatawag nilang “pur”.) At ang nabunot ay ang ika-13 araw ng[c] ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.
8 Sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “Mahal na Hari, may isa pong grupo ng mga tao na naninirahan sa ibaʼt ibang probinsya ng inyong kaharian at may mga sarili po silang kautusan na iba kaysa sa ibang bansa. Hindi sila sumusunod sa mga kautusan ninyo at hindi ito makakabuti para sa inyo kung pababayaan na lang sila. 9 Kung gusto ninyo, Mahal na Hari, mag-utos kayo na patayin silang lahat. At magbibigay po ako ng 350 toneladang pilak sa mga pinuno ng inyong kaharian, at ilalagay nila ito sa taguan ng kayamanan ng hari.”
10 Pagkatapos, kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak,[d] at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata na Agageo, ang kalaban ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari sa kanya, “Sa iyo na lang ang pera mo, pero gawin mo ang gusto mong gawin sa mga Judio.” 12 Kaya noong ika-13 araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang lahat ng kalihim ng hari. Nagpagawa siya ng sulat sa kanila para sa mga gobernador ng mga probinsya, mga pinuno ng mga bayan at sa iba pang mga pinuno sa buong kaharian, sa kanilang sariling wika. Ang sulat ay ginawa sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing nito. 13 Ang sulat na iyon ay ipinadala sa lahat ng probinsya ng kaharian sa pamamagitan ng mga mensahero. Nakasulat dito ang utos na sa loob lang ng isang araw ay papatayin ang lahat ng Judio: bata, matanda, lalaki at babae, at sasamsamin ang lahat ng ari-arian nila. Gagawin ito sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.
14-15 Sa utos ng hari, mabilis na nagsialis ang mga mensahero para ihatid sa bawat probinsya ang kopya ng kautusan ng hari, at ipinaalam ito sa mga tao para makapaghanda sila para sa araw ng pagpatay sa lahat ng Judio. At ang utos na itoʼy ipinaalam din sa lungsod ng Susa. Habang nakaupo at nag-iinuman ang hari at si Haman, nagkakagulo naman ang lungsod ng Susa dahil sa mga nangyayari.
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Sarili sa Harapan ni Agripa
26 Pagkatapos, sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sige, pinapahintulutan kang magsalita para maipagtanggol mo ang iyong sarili.” Kaya sumenyas si Pablo na magsasalita na siya. Sinabi niya,
2 “Haring Agripa, mapalad po ako dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong tumayo sa inyong harapan para maipagtanggol ang aking sarili sa lahat ng akusasyon ng mga Judio laban sa akin. 3 Lalo naʼt alam na alam ninyo ang lahat ng kaugalian at mga pinagtatalunan ng mga Judio. Kaya hinihiling ko na kung maaari ay pakinggan nʼyo ang sasabihin ko.
4 “Alam ng mga Judio kung ano ang aking pamumuhay sa bayan ko at sa Jerusalem, mula nang bata pa ako. 5 Kung magsasabi lamang sila ng totoo, sila na rin ang makapagpapatunay na miyembro ako ng mga Pariseo mula pa noong una. Ang mga Pariseo ang siyang pinakamahigpit na sekta sa relihiyon ng mga Judio. 6 At narito ako ngayon sa korte na nililitis dahil umaasa akong tutuparin ng Dios ang kanyang pangako sa aming mga ninuno. 7 Ang aming 12 lahi ay umaasa na matutupad ang pangakong ito. Kaya araw at gabi naming sinasamba ang Dios. At dahil sa aking pananampalataya sa mga bagay na ito, Haring Agripa, inaakusahan po ako ng mga Judio. 8 At kayong mga Judio, bakit hindi kayo makapaniwala na kaya ng Dios na bumuhay ng mga patay?
9 “Noong una, napag-isipan ko mismo na dapat kong gawin ang aking makakaya para kalabanin si Jesus na taga-Nazaret. 10 Ganito ang aking ginawa noon sa Jerusalem. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga namamahalang pari, maraming pinabanal[a] ng Dios ang ipinabilanggo ko. At nang hatulan sila ng kamatayan, sumang-ayon ako. 11 Maraming beses na inikot ko ang mga sambahan ng mga Judio para hanapin sila at parusahan, para piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng galit ko sa kanila, nakarating ako sa malalayong lungsod sa pag-uusig sa kanila.”
Ikinuwento ni Pablo kung Paano Niya Nakilala ang Panginoon(A)
12 “Iyan ang dahilan kung bakit ako pumunta sa Damascus na may dalang sulat mula sa mga namamahalang pari. Ang sulat na iyon ang nagbigay sa akin ng kapangyarihan at pahintulot sa gagawin ko roon. 13 Tanghaling-tapat po noon, Haring Agripa, at habang naglalakbay ako, biglang kumislap sa paligid namin ng mga kasama ko ang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, na mas nakakasilaw pa kaysa sa araw. 14 Napasubsob kaming lahat sa lupa, at may narinig akong tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo: ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig? Pinaparusahan mo lang ang iyong sarili. Para kang sumisipa sa matulis na kahoy.’ 15 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang Panginoon, ‘Ako si Jesus na inuusig mo. 16 Bumangon ka at tumayo. Nagpakita ako sa iyo dahil pinili kita na maging lingkod ko. Ipahayag mo sa iba ang tungkol sa pagpapakita ko sa iyo ngayon, at tungkol sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita sa mga Judio at sa mga hindi Judio. Ipapadala kita sa kanila 18 para imulat ang kanilang mata at dalhin sila mula sa kadiliman papunta sa liwanag, at mula sa kapangyarihan ni Satanas papunta sa Dios. At sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa akin, patatawarin sila sa kanilang mga kasalanan, at mapapabilang na sila sa mga taong itinuring ng Dios na sa kanya.’
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Gawain
19 “Kaya Haring Agripa, sinunod ko po ang pangitain na ipinakita sa akin mula sa langit. 20 Ang una kong ginawa ay nangaral ako sa Damascus at pagkatapos ay sa Jerusalem. Mula sa Jerusalem inikot ko ang buong Judea, at pinuntahan ko rin ang mga hindi Judio. Pinangaralan ko sila na dapat silang magsisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Dios, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na silaʼy totoong nagsisisi. 21 Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Judio roon sa templo at tinangkang patayin. 22 Pero tinulungan ako ng Dios hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari: 23 na ang Cristo ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan upang magbigay ng liwanag sa mga Judio at sa mga hindi Judio.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!” 25 Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko. 26 Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang. 27 Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.” 28 Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.” 29 Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”
30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon. 31 Nang lumabas sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Kung hindi lang niya inilapit sa Emperador ang kaso niya, maaari na sana siyang palayain.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®