Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 26

Nanirahan si Isaac sa Gerar

26 Dumating ang taggutom sa lugar na tinitirhan ni Isaac, bukod pa ito sa taggutom na nangyari noong panahon ni Abraham. Kaya pumunta si Isaac kay Abimelec na hari ng mga Filisteo sa Gerar. Nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto, manatili ka sa lugar na ituturo ko sa iyo. Dito ka lang muna manirahan dahil sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lahat ng lupaing ito. Tutuparin ko ang ipinangako ko sa iyong amang si Abraham. Pararamihin ko ang mga lahi mo na kasindami ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa kanila ang lahat ng lupaing ito. At sa pamamagitan nila, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. Gagawin ko ito dahil sumunod si Abraham sa akin, tinupad niya ang lahat ng aking kautusan at katuruan.” Kaya roon nanirahan si Isaac sa Gerar.

Kapag may nagtatanong kay Isaac na taga-Gerar tungkol sa kanyang asawa, sinasabi niyang kapatid niya si Rebeka. Maganda si Rebeka, kaya natatakot siyang sabihing asawa niya ito dahil baka siyaʼy patayin nila para makuha si Rebeka.

Matagal-tagal na ang pananatili nina Isaac doon sa Gerar. At isang araw, nagkataon na dumungaw sa bintana si Abimelec na hari ng mga Filisteo at nakita niyang naglalambingan sina Isaac at Rebeka. Kaya ipinatawag niya si Isaac at sinabi, “Asawa mo pala siya? Bakit sinabi mo na kapatid mo siya?”

Sumagot si Isaac, “Natatakot po kasi ako na baka patayin ninyo ako dahil sa kanya.”

10 Sinabi ni Abimelec, “Hindi mabuti ang ginawa mo sa amin. Kung nangyaring ang isa sa tauhan koʼy sumiping sa kanya, ikaw ang magiging dahilan ng pagkakasala namin.”

11 Binalaan agad ni Abimelec ang lahat ng tao. Sinabi niya, “Ang sinumang gagawa ng masama sa lalaking ito o sa asawa niya ay papatayin.”

12 Nang taon ding iyon nagtanim si Isaac sa lugar na iyon at masaganang-masagana ang kanyang ani, dahil pinagpala siya ng Panginoon. 13 Nagpatuloy ang pag-unlad niya hanggang sa yumaman siya nang husto. 14 Nainggit sa kanya ang mga Filisteo dahil marami na ang kanyang tupa, kambing, baka at alipin. 15 Sa inggit nila kay Isaac, tinabunan nila ng lupa ang mga balon na hinukay noon ng mga alipin ng ama niyang si Abraham.

16 Ngayon, sinabi ni Abimelec kay Isaac, “Umalis ka na rito, dahil mas makapangyarihan ka na kaysa sa amin.”

17 Kaya umalis si Isaac, at nagpatayo ng tolda niya sa Lambak ng Gerar at doon na nanirahan. 18 Ipinahukay niyang muli ang mga balon ng ama niyang si Abraham dahil tinabunan ito ng mga Filisteo nang mamatay si Abraham. Pinangalanan ni Isaac ang mga balon ng dati ring pangalan na ibinigay noon ni Abraham.

19 Doon sa lambak, naghukay ng bagong balon ang mga alipin ni Isaac at nakatagpo sila ng bukal. 20 Pero nakipagtalo ang mga pastol na taga-Gerar at mga pastol ni Isaac na kanila raw ang balon na iyon. Kaya pinangalanan ni Isaac ang balon na Esek,[a] dahil nakipagtalo ang mga taga-Gerar sa kanya.

21 Muling naghukay ang mga alipin ni Isaac ng ibang balon, pero pinag-awayan din nila ito ng mga taga-Gerar. Kaya pinangalanan ni Isaac ang balon na Sitna.[b] 22 Umalis sina Isaac doon at muling naghukay ng panibagong balon. Hindi na nila ito pinag-awayan, kaya pinangalanan ito ni Isaac na Rehobot.[c] Sapagkat sinabi niya, “Ngayoʼy binigyan tayo ng Panginoon ng malawak na lugar para lalo pa tayong dumami sa lugar na ito.”

23 Hindi nagtagal, umalis si Isaac sa lugar na iyon at pumunta sa Beersheba. 24 Nang gabing dumating siya, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios ng iyong ama na si Abraham. Huwag kang matakot dahil kasama mo ako. Pagpapalain kita at bibigyan ng maraming lahi dahil kay Abraham na aking lingkod.” 25 Kaya gumawa ng altar si Isaac at sumamba sa Panginoon. Nagpatayo siya ng tolda sa lugar na iyon at nagpahukay ng balon sa kanyang mga alipin.

Ang Kasunduan nina Isaac at Abimelec

26 Pumunta si Abimelec kay Isaac mula sa Gerar kasama si Ahuzat na tagapayo niya at si Picol na pinuno ng kanyang mga sundalo. 27 Nagtanong si Isaac sa kanila, “Bakit kayo pumunta rito? Hindi baʼt galit kayo sa akin kaya pinaalis nʼyo ako sa lugar ninyo?”

28 Sumagot sila, “Napatunayan namin na ang Panginoon ay kasama mo, kaya naisip namin na dapat tayong gumawa ng kasunduan na may panata. Ipangako mo sa amin 29 na hindi mo kami gagawan ng masama, dahil hindi ka rin namin ginawan ng masama nang naroon ka pa sa amin. Inaruga ka namin nang mabuti at pinaalis ka namin nang matiwasay. Ngayon, nawaʼy pagpalain ka pa ng Panginoon.”

30 Kaya nagpahanda si Isaac para sa kanila at nagsikain sila at nag-inuman.

31 Kinabukasan, maaga silang nanumpa sa isaʼt isa. Pagkatapos, naghiwalay sila nang matiwasay.

32 Sa araw ding iyon, dumating ang mga alipin ni Isaac at ibinalita sa kanya na may tubig ang balong hinukay nila. 33 Pinangalanan ni Isaac ang balon na iyon na Shiba. Kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Beersheba.[d]

Nag-asawa si Esau ng Hindi Nila Kalahi

34 Nang 40 taong gulang na si Esau, napangasawa niya si Judit na anak ni Beeri na Heteo. Naging asawa rin niya si Basemat na anak ni Elon na Heteo rin. 35 Ang dalawang babaeng ito ay nagbigay ng kalungkutan kina Isaac at Rebeka.

Mateo 25

Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga

25 “Ang paghahari ng Dios sa araw na iyon ay maitutulad sa kwentong ito: May sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan upang salubungin ang lalaking ikakasal. Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy marurunong. Ang mga mangmang ay nagdala ng ilawan pero hindi nagdala ng reserbang langis, habang ang marurunong naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan. Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay nakatulog sa paghihintay.

“Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’ Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan. Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’ Sumagot sila, ‘Hindi pwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’ 10 Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumama sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan.

11 “Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Papasukin nʼyo po kami.’ 12 Pero sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’ ” 13 At sinabi ni Jesus, “Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik.”

Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(A)

14 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang pera niya.[a] 15 Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng 5,000, ang isa naman ay 2,000, at sa isa pa ay 1,000. Pagkatapos ay umalis na siya. 16 Ang alipin na binigyan ng 5,000 ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng 5,000. 17 Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng 2,000. At tumubo siya ng 2,000. 18 Pero ang alipin na binigyan ng 1,000 ay naghukay sa lupa at itinago roon ang pera.

19 “Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila upang magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila. 20 Lumapit ang alipin na nakatanggap ng 5,000 at sinabi, ‘Heto po ang 5,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 5,000 na tinubo ko.’ 21 Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’ 22 Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng 2,000 at sinabi niya, ‘Heto po ang 2,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 2,000 na tinubo ko.’ 23 Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’ 24 Lumapit din ang alipin na binigyan ng 1,000 at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba. 25 Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang 1,000 na ibinigay nʼyo sa akin.’ 26 Sumagot ang kanyang amo, ‘Masama at tamad na alipin! Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim, at kinukuha ko ang pinaghirapan ng iba. 27 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay may makuha akong interes?’ 28 Kaya sinabi niya sa iba pang mga utusan, ‘Kunin ninyo sa kanya ang 1,000 at ibigay sa mayroong 10,000. 29 Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa ng mas marami, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon ninyo ang walang silbing alipin na iyan sa kadiliman sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ”

Ang Huling Paghuhukom

31 “Kapag ako na Anak ng Tao ay dumating na bilang Hari,[b] kasama ang lahat ng anghel, uupo ako sa aking dakilang trono. 32 Titipunin ko sa aking harapan ang lahat ng lahi sa mundo. Pagbubukud-bukurin ko sila, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing. 33 Ang mga tupa, na walang iba kundi ang matutuwid, ay ilalagay ko sa aking kanan, at ang mga kambing, na walang iba kundi ang masasama, ay ilalagay ko sa aking kaliwa. 34 Pagkatapos, bilang Hari ay sasabihin ko sa mga tao sa aking kanan, ‘Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang mundo. 35 Sapagkat nang nagutom ako ay pinakain ninyo ako, at nang nauhaw ako ay pinainom ninyo. Nang naging dayuhan ako ay pinatuloy ninyo ako sa inyong tahanan, 36 at nang wala akong maisuot ay binihisan ninyo. Nang may sakit ako ay inalagaan ninyo, at nang nasa kulungan ako ay binisita ninyo.’ 37 Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan namin kayo nakitang naging dayuhan at aming pinatuloy o walang maisuot at aming binihisan? 39 Kailan namin kayo nakitang may sakit o nasa kulungan at aming binisita?’ 40 At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang ginawa nʼyo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, para na rin nʼyo itong ginawa sa akin.’

41 “Pagkatapos, sasabihin ko naman sa mga tao sa aking kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa ng Dios! Doon kayo sa walang katapusang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat nang nagutom ako ay hindi nʼyo ako pinakain, at nang nauhaw ako ay hindi nʼyo pinainom. 43 Nang naging dayuhan ako ay hindi nʼyo ako pinatuloy sa inyong tahanan, at nang wala akong maisuot ay hindi nʼyo binihisan. Nang may sakit ako at nasa kulungan ay hindi nʼyo ako inalagaan.’ 44 Tatanungin nila ako, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, walang maisuot, may sakit o nasa kulungan at hindi namin kayo tinulungan?’ 45 At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang hindi ninyo tinulungan ang pinakahamak kong mga kapatid, ako ang hindi ninyo tinulungan.’ 46 Itataboy ko ang mga taong ito sa walang hanggang kaparusahan, ngunit bibigyan ko ang mga matuwid ng buhay na walang hanggan.”

Ester 2

Naging Reyna si Ester

Nang mawala na ang galit ni Haring Ahasuerus, naalala niya si Vasti at ang ginawa nito, at ang kautusan na nilagdaan niya laban dito. Sinabi ng mga pinunong naglilingkod sa kanya, “Mahal na Hari, bakit po hindi kayo maghanap ng magagandang dalagang birhen? Pumili po kayo ng mga pinuno sa bawat probinsyang nasasakupan ng kaharian ninyo para maghanap ng magagandang dalagang birhen at dalhin dito sa lungsod ng Susa, sa tahanan ng mga kababaihan. Ipaasikaso ninyo sila kay Hegai na isa sa mga pinuno ninyong mataas ang katungkulan, na nangangalaga sa tahanan ng mga kababaihan. Siya na po ang bahalang magbigay sa mga dalaga ng mga pangangailangan nila para sa pagpapaganda. At ang dalaga pong magugustuhan ninyo ang siyang ipapalit ninyo kay Vasti bilang reyna.” Nagustuhan ng hari ang payong ito kaya sinunod niya.

Nang panahong iyon, may isang Judio na nakatira sa lungsod ng Susa. Ang pangalan niyaʼy Mordecai na anak ni Jair, na apo ni Shimei na anak ni Kish, na kabilang sa lahi ni Benjamin. Isa siya sa mga bihag ni Haring Nebucadnezar na dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jehoyakin[a] ng Juda. Si Mordecai ay may pinsang dalaga. Nang itoʼy maulila, inalagaan niya ito, pinalaki at itinuring na parang sarili niyang anak. Ang pangalan niya ay Hadasa na tinatawag ding Ester. Maganda si Ester at maganda rin ang hugis ng katawan nito.

Nang maihayag ang utos ng hari, maraming dalaga ang dinala sa palasyo ng hari roon sa Susa. Ang isa sa kanila ay si Ester. Ipinaasikaso sila kay Hegai dahil ito nga ang nangangasiwa sa mga babaeng dinadala roon. Tuwang-tuwa si Hegai kay Ester, kaya mabuti ang pakikitungo niya rito. Binigyan niya agad ng pagkain si Ester at ng mga kailangan nito sa pagpapaganda. Ipinili niya ito ng pinakamagandang kwarto at binigyan ng pitong katulong na babae.

10 Hindi sinabi ni Ester na isa siyang Judio, dahil pinagbilinan siya ni Mordecai na huwag itong sasabihin. 11 Araw-araw namang dumaraan si Mordecai malapit sa bakuran ng bahay na tinitirhan ng mga dalaga para malaman ang kalagayan ni Ester (at kung ano na ang mga nangyayari sa kanya).

12 Bago humarap ang isang babae sa hari, kinakailangang matapos niya ang isang taon ng pagpapaganda. Sa unang anim na buwan, magpapahid siya ng langis ng mira sa katawan, at sa susunod na anim na buwan, magpapahid naman ng mga pabango at iba pang pampaganda. 13 At bago siya pumunta sa hari, bibigyan siya ng anumang damit at alahas na gusto niyang isuot para sa pagharap sa hari. 14 Pupunta siya sa hari pagsapit ng gabi at kinabukasan, dadalhin siya sa tirahan ng mga asawa ng hari na pinamamahalaan ni Shaasgaz na isa sa mga pinunong mataas ang katungkulan. Siya ang namamahala sa mga asawa ng hari. Walang sinuman sa kanila ang makakabalik sa hari maliban lang kung magustuhan siya at ipatawag ng hari.

15-16 Nang ikasampung buwan, buwan ng Tibet, at ikapitong taon ng paghahari ni Ahasuerus, dumating ang araw na si Ester[b] na ang haharap sa hari sa palasyo. Sinunod ni Ester ang payo ni Hegai, ang pinunong nangangalaga sa kanila sa tahanan ng mga babae. Isinuot niya ang damit na sinabi ni Hegai na isuot niya. Ganoon na lang ang paghanga at pagpuri ng mga nakakita sa kanya, at dinala siya sa palasyo ng hari.

17 Nagustuhan ng hari si Ester ng higit kaysa sa ibang mga dalaga na dinala sa kanya. Tuwang-tuwa siya kay Ester, at mabuti ang trato niya sa kanya. Kinoronahan niya ito at ginawang reyna bilang kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ang hari ng malaking handaan para parangalan si Ester. Inanyayahan niya ang lahat ng pinuno niya at ang iba pang naglilingkod sa kanya. Nang araw na iyon, ipinag-utos niya sa lahat at sa buong kaharian na magdiwang ng isang pista opisyal, at nagbigay siya ng maraming regalo sa mga tao.

Iniligtas ni Mordecai ang Hari

19 Sa pangalawang pagtitipon ng mga dalaga, si Mordecai ay isa nang opisyal na nakapwesto sa pintuan ng palasyo. 20 Hindi pa rin sinasabi ni Ester na isa siyang Judio, tulad ng bilin ni Mordecai. Sinusunod pa rin ni Ester si Mordecai katulad noon, nang siyaʼy nasa pangangalaga pa nito.

21 Nang panahong si Mordecai ay isa nang opisyal na nakapwesto sa pintuan ng palasyo, may dalawang pinuno ng hari na ang mga pangalan ay Bigtana[c] at Teres. Sila ang mga guwardya ng pintuan ng kwarto ng hari. Galit sila kay Haring Ahasuerus, at nagplano silang patayin ito. 22 Pero nalaman ni Mordecai ang planong ito, kaya sinabi niya ito kay Reyna Ester. Sinabi naman ito ni Ester sa hari at ipinaalam din niya sa kanya na si Mordecai ang nakatuklas sa planong pagpatay. 23 Ipinasiyasat ito ng hari. At nang mapatunayang totoo ito, ipinatuhog niya sina Bigtan at Teres sa nakatayong matulis na kahoy. At ang pangyayaring itoʼy ipinasulat ng hari sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.

Gawa 25

Umapela si Pablo kay Festus

25 Dumating si Festus sa lalawigan ng Judea bilang gobernador, at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula Cesarea. Doon sinabi sa kanya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. At hiniling nila kay Festus na bigyan sila ng pabor, na ipadala niya si Pablo sa Jerusalem. (Pero balak pala nilang tambangan si Pablo sa daan at patayin). Sumagot si Festus, “Doon na lang si Pablo sa bilangguan sa Cesarea. Hindi ako magtatagal dito dahil babalik ako roon. Kaya pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno at doon ninyo siya akusahan kung may masama siyang nagawa.”

Mahigit isang linggo ang pananatili ni Festus sa Jerusalem, pagkatapos, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na papasukin si Pablo. Pagpasok ni Pablo, pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem, at marami silang mabibigat na akusasyon laban sa kanya na hindi naman nila talaga napatunayan. Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili. Sinabi niya, “Wala akong nagawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kayaʼy sa Emperador ng Roma.” Dahil nais ni Festus na magustuhan siya ng mga Judio, tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ko lilitisin ang kaso mo?” 10 Sumagot si Pablo, “Dito po ako nakatayo sa korte ng Emperador, at dito nʼyo ako dapat hatulan. Wala akong ginawang kasalanan sa mga Judio at alam naman ninyo iyan. 11 Kung totoong lumabag ako sa kautusan at dapat akong parusahan ng kamatayan, tatanggapin ko ang hatol sa akin. Pero kung walang katotohanan ang kanilang akusasyon sa akin, hindi ako dapat ipagkatiwala sa kanila. Kaya aapela na lang ako sa Emperador ng Roma!” 12 Nakipag-usap agad si Festus sa mga miyembro ng kanyang korte, at pagkatapos ay sinabi niya kay Pablo, “Dahil gusto mong lumapit sa Emperador, ipapadala kita sa kanya.”

Pinaharap si Pablo kay Haring Agripa

13 Makaraan ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa[a] at ang kanyang kapatid na si Bernice dahil nais nilang dalawin si Gobernador Festus. 14 Nanatili sila roon ng ilang araw, at sinabi ni Festus sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May bilanggong iniwan dito ang dating gobernador na si Felix. 15 Pagpunta ko sa Jerusalem, inakusahan ang taong ito ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. Hiniling nila sa akin na parusahan ko siya. 16 Sinabi ko sa kanila na hindi ugali ng mga Romano na parusahan ang kahit sino na hindi humaharap sa mga nag-aakusa sa kanya, at hindi pa nabibigyan ng pagkakataon na masagot ang mga akusasyon laban sa kanya. 17 Kaya sumama sila sa akin pabalik dito sa Cesarea. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon, kaya kinabukasan, umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko ang taong ito. 18 Akala koʼy may mabigat talaga silang akusasyon laban sa kanya, pero nang magkaharap-harap na sila, wala naman pala. 19 Ang mga bagay na pinagtatalunan nila ay tungkol lang sa relihiyon nila at sa isang taong ang pangalan ay Jesus. Patay na ang taong ito, pero ayon kay Pablo ay buhay siya. 20 Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin sa kasong ito, kaya tinanong ko si Pablo kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem at doon mismo lilitisin ang kaso. 21 Pero sinabi ni Pablo na lalapit na lang siya sa Emperador para ang Emperador na mismo ang magpasya. Kaya nag-utos ako na bantayan siya hanggang maipadala ko siya sa Emperador.” 22 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Gusto kong mapakinggan ang taong ito.” Sinabi ni Festus, “Sige, bukas mapapakinggan mo siya.”

Nagsalita si Pablo kay Agripa

23 Kinabukasan, dumating sa korte sina Agripa at Bernice na may buong parangal. Maraming opisyal ng mga sundalo at mga kilalang tao sa lungsod ang sumama sa kanila. Pagkatapos, nag-utos si Festus na dalhin doon si Pablo. Nang nasa loob na si Pablo, 24 sinabi ni Festus, “Haring Agripa at kayong lahat na naririto ngayon, narito ang taong pinaakusahan sa akin ng mga Judio rito sa Cesarea at sa Jerusalem. Isinisigaw nila na ang taong ito ay dapat patayin. 25 Pero ayon sa pag-iimbestiga ko, wala akong nakitang dahilan para parusahan siya ng kamatayan. At dahil nais niyang lumapit sa Emperador, nagpasya akong ipadala siya sa Emperador. 26 Pero wala akong maisulat na dahilan sa Emperador kung bakit ipinadala ko siya roon. Kaya ipinapaharap ko siya sa inyo, at lalung-lalo na sa inyo Haring Agripa, para pagkatapos ng pag-iimbestiga natin sa kanya, mayroon na akong maisusulat. 27 Sapagkat hindi ko maaaring ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang walang malinaw na akusasyon laban sa kanya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®