M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Tanda ng Huling Kapanahunan
24 Si Jesus ay lumabas at umalis mula sa templo. Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang ituro sa kaniya ang mga gusali ng templo.
2 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Nakikita ba ninyo ang lahat ng mga ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Walang maiiwanang isang bato dito na nakapatong sa kapwa bato na hindi babagsak.
3 Habang siya ay nakaupo sa bundok ng mga Olibo, ang kaniyang mga alagad ay lumapit sa kaniya nang bukod. Sinabi nila: Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang tanda ng iyong pagdating at ang mga tanda ng katapusan ng kapanahunang ito?
4 Sumagot si Jesus sa kanila: Mag-ingat kayo, na hindi kayo mailigaw ng sinuman. 5 Ito ay sapagkat maraming darating sa aking pangalan. Sasabihin nila: Ako ang Mesiyas. At marami silang ililigaw. 6 Maririnig na ninyo ang mga digmaan at mga bali-balita ng mga digmaan. Ngunit huwag kayong mabalisa sapagkat ang mga bagay na ito ay kinakailangang mangyari, ngunit hindi pa ito ang wakas. 7 Ito ay sapagkat babangon ang isang bansa laban sa isang bansa at babangon ang isang paghahari laban sa isang paghahari. Magkakaroon ng mga taggutom, at mga salot at mga lindol sa iba’t ibang dako. 8 Ang lahat ng mga ito ay pasimula ng sakit na nararamdaman ng isang babaeng manganganak.
9 Pagkatapos ay ibibigay nila kayo sa paghihirap at papatayin nila kayo. Kapopootan kayo ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Marami ang matitisod at magkakanulo sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa. 11 Maraming lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos, ang pag-ibig ng marami ay manlalamig. 13 Ngunit siya na makapagtitiis hanggang wakas ay maliligtas. 14 Ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos ay ipapangaral muna sa buong daigdig upang maging patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating na ang wakas.
15 Makikita nga ninyo ang kasuklam-suklam na paninira na sinabi ni Daniel, ang propeta na nakatayo sa banal na dako. Siya na bumabasa, unawain niya. 16 Kapag mangyari ang mga bagay na ito, sila na nasa Judea ay tatakas sa mga bundok. 17 Siya na nasa bubungan ay huwag nang bababa upang kumuha ng anuman sa kaniyang bahay. 18 Siya na nasa bukid ay huwag nang babalik upang kumuha ng kaniyang mga damit. 19 Ngunit sa aba ng mga nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 20 Manalangin kayo na ang inyong pagtakas ay huwag mangyari sa taglamig o sa araw ng Sabat. 21 Ito ay sapagkat magkakaroon ng malaking kahirapan na hindi pa nangyayari mula pa ng simula ng sanlibutan hanggang sa ngayon. At wala ng mangyayaring katulad nito kailanman. 22 Malibang bawasan ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, babawasan ang mga araw na iyon.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao
23 Kung ang sinuman ay magsabi sa iyo: Narito, tingnan mo ang Mesiyas, o naroon, huwag mo siyang paniwalaan.
24 Ito ay sapagkat may lilitaw na mga bulaang Mesiyasat mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga dakilang tanda at mga kamangha-manghang gawa upang iligaw, kung maaari, kahit ang mga hinirang. 25 Narito, ipinagpauna ko na itong sabihin sa inyo.
26 Kung sasabihin nga nila sa inyo: Narito, siya ay nasa ilang, huwag kayong pupunta. Kung sasabihin nila: Siya ay nasa silid, huwag ninyo itong paniwalaan. 27 Ito ay sapagkat kung papaanong ang kidlat ay nagmumula sa silangan at nakikita hanggang sa kanluran, gayundin ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Ito ay sapagkat kung nasaan ang bangkay, doon nagtitipon ang mga buwitre.
29 Pagkatapos ng mga paghihirap sa mga araw na iyon,
kaagad ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay babagsak mula sa langit. Ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.
30 Pagkatapos ay makikita ang mga tanda ng Anak ng Tao sa langit. Pagkatapos ay mananaghoy ang lahat ng mga lipi ng lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta. Kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa mga hangganan ng mga langit hanggang sa mga kabilang hangganan.
32 Ngunit alamin ninyo ang talinghaga mula sa puno ng igos. Kapag ang sanga nito ay nanariwa na, at lumabas na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. 33 Gayon nga rin kayo. Kapag nakita na ninyo ang mga bagay na ito, alam ninyo na ito ay malapit na, nasa pintuan na. 34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang mangyari ang mga bagay na ito. 35 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit kailanman ay hindi lilipas ang aking mga salita.
Walang Nakaaalam sa Araw at Oras
36 Patungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel kundi tanging ang aking Ama lamang.
37 Ngunit katulad sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. 38 Ito ay sapagkat katulad ng mga araw bago ang baha, sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakikipagkasundo sa pag-aasawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa loob ng daong. 39 Hindi nila ito nalaman hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat. Gayon nga ang pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, dalawa ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan. 41 Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.
42 Kaya nga, dapat kayong magbantay sapagkat hindi ninyo alam kung anong oras darating ang inyong Panginoon. 43 Ngunit alamin ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, siya ay magbabantay. Hindi niya pababayaang mawasak ang kaniyang bahay. 44 Kaya nga, kayo rin ay maging handa sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.
45 Sino nga ang tapat at matalinong alipin na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon at ipinagkatiwala ang kaniyang sambahayan upang magbigay sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang aliping iyon na pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gumagawa ng gayon. 47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakatiwala sa kaniya ang lahat ng ari-arian ng kaniyang panginoon. 48 Ngunit kapag ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kaniyang puso: Maantala ang pagdating ng aking panginoon. 49 Sisimulan niyang hampasin ang kaniyang mga kapwa alipin. Siya ay kakain at iinom kasama ng mga manginginom. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan. Siya ay darating sa oras na hindi niya alam. 51 Puputulin siya sa dalawa at ang kaniyang bahagi ay ilalagay kasama ng mga mapagpaimbabaw. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Nilitis si Pablo sa Harap ni Felix
24 Pagkaraan ng limang araw, lumusong ang pinakapunong-saserdote na si Ananias. Kasama niya ang mga matanda at ang isang makata na nagngangalang Tertulo. Siya ang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.
2 Nang siya ay tawagin, sinimulan siyang usigin ni Tertulo. Sinabi niya: Kagalang-galang na Felix, ang malaking katahimikan na aming tinatamasa ay dahil sa iyo. Dahil sa iyong mga dakilang panukala sa kinabukasan, kamangha-manghang mga bagay ang nagawa sa bansang ito. 3 Buong pagpapasalamat naming tinatanggap ito na may kasiyahan sa lahat ng paraan at sa lahat ng dako. 4 Upang huwag kaming maging kaabalahan sa iyo, ipinamamanhik ko sa iyo na pakinggan mo kami sa iyong kagandahang-loob sa ilang mga sandali.
5 Ito ay sapagkat nasumpungan namin ang lalaking ito na isang salot. Siya ang pasimuno ng paghihimagsik sa gitna ng lahat ng mga Judio sa sanlibutan. Siya ay pinuno ng sekta ng mga taga-Nazaret. 6 Pinagsisikapan din naman niyang lapastanganin ang templo. Kaya hinuli namin siya. Ibig sana naming hatulan siya alinsunod sa aming kautusan. 7 Ngunit dumating ang pinunong-kapitan na si Lisias at sapilitan siyang inagaw sa aming mga kamay. 8 Iniutos sa mga nagsasakdal sa kaniya na pumunta sa iyo. Sa gayon, malaman mo sa iyong pagsisiyasat sa kaniya ang lahat ng mga bagay na ito na ipinaratang namin laban sa kaniya.
9 Sumang-ayon naman ang mga Judio na nagsasabing ang mga bagay na ito ay totoo.
10 Nang siya ay hinudyatan ng gobernador na magsalita, sumagot si Pablo: Yamang nalalaman ko na ikaw ay hukomsa loob ng maraming taon sa bansang ito, masigla kongipagtatanggol ang aking sarili. 11 Nalalaman mo na wala pang labingdalawang araw buhat nang ako ay umahon sa Jerusalem upang sumamba. 12 Ni hindi nila ako nasumpungan na nakikipagtalo sa templo sa kanino man. Hindi nila ako nasumpungang namumuno ng magulong pagtitipon ng maraming tao, ni sa mga sinagoga, ni sa lungsod. 13 Ni hindi rin nila maipakita sa iyo ang katibayan ng mga bagay na ipinaparatang nila ngayon laban sa akin. 14 Ngunit inaamin ko sa iyo na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta ay gayon ang paglilingkod ko sa Diyos ng aming mga ninuno. Sinasampalatayanan ko ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan at sa aklat ng mga propeta. 15 Ako ay may pag-asa sa Diyos na kanila rin namang tinanggap. Nagtitiwala ako na malapit nang magkaroon ng muling pagkabuhay ang mga patay, ang mga matuwid at gayundin ang mga di-matuwid. 16 Dahil nga rito ako ay nagsisikap upang laging magkaroon ng isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng mga tao.
17 Ngayon, pagkaraan ng maraming taon ay naparito ako upang magdala ng mga kaloob sa mga kahabag-habag sa aking bansa at maghandog ng mga hain. 18 Nasumpungan ako, sa ganitong kalagayan ng mga Judio na taga-Asya. Pinadalisay ako sa templo ng hindi kasama ng maraming tao, ni ng kaguluhan. 19 Dapat ang mga Judio na taga-Asya ang naparito sa harapan at magsakdal kung may anumang labansa akin. 20 O kaya ang mga tao ring ito ang hayaang magsasabi kung ano ang masamang gawa ang nasumpungan nila nang ako ay nakatayo sa harapan ng Sanhedrin. 21 Maliban na sa isang tinig na ito na aking isinigaw nang ako ay nakatayo sa kalagitnaan nila: Ito ay patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, ako ay hinahatulan sa harapan ninyo sa araw na ito.
22 Si Felix na may lalong ganap na pagkatalastas patungkol sa Daan ay ipinagpaliban niya sila, pagkarinig ng mga bagay na ito. Sinabi niya: Paglusong ni Lisias na pinunong-kapitan ay magpapasya ako sa iyong usapin. 23 Iniutos niya sa kapitan na bantayan si Pablo at siya ay bigyan ng kaluwagan at huwag bawalan ang sinumang kaibigan niya na paglingkuran o dalawin siya.
24 Pagkaraan ng mga ilang araw, dumating si Felix, kasama ang kaniyang asawang si Drusila. Siya ay isang babaeng Judio. Ipinatawag niya si Pablo. Siya ay pinakinggan patungkol sa pananampalataya kay Cristo. 25 Samantalang siya ay nagpapaliwanag patungkol sa katuwiran, sa pagpipigil sa sarili at sa paparating na paghahatol, natakot si Felix. Sumagot siya: Umalis ka na ngayon. Kapag nagkaroon ako ng kaukulang panahon, tatawagin kita. 26 Inaasahan din naman niya na bibigyan siya ni Pablo ng salapi upang siya ay mapalaya. Kaya madalas niya siyang ipinatatawag at nakikipag-usap sa kaniya.
27 Pagkaraan ng dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Poncio Festo. Dahil sa ibig ni Felix na siya ay kalugdan ng mga Judio, pinabayaan niya na nakatanikala si Pablo.
Copyright © 1998 by Bibles International