M’Cheyne Bible Reading Plan
Asawa para kay Isaac
24 Matandang matanda na si Abraham at pinagpala siya ng Panginoon sa lahat ng bagay. 2 Isang araw, kinausap niya ang tagapamahalang alipin[a] niya na nag-aasikaso ng lahat ng ari-arian niya, “Ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita[b] ko, 3 at sumumpa ka sa akin sa pangalan Panginoon, ang Dios ng kalangitan at ng lupa, na hindi ka pipili ng taga-rito sa Canaan, na kasama nating naninirahan dito, para mapangasawa ng anak kong si Isaac. 4 Pumunta ka sa lugar na pinanggalingan ko, at doon ka pumili ng babaeng mapapangasawa ng anak kong si Isaac, na mula sa mga kamag-anak ko.”
5 Pero nagtanong ang alipin, “Paano po kung ayaw sumama ng babae sa lugar na ito? Dadalhin ko na lang po ba si Isaac doon?”
6 Sumagot si Abraham, “Huwag mong dalhin si Isaac doon! 7 Dinala ako rito ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, mula sa sambahayan ng aking ama, sa lugar kung saan ako isinilang. At sumumpa siya na ibibigay niya ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi ko. Kaya lumakad ka dahil magpapadala ang Panginoon ng anghel niya na sasama sa iyo para makakita ka roon ng mapapangasawa ng anak ko. 8 Kapag hindi sumama sa iyo ang babae, wala kang pananagutan sa pagsumpa mong ito sa akin. Pero huwag mong dadalhin doon ang anak ko.” 9 Kaya inilagay ng alipin ang kamay niya sa pagitan ng dalawang hita ni Abraham na kanyang amo, at sumumpa siya na susundin ang iniutos sa kanya.
10 Pagkatapos, kumuha ang alipin ng sampung kamelyo at mga mamahaling regalo mula sa amo niyang si Abraham. Lumakad siya agad papunta sa Aram Naharaim,[c] ang bayan na tinitirhan ni Nahor. 11 Pagdating ng alipin sa bayan, pinaluhod niya ang mga kamelyo malapit sa balon sa labas ng bayan. Dapit-hapon noon at oras na ng pag-igib ng mga kababaihan.
12 Nanalangin ang alipin, “Panginoon, Dios ng amo kong si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo ang kabutihan ninyo sa aking amo. 13 Nakatayo po ako sa tabi ng balon habang umiigib ang mga babae sa bayan na ito. 14 Kung hihingi po ako ng tubig na nasa banga ng isang dalaga, at pumayag siyang painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili ninyong maging asawa ng lingkod ninyong si Isaac. Sa ganito ko po malalaman ang pagpapakita nʼyo ng inyong kabutihan sa amo kong si Abraham.”
15 Hindi pa siya natatapos sa pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa balikat niya. Si Rebeka ay anak ni Betuel na anak nina Nahor at Milca. Si Nahor ay kapatid ni Abraham. 16 Magandang dalaga si Rebeka at birhen pa. Bumaba siya papunta sa balon at nilagyan niya ng tubig ang kanyang banga. Pagkatapos, umakyat siya para umuwi.
17 Nagmamadali ang alipin sa pagsalubong sa kanya at sinabi, “Pwede mo ba akong painumin sa banga mo kahit kaunti lang.”
18 Sumagot si Rebeka, “Sige Ginoo, uminom ka.” Mula sa balikat niya, ibinaba niya agad ang banga at hinawakan ito habang umiinom ang alipin.
19 Pagkatapos niyang painumin ang alipin, sinabi niya, “Iigib naman ako para sa mga kamelyo mo hanggang sa makainom silang lahat.” 20 Dali-dali niyang ibinuhos ang tubig sa inuman ng mga hayop at bumalik siya sa balon para muling umigib. At patuloy siya sa pag-igib hanggang sa makainom ang lahat ng kamelyo. 21 Habang nakamasid ang alipin kay Rebeka, iniisip niya kung iyon na ang sagot ng Panginoon sa panalangin niya sa pagpunta niya sa lugar na iyon.
22 Pagkatapos uminom ng mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang gintong singsing na ang bigat ay anim na gramo. Inilabas din niya ang dalawang pulseras na ginto na ang bigat ay mga 120 gramo. At ibinigay niya ito kay Rebeka. 23 Pagkatapos, nagtanong siya kay Rebeka, “Kanino kang anak? May lugar pa ba sa inyo na maaari naming matulugan ngayong gabi?”
24 Sumagot si Rebeka, “Anak ako ni Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca. 25 May matutulugan kayo roon sa amin, at marami ring dayami at pagkain para sa mga kamelyo ninyo.”
26 Yumukod agad ang alipin at sumamba sa Dios. 27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng aking amo na si Abraham. Ipinakita niya ang kanyang kabutihan sa aking amo. Ako mismo ay ginabayan niya sa pagpunta ko sa mga kamag-anak ng aking amo.”
28 Patakbong umuwi si Rebeka sa bahay ng kanyang ina at sinabi niya sa kanila ang lahat ng nangyari. 29-30 Ang kapatid niyang si Laban ay naroon din na nakikinig sa sinasabi niya tungkol sa binanggit ng tao sa kanya. Nakita ni Laban ang singsing at pulseras na suot-suot ni Rebeka. Kaya tumakbo siya papunta sa balon at pumunta sa taong sinasabi ni Rebeka. Naroon pa rin ang lalaki na nakatayo malapit sa balon, sa tabi ng mga kamelyo. 31 Sinabi ni Laban sa kanya, “Ikaw pala ang taong pinagpala ng Panginoon. Bakit pa kayo nakatayo lang diyan? Halika sa bahay, dahil inihanda ko na ang silid para sa iyo at ang lugar para sa mga kamelyo mo.”
32 Sumama ang alipin kay Laban. Pagdating nila sa bahay, ibinaba ni Laban ang mga karga ng mga kamelyo at binigyan niya agad ang mga kamelyo ng dayami at pagkain. Dinalhan din niya ng tubig ang alipin at ang mga kasama nito, para makapaghugas sila ng paa. 33 Nang mabigyan na sila ng pagkain, sinabi ng alipin, “Hindi ako kakain hanggaʼt hindi ko pa nasasabi ang pakay ko sa pagpunta ko rito.”
Sumagot si Laban, “Sige, sabihin mo sa amin.”
34 Sinabi niya, “Alipin ako ni Abraham. 35 Pinagpala ng Panginoon ang aking amo at napakayaman na niya ngayon. Binigyan siya ng Panginoon ng maraming tupa, kambing, baka, kamelyo, asno, pilak, ginto at mga aliping lalaki at babae. 36 Kahit matanda na ang asawa niyang si Sara, nagkaanak pa rin siya. At ang anak nilang lalaki ang siyang magmamana ng lahat ng ari-arian niya. 37 Pinasumpa ako ng aking amo para tuparin ko ang kanyang utos. Sinabi niya, ‘Huwag kang pipili ng mapapangasawa ng anak ko rito sa mga taga-Canaan na ang lupain ay ang tinitirahan natin ngayon. 38 Pumunta ka sa tahanan ng aking ama, at doon ka pumili ng mapapangasawa ng anak ko, mula sa aking mga kamag-anak.’
39 “Pero nagtanong ako, ‘Paano po kung hindi sumama ang babae sa akin?’ 40 Sumagot siya, ‘Ang Panginoon na sinusunod ko ay magpapadala ng anghel niya para samahan ka na mamagitan sa anak ko. Makakakita ka ng mapapangasawa ng anak ko mula sa aking mga kamag-anak, sa sambahayan ng aking ama. 41 Kung doon ka pupunta sa mga kamag-anak ko, hindi darating sa iyo ang kasamaang sinasabi ko na mangyayari kung hindi mo tutuparin ang ating sumpaan, kahit hindi nila pasamahin ang babae sa iyo.’
42 “Kaya pagdating ko kanina sa balon, nanalangin ako. Sinabi ko, ‘Panginoon, Dios ng aking amo na si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo po ang inyong kabutihan sa aking amo. 43 Ngayon po, nakatayo ako rito sa tabi ng balon. Kung may darating po na dalagang iigib ng tubig, hihingi ako ng kaunting tubig sa kanyang banga. 44 Kung papayag po siya na painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili nʼyo na maging asawa ng anak ng aking amo.’
45 “Hindi pa nga ako natatapos sa aking pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa kanyang balikat. Bumaba siya papunta sa balon at umigib. Sinabi ko sa kanya, ‘Pwede mo ba akong painumin?’
46 “Ibinaba niya agad ang banga mula sa kanyang balikat, at sinabi, ‘Sige, uminom ka, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo.’ Kaya uminom ako at pinainom din niya ang mga kamelyo ko.
47 “Pagkatapos, tinanong ko siya kung kanino siyang anak. Sumagot siya, ‘Kay Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca.’ At nilagyan ko ng singsing ang ilong niya at sinuotan ng mga pulseras ang kanyang braso. 48 Yumukod ako agad at sumamba sa Panginoon. Nagpuri ako sa Panginoon, ang Dios ng amo kong si Abraham. Siya ang gumagabay sa akin sa tamang lugar, kung saan nakita ko ang anak ng kamag-anak ng aking amo para maging asawa ng kanyang anak.
49 “Ngayon, gusto kong malaman kung ibibigay nʼyo na maging asawa ni Isaac si Rebeka bilang pagpapakita ng kabutihan nʼyo sa aking amo. Sabihin nʼyo na po agad para malaman ko rin kung ano ang gagawin ko.”
50 Sumagot sina Laban at Betuel, “Dahil ito ay kalooban ng Panginoon, wala na kaming masasabi. 51 Narito si Rebeka, isama mo siya sa iyong pag-uwi para maging asawa ng anak ng iyong amo, ayon sa sinabi ng Panginoon.” 52 Pagkarinig noon ng alipin, yumukod siya at sumamba sa Dios. 53 Inilabas niya agad ang dala niyang mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, at ibinigay kay Rebeka. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid at ang ina ni Rebeka. 54 Pagkatapos, kumain ang alipin at ang mga kasama niya. Doon sila natulog nang gabing iyon.
Paggising nila kinaumagahan, sinabi ng alipin, “Uuwi na ako sa amo ko.”
55 Pero sumagot ang kapatid at ang ina ni Rebeka, “Panatilihin nʼyo muna rito si Rebeka sa amin kahit sampung araw, pagkatapos ay makakaalis na kayo.”
56 Pero sinabi ng alipin, “Huwag nʼyo naman akong pagtagalin dito. Namagitan na ang Panginoon sa pakay ko sa pagpunta rito, kaya pabalikin nʼyo na ako sa amo ko.”
57 Sumagot sila, “Tawagin muna natin si Rebeka at tanungin kung ano ang pasya niya.” 58 Kaya tinawag nila si Rebeka at tinanong, “Gusto mo bang sumama sa kanya ngayon?”
Sumagot si Rebeka, “Oo, sasama ako.”
59 Kaya ipinasama nila si Rebeka pati ang tagapag-alaga niya, sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito. 60 Binasbasan nila si Rebeka sa kanyang pag-alis. Sinabi nila,
“Kapatid, nawaʼy manggaling sa iyo ang maraming lahi.
Nawaʼy talunin ng mga lahi mo ang kanilang mga kaaway.”
61 Nang handa na ang lahat, sumakay si Rebeka at ang mga aliping babae niya sa mga kamelyo, at sumunod sila sa alipin ni Abraham.
62 Ngayon, si Isaac ay nakatira sa Negev at kararating lang galing sa Beer Lahai Roi. 63 Isang araw, nang magtatakip-silim na, lumabas si Isaac at naglakad-lakad sa kanilang bukirin. May nakita siyang mga kamelyo na papalapit. 64 Nang makita ni Rebeka si Isaac, bumaba siya sa kanyang kamelyo 65 at nagtanong sa alipin ni Abraham, “Sino ang taong iyon na naglalakad sa bukid papalapit sa atin?”
Sumagot ang alipin, “Siya ang aking amo na si Isaac.” Kaya tinakpan ni Rebeka ang kanyang mukha ng belo.
66 Sinabi ng alipin kay Isaac ang lahat ng ginawa niya. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeka sa toldang tinitirhan noon ng kanyang inang si Sara. Naging asawa niya si Rebeka at mahal na mahal niya ito. Kaya naibsan ang kalungkutan ni Isaac na dulot ng pagkamatay ng kanyang ina.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at sa mga Pariseo(A)
23 Pagkatapos, nagsalita si Jesus sa mga tao at sa mga tagasunod niya. 2 Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. 3 Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Pero huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. 4 Ipinapatupad nila sa inyo ang mahihirap nilang kautusan, pero sila mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. 5 Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. At upang ipakita na napakarelihiyoso nila, nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya[a] at hinahabaan ang laylayan[b] ng kanilang mga damit. 6 Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sambahan. 7 At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro.’ 8 Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro,’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro. 9 At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na ‘Amo,’ dahil iisa lang ang inyong amo, walang iba kundi ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. 12 Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo(B)
13 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios. Kayo mismo ay ayaw mapabilang at pinipigilan pa ninyo ang mga gustong mapabilang! 14 [Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda para makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa!] 15 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, mahikayat lang ang isang tao sa inyong pananampalataya. At kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impyerno! 16 Kaawa-awa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa templo, dapat niya itong tuparin. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpapabanal sa ginto? 18 Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar. 21 Kapag nanumpa siya sa templo, nanunumpa rin siya pati sa Dios na naninirahan doon. 22 At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya pati sa trono ng Dios at sa Dios mismo na nakaupo roon.
23 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ibinibigay nga ninyo kahit ang ikapu[c] ng inyong mga pampalasa,[d] ngunit hindi naman ninyo sinusunod ang mga mas mahalagang utos tungkol sa pagiging makatarungan, mahabagin, at pagiging tapat. Dapat ngang magbigay kayo ng inyong mga ikapu, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mga mas mahalagang utos. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang maliliit na insekto sa inyong inumin, pero lumululon naman kayo ng kamelyo!
25 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan ayon sa inyong seremonya, ngunit ang loob ng puso ninyoʼy puno naman ng kasakiman at katakawan.[e] 26 Mga bulag na Pariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng tasa at baso, at magiging malinis din ang labas nito.[f] 27 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Katulad kayo ng mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, pero ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay. 28 Ganyang-ganyan kayo, dahil kung masdan kayo ng mga taoʼy parang tama ang ginagawa ninyo, pero sa loob ninyoʼy puno kayo ng pagkukunwari at kasalanan.”
Sinabi ni Jesus ang Kanilang Kaparusahan(C)
29 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propeta at ng mga taong matuwid, at pinagaganda ninyo ang mga ito. 30 At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila. 31 Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta! 32 Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impyerno! 34 Kaya makinig kayo! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao at mga guro. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sambahan, at uusigin ninyo sila saang lugar man sila pumunta. 35 Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Berekia, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.”
37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[g]
Ang mga Pagbabago na Ginawa ni Nehemias
13 Nang araw na iyon binasa ang Kautusan ni Moises sa mga tao, nalaman nilang ipinagbabawal ang mga Ammonita at mga Moabita na makihalubilo sa mga mamamayan ng Dios. 2 Dahil hindi nila binigyan ng pagkain at inumin ang mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan nila si Balaam na isumpa ang mga Israelita. Ngunit sa halip na sumpa, ginawa ito ng Dios na pagpapala. 3 Nang marinig ng mga tao ang kautusang iyon, hindi na nila isinama ang mga hindi tunay na Israelita.
4 Bago ito nangyari, si Eliashib na pari, na namamahala ng mga bodega sa templo ng aming Dios at kamag-anak ni Tobia, 5 ay nagpahintulot kay Tobia na gamitin ang malaking kwarto sa templo. Ang kwartong ito ay ginagamit noon na bodega para sa mga handog na pagkain, insenso, mga kagamitan sa templo, mga handog sa mga pari, mga ikapu ng mga trigo, bagong katas ng ubas, at langis, na ayon sa Kautusan ay para sa mga Levita, sa mga mang-aawit, at sa mga guwardya ng mga pintuan ng templo. 6 Wala pa ako sa Jerusalem nang mangyari ito, dahil noong ika-32 taon ng paghahari ni Artaserses sa Babilonia, pumunta ako sa kanya. Kinalaunan, pinayagan din niya ako 7 na makabalik sa Jerusalem. At pagdating ko, nalaman ko ang masamang ginawa ni Eliashib na nagpatira kay Tobia sa kwarto na nasa harapan ng templo ng Dios. 8 Sa tindi ng galit ko, pinagtatapon ko ang lahat ng kagamitan ni Tobia palabas ng kwarto. 9 Agad kong iniutos na linisin ang kwarto. At pagkatapos, pinabalik ko roon ang mga kagamitan ng templo pati ang mga handog na pagkain at ang insenso.
10 Nalaman ko rin na ang mga Levita ay hindi na nabigyan ng bahagi na para sa kanila, kaya sila at ang mga mang-aawit na pinagkatiwalaan ng mga gawain sa templo ay nagsiuwi para magsaka. 11 Kaya pinagsabihan ko ang mga opisyal, “Bakit pinapabayaan nʼyo ang templo ng Dios?” Ipinatawag ko agad ang mga Levita at ang mga mang-aawit at pinabalik sa mga gawain nila sa templo. 12 At muli ang lahat ng mamamayan ng Juda ay nagdala ng ikapu ng kanilang mga trigo, bagong katas ng ubas, at langis doon sa mga bodega. 13 Ang pinamahala ko sa mga bodega ay si Shelemia na pari, si Zadok na tagapagturo ng kautusan, at ang Levitang si Pedaya. Pinatulong ko rin sa kanila si Hanan na anak ni Zacur at apo ni Matania. Sila ang pinili ko dahil maaasahan sila. Ipinagkatiwala ko rin sa kanila ang pamamahagi ng mga pangangailangan ng kapwa nila manggagawa sa templo.
14 Pagkatapos ay nanalangin ako, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ako at huwag kalimutan ang tapat kong paglilingkod para sa inyong templo at sa mga gawain dito.”
15 Nang oras na iyon, may nakita akong mga taga-Juda na pumipisa ng mga ubas sa Araw ng Pamamahinga. Ang iba sa kanila ay nagkakarga ng mga trigo, alak, ubas, igos, at iba pang mga bagay sa mga asno para dalhin sa Jerusalem at ipagbili. Kaya pinagsabihan ko sila na huwag ipagbili ang mga produkto nila sa Araw ng Pamamahinga. 16 Mayroon ding mga taga-Tyre na nakatira sa Jerusalem na nagdala ng mga isda at iba pang mga kalakal. Ipinagbili nila ito sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem sa araw ding iyon ng Araw ng Pamamahinga. 17 Kaya sinaway ko ang mga pinuno ng Juda at sinabihan, “Ano ba itong ginagawa ninyong kasamaan? Hindi ba ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga? 18 Hindi ba ganito rin ang ginawa ng inyong mga ninuno, kaya tayo at ang lungsod na ito ay pinarusahan ng ating Dios? Ngayon, ginalit pa ninyo nang lubos ang Dios dahil sa ginagawa ninyo, dahil hindi ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga.”
19 Kaya nag-utos ako na isara ang pintuan ng lungsod tuwing Biyernes[a] habang papalubog ang araw, at huwag itong bubuksan hanggaʼt hindi pa natatapos ang Araw ng Pamamahinga. Pinabantayan ko sa mga tauhan ko ang mga pintuan para walang makapasok na kahit anong tinda sa lungsod sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal ay natutulog sa labas ng Jerusalem kapag Biyernes ng gabi. 21 Pero binalaan ko sila. Sinabi ko, “Bakit dito kayo natutulog sa pader ng lungsod? Kapag inulit nʼyo pa ito, parurusahan ko kayo.” Kaya mula noon, hindi na sila bumalik sa Araw ng Pamamahinga. 22 Pagkatapos, inutusan ko ang mga Levita na maging malinis at magbantay sa mga pintuan upang ituring na banal ng mga tao ang Araw ng Pamamahinga.
At saka ako nanalangin, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ang mga ginawa kong ito, at kaawaan nʼyo ako ayon sa dakila nʼyong pag-ibig.” 23 Nang mga panahon ding iyon, nakita ko na may mga taga-Juda na nakapag-asawa ng mga babaeng taga-Ashdod, taga-Ammon, at taga-Moab. 24 Kalahati sa mga anak nila ay nagsasalita ng wikang Ashdod o sa wika ng ibang tao, at hindi sila makapagsalita ng wika ng Juda. 25 Kaya sinaway ko at sinumpa ang mga taga-Juda. Pinalo ko ang iba sa kanila at hinila ang mga buhok nila. Ipinasumpa ko sila at ang mga anak nila sa pangalan ng Dios na hinding-hindi na sila mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 At sinabi ko sa kanila, “Hindi ba ito ang dahilan ng pagkakasala ni Haring Solomon ng Israel? Walang haring katulad niya, saan mang bansa. Minamahal siya ng kanyang Dios, at ginawa siya ng Dios na hari sa buong Israel. Pero sa kabila ng lahat, nagkasala siya dahil sa udyok ng mga asawa niyang dayuhan. 27 At ano, pababayaan na lang ba namin ang kasamaang ito na ginawa nʼyo – ang pagiging di-tapat sa ating Dios sa pamamagitan ng pag-aasawa ng dayuhan?”
28 Si Joyada na anak ng punong pari na si Eliashib ay may anak na nakipag-asawa sa anak ni Sanbalat na taga-Horon, kaya pinaalis ko siya.
29 Pagkatapos ay nanalangin ako, “O aking Dios, huwag nʼyo pong kalilimutan na binalewala nila ang kanilang pagkapari at ang sinumpaan nila bilang mga pari at mga Levita.”
30 Kaya tiniyak ko na ang mga mamamayan ng Israel ay malaya na sa kahit anong impluwensya ng mga dayuhan. At binigyan ko ng trabaho ang mga pari at ang mga Levita ayon sa bawat gawain nila. 31 Tiniyak ko rin na ang mga panggatong na gagamitin sa paghahandog ay madadala sa tamang panahon, pati ang mga unang ani.
At nanalangin ako, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ako at pagpalain.”
23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang mga miyembro ng Korte at sinabi, “Mga kapatid, kung tungkol sa aking pamumuhay, malinis ang aking konsensya sa Dios hanggang ngayon.” 2 Pagkasabi nito ni Pablo, inutusan ng punong pari na si Ananias ang mga nakatayong malapit kay Pablo na sampalin siya sa bibig. 3 Sinabi ni Pablo sa kanya, “Sampalin ka rin ng Dios, ikaw na pakitang-tao! Nakaupo ka riyan para hatulan ako ayon sa Kautusan, pero nilabag mo rin ang Kautusan nang iniutos mo na sampalin ako!” 4 Sinabi ng mga taong nakatayo malapit kay Pablo, “Iniinsulto mo ang punong pari ng Dios!” 5 Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang punong pari, dahil sinasabi sa Kasulatan na huwag tayong magsalita ng masama laban sa namumuno sa atin.”
6 Nang makita ni Pablo na may mga Saduceo at mga Pariseo roon, sinabi niya nang malakas sa mga miyembro ng Korte, “Mga kapatid, akoʼy isang Pariseo, at ang aking ama at mga ninuno ay Pariseo rin. Inaakusahan ako ngayon dahil umaasa akong muling mabubuhay ang mga patay.”
7 Nang masabi niya ito, nagkagulo ang mga Pariseo at mga Saduceo at nagkahati-hati ang mga miyembro ng Korte. 8 Nangyari iyon dahil ayon sa mga Saduceo walang muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala na may mga anghel o may mga espiritu. Pero ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Pariseo. 9 Kaya ang nangyari, lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilang mga tagapagturo ng Kautusan na mga Pariseo at mariin nilang sinabi, “Wala kaming makitang kasalanan sa taong ito. Baka may espiritu o kayaʼy anghel na nakipag-usap sa kanya!”
10 Lalong uminit ang kanilang pagtatalo, hanggang sa natakot ang kumander na baka pagtulung-tulungan ng mga tao si Pablo. Kaya nag-utos siya sa kanyang mga sundalo na bumaba at kunin si Pablo sa mga tao at dalhin sa kampo.
11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Huwag kang matakot! Sapagkat kung paano ka nagpahayag tungkol sa akin dito sa Jerusalem, ganoon din ang gagawin mo sa Roma.”
Ang Planong Pagpatay kay Pablo
12-13 Kinaumagahan, nagpulong ang mahigit 40 Judio, at nagplano sila kung ano ang kanilang gagawin. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. 14 Pagkatapos, pumunta sila sa mga namamahalang pari at sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Nanumpa kami na hindi kami kakain ng kahit ano hanggaʼt hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya hilingin ninyo at ng Korte sa kumander ng mga sundalong Romano na gusto ninyong papuntahin ulit dito sa inyo si Pablo. Sabihin ninyo na gusto ninyong imbestigahan nang mabuti si Pablo. Pero bago pa siya makarating dito, papatayin namin siya.”
16 Pero ang plano nilaʼy narinig ng pamangking lalaki ni Pablo, na anak ng kapatid niyang babae. Kaya pumunta siya sa kampo ng mga sundalo at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan doon at sinabi, “Dalhin ninyo ang binatilyong ito sa kumander, dahil may sasabihin siya sa kanya.” 18 Kaya dinala siya ng kapitan sa kumander. Pagdating nila roon, sinabi ng kapitan, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at nakiusap na dalhin ko rito sa iyo ang binatilyong ito, dahil may sasabihin daw siya sa iyo.” 19 Hinawakan ng kumander ang kamay ng binatilyo, at dinala siya sa lugar na walang ibang makakarinig. At tinanong niya, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?” 20 Sinabi ng binatilyo, “Nagkasundo ang mga Judio na hilingin sa inyo na dalhin si Pablo sa Korte bukas, dahil iimbestigahan daw nila nang mabuti. 21 Pero huwag po kayong maniwala sa kanila, dahil mahigit 40 tao ang nagbabantay na tatambang sa kanya. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. Nakahanda na sila at naghihintay na lang ng pahintulot ninyo.” 22 Sinabi ng kumander sa kanya, “Huwag mong sasabihin kahit kanino na ipinaalam mo ito sa akin.” At pinauwi niya ang binatilyo.
Ipinadala si Pablo sa Cesarea
23 Ipinatawag agad ng kumander ang dalawa sa kanyang mga kapitan at sinabi sa kanila, “Maghanda kayo ng 200 sundalo at ipapadala ko kayo sa Cesarea. Magdala rin kayo ng 70 sundalong nakakabayo at 200 sundalong may sibat. At lumakad kayo mamayang gabi, mga alas nuwebe. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayo na sasakyan ni Pablo. Bantayan ninyo siyang mabuti para walang mangyari sa kanya hanggang sa makarating siya kay Gobernador Felix.” 25 At sumulat ang kumander sa gobernador ng ganito:
26 “Mula kay Claudius Lysias.
“Mahal at kagalang-galang na Gobernador Felix:
27 “Ang taong ito na ipinadala ko sa iyo ay dinakip ng mga Judio, at papatayin na sana. Pero nang malaman kong isa pala siyang Romano, nagsama ako ng mga sundalo at iniligtas siya. 28 Dinala ko siya sa kanilang Korte para malaman kung ano ang kanyang nagawang kasalanan. 29 Natuklasan ko na ang akusasyon sa kanya ay tungkol lang sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanilang relihiyon. Wala talagang sapat na dahilan para ipakulong siya o ipapatay. 30 Kaya nang malaman kong may plano ang mga Judio na patayin siya, agad ko siyang ipinadala sa inyo. At sinabihan ko ang mga nag-akusa sa kanya na sa inyo na sila magreklamo.”
31 Sinunod ng mga sundalo ang utos sa kanila. At nang gabing iyon, dinala nila si Pablo sa Antipatris. 32 Kinabukasan, bumalik ang mga sundalo sa kampo, samantalang nagpaiwan ang mga sundalong nakakabayo para samahan si Pablo. 33 Nang dumating sila sa Cesarea, iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat. 34 Binasa ito ng gobernador at pagkatapos ay tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya nanggaling. Nang malaman niyang taga-Cilicia si Pablo, 35 sinabi niya, “Pakikinggan ko ang kaso mo kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.” At pinabantayan ng gobernador si Pablo sa palasyo na ipinagawa ni Herodes.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®