Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 22

Ang Talinghaga Patungkol sa Malaking Piging

22 Muling sumagot si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga.

Sinabi niya: Ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na nagbigay ng isang piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. Isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ngunit ayaw nilang dumalo.

Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na sinasabi:Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naghanda ako ng hapunan. Kinatay na ang aking mga baka at ang lahat ng mga bagay ay nakahanda na. Halina kayo sa piging.

Ngunit hindi nila ito binigyang pansin at sila ay umalis. Ang isa ay pumunta sa kaniyang bukid, at ang isa ay sa kaniyang kalakal. Ang iba ay sinunggaban ang kaniyang mga alipin, kanilang nilait ang mga ito at pinatay. Nang marinig ito ng hari, siya ay nagalit. Sinugo niya ang kaniyang hukbo at pinuksa ang mga mamamatay taong iyon. Sinunog niya ang kanilang lungsod.

Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alipin: Nakahanda na ang piging ngunit ang mga inanyayahan ay hindi karapat-dapat. Pumunta nga kayo sa mga lansangan at sinuman ang inyong matagpuan ay anyayahan ninyo sa piging. 10 Lumabas nga ang mga alipin sa mga lansangan at dinala ang lahat ng kanilang mga natagpuan. Dinala nila kapwa ang masama at mabuti. Ang piging ay napuno ng mga panauhin.

11 Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang lalaking hindi nakasuot ng damit na pampiging. 12 Sinabi niya sa kaniya: Kaibigan, papaano ka nakapasok dito nang hindi nakasuot ng damit na pampiging?Ngunit wala siyang masabi.

13 Sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod: Igapos ninyo ang kaniyang mga paa at mga kamay. Dalhin ninyo siya at itapon sa kadiliman sa labas.Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

14 Ito ay sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.

Ang Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar

15 Umalis ang mga Fariseo at nagplano sila kung paano mahuhuli si Jesus sa kaniyang pananalita.

16 Sinugo nila kay Jesus ang kanilang mga alagad kasama ang mga tauhan ni Herodes. Sinabi nila: Guro, alam naming ikaw ay totoo at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Hindi ka nagtatangi sa kaninuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo nga sa amin: Ano ang iyong palagay? Naaayon ba sa kautusan na magbigay kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi?

18 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang kasamaan. Kaniyang sinabi: Bakit ninyo ako sinusubukan, kayong mga mapagpa­kunwari? 19 Ipakita ninyo sa akin ang perang ginagamit na buwis-pandayuhan. Dinala nila sa kaniya ang isang denaryo. 20 Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?

21 Sinabi nila sa kaniya: Kay Cesar.

Sinabi niya sa kanila:Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.

22 Sila ay namangha nang marinig nila ito. Iniwan nila si Jesus at sila ay umalis.

Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa

23 Nang araw na iyon, pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay na mag-uli. Tinanong nila siya.

24 Kanilang sinabi: Guro, sinabi ni Moises: Kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak, pakakasalan ng kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki ang asawang babae. Ito ay upang siya ay magka-anak para sa kaniyang kapatid na lalaki. 25 Ngayon, sa amin ay mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay namatay na may asawa at walang anak. Naiwan niya ang asawang babae sa kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo hanggang sa pangpito. 27 Sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae. 28 Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kanino siya magiging asawa sa pitong magkakapatid na lalaki? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng lahat.

29 Sumagot si Jesus sa kanila: Kayo ay naliligaw at hindi ninyo nalalaman ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Ito ay sapagkat sa muling pagkabuhay, wala nang mag-aasawa ni ibibigay sa pag-aasawa. Sila ay katulad ng mga anghel ng Diyos sa langit. 31 Patungkol sa pagkabuhay sa mga patay, hindi ba ninyo nabasa yaong sinabi sa inyo ng Diyos? 32 Sinasabi: Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.

33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, sila ay nanggilalas sa kaniyang turo.

Ang Pinakamahalagang Utos

34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, sila ay nagtipun-tipon.

35 Ang isa sa kanila na dalubhasa sa kutusan ay nagtanong kay Jesus, na sinusubukan siya. 36 Sinabi niya: Guro, alin ang pinaka­dakilang utos sa Kautusan?

37 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo. 38 Ito ang una at dakilang utos. 39 Ang pangalawa ay katulad din nito: Ibigin mo ang iyongkapwa tulad ng iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang lahat ng bagay na nasa mga Kautusan at sa mga Propeta.

Kaninong Anak ang Mesiyas

41 Tinanong ni Jesus ang mga Fariseo habang sila ay nagkakatipun-tipon.

42 Kaniyang sinabi: Ano ang inyong palagay patungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?

Sinabi nila sa kaniya:Kay David.

43 Sinabi niya sa kanila: Bakit nga tinawag siya ni David sa Espiritu na Panginoon? 44 Sinasabi:

Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa gawing kanan ko hanggangsa mailagay ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.

45 Yamang tinawag nga siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak nito? 46 Walang isa mang makasagot sa kaniya. At mula sa araw na iyon, ni isa ay wala nang naglakas-loob na tanungin siya.

Gawa 22

22 Sinabi niya: Mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko sa inyo ngayon.

Nang marinig nilang siya ay nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, sila ay lalo pang tumahimik.

Sinabi niya: Ako nga ay Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia. Ngunit pinalaki sa lungsod na ito sa pagtuturo ni Gamaliel. Tinuruan ako alinsunod sa mahigpit na pamamaraan ng kautusan ng mga ninuno. Ako ay masigasig sa Diyos tulad din ninyong lahat ngayon. Pinag-uusig ko ang mga taong sumunod sa Daan hanggang sa mamatay sila. Tinalian ko sila at ipinabilanggo. Ginawa ko ito kapwa sa mga lalaki at samga babae. Ang mga pinunong-saserdote at ang lahat ng matatanda ay magpapatotoo rin ng ganito patungkol sa akin. Tinanggap ko mula sa kanila ang mga sulat para sa mga kapatiran at naglakbay ako sa Damasco. Ito ay upang dalhing bilanggo sa Jerusalem ang mga naroon at nang sila ay maparusahan.

At nangyari, na samantalang naglalakbay ako at papalapit na sa Damasco, biglang nagningning sa akin ang isang malaking liwanag na galing sa langit. Noon ay magtatanghaling tapat na. Nasubasob ako sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

Sumagot ako: Sino ka, Panginoon?

Sinabi niya sa akin: Ako ay si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.

Nakita nga ng mga kasamahan ko ang ilaw. Natakot sila ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin.

10 Sinabi ko: Ano ang dapat kong gawin, Panginoon?

Sinabi ng Panginoon sa akin: Tumindig ka at pumaroon ka sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng mga bagay na inutos kong gawin mo.

11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaliwanagan ng ilaw na iyon, inakay ako sa kamay ng mga kasama ko. Pumunta ako sa Damasco.

12 Doon ay may isang lalaking nagngangalang Ananias. Siya ay palasamba sa Diyos ayon sa kautusan. Ang lahat ng mga Judiong nakatira roon ay nagpatotoo ng mabuti patungkol sa kaniya. 13 Lumapit siya sa akin at nakatayong nagsabi sa akin: Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. Nang sandali ring iyon ay tumingin ako sa kaniya.

14 Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kaniyang kalooban at upang makita mo siya na matuwid at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig. 15 Ito ay sapagkat ikaw ay magiging saksi niya sa lahat ng mga tao patungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumindig ka at magbawtismo ka. Tumawag ka sa pangalan ng Panginoon, at huhugasan ang iyong mga kasalanan.

17 Nangyari na bumalik na ako sa Jerusalem. Nang ako ay nanalangin sa templo, ako ay nasa isang natatanging kalagayan. 18 Nakita ko siya na sinasabi niya sa akin: Magmadali ka at agad kang umalis sa Jerusalem. Sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo patungkol sa akin.

19 Sinabi ko: Panginoon, nalalaman nila na sa bawat sina­goga ako ang nagpabilanggo at nagpahampas sa kanila na mga sumampalataya sa iyo. 20 Nang mabuhos ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako naman ay nakatayo sa malapit. Sinang-ayunan ko ang pagpatay sa kaniya. Binan­tayan ko ang mga damit ng mga pumatay sa kaniya.

21 At sinabi sa akin: Yumaon ka. Ito ay sapagkat isusugo kita sa mga Gentil na nasa malayo.

Si Pablo ay Mamamayang Romano

22 Pinakinggan siya ng mga tao hanggang sa mga pananalitang ito. At sila ay sumigaw na sinasabi: Alisin ninyo mula sa lupa ang taong ito. Hindi siya nararapat mabuhay.

23 Samantalang sila ay sumisigaw at ipinagtatapon ang kanilang mga damit, nagsabog sila ng mga alabok sa hangin. 24 Ipinag-utos ng pangulong kapitan na ipasok si Pablo sa kuta. Iniutos nito na siya ay usisain sa pamamagitan ng hagupit. Ito ay upang malaman niya kung ano ang dahilan at ang mga tao ay sumisigaw laban kay Pablo. 25 Nang iginagapos na nila siya ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa pinunong-kapitang nakatayo sa malapit: Matuwid ba para sa iyo na hagupitin ang isang taong taga-Roma na hindi pa nahahatulan?

26 Nang marinig ito ng kapitan, naparoon siya sa pinunong-kapitan. Ipinag-bigay alam niya na sinasabi: Mag-ingat ka sa gagawin mo? Ito ay sapagkat ang lalaking ito ay taga-Roma.

27 Lumapit ang pinunong-kapitan at sinabi sa kaniya: Sabihin mo sa akin, ikaw ba ay taga-Roma?

Sinabi niya: Oo.

28 Sumagot ang pinunong-kapitan: Binili ko ng malaking halaga ang pagkamamamayang ito.

Sinabi ni Pablo: Ako ay ipinanganak na gayon.

29 Agad na lumayo sa kaniya ang mga magsisiyasat sana sa kaniya. Ang pinunong-kapitan ay natakot din naman nang malaman na siya ay taga-Roma at sa dahilang siya ang nagpagapos kay Pablo.

Sa Harap ng Sanhedrin

30 Kinabukasan, ibig niyang matiyak ang dahilan kung bakit isinakdal siya ng mga Judio. Pinakawalan siya ng kapitan sa pagkagapos at ipinag-utos niyang magpulong ang mga pinunong-saserdote at ang buong Sanhedrin. Ipinanaog niya si Pablo at iniharap sa kanila.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International