M’Cheyne Bible Reading Plan
Namatay si Sara, at Bumili si Abraham ng Paglilibingan.
23 Nabuhay si Sara ng 127 taon. 2 Namatay siya sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron) sa lupain ng Canaan. Labis ang paghihinagpis ni Abraham sa pagkamatay ni Sara.
3 Ngayon, iniwan muna ni Abraham ang bangkay ng asawa niya at nakipagkita siya sa mga Heteo at sinabi sa kanila, 4 “Nakatira ako rito sa lugar ninyo bilang isang dayuhan, kaya kung maaari ay pagbilhan din ninyo ako ng lupa na maaari kong paglibingan ng asawa ko.” 5 Sumagot ang mga Heteo, 6 “Ginoo, makinig ka muna sa amin. Kilala ka namin na isang tanyag na tao, kaya maaari mong ilibing ang asawa mo kahit saan na pinakamabuting libingan dito sa amin. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan para mailibing mo ang asawa mo.”
7 Yumukod agad si Abraham sa harapan ng mga Heteo. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kung payag kayo na rito ko ilibing ang asawa ko, tulungan nʼyo ako na kausapin si Efron na anak ni Zohar 9 na ibenta niya sa akin ang kweba niya na nasa tabi ng bukirin niya sa Macpela. Sabihin ninyo sa kanya na babayaran ko siya sa tamang halaga rito mismo sa harapan ninyo para maging akin ito at gawing libingan.”
10 Naroon pala si Efron na nakaupo kasama ng mga kababayan niyang Heteo. Kaya sumagot siya kay Abraham na naririnig ng lahat ng Heteo na nagtitipon doon sa pintuan ng lungsod. 11 Sinabi niya, “Sa harap ng mga kababayan ko ay ibinibigay ko sa iyo ang buong bukirin pati na ang kweba. Kaya maaari mo nang ilibing ang asawa mo.”
12 Muling yumukod si Abraham tanda ng pagpapasalamat sa harapan ng mga Heteo. 13 Kaya sinabi niya kay Efron na naririnig ng lahat, “Makinig kayo sa akin. Babayaran ko ang halaga ng bukirin. Tanggapin mo ang bayad ko para mailibing ko na doon ang asawa ko.”
14 Sumagot si Efron, 15 “Ginoo, ang lupa ay nagkakahalaga ng 400 pirasong pilak. Pero ano naman iyon sa ating dalawa. Sige, ilibing mo na ang asawa mo.”
16 Pumayag si Abraham sa halagang sinabi ni Efron. Kaya nagkilo siya ng 400 pirasong pilak ayon sa bigat na pinagbabasihan noon ng mga mangangalakal. At ibinayad niya ito kay Efron sa harap ng mga Heteo.
17-18 Kaya naging pag-aari ni Abraham ang bukid ni Efron sa Macpela, sa silangan ng Mamre, pati na ang kweba at ang mga punongkahoy sa paligid ng bukid. Saksi ang lahat ng Heteo na nagtipon doon sa pintuan ng lungsod. 19 Inilibing agad ni Abraham si Sara sa kweba na nasa bukirin ng Macpela, na sakop ng lupain ng Canaan. Ang Macpela ay malapit sa Mamre na siyang Hebron. 20 Kaya ang bukid pati ang kweba, na dating pagmamay-ari ng mga Heteo ay naging kay Abraham na at ginawa niya itong libingan.
Ang Talinghaga tungkol sa Handaan sa Kasal(A)
22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na naghanda ng salo-salo para sa kasal ng anak niyang lalaki. 3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inimbitahan sa kasalan, pero ayaw nilang dumalo. 4 Sinugo niya ang iba pang mga alipin upang sabihin sa mga inimbitahan, ‘Handa na ang lahat; nakatay na ang aking mga baka at iba pang pinatabang hayop. Nakahanda na ang pagkain kaya pumunta na kayo rito!’ 5 Pero hindi ito pinansin ng mga inimbitahan. Ang ibaʼy pumunta sa bukid nila, at ang ibaʼy sa negosyo nila. 6 Ang iba namaʼy sinunggaban ang mga alipin ng hari, hiniya, at pinatay. 7 Kaya galit na galit ang hari sa ginawa ng mga ito. Inutusan niya ang kanyang mga sundalo na patayin ang mga pumatay sa kanyang mga alipin at sunugin ang lungsod ng mga ito. 8 Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Handa na ang salo-salo para sa kasal ng aking anak, pero hindi karapat-dapat ang mga inimbitahan. 9 Pumunta na lang kayo sa mga mataong lansangan, at imbitahan ninyo ang lahat ng inyong makita.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga alipin at inimbitahan ang lahat ng nakita nila, masama man o mabuti. Kaya napuno ng bisita ang pinagdarausan ng handaan. 11 Nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaking hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan. 12 Kaya tinanong niya ang lalaki, ‘Kaibigan, bakit pumasok ka rito nang hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan?’ Hindi nakasagot ang lalaki. 13 Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at itapon sa dilim, doon sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ” 14 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag ng Dios na mapabilang sa kanyang kaharian, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(B)
15 Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao. 17 Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[a] o hindi?” 18 Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? 19 Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera.[b] 20 Tinanong sila ni Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” 21 Sumagot sila, “Sa Emperador.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 22 Namangha sila nang marinig ang sagot ni Jesus, kaya iniwan nila siya.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(C)
23 Nang araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Jesus ang ilang mga Saduceo – mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. 24 Sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa para magkaanak sila para sa kanya.[c] 25 Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. 26 Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. 27 At kinalaunan, namatay din ang babae. 28 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po ba sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil silang lahat ay napangasawa niya?” 29 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 31 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Dios sa inyo? Sinabi niya, 32 ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’[d] Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay.” 33 Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.
Ang Pinakamahalagang Utos(D)
34 Nang mabalitaan ng mga Pariseo na walang magawa ang mga Saduceo kay Jesus, nagtipon silang muli at lumapit sa kanya. 35 Isa sa kanila, na tagapagturo ng Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin siya, 36 “Guro, ano po ba ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” 37 Sumagot si Jesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.’[e] 38 Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat. 39 At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[f] 40 Ang buong Kautusan ni Moises at ang mga isinulat ng mga propeta ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.”[g]
Ang Tanong tungkol sa Cristo(E)
41 Habang nagkakatipon pa ang mga Pariseo, tinanong sila ni Jesus, 42 “Ano ba ang pagkakakilala ninyo sa Cristo? Kaninong angkan[h] siya nagmula?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung angkan lang siya ni David, bakit tinawag siya ni David na ‘Panginoon,’ sa patnubay ng Banal na Espiritu? Ito ang sinabi niya,
44 ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[i]
45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging angkan lang ni David?” 46 Wala ni isa mang nakasagot sa tanong ni Jesus. Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Ang mga Pari at ang mga Levita
12 1-7 Ito ang talaan ng mga pari at ng mga Levita na bumalik mula sa pagkabihag kasama ni Zerubabel na anak ni Shealtiel at ni Jeshua na punong pari. Ang mga pari ay sina Seraya, Jeremias, Ezra, Amaria, Maluc, Hatush, Shecania, Rehum, Meremot, Iddo, Gineton, Abijah, Mijamin, Moadia, Bilga, Shemaya, Joyarib, Jedaya, Salu, Amok, Hilkia, at Jedaya. Sila ang mga pinuno ng mga kapwa nila pari at ng kanilang mga kasama noong panahon ni Jeshua.
8 Ang mga Levita ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Sherebia, Juda at Matania. Si Matania at ang mga kasama niya ang katiwala sa pag-awit ng mga awit ng pasasalamat. 9 At sina Bakbukia, Uni, at ang mga kasama nila, ang katiwala sa pagsagot sa awit na iyon.
Ang mga Lahi ng Punong Pari na si Jeshua
10 Si Jeshua ay ama ni Joyakim. Si Joyakim ay ama ni Eliashib. Si Eliashib ay ama ni Joyada. 11 Si Joyada ay ama ni Jonatan. At si Jonatan ay ama ni Jadua.
Ang Pinuno ng mga Pamilya ng mga Pari
12-13 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari noong si Joyakim ang punong pari:
Si Meraya ang pinuno ng pamilya ni Seraya.
Si Hanania ang pinuno ng pamilya ni Jeremias.
Si Meshulam ang pinuno ng pamilya ni Ezra.
Si Jehohanan ang pinuno ng pamilya ni Amaria.
14 Si Jonatan ang pinuno ng pamilya ni Maluc.
Si Jose ang pinuno ng pamilya ni Shebania.[a]
15 Si Adna ang pinuno ng pamilya ni Harim.
Si Helkai ang pinuno ng pamilya ni Merayot
16 Si Zacarias ang pinuno ng pamilya ni Iddo.
Si Meshulam ang pinuno ng pamilya ni Gineton.
17 Si Zicri ang pinuno ng pamilya ni Abijah.
Si Piltai ang pinuno ng pamilya nina Miniamin at Moadia.
18 Si Shamua ang pinuno ng pamilya ni Bilga.
Si Jehonatan ang pinuno ng pamilya ni Shemaya.
19 Si Matenai ang pinuno ng pamilya ni Joyarib.
Si Uzi ang pinuno ng pamilya ni Jedaya.
20 Si Kalai ang pinuno ng pamilya ni Salu.
Si Eber ang pinuno ng pamilya ni Amok.
21 Si Hashabia ang pinuno ng pamilya ni Hilkia.
At si Netanel ang pinuno ng pamilya ni Jedaya.
Ang mga Pinuno ng mga Pamilya ng mga Levita
22 Noong panahon ng paghahari ni Darius sa Persia, inilista ang mga pangalan ng mga pinuno sa mga pamilya ng mga pari at mga Levita. Nang panahon ng mga punong pari na sina Eliashib, Joyada, Johanan, at Jadua. 23 Ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita hanggang sa panahon ni Johanan na apo ni Eliashib ay nakalista sa Aklat ng Kasaysayan.
24 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita: si Hashabia, Sherebia, Jeshua, Binui, Kadmiel,[b] at ang iba pa nilang mga kasama na nakatayo sa kabilang bahagi nila sa oras ng pag-awit sa templo ng mga papuri at pasasalamat sa Dios. Sila ang sumasagot sa awit ng kabilang grupo, ayon sa utos ni David na lingkod ng Dios. 25 Ang mga guwardya ng pintuan ng templo na nagbabantay ng mga bodega na malapit sa pintuan ay sina Matania, Bakbukia, Obadias, Meshulam, Talmon at Akub. 26 Sila ang naglilingkod sa panahon ni Joyakim na anak ni Jeshua at apo ni Jozadak, at sa panahon ni Nehemias na gobernador at ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan.
Itinalaga sa Dios ang Pader ng Lungsod
27 Noong panahong itinalaga ang pader ng Jerusalem, ipinatawag ang mga Levita mula sa tinitirhan nila. Pinapunta sila sa Jerusalem upang makalahok sa masayang pagdiriwang ng pagtatalaga ng templo sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awit ng pasasalamat at pagtugtog ng mga pompyang, alpa, at lira. 28 Pinapunta rin ang mga mang-aawit mula sa mga baryo sa paligid ng Jerusalem at mula sa baryo ng Netofa. 29 May mga nagmula sa bayan ng Bet Gilgal, at sa lugar ng Geba at Azmavet. Sapagkat ang mga mang-aawit ay nagtayo ng sarili nilang mga baryo sa paligid ng Jerusalem. 30 Gumawa ng seremonya sa paglilinis ang mga pari at mga Levita, para maging malinis sila, at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao, sa mga pintuan ng lungsod at sa pader nito.
31 Dinala ko ang mga pinuno ng Juda sa itaas ng pader, at tinipon ko roon ang dalawang malalaking grupo ng mga mang-aawit para magpasalamat sa Dios. Ang isang grupo naman ay nagmartsa roon sa itaas papunta sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura. 32 Sumusunod sa kanila sina Hosaya at ang kalahati ng mga pinuno ng Juda, 33 kasama rin sina Azaria, Ezra, Meshulam, 34 Juda, Benjamin, Shemaya, Jeremias, 35 at ilang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta. Sumusunod din si Zacarias na anak ni Jonatan. (Si Jonatan ay anak ni Shemaya. Si Shemaya ay anak ni Matania. Si Matania ay anak ni Micaya. At si Micaya ay anak ni Zacur na angkan ni Asaf.) 36 Sumusunod naman kay Zacarias ang mga kasama niyang sina Shemaya, Azarel, Milai, Gilalai, Maai, Netanel, Juda at Hanani. May dala silang mga instrumento katulad ng mga tinutugtog noon ni Haring David na lingkod ng Dios. Ang grupong ito ay pinapangunahan ni Ezra na tagapagturo ng kautusan. 37 Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal, umakyat sila sa daang parang hagdan na papuntang Lungsod ni David. Dumaan sila sa palasyo ni David hanggang makarating sila sa Pintuan ng Tubig, sa gawing silangan ng lungsod.
38 Ang ikalawang grupo ay nagmartsa pakaliwa sa itaas ng pader. Sumunod ako sa grupong ito kasama ang kalahati ng mamamayan.[c] Dumaan kami sa gilid ng Tore na May Hurno papunta sa Malapad na Pader. 39 Mula roon dumaan kami sa Pintuan ni Efraim, sa Lumang Pintuan,[d] sa pintuan na tinatawag na Isda, sa Tore ni Hananel, at sa Tore ng Isang Daan.[e] Pagkatapos, dumaan kami sa pintuan na tinatawag na Tupa at huminto sa may Pintuan ng Guwardya.
40 Ang dalawang grupo na nagpapasalamat sa Dios habang nagmamartsa ay dumiretso sa templo ng Dios. Dumiretso rin ako roon at ang kalahati ng mga opisyal na kasama ko. 41 Naroon din ang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta na sina Eliakim, Maaseya, Mijamin, Micaya, Elyoenai, Zacarias, at Hanania, 42 at ang mga mang-aawit na sina Maaseya, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at Ezer. Sila ang mga mang-aawit na pinamumunuan ni Jezrahia. 43 Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at nagsaya, dahil lubos silang pinagalak ng Dios. Pati ang mga babae at mga bata ay naging masaya rin. Kaya ang ingay ng pagsasaya nila ay naririnig kahit sa malayo.
44 Nang araw ding iyon, naglagay sila ng mga lalaki na mamamahala sa mga bodega na pinaglalagyan ng mga kaloob, ng unang ani, at ng ikapu. Sila ang mangongolekta ng mga handog mula sa mga sakahan sa paligid ng mga bayan para sa mga pari at sa mga Levita, ayon sa Kautusan. Sapagkat natutuwa ang mga mamamayan ng Juda sa mga gawain ng mga pari at ng mga Levita. 45 Ginawa nila ang seremonya sa paglilinis at ang iba pang mga gawain na ipinapatupad sa kanila ng Dios. Ginawa rin ng mga mang-aawit at ng mga guwardya ng mga pintuan ng templo ang mga gawain nila ayon sa mga utos ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. 46 Mula pa ng panahon ni Haring David at ni Asaf, mayroon nang mga namumuno sa mga umaawit ng papuri at pasasalamat sa Dios. 47 Kaya noong panahon ni Zerubabel at ni Nehemias, ang lahat ng mga Israelita ay nagbibigay ng mga handog nila para sa mga mang-aawit at mga guwardya ng mga pintuan ng templo, maging sa mga Levita. At mula sa mga natatanggap nila binahaginan din ng mga Levita ang mga paring mula sa angkan ni Aaron.
22 “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan muna ninyo ang sasabihin ko bilang pagtatanggol sa aking sarili!” 2 Nang marinig ng mga tao na nagsalita siya sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita: 3 “Akoʼy isang Judiong ipinanganak sa Tarsus na sakop ng Cilicia, pero lumaki ako rito sa Jerusalem. Dito ako nag-aral at naging guro ko si Gamaliel. Sinanay akong mabuti sa Kautusan na sinunod din ng ating mga ninuno. Gaya ninyo ngayon, masigasig din akong naglilingkod sa ating Dios. 4 Inusig ko at sinikap na patayin ang mga sumusunod sa pamamaraan ni Jesus. Hinuli ko sila at ikinulong, lalaki man o babae. 5 Ang punong pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay makapagpapatunay sa lahat ng sinasabi ko. Sila mismo ang nagbigay sa akin ng sulat para sa mga kapatid nating Judio doon sa Damascus. At sa bisa ng sulat na iyon, pumunta ako sa Damascus para hulihin ang mga sumasampalataya kay Jesus at dalhin pabalik dito sa Jerusalem para parusahan.
Ikinuwento ni Pablo Kung Paano Niya Nakilala si Jesus
6 “Tanghaling-tapat na noon at malapit na kami sa Damascus. Biglang kumislap sa aming paligid ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 7 Napasubsob ako sa lupa at may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ 8 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang tinig, ‘Akoʼy si Jesus na taga-Nazaret, na iyong inuusig.’ 9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag pero hindi nila narinig[a] ang boses na nagsasalita sa akin. 10 At nagtanong pa ako, ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damascus, at sasabihin sa iyo roon ang lahat ng iyong gagawin.’ 11 Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damascus.
12 “Doon sa Damascus, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Dios at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias. 14 Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at para makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Jesus. 15 Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon para maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”
Inutusan si Pablo na Mangaral sa mga Hindi Judio
17 “Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa templo, nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko si Jesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’ 19 Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sambahan ng mga Judio para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo? 20 At nang patayin si Esteban na iyong saksi, naroon ako at sumasang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbabantay ng mga damit ng mga pumapatay sa kanya.’ 21 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar para ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga hindi Judio!’ ”
22 Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!” 23 Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at inihahagis ang alikabok paitaas.
24 Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng kampo at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?” 26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!” 27 Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?” “Opo,” sagot ni Pablo. 28 Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.” Sumagot si Pablo, “Pero akoʼy isinilang na isang Romano!” 29 Umurong agad ang mga sundalo na mag-iimbestiga sana sa kanya. Natakot din ang kumander dahil ipinagapos niya si Pablo, gayong isa pala siyang Romano.
Dinala si Pablo sa Korte ng mga Judio
30 Gusto talagang malaman ng kumander kung bakit inaakusahan ng mga Judio si Pablo. Kaya kinabukasan, ipinatawag niya ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Pagkatapos, ipinatanggal niya ang kadena ni Pablo at iniharap siya sa kanila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®