M’Cheyne Bible Reading Plan
Pumasok si Jesus sa Jerusalem na Gaya ng Hari
21 Pagdating sa Betfage, na malapit sa Jerusalem, sa may bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad.
2 Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo sa nayong nasa unahan ninyo. Kaagad kayong makakatagpo ng isang nakataling asno na may kasamang isang bisirong asno. Kalagan sila at dalhin sa akin. 3 Kapag may magsabi sa inyo, ito ang sabihin ninyo: Kailangan sila ng Panginoon. At kaagad niyang ipadadala ang mga ito.
4 Ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na sinasabi:
5 Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion, narito, dumarating ang iyong hari. Siya ay maamo at nakasakay sa isang bisirong asno na anak ng isang hayop na nahirati sa hirap.
6 Lumakad ang mga alagad at ginawa ang ayon sa iniutos ni Jesus sa kanila. 7 Kinuha nila ang asnong babae at ang batang asno.Pagkatapos, ipinatong nila sa likod ng mga ito ang kanilang mga damit at siya ay umupo sa mga ito. 8 Ang napakaraming tao ay naglatag ng kanilang mga damit sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng mga punong-kahoy at inilatag sa daan. 9 Ang napakaraming tao na nasa kaniyang unahan at ang mga sumusunod sa kaniya ay sumigaw na sinasabi:
Hosana sa Anak ni David! Papuri sa kaniya na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!
10 Pagpasok niya sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod na sinasabi: Sino ito?
11 Sinabi ng napakaraming tao: Siya ay si Jesus, ang propeta na taga-Nazaret ng Galilea.
Nilinis ni Jesus ang Templo
12 Pumasok si Jesus sa templo ng Diyos at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Itinumba niya ang mga mesa ng mga mamamalit-salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
13 Sinabi niya sa kanila: Nasusulat:
Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ngunit ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.
14 Lumapit kay Jesus sa templo ang mga bulag at mga pilay.Pinagaling niya sila. 15 Nang makita ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya, lubha silang nagalit. Lubha rin silang nagalit dahil sa nakita nila sa templo ang mga batang sumisigaw na sinasabi: Hosana sa Anak ni David!
16 Kaya sinabi nila kay Jesus: Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?
Sinabi ni Jesus sa kanila: Oo, hindi ba ninyo nabasa:
Mula sa bibig ng mga bata at mga sanggol ay inihanda mo ang wagas na pagpupuri sa iyo?
17 Iniwan niya sila roon at pumunta siya sa lungsod ng Betania. Doon siya nagpalipas ng gabi.
Natuyo ang Puno ng Igos
18 Kinaumagahan, nang siya ay pabalik na sa lungsod, nagutom siya.
19 Pagkakita niya sa isang puno ng igos sa tabing-daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang nakita rito kundi mga dahon lamang kaya sinabi niya rito: Kailanman ay hindi ka na mamumunga. Kaagad na natuyo ang puno ng igos.
20 Nang makita ito ng mga alagad, namangha sila na sinabi: Bakit natuyo kaagad ang puno ng igos?
21 Sumagot si Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-aalinlangan, hindi lamang ang nangyari sa puno ng igos ang magagawa ninyo. Ngunit magagawa rin ninyong sabihin sa bundok na ito: Umalis ka riyan at bumulusok ka sa dagat at mangyayari ito. 22 Makakamit ninyo ang lahat ng inyong hingin sa panalangin kung kayo ay may pananampalataya.
Tinanong si Jesus Patungkol sa Kaniyang Kapangyarihan
23 Pagpasok niya sa templo, nilapitan siya ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda ng bayan habang siya ay nagtuturo. Sinabi nila sa kaniya: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
24 Sumagot si Jesus sa kanila: Isang bagay lang ang itatanong ko sa inyo. Kung masasagot ninyo ako ay sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 25 Saan nanggaling ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?
Sila ay nangatwiranan sa isa’t isa na sinasabi: Kapag sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya sa atin: Kung gayon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
26 Ngunit kung sabihin nating mula sa mga tao, dapat tayong matakot sa mga tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.
27 Sinagot nila si Jesus: Hindi namin alam.
Sinabi niya sa kanila:Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.
Ang Talinghaga Patungkol sa Dalawang Anak
28 Ngunit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa una at sinabi: Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at gumawa ka roon.
29 Sumagot siya: Ayaw ko. Ngunit nagsisi siya at pumunta rin pagkatapos.
30 Lumapit siya sa pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot siya: Pupunta ako. Ngunit hindi siya pumunta.
31 Sino sa kanilang dalawa ang gumanap ng kalooban ng ama?
Sinabi nila sa kaniya: Ang una.
Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang mga maniningil ng buwis at mga patutot ay mauuna sa inyo sa pagpasok sa paghahari ng Diyos.
32 Ito ay sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot. Samantalang kayo, nakita ninyo ito ngunit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kaniya.
Ang Talinghaga Patungkol sa mga Magsasaka
33 Narito ang isa pang talinghaga. May isang may-ari ng sambahayan na nagtanim ng ubasan. Binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaang-ubas at nagtayo ng isang mataas na bahay bantayan. Pagkatapos, ipinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lupain.
34 Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang kaniyang bahaging ani.
35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin. Hinagupit ang isa, pinatay ang iba pa at ang isa ay binato. 36 Muli siyang nagsugo ng mga alipin na higit na marami kaysa sa mga nauna. Gayundin ang ginawa sa kanila ng mga magsasaka. 37 Sa huli, ang kaniyang anak na lalaki ang kaniyang sinugo sa kanila na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.
38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang kaniyang anak, sinabi nila sa isa’t isa: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kaniyang mamanahin. 39 Sinunggaban nila siya. Itinapon nila siya sa labas ng ubasan at pinatay.
40 Sa pagbabalik nga ng panginoon ng ubasan, ano ang kaniyang gagawin sa mga magasasakang iyon?
41 Sinabi nila sa kaniya: Walang awa niyang pupuksain ang lahat ng mga tampalasang iyon. Ang ubasan naman ay ipauupahan niya sa ibang magsasaka na magbibigay sa kaniya ng mga bahaging ani pagdating ng panahon.
42 Sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa kasulatan:
Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siya ring naging batong panulok. Ginawa ito ng Panginoon at kahanga-hanga sa ating mga paningin.
43 Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa bansang nagbubunga nang nararapat sa paghahari dito. 44 Ang sinumang bumagsak sa ibabaw ng batong ito ay magkakapira-piraso at ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog.
45 Nang marinig ng mga pinunong-saserdote at ng mga Fariseo ang talinghagang ito, naunawaan nila na sila ang tinutukoy niya. 46 Huhulihin sana nila siya ngunit natakot sila sa napakaraming tao sapagkat kinikilala nila siya na isang propeta.
Ang Pagpunta sa Jerusalem
21 Nangyari, na pagkahiwalay namin sa kanila at makapaglayag, pumunta na kami sa Cos. Kinabukasan pumunta kami sa Rodas at buhat doon pumunta kami sa Patara.
2 Nang masumpungan namin ang isang barko na dumaraan patungong Fenecia, lumulan kami at naglayag. 3 Nang matanaw namin ang Chipre, nilampasan namin ito sa may dakong kaliwa at naglayag kami hanggang Siria at dumaong sa Tiro sapagkat doon nagbaba ng lulan ang barko. 4 Nang masumpungan namin ang mga alagad, nanatili kami roon ng pitong araw. Sinabi nila kay Pablo sa pamamagitan ng Espiritu na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 5 Nang makalipas na ang mga araw na iyon, handa na kaming magpatuloy sa paglalakbay. Silang lahat at ang kanilang mga asawa at mga anak ay naghatid sa amin. Inihatid nila kami sa aming paglalakad hanggang sa labas ng lungsod. Lumuhod kami sa baybayin, at nanalangin. 6 Nang makapagpaalam na kami sa isa’t isa, lumulan kami sa barko. At sila ay umuwi sa kanilang tahanan.
7 Nang matapos na namin ang paglalayag mula sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida. Pagkatapos naming bumati sa mga kapatid, nanatili kami sa kanila ng isang araw. 8 Kinabukasan, si Pablo at ang mga kasama niya ay umalis. Dumating sila sa Cesarea. Pagpasok namin sa bahay ni Felipe, na isa sa pito, na mangangaral ng ebanghelyo, nanatili kaming kasama niya. 9 Ang lalaki ngang ito ay may apat na anak na dalagang birhen na naghahayag ng salita ng Diyos.
10 Sa aming pananatili roon ng maraming araw may isang dumating mula sa Judea. Siya ay isang propeta na ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit niya sa amin, kinuha niya ang pamigkis ni Pablo. Ginapos niya ang sarili niyang paa at mga kamay. Sinabi niya: Ganito ang sinasabi ng Banal na Espiritu: Gagapusin nang ganito ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking nagmamay-ari ng pamigkis na ito. Siya ay ibibigay nila sa kamay ng mga Gentil.
12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito kami at ang mga taga-roon, ipinamanhik namin sa kaniya na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo: Anong pakahulugan ng inyong pagtangis at pagsira ng aking kalooban? Sa pangalan ng Panginoong Jesus ako ay hindi lamang handang magapos sa Jerusalem kundi maging ang mamatay. 14 Nang hindi siya mahikayat ay tumigil na kami. Sinabi namin: Mangyari ang kalooban ng Panginoon.
15 Pagkatapos ng mga araw na ito, inihanda namin ang aming mga dalahin at umahon kami sa Jerusalem. 16 Sumama naman sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea. Isinama nila ang isang Minason na taga-Chipre. Matagal na siyang alagad at sa kaniya kami makikituloy.
Ang Pagdating ni Pablo sa Jerusalem
17 Nang dumating kami sa Jerusalem, ay masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.
18 Kinabukasan, si Pablo ay kasama naming pumunta kay Santiago. Naroon ang lahat ng mga matanda. 19 Binati sila ni Pablo. Isinalaysay niyang isa-isa ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang paglilingkod.
20 Nang marinig nila ito, niluwalhati nila ang Panginoon. Sinabi nila kay Pablo: Kapatid, nakikita mo kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya. Silang lahat ay masigasig para sa kautusan. 21 Nabalitaan nila ang patungkol sa iyo na tinuturuan mo ang lahat ng mga Judio, na nasa mga Gentil, ng pagtalikod kay Moises. Sinabi mo na huwag tuliin ang kanilang mga anak, ni mamuhay ng ayon sa mga kaugalian. 22 Anong gagawin natin? Tiyak na darating ang maraming tao at magkakatipon sapagkat mababalitaan nilang dumating ka. 23 Gawin mo nga itong sasabihin namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaking may sinumpaang panata sa kanilang sarili. 24 Isama mo sila. Dalisayiin mo ang iyong sarili kasama nila. Bayaran mo ang kanilang magugugol upang magpaahit sila ng kanilang mga ulo. Upang malaman ng lahat na hindi totoo ang mga bagay na nabalitaan nila patungkol sa iyo. At malalaman din na ikaw ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. 25 Patungkol naman sa mga Gentil na sumampalataya, sinulatan namin sila. Ipinasiya naming huwag na nilang gawin ang anumang bagay. Ang dapat nilang gawin ay lumayo sa mga bagay na inihandog sa diyos-diyosan, sa dugo, sa binigti at sa kasalanang sekswal.
26 Kaya kinabukasan pumasok si Pablo sa templo nang madalisay na niya ang kaniyang sarili, na kasama ng mga lalaking iyon. At ipinaalam niya ang kaganapan ng mga araw ng pagdadalisay. Sa panahong iyon ay magkakaroon ng handog sa bawat isa sa kanila.
Dinakip Nila si Pablo
27 Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita ng mga Judiong nanggaling sa Asya si Pablo sa loob ng templo. Ginulo nila ang lahat ng tao at hinuli nila siya.
28 Sumisigaw sila ng ganito: Mga lalaking taga-Israel, tulungan ninyo kami. Ito ang lalaking nagtuturo sa lahat kahit saan, nang laban sa mga tao, sa kautusan at laban sa dakong ito. Bukod pa rito, nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo at dinungisan itong dakong banal. 29 Ito ay sapagkat nakita nila noong una si Trofimo na taga-Efeso na kasama niya sa lungsod. Inisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.
30 Nagulo ang buong lungsod at ang mga tao ay tumakbong sama-sama. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad siya papalabas sa templo. Kaagad-agad nilang isinara ang mga pinto. 31 Ngunit nang pinagsisikapan nila siyang patayin, dumating ang balita sa pinunong-kapitan ng batalyon, na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga pinuno at sumugod sila sa kinaroroonan nila. Nang makita ng mga tao ang pinunong-kapitan at ang mga kawal, tumigil sila sa paghampas kay Pablo.
33 Nang magkagayon, nilapitan siya ng pinunong-kapitan at hinuli siya. Ipinag-utos ng kapitan na gapusin ng dalawang tanikala si Pablo. Tinanong niya kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34 Ngunit iba-iba ang isinisigaw ng mga tao sa gitna ng mga karamihan. Nang hindi niya malaman ang katotohanan dahil sa kaguluhan, iniutos niya na dalhin si Pablo sa kuwartel. 35 Nang siya ay dumating sa hagdanan, binuhat siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng maraming tao. 36 Ito ay sapagkat sinusundan siya ng maraming tao na sumisigaw: Patayin siya.
Nagsalita si Pablo sa Maraming Tao
37 Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel, sinabi niya sa pinunong-kapitan: Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?
At sinabi niya: Marunong ka bang magsalita ng Griyego?
38 Hindi ba ikaw iyong taga-Egipto na nang nakaraang araw ay gumawa ng kaguluhan? Hindi ba ikaw iyong nagdala sa ilang sa apat na libong kalalakihan na mga mamamatay-tao?
39 Ngunit sinabi ni Pablo: Ako ay Judio na taga-Tarso sa Cilicia. Isang mamamayan ng kilalang lungsod. Isinasamo ko sa iyo na pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.
40 Nang siya ay mapahintulutan na niya, tumayo si Pablo sa may hagdanan. Inihudyat niya ang kaniyang mga kamay upang patahimikin ang mga tao. Nang tumahimik na sila nang lubusan, nagsalita siya sa kanila sa wikang Hebreo.
Copyright © 1998 by Bibles International