Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 20

Ang Talinghaga Patungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan

20 Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang may-ari ng sambahayan na lumabas nang maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa sa kaniyang ubasan.

Nang nakipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denaryo sa bawat araw, sinugo na niya sila sa kaniyang ubasan.

Lumabas siya nang mag-iikatlong oras na at nakita niya ang iba na nakatayo sa pamilihang dako na walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila: Pumunta rin naman kayo sa ubasan at kung ano ang nararapat, ibibigay ko sa inyo. Pumunta ngasila.

Lumabas siyang muli nang mag-iikaanim at mag-iikasiyam na ang oras at gayundin ang ginawa. Nang mag-ikalabing-isang oras na, lumabas siya at natagpuan ang iba na nakatayo at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila: Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?

Sinabi nila sa kaniya: Ito ay sapagkat walang sinumang umupa sa amin.

Sinabi niya sa kanila:Pumunta rin naman kayo sa aking ubasan.Anuman ang nararapat, iyon ang tatanggapin ninyo.

Nang magtatakip-silim na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala: Tawagin mo ang mga manggagawa. Ibigay mo sa kanila ang kanilang mga upa, mula sa mga huli hanggang sa mga una.

Paglapit ng mga dumating ng mag-iikalabing-isang oras, tumanggap ng isang denaryo ang bawat isa. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang sila ay tatanggap ng higit pa. Ngunit sila ay tumanggap din ng tig-iisang denaryo. 11 Nang matanggap na nila ito, nagbulung-bulungan sila laban sa may-ari ng sambahayan. 12 Sinabi nila: Ang mga huling ito ay isang oras lamang gumawa at ipinantay mo sa amin na nagbata ng hirap at init sa maghapon.

13 Sumagot siya sa isa sa kanila: Kaibigan, wala akong ginawang kamalian sa iyo. Hindi ba nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang ganang sa iyo at lumakad ka na. Ibig kong bigyan itong huli nang gaya ng ibinigay ko sa iyo. 15 Hindi ba nararapat lamang na gawin ko ang ibig kong gawin sa aking ari-arian?Tinitingnan ba ninyo ako nang masama dahil ako ay mabuti?

16 Kaya nga, ang mga huli ay mauuna at ang mga una ay mahuhuli sapagkat marami ang mga tinawag ngunit kakaunti ang mga pinili.

Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

17 Nang umaahon si Jesus patungong Jerusalem, isinama niya ang labindalawang alagad. Sa daan, ibinukod niya sila at sinabi:

18 Narito, tayo ay aahon sa Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga pinunong-saserdote at sa mga guro ng kautusan. Hahatulan nila siya ng kamatayan. 19 Ibibigay siya sa mga Gentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.

Ang Kahilingan ng Isang Ina

20 Nang magkagayon, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak ni Zebedeo kasama ang kaniyang mga anak na lalaki, na sumasamba at may hinihingi sa kaniya.

21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ano ang ibig mo?

Sinabi niya sa kaniya: Sabihin mo na ang dalawang kong anak ay maupo sa iyong kanan at sa iyong kaliwa, sa iyong paghahari.

22 Ngunit sumagot si Jesus: Hindi mo nalalaman kung ano ang iyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang sarong malapit ko nang iinuman? Mababawtismuhan ba kayo ng bawtismong ibabawtismo sa akin?

Sinabi nila sa kaniya: Kaya namin.

23 Sinabi niya sa kanila: Makakainom kayo sa aking saro at mababawtismuhan ng bawtismong ibinawtismo sa akin. Ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagkakaloob. Ito ay ipagkakaloob sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.

24 Nang marinig ito ng sampu, lubha silang nagalit sa magkapatid. 25 Ngunit tinawag sila ni Jesus at sinabi: Nalalaman ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay namumuno na may pagkapanginoon sa kanila. Sila na mga dakila ang may malaking kapamahalaan sa kanila. 26 Ngunit hindi dapat maging gayon sa inyo. Sa halip, ang sinumang ibig maging dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 27 Sinumang ibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo. 28 Maging katulad siya ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng kaniyang buhay na pantubos sa marami.

Nakakita ang Dalawang Bulag

29 Nang sila ay papalabas sa Jerico, sumunod sa kaniya ang napakaraming tao.

30 Narito, may dalawang lalaking bulag ang nakaupo sa tabi ng daan. Nang narinig nilang dumadaan si Jesus, sumigaw sila na sinasabi: O Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!

31 Sinaway sila ng napakaraming tao upang tumahimik ngunit lalo pa silang sumigaw na sinasabi: O Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!

32 Huminto si Jesus, at tinawag sila at sinabi: Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?

33 Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, ibig naming makakita.

34 Kaya, nahabag si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakita at sumunod sa kaniya.

Gawa 20

Ang Pagdaan sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos na mapatigil ang kaguluhang ito, ipina­tawag ni Pablo ang mga alagad. Nagpaalam siyasa kanila at siya ay umalis patungong Macedonia.

Nang makarating na siya sa mga dakong iyon, pinalakas niya ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng mga salita. At siya ay dumating sa Grecia. Tatlong buwan siyang nanatili roon. Nagkasabwatan na ang mga Judio laban sa kaniya at nang siya ay maglalayag na sa Siria, pinagpasiyahan niyang bumalik na dadaan sa Macedonia. Sinamahan siya hanggang sa Asya ng mga taong ito: Si Sopatro na taga-Berea, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, sina Gayo at Timoteo na mga taga-Derbe, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asya. Nauna sila at hinintay kami sa Troas. Naglayag kami mula sa Filipos pagkatapos ng kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa. Nakarating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw at nanatili kami roon ng pitong araw.

Doon sa Troas, Si Eutico ay Ibinangon Mula sa mga Patay

Nang unang araw ng sanlinggo, ang mga alagad ay nagkakatipun-tipon upang magputul-putol ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila dahil siya ay papaalis na kinabukasan. Tumagal ang kaniyang pangangaral hanggang hatinggabi. May­roong maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagkaka­tipunan nila. May nakaupo sa bintana na isang binatang nagngangalang Eutico. Dahil antok na antok na siya, nakatulog siya nang mahimbing. Sa kahabaan ng pangangaral ni Pablo at sa kaniyang mahimbing na pagkatulog, nahulog siya mula sa ikatlong palapag. Patay na nang siya ay damputin. 10 Nanaog si Pablo at dumapa sa ibabaw niya. Niyakap siya at sinabi: Huwag kayong magkagulo, sapagkat nasa kaniya pa ang kani­yang buhay. 11 Siya nga ay muling pumanhik at pinagputul-putol ang tinapay at kumain. Pagkatapos nito, nagsalita pa siya ng mahaba sa kanila hanggang sa sumikat na ang araw at pagkatapos ay umalis na siya. 12 At iniuwi nilang buhay ang binata at lubos silang naaliw.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Matatanda sa Efeso

13 Kami ay nauna sa barko at naglayag patungong Asos upang doon isakay si Pablo. Ito ang bilin niya dahil ibig niyang maglakad.

14 Nang sinalubong niya kami sa Asos, isinakay na namin siya, at kami ay pumunta sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon, kinabukasan ay sumapit kami sa tapat ng Quio. Kinabukasan, dumating kami sa Samos at nanatili kami sandali sa Trogilium. Kinabukasan, dumating kami sa Mileto. 16 Ipina­siya ni Pablo na lampasan ang Efeso dahil ayaw niyang gumugol ng panahon sa Asya. Siya ay nagmamadali sapagkat ninanais niya hanggat maaari, na siya ay naroroon sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

17 Mula sa Mileto ay nagsugo siya sa Efeso. Ipinatawag niya ang mga matanda sa iglesiya. 18 Nang makarating ang mga ito sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa kanila: Nalalaman ninyo simula pa sa unang araw na tumungtong ako sa Asya kung papaano ako namuhay kasama ninyo sa buong panahon. 19 Ako ay naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapa­kumbaba ng isip at ng maraming luha. Dumaan ako sa mga mabigat na pagsubok dahil sa mga sabwatan ng mga Judio. 20 Nalalaman ninyo na wala akong ipinagkait na anumang bagay na mapapakinabangan ninyo. Nagturo ako sa inyo ng hayagan at sa bahay-bahay. 21 Pinatototohanan ko sa mga Judio at sa mga Griyego ang pagsisisi sa Diyos at pananam­palataya sa ating Panginoong Jesucristo.

22 Ngayon, narito, ako ay nabibigatan sa espiritu na pumunta sa Jerusalem. Hindi ko alam ang mga bagay na mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko, sa bawat lungsod ay pinatotohanan ng Banal na Espiritu, na sinasabing ang mga tanikala at mga paghihirap ang naghihintay sa akin. 24 Ngunit hindi ko inaalala ang mga bagay na iyon ni hindi ko itinuturing ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga. Nang sa gayon ay matapos ko ang aking takbuhin na may kagalakan at ang paglilingkod na tinanggap ko sa Panginoong Jesus upang magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

25 Ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat na nalibot ko, upang pangaralan sa paghahari ng Diyos, ay hindi na muli pang makakakita ng aking mukha. 26 Kaya ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito, na wala akong pananagutan sa dugo ng lahat ng tao. 27 Ito ay sapagkat hindi ako nagkulang na ipangaral sa inyo ang buong kalooban ng Diyos. 28 Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang iglesiya ng Diyos na binili niya ng sarili niyang dugo. 29 Ito ay sapagkat nalalaman ko ito, na sa pag-alis ko ay papasukin kayo ng mga mabagsik na lobo na walang patawad na sisila sa kawan. 30 Titindig mula sa mga kasamahan ninyo ang mga lalaking magsasalita ng mga bagay na lihis. Ang layunin nila ay upang ilayo ang mga alagad para sumunod sa kanila. 31 Kaya nga, magbantay kayo. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw ay hindi ako tumitigil ng pagbibigay babala sa bawat isa sa inyo na may mga pagluha.

32 Ngayon mga kapatid, inihahabilin ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang biyaya. Ito ang makapagpapatibay at makapagbibigay sa inyo ng mana, kasama ang lahat ng pinaging-banal. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o ang pananamit ng sinuman. 34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay gumawa para sa aking mga pangangailangan at ng aking mga kasamahan. 35 Nagpakita ako ng halimbawa sa inyo sa lahat ng mga bagay. Sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong sumaklolo sa mahihina. Dapat ninyong alalahanin ang salita ng Panginoong Jesus na siya rin ang maysabi: Lalo pang pinagpala ang magbigay kaysa tumanggap.

36 Nang masabi niya ang lahat ng mga ito, lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Silang lahat ay tumangis na mainam. Niyakap nila si Pablo ng buong pagmamahal. 38 Ang lubha nilang ikinahapis ay ang sinabi niyang hindi na nila muling makikita ang kaniyang mukha. At inihatid nila siya sa barko.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International