Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 21

Ang Pagsilang ni Isaac

21 Ngayon, inalala ng Panginoon si Sara ayon sa kanyang ipinangako. Nagbuntis si Sara at nanganak ng lalaki kahit matanda na si Abraham. Isinilang ang sanggol sa panahon na sinabi noon ng Dios. Pinangalanan ni Abraham ang sanggol na Isaac.

Nang walong araw na ang sanggol, tinuli siya ni Abraham ayon sa iniutos sa kanya ng Dios. Nang ipinanganak si Isaac, 100 taong gulang na si Abraham. Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Dios, at kahit sinong makarinig ng tungkol sa nangyari sa akin ay matatawa rin. Sino kaya ang makapagsasabi kay Abraham na makakapagpasuso pa ako ng sanggol? Pero nagkaanak pa ako kahit matanda na siya.”

Lumaki si Isaac, at nang araw na naawat na siya sa pagsuso sa kanyang ina, nagdaos si Abraham ng isang malaking handaan.

Pinalayas si Hagar at si Ishmael

Isang araw, nakita ni Sara na tinutukso ni Ishmael si Isaac. (Si Ishmael ay anak ni Abraham kay Hagar na Egipcio.) 10 Kaya sinabi ni Sara kay Abraham, “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac.” 11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham dahil anak din niya si Ishmael. 12 Pero sinabi ng Dios sa kanya, “Hindi mo dapat ikalungkot ang tungkol kay Ishmael at kay Hagar. Sundin mo ang sinabi ni Sara, dahil kay Isaac magmumula ang mga lahi na aking ipinangako. 13 At tungkol naman kay Ishmael, bibigyan ko rin siya ng maraming lahi at magiging isang bansa rin sila, dahil anak mo rin siya.”

14 Kinabukasan, maagang kumuha si Abraham ng pagkain at tubig na nakalagay sa sisidlang-balat, at inilagay niya ito sa balikat ni Hagar. Pagkatapos, umalis si Hagar kasama ang kanyang anak. Naglakbay sila sa ilang ng Beersheba na hindi alam kung saan sila pupunta. 15 Nang naubos na ang kanilang tubig, iniwan niya ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga mababang punongkahoy 16 at lumakad siya na may layong mga 100 metro mula sa kanyang anak. Doon siya umupo at umiiyak na nagsabi sa kanyang sarili, “Hindi ko matitiis na pagmasdan ang kamatayan ng anak ko.”

17 Ngayon, narinig ng Dios ang iyak ng bata. Kaya sinabi ng anghel ng Dios kay Hagar mula roon sa langit, “Ano ang gumugulo sa iyo Hagar? Huwag kang matakot; narinig ng Dios ang iyak ng anak mo. 18 Tumayo ka at ibangon mo ang bata, dahil gagawin kong malaking bansa ang kanyang mga lahi.” 19 Pagkatapos, may ipinakita ang Dios sa kanya na isang balon. Pumunta siya roon at nilagyan ng tubig ang sisidlan niya. Pagkatapos, pinainom niya ang kanyang anak.

20-21 Hindi pinabayaan ng Dios si Ishmael hanggang lumaki ito. Doon siya tumira sa ilang ng Paran at naging isa siyang mahusay na mamamana. Dumating ang panahon na pinapag-asawa siya ng kanyang ina sa isang Egipcio.

Ang Kasunduan nina Abraham at Abimelec

22 Nang panahong iyon,[a] pumunta si Abimelec kay Abraham kasama ang kumander ng mga sundalo niya na si Picol. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Tinutulungan ka talaga ng Dios sa lahat ng ginagawa mo. 23 Kaya, mangako ka rito sa pangalan ng Dios na hindi mo ako pagtataksilan pati na ang aking mga lahi. Ipakita mo ang kabutihan mo sa akin at sa lugar na ito na tinitirhan mo ngayon, tulad din ng ipinakita kong kabutihan sa iyo.” 24 Sumagot si Abraham, “Isinusumpa ko.”

25 Pero dumaing si Abraham kay Abimelec tungkol sa balon na inagaw ng mga alipin niya. 26 Sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sino ang gumawa niyan. Hindi mo naman ako sinabihan, at ngayon ko lang nalaman iyon.” 27 Kaya kumuha si Abraham ng mga tupa at baka, at ibinigay niya kay Abimelec. Pagkatapos, gumawa silang dalawa ng kasunduan. 28 Kumuha rin si Abraham ng pitong babaeng tupa at ibinukod ito. 29 Nagtanong si Abimelec, “Para kanino ang pitong babaeng tupa na ibinukod mo?” 30 Sumagot si Abraham, “Tanggapin mo ang pitong babaeng tupa na ito bilang katibayan na ako ang naghukay ng balong iyan.” 31 Dahil sa sumpaan nila, ang lugar na iyon ay tinawag na Beersheba.[b]

32 Pagkatapos ng sumpaan nila roon sa Beersheba, bumalik si Abimelec at si Picol sa lupain ng mga Filisteo. 33 Nagtanim si Abraham ng isang punongkahoy na tamarisko roon sa Beersheba at sumamba siya sa Panginoon, ang Dios na walang hanggan. 34 Nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo sa mahabang panahon.

Mateo 20

Ang mga Manggagawa sa Ubasan

20 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: Isang araw, maagang lumabas ang isang may-ari ng ubasan para humanap ng mga manggagawa. Nang makakita siya ng mga manggagawa, nakipagkasundo siya sa kanila na makakatanggap sila ng karampatang sahod para sa isang araw na trabaho, at pagkatapos ay pinapunta ang mga ito sa ubasan niya. Nang mga alas nuwebe na ng umaga, lumabas siyang muli at may nakita siyang mga taong walang trabaho at nakatambay lang sa may pamilihan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho. Babayaran ko kayo nang nararapat.’ Kaya pumunta ang mga ito sa ubasan. Nang bandang tanghali, muli siyang lumabas at may nakita pang ilang mga tao. Pinagtrabaho rin niya ang mga ito. Ito rin ang ginawa niya nang mga alas tres na ng hapon. Nang mag-aalas singko na ng hapon, muli na naman siyang lumabas at nakakita pa ng mga ilan na nakatambay lang. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo riyan at walang ginagawa?’ Sumagot sila, ‘Dahil wala naman pong nagbigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho.’

“Nang magtatakip-silim na, sinabi ng may-ari sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bigyan ng sahod. Unahin mo ang mga huling nagtrabaho, hanggang sa mga unang nagtrabaho.’ Dumating ang mga nagsimula nang alas singko ng hapon, at tumanggap sila ng sahod para sa isang araw na trabaho. 10 Nang dumating na ang mga naunang nagtrabaho, inakala nilang tatanggap sila ng higit kaysa sa mga huling nagtrabaho. Pero tumanggap din sila ng ganoon ding halaga. 11 Pagkatanggap nila ng sahod, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Ang mga huling dumating ay isang oras lang nagtrabaho, samantalang kami ay nagtrabaho ng buong araw at nagtiis ng init, pero pareho lang ang sahod namin!’ 13 Sinagot ng may-ari ang isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi baʼt nagkasundo tayo na bibigyan kita ng sahod para sa isang araw na trabaho? 14 Kaya tanggapin mo na ang sahod mo, at umuwi ka na. Desisyon ko na bigyan ng parehong sahod ang mga huling nagtrabaho. 15 Hindi baʼt may karapatan akong gawin ang gusto ko sa pera ko? O naiinggit lang kayo dahil mabuti ako sa kanila?’ ” 16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ganyan din ang mangyayari sa huling araw. May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”

Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

17 Habang naglalakad sina Jesus papuntang Jerusalem, inihiwalay niya ang 12 tagasunod sa mga tao. Sinabi niya sa kanila, 18 “Pupunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga hindi Judio para insultuhin, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit mabubuhay akong muli sa ikatlong araw.”

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(B)

20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”[a] Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” 23 Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”

24 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28 Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag(C)

29 Nang papaalis na sa Jerico si Jesus at ang mga tagasunod niya, sinundan sila ng napakaraming tao. 30 Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David,[b] maawa po kayo sa amin!” 31 Pero sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” 32 Tumigil si Jesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.” 34 Naawa si Jesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Jesus.

Nehemias 10

10 Ang unang pumirma ay si Gobernador Nehemias na anak ni Hakalias, at si Zedekia.

2-8 Ang mga paring pumirma ay sina Seraya, Azaria, Jeremias, Pashur, Amaria, Malkia, Hatush, Shebania, Maluc, Harim, Meremot, Obadias, Daniel, Gineton, Baruc, Meshulam, Abijah, Mijamin, Maazia, Bilgai, at Shemaya.

9-13 Ang mga Levita na pumirma ay sina Jeshua na anak ni Azania, Binui na mula sa pamilya ni Henadad, Kadmiel, Shebania, Kelita, Pelaya, Hanan, Mica, Rehob, Hashabia, Zacur, Sherebia, Shebania, Hodia, Bani, at Beninu.

14-27 Ang mga pinuno na pumirma ay sina Paros, Pahat Moab, Elam, Zatu, Bani, Buni, Azgad, Bebai, Adonia, Bigvai, Adin, Ater, Hezekia, Azur, Hodia, Hashum, Bezai, Harif, Anatot, Nebai, Magpias, Meshulam, Hezir, Meshezabel, Zadok, Jadua, Palatia, Hanan, Anaya, Hoshea, Hanania, Hashub, Halohes, Pilha, Shobek, Rehum, Hashabna, Maaseya, Ahia, Hanan, Anan, Maluc, Harim, at Baana.

Ang Kasunduan

28 Ang iba pang mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari, mga Levita, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga mang-aawit, mga utusan sa templo, at ang lahat ng nakahiwalay sa mga dayuhang nakatira sa lupain namin para sumunod sa Kautusan ng Dios, maging ang mga asawa nila at ang mga batang nakakaunawa na 29 ay nanumpa kasama ng aming mga pinuno, na aming tutuparin ang Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Nanumpa rin kami na tatanggapin namin ang sumpa ng Dios kung hindi namin matutupad ang pangakong susundin namin ang lahat ng utos at tuntunin ng Panginoon na aming Dios. 30 Nangako kami na hindi namin papayagang makapag-asawa ang mga anak namin ng mga dayuhang naninirahan sa aming lupain. 31 Nangako rin kami na hindi kami bibili kung ipagbibili ng mga dayuhan ang trigo nila o kahit anong ipinagbibili sa Araw ng Pamamahinga o sa ibang banal na araw. At tuwing ikapitong taon, hindi kami magtatanim sa aming lupain, at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.

32 Nangako pa kami na tutuparin namin ang utos na magbibigay kami bawat taon ng apat na gramong pilak para sa gawain sa templo ng aming Dios. 33 Nakalaan ito para sa tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios, sa mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na inihahandog araw-araw, sa mga handog para sa Araw ng Pamamahinga, para sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[a] at sa iba pang mga pista; maging sa iba pang mga banal na handog tulad ng handog sa paglilinis na inihahandog upang matubos ang mga mamamayan ng Israel sa kanilang mga kasalanan. Ginagamit din ang perang ito sa iba pang mga pangangailangan sa templo ng aming Dios. 34 Nagpalabunutan kaming lahat, pati ang mga pari namin at mga Levita, para malaman kung kailan magdadala ng panggatong ang bawat pamilya bawat taon para gamitin sa mga handog sa altar ng Panginoon na aming Dios, ayon sa nasusulat sa Kautusan.

35 Nangako rin kami na dadalhin namin bawat taon sa templo ng Panginoon ang unang ani ng aming bukirin at ang unang bunga ng aming mga tanim. 36 Dadalhin din namin sa mga pari na naglilingkod sa templo ng aming Dios ang aming panganay na anak na lalaki, pati ang unang anak ng aming mga baka, tupa, at kambing, ayon sa nasusulat sa Kautusan.

37 Nangako pa kami na dadalhin namin sa mga pari ang pinakamagandang klase ng aming harina at ang iba pang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, para ilagay sa bodega ng templo ng Dios. Dadalhin din namin ang pinakamabuti naming mga prutas, at ang bagong katas ng ubas at langis ng olibo. Dadalhin din namin sa mga Levita ang ikapu ng aming mga ani, dahil sila ang nangongolekta ng mga ikapu sa lahat ng baryo na may mga sakahan. Kapag mangongolekta ng ikapu ang mga Levita, 38 sinasamahan sila ng mga pari mula sa angkan ni Aaron. At ang ikapu ng nakolekta ay dadalhin ng mga Levita sa bodega ng templo ng aming Dios. 39 Ang mga Israelita, pati na ang mga Levita ay dapat magdala ng mga handog na trigo, bagong katas ng ubas at langis sa bodega kung saan nakalagay ang mga kagamitan ng templo at kung saan nakatira ang mga pari na naglilingkod, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang mga mang-aawit.

Kaya nangako kami na hindi namin pababayaan ang templo ng aming Dios.

Gawa 20

Ang Pagpunta ni Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Nang matapos na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga tagasunod ni Jesus. Pinayuhan niya sila na magpakatatag, at pagkatapos niyang magpaalam sa kanila, pumunta siya sa Macedonia. Maraming lugar ang kanyang pinuntahan sa Macedonia, at pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Pagkatapos, pumunta siya sa Grecia, at nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang bibiyahe na sana siya papuntang Syria, nalaman niya ang plano ng mga Judio na patayin siya. Kaya nagpasya siyang bumalik at sa Macedonia dumaan. Sumama sa kanya si Sopater na taga-Berea na anak ni Pyrhus, sina Aristarcus at Secundus na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tykicus at Trofimus na mga taga-Asia.[a] Pagdating namin sa Filipos, nauna sila sa amin sa Troas at doon nila kami hinintay. Pinalampas muna namin ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa bago kami bumiyahe galing sa Filipos. Limang araw ang biyahe namin at nagkita kaming muli sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.

Ang Huling Pagdalaw ni Pablo sa Troas

Nang Sabado ng gabi,[b] nagtipon kami sa paghahati-hati ng tinapay. At dahil bibiyahe si Pablo kinabukasan, nangaral siya hanggang hatinggabi. Maraming ilaw sa itaas ng silid na pinagtitipunan namin. May isang binata roon na ang pangalan ay Euticus na nakaupo sa bintana. At dahil sa haba ng pagsasalita ni Pablo, inantok siya at nakatulog nang mahimbing, at nahulog siya sa bintana mula sa pangatlong palapag. Patay na siya nang buhatin nila. 10 Pero bumaba si Pablo at dinapaan niya si Euticus at niyakap. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag kayong mag-alala, buhay siya!” 11 At bumalik si Pablo sa itaas, hinati-hati ang tinapay at kumain. Pagkatapos, nangaral pa siya hanggang madaling-araw. At saka siya umalis. 12 Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buhay, at lubos silang natuwa.

Mula sa Troas Papuntang Miletus

13 Sumakay kami ng barko papuntang Asos. Doon namin tatagpuin si Pablo, dahil sinabi niyang maglalakad lang siya papunta roon. 14 Nang magkita kami sa Asos, pinasakay namin siya at pumunta kami sa Mitilene. 15 Mula sa Mitilene, tumuloy kami sa Kios, at nakarating kami roon kinabukasan. Nang sumunod na araw, nasa Samos na kami, at makaraan ang isa pang araw ay narating namin ang Miletus. 16 Hindi kami dumaan sa Efeso, dahil ayaw ni Pablo na maggugol ng oras sa lalawigan ng Asia. Nagmamadali siya dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem bago dumating ang Araw ng Pentecostes.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Namumuno ng Iglesya sa Efeso

17 Habang nasa Miletus si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga namumuno sa iglesya na makipagkita sa kanya. 18 Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula nang dumating ako sa lalawigan ng Asia. 19 Naglingkod ako sa Panginoon nang may kapakumbabaan at pagluha.[c] Maraming kahirapan ang tiniis ko dahil sa masasamang balak ng mga Judio laban sa akin. 20 Alam din ninyo na wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikabubuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay. 21 Pinaalalahanan ko ang mga Judio at mga hindi Judio na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Dios, at sumampalataya sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Banal na Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, kahit saang lungsod ako pumunta, pinapaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na bilangguan at pag-uusig ang naghihintay sa akin. 24 Pero hindi mahalaga sa akin kung ano man ang mangyari sa akin, matapos ko lamang ang gawain na ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, na maipangaral ang Magandang Balita tungkol sa biyaya ng Dios.

25 “Napuntahan ko kayong lahat sa aking pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios, at ngayon alam kong hindi na tayo magkikita pang muli. 26 Kaya sasabihin ko sa inyo ngayon, na kung mayroon sa inyo na hindi maliligtas, wala na akong pananagutan sa Dios. 27 Sapagkat wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa buong layunin at plano ng Dios. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng mga mananampalatayang[d] pinababantayan sa inyo ng Banal na Espiritu. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Dios na kanyang tinubos sa pamamagitan ng sariling dugo. 29 Sapagkat alam kong pagkaalis koʼy may mga tagapagturo riyan na katulad ng mga lobo na papasok sa inyo at sisira sa inyong grupo. 30 Darating din ang panahon na may magtuturo ng kasinungalingan mula mismo sa inyong grupo at ililigaw nila ang mga tagasunod ni Jesus para sila ang kanilang sundin. 31 Kaya mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong sa loob ng tatlong taon, walang tigil ko kayong pinaalalahanan araw at gabi nang may pagluha.

32 “At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Dios at sa kanyang salita na tungkol sa kanyang biyaya. Makapagpapatibay ito sa inyong pananampalataya at makapagbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Dios para sa lahat ng taong itinuring niyang sa kanya. 33 Hindi ko hinangad ang inyong mga kayamanan at mga damit. 34 Alam ninyong nagtrabaho ako para matustusan ang mga pangangailangan namin ng aking mga kasamahan. 35 Ginawa ko ito upang maipakita sa inyo na sa ganitong pagsusumikap ay matutulungan natin ang mga dukha. Lagi nating alalahanin ang sinabi ng Panginoong Jesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

36 Pagkatapos magsalita ni Pablo, sama-sama silang lumuhod at nanalangin. 37 Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan. 38 Labis nilang ikinalungkot ang sinabi ni Pablo na hindi na sila magkikitang muli. Pagkatapos, inihatid nila si Pablo sa barko.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®