Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 20

Si Abraham at si Abimelec

20 Umalis sina Abraham sa Mamre at pumunta sa Negev. Doon sila tumira sa kalagitnaan ng Kadesh at Shur. Hindi nagtagal, lumipat sila sa Gerar. Habang naroon sila, ang pakilala ni Abraham kay Sara sa mga tao ay kapatid niya ito. Kaya ipinakuha si Sara ni Haring Abimelec ng Gerar.

Isang gabi, nagpakita ang Dios kay Abimelec sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi niya, “Mamamatay ka dahil kinuha mo ang babaeng iyan na may asawa na.” Pero dahil hindi pa nagagalaw ni Abimelec si Sara, sinabi niya, “Panginoon, bakit nʼyo po ako papatayin at ang mga tauhan ko? Wala po akong kasalanan. Sinabi po kasi ni Abraham na kapatid niya si Sara at sinabi rin ni Sara na kapatid niya si Abraham. Inosente po ako at wala akong masamang balak sa pagkuha kay Sara.”

Sinabi pa sa kanya ng Dios sa panaginip, “Oo, alam kong wala kang masamang balak, kaya hindi ko ipinahintulot na magalaw mo siya para hindi ka magkasala sa akin. Pero dapat mo siyang ibalik sa asawa niya dahil ang asawa niya ay isang propeta, at ipapanalangin ka niya para hindi ka mamatay. Pero kapag hindi mo siya naibalik, binabalaan kita na mamamatay ka pati ang lahat ng tauhan mo.”

Kinabukasan, maagang ipinatawag ni Abimelec ang lahat ng opisyal niya at sinabi sa kanila ang tungkol sa kanyang panaginip. At labis silang natakot. Pagkatapos, ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Ano ang ginawa mong ito sa amin? Ano ba ang kasalanan ko sa iyo na inilagay mo sa kapahamakan ang buong kaharian ko? Hindi tama ang ginawa mo. 10 Bakit mo ito ginawa?” 11 Sumagot si Abraham, “Akala ko po wala ni isa man dito na gumagalang sa Dios, kaya naisip ko na baka patayin nʼyo ako para makuha nʼyo ang asawa ko. 12 Totoo po na magkapatid kami, pero sa ama lang at hindi sa ina; at napangasawa ko po siya. 13 Nang sinabihan po ako ng Dios na umalis sa tahanan ng aking ama, sinabi ko kay Sara na ipakilala niya na magkapatid kami kahit saan kami pumunta. Sa ganito pong paraan, maipapakita niya ang pagmamahal niya sa akin.”

14 Ibinalik ni Abimelec si Sara kay Abraham, at binigyan pa niya si Abraham ng mga tupa, baka, at mga aliping babae at lalaki. 15 Pagkatapos, sinabi niya kay Abraham, “Payag akong patirahin kayo sa aking lupain. Tumira kayo kahit saan ninyo gusto.” 16 Sinabi rin niya kay Sara, “Bibigyan ko ang kapatid mo ng 1,000 pirasong pilak bilang katibayan sa lahat ng kasamahan ninyo na hindi kita nagalaw at para hindi sila mag-isip na nakagawa ka ng masama.”

17-18 Dahil sa pagkuha kay Sara, niloob ng Panginoon na hindi magkakaanak ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec. Kaya nanalangin si Abraham sa Dios, at pinagaling ng Dios ang asawa ni Abimelec at ang mga alipin niyang babae para muli silang magkaanak. Pinagaling din ng Dios si Abimelec sa kanyang karamdaman.

Mateo 19

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(A)

19 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa lalawigan ng Judea sa kabila ng Ilog ng Jordan. Maraming tao ang sumunod sa kanya at pinagaling niya sila sa kanilang mga sakit.

May mga Pariseong pumunta sa kanya para hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?” Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan na sa simula pa lang, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae?’[a] ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[b] Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.” Nagtanong uli ang mga Pariseo, “Pero bakit sinabi ni Moises na pwedeng hiwalayan ng lalaki ang asawa niya, bastaʼt bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay?”[c] Sumagot si Jesus sa kanila, “Ipinahintulot ito ni Moises sa inyo dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit hindi iyan ang layunin ng Dios mula sa simula. Kaya sinasabi ko sa inyo, kung hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, at pagkatapos ay mag-asawa ng iba, nagkasala siya ng pangangalunya. [At ang nag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.]”

10 Sinabi ng mga tagasunod ni Jesus, “Kung ganyan po pala ang panuntunan sa pag-aasawa, mabuti pang huwag na lang mag-asawa.” 11 Sumagot si Jesus, “Hindi matatanggap ng lahat ang turong ito, maliban na lang sa mga taong pinagkalooban nito. 12 May ibaʼt ibang dahilan kung bakit ang ilan ay hindi nag-aasawa. May iba na ipinanganak na sadyang baog. Ang ibaʼy hindi makakapag-asawa dahil sinadyang kapunin. At may iba naman ay ayaw mag-asawa dahil sa pagpapahalaga nila sa kaharian ng Dios. Kung kaya ng sinuman na hindi mag-asawa, huwag na siyang mag-asawa.”

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(B)

13 May mga taong nagdala ng maliliit na bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Pero sinaway sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios.” 15 Ipinatong nga niya ang kanyang kamay sa mga bata at pinagpala niya sila, at pagkatapos nito ay umalis siya.

Ang Lalaking Mayaman(C)

16 May isang lalaki naman na lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po ba ang mabuti kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 Sumagot si Jesus, “Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Dios. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” 18 “Alin po sa mga ito?” tanong ng lalaki. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, 19 igalang mo ang iyong ama at ina,[d] at mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[e] 20 Sinabi ng binata, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan. Ano pa po ba ang kulang sa akin?” 21 Sumagot si Jesus, “Kung nais mong maging ganap sa harap ng Dios, umuwi ka at ipagbili ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nang marinig iyon ng binata, umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya. 23 Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, napakahirap para sa isang mayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 24 Mas madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 25 Nabigla ang mga tagasunod nang marinig nila ito, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible.”

27 Nagsalita si Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat para sumunod sa inyo. Ano po ang mapapala namin?” 28 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang araw na babaguhin ng Dios ang mundo, at ako na Anak ng Tao ay uupo sa aking trono. At kayong mga tagasunod ko ay uupo rin sa 12 trono upang husgahan[f] ang 12 lahi ng Israel. 29 At ang sinumang nag-iwan ng kanyang bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin ay tatanggap ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan. 30 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”

Nehemias 9

Ipinahayag ng mga Israelita ang Kanilang mga Kasalanan

Nang ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita para mag-ayuno. Nagdamit sila ng sako at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo.[a] Hindi nila isinama sa pag-aayuno ang mga dayuhan. Tumayo sila at ipinahayag ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. Nakatayo sila sa loob ng tatlong oras habang binabasa sa kanila ang Kautusan ng Panginoon na kanilang Dios. At sa loob din ng tatlong oras, ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sumamba sa Panginoon na kanilang Dios. Ang ibang mga Levita ay nakatayo sa hagdanan, at malakas na nananalangin sa Panginoon na kanilang Dios. Sila ay sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Shebania, Buni, Sherebia, Bani, at Kenani. At ang mga Levita na tumawag sa mga tao para sumamba ay sina: Jeshua, Kadmiel, Bani, Hashabneya, Sherebia, Hodia, Shebania, at Petahia. Sabi nila, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon na inyong Dios na walang hanggan!”[b]

Pagkatapos, sinabi nila,O Panginoon, kapuri-puri po ang inyong pagiging makapangyarihan! Hindi ito mapapantayan ng aming pagpupuri. Ikaw lang po ang Panginoon. Ginawa nʼyo ang kalangitan, ang lupa, ang dagat, at ang lahat ng mga naroroon. Binigyan nʼyo po ng buhay ang lahat ng inyong nilikha, at sinasamba kayo ng mga anghel sa langit.

“Kayo ang Panginoong Dios na pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur, na sakop ng mga Caldeo. At pinangalanan nʼyo siyang Abraham. Nakita nʼyong tapat siya sa inyo, at gumawa kayo ng kasunduan sa kanya na ibibigay nʼyo sa mga lahi niya ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at ng mga Gergaseo. At tinupad po ninyo ang pangako nʼyo, dahil matuwid kayo.

“Nakita nʼyo po ang pagtitiis ng aming mga ninuno sa Egipto. Narinig nʼyo ang paghingi nila ng tulong sa inyo noong naroon sila sa Dagat na Pula. 10 Gumawa kayo ng mga himala at kamangha-manghang bagay laban sa Faraon, at sa lahat ng mga opisyal niya at tauhan, dahil nalalaman nʼyo kung paano nila inapi ang aming mga ninuno. At ang inyong pangalan ay tanyag hanggang ngayon. 11 Sa harap ng inyong mga mamamayan ay hinati ninyo ang dagat at sa gitna nitoʼy dumaan sila sa tuyong lupa. Ngunit nilunod nʼyo ang mga kalaban nilang humahabol sa kanila. Para silang bato na lumubog sa nagngangalit na dagat. 12 Sa araw, ginagabayan nʼyo ang inyong mga mamamayan sa pamamagitan ng ulap na parang haligi, at sa gabiʼy sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, para bigyan sila ng liwanag sa kanilang nilalakaran.

13 “Bumaba kayo sa Bundok ng Sinai mula sa langit at nakipag-usap kayo sa kanila. Binigyan nʼyo sila ng mga tamang katuruan, mabubuting utos at ng mga tuntunin. 14 Itinuro nʼyo sa kanila ang tungkol sa dapat nilang gawin sa Araw ng Pamamahinga. At inutusan nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises, na tuparin ang mga utos nʼyo, mga tuntunin, at mga katuruan. 15 Nang magutom sila, binigyan nʼyo sila ng pagkain mula sa langit, at nang mauhaw ay pinainom nʼyo ng tubig mula sa bato. Sinabihan nʼyo silang pasukin at angkinin ang lupaing pangako na ibinigay ninyo sa kanila. 16 Ngunit sila na aming mga ninuno ay naging mapagmataas, matigas ang ulo, at masuwayin sa inyong mga utos. 17 Ayaw nilang makinig sa mga sinasabi nʼyo, at kinalimutan lang ang mga himalang ginawa ninyo sa kanila. Naging matigas ang kanilang ulo, at sumalungat sila sa inyong pamamaraan sa pamamagitan ng pagpili ng pinuno na magdadala sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto. Ngunit kayo ay mapagpatawad na Dios, mahabagin, maalalahanin, hindi madaling magalit, at mapagmahal. Kaya hindi nʼyo po sila pinabayaan, 18 kahit gumawa sila ng imaheng baka, at nagsabi, ‘Ito ang dios nating nagpalaya at nagpalabas sa atin sa Egipto.’ Lubos ang paglapastangan nila sa inyo! 19 Ngunit dahil sa dakilang habag ninyo sa kanila, hindi nʼyo po sila pinabayaan sa ilang. Hindi nʼyo kinuha ang makapal na ulap na gumagabay sa kanila kapag araw, at ang naglalagablab na apoy na nagbibigay liwanag sa nilalakaran nila kapag gabi. 20 Ibinigay nʼyo po ang mabuting Espiritu ninyo sa pagtuturo sa kanila. Patuloy nʼyo silang pinakain ng ‘manna,’ at binigyan ng tubig kapag nauuhaw sila. 21 Ibinibigay nʼyo po sa kanila ang mga pangangailangan nila sa loob ng 40 taon sa ilang, kaya hindi sila nagkulang ng anuman. Hindi naluma ang mga damit nila at hindi rin namaga ang mga paa nila sa paglalakad.

22 “Pinagtagumpay nʼyo sila laban sa mga kaharian, mga bansa, at ang mga lupain sa paligid nila. Sinakop nila ang lupain ng Heshbon na pinamamahalaan ni Haring Sihon, at ang lupain ng Bashan na pinamamahalaan ni Haring Og. 23 Pinarami nʼyo ang kanilang mga lahi, katulad ng mga bituin sa langit. Dinala nʼyo sila sa lupaing ipinangako nʼyo sa kanilang mga ninuno para pasukin at angkinin. 24 Talagang pinasok nila ito at inangkin. Pinagtagumpay nʼyo po sila laban sa mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon. Ipinaubaya nʼyo sa kanila ang mga Cananeo pati ang mga hari nila para magawa ng inyong mga mamamayan ang gusto nilang gawin sa mga ito. 25 Sinakop po ng mga mamamayan ninyo ang mga napapaderang lungsod at ang matatabang lupain. Inangkin din po nila ang mga bahay na punong-puno ng magagandang bagay, mga balon, mga ubasan, mga taniman ng olibo at napakarami pang ibang punongkahoy na namumunga. Kumain sila hanggang sa mabusog sila at naging malusog ang kanilang katawan. Nagalak sila sa napakabuting ginawa ninyo sa kanila.

26 “Pero sa kabila ng lahat, sumuway at lumabag po sila sa inyo. Tinalikuran nila ang inyong Kautusan, pinatay nila ang inyong mga propeta na nanghikayat sa kanilang magbalik sa inyo. Labis ang paglapastangan nila sa inyo! 27 Kaya ipinaubaya nʼyo po sila sa kanilang mga kalaban na nagpahirap sa kanila. Pero nang nahihirapan na sila, humingi sila ng tulong sa inyo at pinakinggan nʼyo pa rin sila riyan sa langit. At sa laki ng inyong habag, binigyan nʼyo sila ng mga pinuno na magliligtas sa kanila sa kamay ng kanilang kalaban.

28 “Pero kapag mabuti na ang kalagayan nila, gumagawa na naman sila ng masama sa inyong harapan. At ipapaubaya nʼyo sila sa kamay ng mga kalaban nila para pamunuan sila. At kapag nanalangin na naman sila para humingi ng tulong nʼyo, pinapakinggan nʼyo sila riyan sa langit. At sa inyong habag, palagi nʼyo silang inililigtas. 29 Pinaalalahanan nʼyo po sila na tumupad muli sa inyong Kautusan, pero naging mapagmataas sila at hindi nila tinupad ang inyong mga utos. Nagkasala sila laban sa inyong mga utos na nagbibigay ng totoong buhay sa tumutupad nito. Sa katigasan ng kanilang mga ulo tumalikod sila sa inyo, at ayaw nilang makinig sa inyo. 30 Sa napakaraming taon, tiniis ninyo sila at pinaalalahanan ng Espiritu ninyo sa pamamagitan ng mga propeta. Pero hindi nila ito pinansin, kaya ipinaubaya nʼyo sila sa mga mamamayang nasa paligid nila. 31 Ngunit dahil sa laki ng inyong habag, hindi nʼyo sila pinabayaan o lubos na ipinahamak, dahil mahabagin at maalalahanin kayo, O Dios.

32 “Kayo na aming Dios ay makapangyarihan at tunay na kamangha-mangha. Tinutupad po ninyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ang inyong pag-ibig. Ngayon, huwag po ninyong balewalain ang aming mga pagtitiis. Nagtiis kaming lahat na inyong mamamayan, pati ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at mga ninuno, mula pa ng panahong pinahirapan kami ng mga hari ng Asiria hanggang ngayon. 33 Matuwid ang ginawa nʼyong paghatol sa amin. Matapat kayo sa amin, pero kami ay mga makasalanan. 34 Ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, at mga ninuno ay hindi tumupad sa inyong Kautusan. Hindi pinansin ang inyong mga utos at mga babala. 35 Kahit mayroon silang sariling kaharian, at nakakaranas ng labis ninyong kabutihan, at kahit binigyan nʼyo sila ng malawak at matabang lupain, hindi pa rin sila naglingkod sa inyo at hindi tumalikod sa masama nilang pag-uugali. 36 Ito po ang dahilan kaya kamiʼy mga alipin ngayon sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa aming mga ninuno, kung saan makakakain sila ng mga ani nito at ng iba pang mabubuting produkto nito. 37 Ang masaganang ani ng mga lupain ay napupunta sa mga hari na pinaghari nʼyo sa amin dahil sa aming mga kasalanan. Ginagawa nila ang gusto nilang gawin sa amin at sa mga alaga naming hayop, at sobra-sobra ang aming pagtitiis.”

Gumawa ng Kasunduan ang mga Tao

38 “Dahil dito, kami pong mga Judio ay gumawa ng isang matibay na kasunduan. Isinulat ito at pinirmahan ng aming mga pinuno, mga pari, at mga Levita.”

Gawa 19

Ang Pangatlong Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero

19 Habang nasa Corinto si Apolos, pumunta si Pablo sa mga bulubunduking lugar ng lalawigan hanggang sa nakarating siya sa Efeso. May nakita siyang mga tagasunod doon. Tinanong niya sila, “Natanggap nʼyo na ba ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?” Sumagot sila, “Hindi nga namin narinig na may tinatawag na Banal na Espiritu.” Nagtanong si Pablo sa kanila, “Sa anong bautismo kayo binautismuhan?” Sumagot sila, “Sa bautismo ni Juan.” Sinabi ni Pablo sa kanila, “Ang bautismo ni Juan ay para sa mga taong nagsisisi sa kanilang kasalanan. Ngunit sinabi rin ni Juan sa mga tao na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, na walang iba kundi si Jesus.” Nang marinig nila ito, binautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. At nang ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Dios. Labindalawang lalaki silang lahat.

Sa loob ng tatlong buwan, patuloy ang pagpunta ni Pablo sa sambahan ng mga Judio. Hindi siya natatakot magsalita sa mga tao. Nakipagdiskusyon siya at ipinaliwanag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios. Pero ang iba sa kanilaʼy matigas talaga ang ulo at ayaw maniwala, at siniraan nila sa publiko ang pamamaraan ni Jesus. Kaya umalis si Pablo sa kanilang sambahan kasama ang mga tagasunod ni Jesus, at araw-araw ay pumupunta siya sa paaralan ni Tyranus para ipagpatuloy ang pakikipagdiskusyon sa harap ng madla. 10 Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Judio at hindi Judio ay nakarinig ng salita ng Dios.

11 Maraming pambihirang himala ang ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Pablo. 12 Kahit mga panyo at mga epron na ginagamit niya ay dinadala sa mga may sakit at gumagaling sila, at lumalabas din ang masasamang espiritu. 13 May ilang mga Judio roon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus para palabasin ang masasamang espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!” 14 Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva. Si Esceva ay isa sa mga namamahalang pari. 15 Sinusubukan nilang palabasin ang masamang espiritu sa pangalan ni Jesus. Pero sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, ganoon din si Pablo, pero sino naman kayo?” 16 At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamang espiritu at sinaktan. Wala silang magawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan. 17 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng lahat ng Judio at mga hindi Judio na nakatira roon sa Efeso. Natakot sila, at lalo pang naparangalan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumasampalataya ang lumapit at nagtapat ng kanilang masasamang gawain. 19 At marami ring mga salamangkero ang nagdala ng kanilang aklat at sinunog nila mismo ang mga ito sa harap ng lahat. Ang halaga ng mga aklat na sinunog ay umabot ng ilang milyon. 20 Dahil sa pangyayaring ito, lalo pang lumaganap ang kapangyarihan ng salita ng Dios.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring iyon, nagpasya si Pablo na dumaan muna sa Macedonia at sa Acaya bago pumunta sa Jerusalem. At ayon sa kanya, kailangan din niyang puntahan ang Roma pagkagaling sa Jerusalem. 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawang tumutulong sa kanya sa gawain ng Dios na sina Timoteo at Erastus, at siyaʼy nagpaiwan muna sa lalawigan ng Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa Efeso dahil ayaw pumayag ng iba na magturo ang mga mananampalataya tungkol sa pamamaraan ni Jesus.

24 May isang platero roon[a] na nagngangalang Demetrius. Gumagawa siya at ang kanyang mga tauhan ng maliliit na templong yari sa pilak na iginaya sa templo ni Artemis na kanilang diosa, at itoʼy pinagkakakitaan nila nang malaki. 25 Kaya ipinatawag niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga platero. At sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, alam ninyong umaasenso tayo sa ganitong klaseng hanapbuhay. 26 Nakita ninyo at narinig ang ginagawa ng taong si Pablo. Sinasabi niya na ang mga dios na ginagawa ng tao ay hindi totoong mga dios. Marami ang naniwala sa kanya rito sa Efeso at sa buong lalawigan ng Asia. 27 Kaya nanganganib ang ating hanapbuhay, dahil baka masamain ito ng mga tao. At hindi lang iyan, nanganganib din ang templo ng ating dakilang diosang si Artemis, dahil baka mawalan na ito ng saysay, at hindi na kikilalanin ng mga tao ang diosa na sinasamba hindi lang dito sa Asia kundi maging sa buong mundo.”

28 Nang marinig ito ng mga tao, galit na galit sila at nagsigawan, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” 29 At ang kaguluhan ay kumalat sa buong lungsod. Hinuli nila ang mga kasama ni Pablo na sina Gaius at Aristarcus na mga taga-Macedonia. Pagkatapos, sama-sama silang nagtakbuhan sa lugar na pinagtitipunan ng mga tao habang kinakaladkad nila ang dalawa. 30 Nais sana ni Pablo na magsalita sa mga tao, pero pinigilan siya ng mga tagasunod ni Jesus. 31 Maging ang ilang mga opisyal ng lalawigan ng Asia na mga kaibigan ni Pablo ay nagpasabi na huwag siyang pumunta sa pinagtitipunan ng mga tao.

32 Lalo pang nagkagulo ang mga tao. Ibaʼt iba ang kanilang mga isinisigaw, dahil hindi alam ng karamihan kung bakit sila naroon. 33 May isang tao roon na ang pangalan ay Alexander. Itinulak siya ng mga Judio sa unahan para magpaliwanag na silang mga Judio ay walang kinalaman sa mga ginagawa nina Pablo. Sinenyasan niya ang mga tao na tumahimik. 34 Nang malaman ng mga tao na isa siyang Judio, sumigaw silang lahat, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” Dalawang oras nilang isinisigaw ang ganoon.

35 Nang bandang huli, napatahimik din sila ng namumuno sa lungsod. Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayang taga-Efeso, alam ng lahat ng tao na tayong mga taga-Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ni Artemis na makapangyarihan at ng sagradong bato na nahulog mula sa langit. 36 Hindi ito maikakaila ninuman. Kaya huminahon kayo, at huwag kayong pabigla-bigla. 37 Dinala ninyo rito ang mga taong ito kahit hindi naman nila ninakawan ang ating templo o nilapastangan ang ating diosa. 38 Kung si Demetrius at ang kanyang mga kasamang platero ay may reklamo laban kaninuman, may mga korte at mga hukom tayo. Dapat doon nila dalhin ang kanilang mga reklamo. 39 Pero kung may iba pa kayong reklamo, iyan ay kinakailangang ayusin sa opisyal na pagtitipon ng taong-bayan. 40 Sa ginagawa nating ito, nanganganib tayong maakusahan ng mga opisyal ng Roma ng panggugulo. Wala tayong maibibigay na dahilan kung bakit natin ginagawa ito.” 41 Pagkatapos niyang magsalita, pinauwi niya ang mga tao.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®