Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 18

Sino ang Pinakadakila?

18 Nang oras na iyon, lumapit ang mga alagad kay Jesus na sinasabi: Sino ang pinakadakila sa paghahari ng langit?

Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at inilagay sa kalagitnaan nila. Sinabi niya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay magbago at tumulad sa maliliit na bata, hindi kayo makakapasok sa paghahari ng langit. Kaya nga, ang sinumang magpapakumbaba katulad ng maliit na batang ito ay siyang pinakadakila sa paghahari ng langit.

Sinumang tumanggap sa isa sa maliit na batang katulad nito sa aking pangalan, ako ang tinatanggap. Ngunit ang sinumang maging katitisuran sa isa sa mga maliliit na ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian ng malaking gilingang bato ang kaniyang leeg at itapon sa dagat.

Mga Kadahilanan ng Pagkatisod

Sa aba ng sangkatauhan dahil sa mga katitisuran. Ito ay sapagkat kailanman ay hindi mawawala ang mga kadahilanan ng pagkatisod.Ngunit sa aba ng taong pinanggalingan ng pagkatisod.

Kaya nga, kung ang iyong kamay o ang iyong paa ang makakapagpatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Higit pang mabuti para sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw o pilay kaysa may dalawang kamay o dalawang paa, ngunit ihahagis naman sa apoy na walang hanggan. Kung ang iyong mata ang makakapagpatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Higit pang mabuti para sa iyo ang pumasok sa buhay na mayisang mata, kaysa may dalawang mata, ngunit ihahagis naman sa apoy ng impiyerno.

Ang Talinghaga ng Tupang Nawawala

10 Ingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: Ito ay sapagkat ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama na nasa langit.

11 Ito ay sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawawala.

12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may isangdaang tupa at ang isa sa mga ito ay naligaw, hindi ba niya iiwanan ang siyamnapu’t siyam at aakyat sa mga bundok at hahanapin ang naligaw? 13 Kapag natagpuan niya ito, sinasabi ko sa inyo ang totoo: Higit niyang ikagagalak ang patungkol sa natagpuang tupang naligaw kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.

Kung ang Kapatid mo ay Magkasala sa Iyo

15 Gayunman, kapag ang iyong kapatid na lalaki ay magkasala sa iyo, puntahan mo siya, sabihin mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na kayong dalawa lang. Kung pakinggan ka niya, napanumbalik mo ang iyong kapatid.

16 Ngunit kung ayaw ka niyang pakinggan, magsama ka ng isa o dalawa pa upang sa bibig ng dalawa o tatlo pang mga saksi, ang bawat salita ay mapagtibay. 17 Kung ayaw niya silang pakinggan, sabihin ito sa iglesiya. At kung ang iglesiya man ay ayaw niyang pakinggan, ituring mo na siyang Gentil o maniningil ng buwis.

18 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: Anuman ang inyong tatalian sa lupa ay tatalian sa langit. Anuman ang inyong kakalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

19 Muli kong sinasabi sa inyo: Kapag ang dalawa sa inyo ay magkaisa rito sa lupa sa paghingi ng anumang bagay, ipagkakaloob ito sa kanila ng aking Ama na nasa langit. 20 Ito ay sapagkat kung saan ang dalawa o tatlo ay nagkakatipon sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang kalagitnaan.

Ang Talinghaga Patungkol sa Alipin na di Marunong Magpatawad

21 Lumapit si Pedro sa kaniya at sinabi: Panginoon, makailang ulit bang magkasala sa akin ang aking kapatid at siya ay aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?

22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sinasabi ko sa iyo na hindi lamang makapito kundi hanggang makapitumpung pitong ulit.

23 Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na ibig maningil sa kaniyang mga alipin. 24 Nang magsimula na siyang maningil, iniharap sa kaniya ang isa na may utang sa kaniya ng sampung libong talento. 25 Ngunit sa dahilang wala siyang maibayad, iniutos ng kaniyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kaniyang asawa, mga anak at lahat ng kaniyang tinatangkilik upang makabayad.

26 Ang alipin nga ay lumuhod at sinamba siya na sinasabi: Panginoon, pagpasensyahan mo muna ako at babayaran kita sa lahat ng utang ko. 27 Kaya ang panginoon ng aliping iyon ay nahabag at pinawalan siya at pinatawad ang kaniyang utang.

28 Ngunit paglabas ng alipin ding iyon, nakita niya ang kaniyang kapwa alipin na may utang sa kaniya ng isangdaang denaryo. Hina­wakan niya ito at sinakal na sinabi: Bayaran mo ang utang mo sa akin.

29 Ang kaniyang kapwa alipin ay nagpatirapa sa kaniyang paanan. Nagmakaawa siya sa kaniya na sinasabi: Pagpasensyahan mo ako at babayaran kita sa lahat ng utang ko.

30 Ngunit ayaw niyang pumayag. Sa halip, ipinabilanggo niya ito hanggang sa makabayad ng kaniyang utang. 31 Kaya nang makita ng mga kapwa niya alipin ang nangyari, labis silang namighati. Lumapit sila sa kanilang panginoon at sinabi sa kaniya ang lahat ng nangyari.

32 Kaya, nang maipatawag na siya ng kaniyang panginoon, sinabi sa kaniya: O, ikaw na masamang alipin, pinatawad ko ang lahat mong pagkakautang dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba nararapat na mahabag ka rin sa iyong kapwa alipin katulad nang pagkahabag ko sa iyo? 34 Sa matinding galit ng kaniyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagpahirap sa bilangguan hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kaniyang utang.

35 Gayundin naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kapag hindi kayo nagpatawad nang taos sa inyong puso sa bawat kapatid sa kanilang pagsalangsang.

Gawa 18

Sa Corinto

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Pablo ay umalis sa Atenas at pumunta sa Corinto.

Natagpuan niya roon ang isang Judiong nagngangalang Aquila, lalaking tubo sa Ponto. Kasama niya ang kaniyang asawa na si Priscilla kagagaling pa lamang nila sa Italia, sapagkat iniutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay umalis sa Roma. Si Pablo ay lumapit sa kanila. Dahil sa magkatulad ang kanilang hanap­buhay, siya ay nakipanuluyan sa kanila. Ang hanapbuhay nila ay ang paggawa ng mga tolda. Tuwing araw ng Sabat ay nakikipagkatwiranan siya sa sinagoga. Hinihimok niya ang mga Judio at ang mga Griyego.

Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, si Pablo ay nagkaroon ng kabigatan sa espiritu na magpatotoo sa mga Judio na si Jesus ang siyang Mesiyas. Nang sila ay tumutol at namusong, ipinagpag ni Pablo ang kaniyang mga damit at sinabi sa kanila: Ang dugo ninyo ay sumainyong mga ulo. Wala na akong pananagutan sa inyo. Kaya mula ngayon ay paroroon ako sa mga Gentil.

Umalis siya roon at dumating sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Justo. Siya ay sumasamba sa Diyos at ang bahay niya ay katabi ng sinagoga. Si Crispo na pinuno ng sinagoga at ang kaniyang buong sambahayan ay nanampalataya sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pakikinig, marami sa mga taga-Corinto ang sumampalataya at nabawtismuhan.

Kinagabihan, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamama­gitan ng pangitain: Huwag kang matakot kundi magsalita ka at huwag kang tumahimik. 10 Ito ay sapagkat ako ay sumasaiyo at walang sinumang gagawa ng masama upang saktan ka sapagkat marami akong mga tao sa lungsod na ito. 11 Siya ay nanatili roon ng isang taon at anim na buwan na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.

12 Ngunit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, ang mga Judio ay nagkaisang tumindig laban kay Pablo at siya ay dinala sa harapan ng hukuman. 13 Sinabi nila: Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao upang sumamba sa Diyos laban sa kautusan.

14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio: O, mga Judio, kung ito ay patungkol sa kalikuan o napakasamang gawa nararapat lamang na pakinggan ko kayo. 15 Ngunit yamang ito ay patungkol sa mga pagtatalo patungkol sa mga salita, mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala sa inyong sarili sapagkat ayaw kong maging tagahatol sa mga bagay na ito. 16 Itinaboy ni Galio sila sa hukuman. 17 Hinawakan ng lahat ng mga Griyego si Sostenes na pinuno ng sinagoga at hinampas siya sa harapan ng hukuman. Hindi man lamang pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.

Sina Priscila, Aquila at Apollos

18 Si Pablo ay nanatili roon ng maraming araw. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at buhat doon ay naglayagsiya patungo sa Siria. Kasama niya sina Priscila at Aquila. Ginupit niya ang kaniyang buhok nang siya ay nasaCencrea na sapagkat natapos na niya ang kaniyang sinumpaan.

19 Dumating siya sa Efeso at iniwan niya sila roon. Ngunit siya ay pumasok sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio. 20 Sila ay namanhik sa kaniya na tumigil pa roon ng ilang panahon. Ngunit hindi siya pumayag. 21 Subalit siya ay nagpaalam sa kanila, sinabi niya: Kinakailangang sa anumang paraan ay makapagdiwang ako sa nalalapit na kapistahan sa Jerusalem. Ngunit babalik akong muli sa inyo kung loloobin ng Diyos. Siya ay naglayag buhat sa Efeso. 22 Nang makalunsad na siya sa Cesarea, siya ay umahon at bumati sa iglesiya. Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Antioquia.

23 Nang makagugol na siya roon ng ilang panahon ay umalis na siya. Nilibot niya ang lalawigan ng Galacia at Frigia na pinatatatag ang lahat ng mga alagad.

24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na nagngangalang Apollos. Siya ay isang lalaking taga-Alexandria na magaling manalita at may malawak na kaalaman patungkol sa mga kasulatan. 25 Ang lalaking ito ay tinuruan sa daan ng Panginoon. Yamang siya ay may maningas na espiritu, sinalita niya at itinuro ng walang kamalian ang mga bagay patungkol sa Panginoon. Ngunit ang nalalaman lamang niya ay ang patungkol sa bawtismo ni Juan. 26 Siya ay nagpasimulang magsalita ng buong katapangan sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila, siya ay isinama nila. Ipinaliwanag nilang maingat sa kaniya na walang kamalian ang daan ng Panginoon.

27 Nang ibig niyang dumaan sa Acaya, sumulat ang mga kapatid sa mga alagad na tanggapin siya. Nang dumating siya roon, lubos siyang tumulong sa mga sumampalataya sa pamamagitan ng biyaya. 28 Ito ay sapagkat may kapang­yarihang dinaig niya ng hayagan ang mga Judio. Ipinakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ang Mesiyas.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International