M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagiging Makasalanan ng mga Tao sa Sodom
19 Magdidilim na nang dumating ang dalawang anghel sa Sodom. Nakaupo noon si Lot sa pintuan ng lungsod. Pagkakita ni Lot sa kanila, tumayo siya at sinalubong sila. Pagkatapos, yumukod siya sa harapan nila bilang paggalang at nagsabing, 2 “Kung maaari po, dumaan muna kayo sa bahay ko para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at dito na po kayo matulog ngayong gabi. At bukas na lang kayo ng umaga magpatuloy sa paglalakbay ninyo.”
Pero sumagot sila, “Huwag na lang, doon na lang kami matutulog sa plasa ngayong gabi.”
3 Pero pinilit sila ni Lot, kaya sumama na lang sila sa bahay niya. Naghanda si Lot ng mga inumin at mga pagkain. Nagpaluto rin siya ng tinapay na walang pampaalsa. At nang handa na, naghapunan sila. 4 Nang mahihiga na sila para matulog, dumating ang lahat ng bata at matatandang lalaki ng Sodom, at pinaligiran nila ang bahay ni Lot. 5 Tinawag nila si Lot at tinanong, “Nasaan na ang mga panauhin mong lalaki na dumating ngayong gabi? Palabasin mo sila rito dahil gusto namin silang sipingan.”
6 Lumabas si Lot ng bahay para harapin sila. Nang lumabas siya, isinara niya agad ang pintuan. 7 Sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, nakikiusap ako sa inyo na huwag ninyong gagawin ang iniisip ninyong masama. 8 Kung gusto nʼyo, may dalawa akong anak na dalaga. Ibibigay ko sila sa inyo at bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin sa kanila. Pero huwag ninyong galawin ang dalawang taong ito, dahil mga bisita ko sila at dapat ko silang protektahan.” 9 Pero sinabi ng mga tao, “Dayuhan ka lang dito kaya sino ka para makialam sa amin. Umalis ka riyan! Baka mas higit pa ang magawa namin sa iyo kaysa sa kanila.” Pagkatapos, itinulak nila si Lot. Lalapit sana sila sa pintuan para gibain ito, 10 pero binuksan ito ng dalawang anghel na nasa loob at hinatak nila si Lot papasok, at isinara ang pintuan. 11 Pagkatapos, binulag nila ang mga tao na nasa labas para hindi na nila makita ang pintuan.
Pinaalis si Lot sa Sodom
12 Sinabi ng dalawang anghel kay Lot, “Kung may mga anak ka pa, o mga manugang na lalaki, o mga kamag-anak sa lungsod na ito, isama mo silang lahat at umalis kayo rito, 13 dahil lilipulin namin ang lungsod na ito. Narinig ng Panginoon ang mga daing laban sa mga taong ito na puro kasamaan ang ginagawa. Kaya ipinadala niya kami para lipulin ang lungsod na ito.”
14 Kaya pinuntahan ni Lot ang mga magiging manugang[a] niyang lalaki at sinabi, “Magmadali kayong umalis dito dahil lilipulin na ng Panginoon ang lungsod na ito.” Pero hindi sila naniwala dahil akala nilaʼy nagbibiro lang si Lot.
15 Nang magbubukang-liwayway na, pinagmadali si Lot ng mga anghel na umalis sa lungsod. Sinabi nila, “Bilisan mo! Dalhin mo ang asawa mo at ang dalawang anak mong babae na nandito, at umalis kayo agad, dahil baka madamay kayo kapag nilipol na ang lungsod na ito dahil sa sobrang sama ng mga tao rito.” 16 Hindi pa sana aalis si Lot. Pero dahil naaawa ang Panginoon sa kanila, hinawakan sila ng mga anghel sa kamay at dinala palabas ng lungsod.
17 Nang nasa labas na sila ng lungsod, sinabi ng Panginoon, “Tumakbo kayo! Huwag kayong lilingon, o hihinto sa kahit saan dito sa kapatagan! Tumakbo kayo papunta sa bundok para hindi kayo mamatay!” 18 Pero sumagot si Lot, “Panginoon ko, huwag nʼyo na po akong patakbuhin papunta sa bundok. 19 Kinahabagan nʼyo po ako at ipinakita ang kabutihan nʼyo sa akin sa pagliligtas ninyo sa buhay ko. Pero napakalayo po ng bundok; baka maabutan ako ng sakuna at mamatay ako bago makarating doon. 20 Nakita nʼyo po ba ang maliit na bayang iyon sa unahan? Tiyak na mararating ko po iyon dahil malapit lang. Maaari po bang doon na lang ako pumunta sa maliit na bayang iyon para maligtas ako?” 21 Sumagot ang Panginoon, “Oo, payag ako sa kahilingan mo; hindi ko lilipulin ang bayan na iyon. 22 Sige, tumakbo na kayo roon, dahil wala pa akong gagawin hanggaʼt hindi pa kayo nakakarating doon.”
Ang bayang iyon ay tinatawag na Zoar[b] dahil maliit ang bayang iyon.
Ang Paglipol sa Sodom at Gomora
23 Nakasikat na ang araw nang dumating sina Lot sa Zoar. 24 Biglang pinaulanan ng Panginoon ng naglalagablab na asupre ang Sodom at Gomora. 25 Nilipol ng Panginoon ang dalawang lungsod at ang buong kapatagan. Namatay ang lahat ng nakatira roon pati ang lahat ng tanim. 26 Lumingon ang asawa ni Lot, kaya ginawa siyang haliging asin. 27 Kinaumagahan, dali-daling pumunta si Abraham sa lugar kung saan siya nakipag-usap sa Panginoon. 28 Minasdan niya ang Sodom at Gomora, at ang buong kapatagan. Nakita niya ang usok na pumapaitaas mula sa lupa na parang usok na nagmula sa isang malaking hurno.
29 Inalala ng Dios si Abraham, nang lipulin ng Dios ang mga lungsod sa kapatagan kung saan nakatira si Lot, iniligtas niya muna si Lot para hindi ito mapahamak.
Ang Pinanggalingan ng mga Moabita at Ammonita
30 Dahil natakot si Lot na tumira sa Zoar, lumipat siya at ang dalawa niyang anak na dalaga sa bundok, at tumira sila sa kweba. 31 Isang araw, sinabi ng panganay na anak sa kanyang kapatid, “Matanda na ang ating ama at wala nang ibang lalaki rito na maaari nating mapangasawa para magkaanak tayo katulad ng pamamaraan ng tao kahit saan sa mundo. 32 Mabuti pang painumin natin ang ating ama ng alak hanggang sa malasing siya, pagkatapos, sumiping tayo sa kanya para magkaanak tayo sa pamamagitan niya.”
33 Kaya nang gabing iyon, nilasing nila ang kanilang ama. Pagkatapos, sumiping ang panganay na anak sa kanyang ama. Pero dahil sa sobrang kalasingan ni Lot, hindi niya namalayan kung ano ang nangyayari.
34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa nakababata niyang kapatid, “Sumiping na ako kagabi sa ating ama. At ngayong gabi muli natin siyang painumin ng alak hanggang sa malasing siya, at ikaw naman ang sumiping sa kanya para tayong dalawa ay magkaanak sa pamamagitan niya.” 35 Kaya nang gabing iyon, muli nilang nilasing ang kanilang ama at ang nakababatang kapatid naman ang sumiping sa kanya. At sa sobrang kalasingan, hindi rin niya namalayan kung ano ang nangyayari.
36 Sa ganoong paraan, nabuntis ang dalawang anak ni Lot sa pamamagitan niya. 37 Dumating ang panahon, nanganak ang panganay ng isang lalaki at pinangalanan niyang Moab.[c] Siya ang pinagmulan ng lahi ng Moabita. 38 Nanganak din ang nakababatang kapatid ng isang lalaki at pinangalanan niyang Ben Ami.[d] Siya ang pinagmulan ng lahi ng Ammonita.
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios?” 2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila, at sinabi, 3 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios. 4 Ang sinumang nagpapakababa tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios.
5 “At ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. 6 Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa pusod ng dagat.”
Mga Dahilan ng Pagkakasala(B)
7 “Nakakaawa ang mga tao sa mundong ito dahil sa mga bagay na naging dahilan ng kanilang pagkakasala. Kung sabagay, dumarating naman talaga ang mga ito, ngunit mas nakakaawa ang taong nagiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa.
8 “Kaya nga, kung ang kamay o paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pang isa lang ang kamay o paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay o paa mo pero itatapon ka naman sa walang hanggang apoy. 9 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa nga ang mata mo pero itatapon ka naman sa apoy ng impyerno.”
Ang Nawawalang Tupa(C)
10 “Tiyakin ninyo na hindi nʼyo hahamakin ang kahit isa sa maliliit na batang ito, dahil tandaan nʼyo: ang mga anghel na nagbabantay sa kanila ay laging nasa harapan ng aking Ama sa langit. [11 Sapagkat ako, na Anak ng Tao, ay naparito sa mundo upang iligtas ang mga nawawala.]
12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng taong may 100 tupa kung mawala ang isa? Hindi baʼt iiwan niya ang 99 sa burol at hahanapin ang nawawala? 13 At kapag nakita na niya ang nawalang tupa, mas matutuwa pa siya rito kaysa sa 99 na hindi nawala. 14 Ganito rin naman ang nararamdaman ng inyong Amang nasa langit. Ayaw niyang mawala ang kahit isa sa maliliit na batang ito.”
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Pagsabihan mo siya tungkol sa ginawa niya. Kung makikinig siya sa iyo, magkakaayos kayong muli at mapapanumbalik mo siya sa Dios. 16 Pero kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka ng isa o dalawa pang kapatid sa pananampalataya ‘para ang lahat ng pag-uusapan ninyo ay mapapatotohanan ng dalawa o tatlong saksi,’[a] ayon sa Kasulatan. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, ipaalam ito sa iglesya, at kung pati sa iglesya ay ayaw niyang makinig, ituring ninyo siya bilang isang taong hindi kumikilala sa Dios o isang maniningil ng buwis.”[b]
Kapangyarihang Magbawal at Magpahintulot
18 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anuman ang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.
19 “Sinasabi ko rin sa inyo na kung magkasundo ang dalawa sa inyo rito sa mundo na ipanalangin ang anumang bagay, ipagkakaloob ito ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, kasama nila ako.”
Ang Talinghaga tungkol sa Utusan na Ayaw Magpatawad
21 Lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid na laging nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” 22 Sumagot si Jesus, “Hindi lang pitong beses kundi 77 beses. 23 Sapagkat ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na nagpatawag sa mga alipin niya para singilin sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan na niya ang paniningil, dinala sa kanya ang isang alipin na nagkautang sa kanya ng milyon-milyon. 25 Dahil hindi siya makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya bilang alipin, pati ang kanyang asawaʼt mga anak, at lahat ng ari-arian niya, para mabayaran ang kanyang utang. 26 Nagmamakaawang lumuhod ang aliping iyon sa hari, ‘Bigyan nʼyo pa po ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa sa kanya ang hari, kaya pinatawad na lang siya sa kanyang utang at pinauwi.
28 “Pagkaalis ng aliping iyon, nakasalubong niya ang isang kapwa alipin na nagkakautang sa kanya ng kaunting halaga. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay sabi, ‘Bayaran mo ang utang mo sa akin.’ 29 Lumuhod ang kapwa niya alipin at nagmakaawa, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kita.’ 30 Pero hindi siya pumayag. Sa halip, ipinakulong niya ang kapwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31 Nang makita ito ng iba pang utusan, sumama ang loob nila, kaya pumunta sila sa hari at isinumbong ang lahat ng nangyari. 32 Ipinatawag ng hari ang alipin at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong utusan! Pinatawad kita sa utang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo alipin gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Sa galit ng hari, ipinakulong niya ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang niya.” 35 At pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ganyan din ang gagawin ng inyong Amang nasa langit kung hindi kayo magpapatawad nang buong puso sa inyong kapwa.”
8 1 nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na tagapagturo ng kautusan na kunin niya at basahin ang Aklat ng Kautusan ni Moises na iniutos ng Panginoon sa mga Israelita.
2-3 Kaya nang araw na iyon, ang unang araw ng ikapitong buwan, dinala ng paring si Ezra ang Kautusan sa harap ng mga tao – mga lalaki, babae, at mga batang nakakaunawa na. Binasa niya ito sa kanila nang malakas mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghali, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. At pinakinggang mabuti ng lahat ang Aklat ng Kautusan. 4 Tumayo si Ezra sa mataas na entabladong kahoy na ginawa para sa okasyong iyon. Sa bandang kanan niya ay nakatayo sina Matitia, Shema, Anaya, Uria, Hilkia, at Maaseya. At sa bandang kaliwa ay nakatayo sina Pedaya, Mishael, Malkia, Hashum, Hasbadana, Zacarias, at Meshulam.
5 Nakikita si Ezra ng lahat dahil mataas ang kinatatayuan niya. At nang binuksan niya ang aklat, tumayo ang lahat ng tao. 6 Pinapurihan ni Ezra ang Panginoon, ang makapangyarihang Dios! At sumagot ang mga tao, “Amen! Amen!” habang itinataas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, nagpatirapa sila at sumamba sa Panginoon.
7 Nang tumayo na ang mga tao, ipinaliwanag sa kanila ang Kautusan. Ang nagpaliwanag sa kanila ay ang mga Levita na sina Jeshua, Bani, Sherebia, Jamin, Akub, Shabetai, Hodia, Maaseya, Kelita, Azaria, Jozabad, Hanan, at Pelaya. 8 Bumasa sila mula sa Aklat ng Kautusan ng Dios at ipinaliwanag ang kahulugan nito,[a] para maunawaan ng mga tao.
9 Habang nakikinig ang mga tao sa sinasabi ng Kautusan ay umiiyak sila. Sinabi sa kanila nina Nehemias na gobernador, Ezra na pari at tagapagturo ng kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag sa kanila ng Kautusan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon na inyong Dios, kaya huwag kayong umiyak.” 10 Sinabi pa ni Nehemias, “Magdiwang kayo, kumain ng masasarap na pagkain at uminom ng masasarap na inumin. Bigyan nʼyo ang mga walang pagkain, dahil ang araw na ito ay banal sa Panginoon. At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo.” 11 Sinabi rin ng mga Levita, “Tumahimik kayo! Huwag kayong mabalisa! Sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Kaya umuwi ang lahat ng tao para kumain at uminom at magbigay ng pagkain sa iba. Nagdiwang sila nang may lubos na kagalakan dahil naunawaan nila ang mga mensahe ng Dios na binasa sa kanila.
Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol
13 Nang ikalawang araw ng buwang iyon, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga pamilya, ang mga pari at ang mga Levita para mag-aral pa tungkol sa Kautusan. 14 Natuklasan nila sa Kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol sa oras ng pista na ginaganap tuwing ikapitong buwan. 15 At dapat nilang ipaalam sa Jerusalem at sa iba pa nilang mga bayan ang utos ng Panginoon na pumunta sila sa mga kaburulan at kumuha ng mga sanga ng olibo, mirto, palma, at ng iba pang mga kahoy na malago para gawing mga kubol, ayon sa nakasulat sa Kautusan.
16 Kaya kumuha ang mga tao ng mga sanga at gumawa ng kubol sa patag na bubong ng mga bahay nila, sa bakuran ng mga bahay nila, sa bakuran ng templo ng Dios, sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig, at sa Pintuan ni Efraim. 17 Lahat sila na bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at doon tumira. Hindi pa nila nagawa ang ganito simula noong panahon ni Josue na anak ni Nun; at labis ang kasiyahan nila. 18 Araw-araw ay binabasa ni Ezra sa mga tao ang Aklat ng Kautusan ng Dios, mula sa una hanggang sa huling araw ng pista. Ipinagdiwang nila ang pista ng pitong araw, at nang ikawalong araw, nagtipon sila para sumamba sa Panginoon, ayon sa Kautusan.
Ang Pagpunta ni Pablo sa Corinto
18 Pagkatapos noon, umalis si Pablo sa Athens at pumunta sa Corinto. 2 Nakilala niya roon si Aquila na isang Judio na taga-Pontus, at ang asawa nitong si Priscila. Kararating lang nila galing sa Italia, dahil may utos si Emperador Claudius na ang lahat ng Judio ay dapat umalis sa Roma. Dinalaw ni Pablo ang mag-asawang ito sa kanilang bahay. 3 Pareho silang manggagawa ng tolda, kaya nakitira na siya sa kanila at nagtrabahong kasama nila. 4 Tuwing Araw ng Pamamahinga pumupunta si Pablo sa sambahan ng mga Judio para makipagdiskusyon, dahil gusto niyang sumampalataya ang mga Judio at mga Griego kay Cristo.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, ginamit ni Pablo ang buong panahon niya sa pangangaral ng salita ng Dios. Pinatunayan niya sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. 6 Pero kinontra nila si Pablo at pinagsabihan ng masama. Kaya ipinagpag ni Pablo ang alikabok sa kanyang damit bilang babala laban sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung parurusahan kayo ng Dios. Wala na akong pananagutan sa inyo. Simula ngayon, sa mga hindi Judio na ako mangangaral.” 7 Kaya iniwan niya ang mga Judio at doon siya nakituloy sa bahay ni Titius Justus. Ang taong ito ay hindi Judio, pero sumasamba sa Dios. Ang bahay niya ay nasa tabi mismo ng sambahan ng mga Judio. 8 Si Crispus na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ang kanyang pamilya ay sumampalataya rin sa Panginoong Jesus; at marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, nagpakita ang Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain at sinabi, “Huwag kang matakot. Ipagpatuloy mo ang pangangaral at huwag kang titigil, 10 dahil kasama mo ako. Marami akong tagasunod sa lungsod na ito, kaya walang mangangahas na manakit sa iyo.” 11 Kaya nanatili si Pablo sa Corinto sa loob ng isaʼt kalahating taon, at itinuro niya sa mga tao ang salita ng Dios.
12 Pero nang si Galio na ang gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Judio laban kay Pablo. Hinuli nila siya at dinala kay Galio para akusahan. 13 Sinabi nila, “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Dios sa paraan na labag sa ating kautusan.” 14 Magsasalita na sana si Pablo, pero nagsalita si Galio sa mga Judio, “Kung ang kasong ito na dinala ninyo sa akin ay tungkol sa isang krimen o mabigat na kasalanan, makikinig ako sa inyo. 15 Pero tungkol lang ito sa mga salita, mga pangalan, at sa inyong Kautusan. Kayo na ang bahala riyan. Ayaw kong humatol sa ganyang mga bagay.” 16 At pinalabas niya sila sa korte. 17 Pagkatapos, hinuli ng mga Griego si Sostenes na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ginulpi nila roon mismo sa labas ng korte, pero hindi ito pinansin ni Galio.
Ang Pagbalik ni Pablo sa Antioc na Sakop ng Syria
18 Nanatili pa si Pablo nang ilang araw sa Corinto. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at pumunta sa Cencrea kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Nagpagupit siya roon ng buhok dahil natupad na niya ang isa niyang panata sa Dios. Mula sa Cencrea bumiyahe sila papuntang Syria. 19-21 Dumaan sila sa Efeso at pumasok si Pablo sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila. Kinausap nila si Pablo na manatili muna roon sa kanila, pero ayaw ni Pablo. Bago siya umalis, sinabi niya sa kanila, “Kung loloobin ng Dios, babalik ako rito.” Iniwan ni Pablo ang mag-asawang Priscila at Aquila sa Efeso at bumiyahe siya papuntang Syria.
22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at dinalaw ang iglesya, at saka tumuloy sa Antioc. 23 Hindi siya nagtagal doon, umalis siya at inikot niya ang mga lugar na sakop ng Galacia at Frigia at pinalakas niya ang pananampalataya ng mga tagasunod ni Jesus doon.
Ang Pagtuturo ni Apolos sa Efeso
24 Samantala, dumating sa Efeso ang isang Judiong taga-Alexandria. Ang kanyang pangalan ay Apolos. Mahusay siyang magsalita at maraming nalalaman sa Kasulatan. 25 Naturuan na siya tungkol sa pamamaraan ng Panginoon. Masipag siyang mangaral at tama ang kanyang itinuturo tungkol kay Jesus. Pero ang bautismong alam niya ay ang bautismo lang na itinuro ni Juan. 26 Hindi siya natatakot magsalita sa sambahan ng mga Judio. Nang marinig nina Priscila at Aquila ang kanyang itinuturo, inimbitahan nila siya sa kanilang bahay at ipinaliwanag nila nang mabuti sa kanya ang pamamaraan ng Dios. 27 At nang magpasya si Apolos na pumunta sa Acaya, tinulungan siya ng mga mananampalataya sa Efeso. Sumulat sila sa mga tagasunod ni Jesus sa Acaya na tanggapin nila si Apolos. Pagdating niya roon, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa biyaya ng Dios. 28 At tinalo niya nang husto ang mga Judio sa kanilang mga diskusyon sa harap ng madla, at pinatunayan sa kanila mula sa Kasulatan na si Jesus ang Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®