Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 17

Ang Pagbabagong Anyo

17 Pagkaraan ang anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at Santiago, at si Juan na kaniyang kapatid.Dinala niya silang bukod sa isang mataas na bundok.

Nagbagong-anyo siya sa harap nila.Nagliwanag ang kani­yang mukha na parang araw. Pumuti ang kaniyang mga damit na gaya ng busilak ng liwanag. Narito, biglang nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kaniya.

Sinabi ni Pedro kay Jesus: Panginoon, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Kung ibig mo, gagawa kami rito ng tatlong kubol. Isa ang para sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.

Habang nagsasalita pa siya, narito, nililiman sila ng isang maningning na ulap. Narito, may isang tinig na buhat sa ulap na nagsasabi: Ito ang pinakamamahal kong Anak na labis kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya.

Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa at sila ay lubhang natakot. Lumapit si Jesus at hinipo niya sila. Sinabi niya: Tumayo kayo at huwag kayong matakot. Nang tumingin sila sa paligid, wala silang ibang nakita kundi si Jesus lamang.

Habang bumababa sila sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus na sinabi: Huwag ninyong sabihin kaninuman ang pangitaing ito hanggang sa muling mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao.

10 Tinanong siya ng kaniyang mga alagad na sinasabi: Bakit sinasabi ng mga guro ng kautusan na dapat munang dumating si Elias?

11 Sumagot si Jesus: Darating muna si Elias upang ipanum­balik ang lahat ng bagay. 12 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Dumating na si Elias at hindi nila siya nakilala. Ginawa nila sa kaniya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay pahihirapan na nila. 13 Nang magkagayon, naunawaan ng mga alagad na si Juan na tagapagbawtismo ang tinutukoy niya.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu

14 Pagdating nila sa napakaraming tao, nilapitan siya ng isang lalaki na nanikluhod sa kaniya na sinasabi:

15 Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki sapagkat siya ay may epilepsiya at lubha nang nahihirapan. Madalas siyang nabubuwal sa apoy at sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad at hindi nila siya napagaling.

17 Kaya tumugon si Jesus: O, lahing walang pananampalataya at lahing nagpakalihis, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin. 18 Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito mula sa kaniya. Gumaling ang bata sa oras ding iyon.

19 Pagkatapos, lumapit nang bukod ang mga alagad kay Jesus at nagtanong: Bakit hindi namin siya mapalayas?

20 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ito ay dahil sa hindi ninyo pananampalataya. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalatayang tulad ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito:Lumipat ka roon, at ito ay lilipat. At walang bagay na hindi ninyo mapangyayari. 21 Ngunit ang ganitong uri ay hindi mapapaalis maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.

22 Samantalang nagkakatipon sila sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga kamay ng mga tao. 23 Papatayin nila siya at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. Sila ay lubhang namighati.

Ang Buwis sa Templo

24 Nang sila ay dumating sa Capernaum, ang mga maniningil ng buwis ng templo ay lumapit kay Pedro. Sinabi nila: Hindi ba nagbabayad ng buwis ang inyong guro?

25 Sinabi niya: Oo.

Nang makapasok na siya sa bahay, kinausap muna siya ni Jesus na sinasabi: Simon, ano ba ang palagay mo?Kanino naniningil ng bayarin at buwis pangdayuhan ang mga hari sa daigdig? Naniningil ba sila sa kanilang mga anak o sa mga dayuhan?

26 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Sa mga dayuhan.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung gayon, di saklaw ang mga anak.

27 Gayunman, upang hindi nila tayo katisuran, pumaroon ka sa lawa at ihulog mo ang kawil. Kunin mo ang unang isda na iyong mahuhuli. Kapag ibinuka mo ang kaniyang bibig ay makakakita ka ng isang salaping pilak. Kunin mo at ibayad mo na buwis mo at buwis ko para sa kanila.

Gawa 17

Sa Tesalonica

17 Pagkaraan nila sa Antipolis at Apolonia, dumating sila sa Tesalonica. Dito ay may sinagoga ng mga Judio.

Si Pablo ay pumasok doon ayon sa kaniyang kaugalian. Siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila sa mga kasulatan sa loob ng tatlong araw ng Sabat. Ipinaliliwanag niya sa kanila ang kasulatan at ipinakikita ang katibayang kinakailangang ang Cristo ay magbata at muling mabuhay mula sa mga patay. Ang Jesus na ipinangangaral ko sa inyo ang siyang Mesiyas. Ang ilan sa kanila ay nahikayat at sumama kay Pablo at kay Silas. Nahikayat din ang maraming Griyegong palasamba sa Diyos at maraming mga pangunahing babae.

Ngunit ang mga Judio na hindi nanampalataya ay naiinggit. Sila ay nagsama ng ilang masamang tao mula sa pamilihan. Nagtipon sila ng isang grupo at ginulo ang lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pinagsikapan nilang maiharap sila sa mga tao. Nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng opisyales ng lungsod. Ipinagsisigawan nilang: Sila na mga nanggugulo sa sanlibutan ay pumunta rin dito. Sila ay tinanggap ni Jason. Silang lahat ay gumagawa ng laban sa mga utos ni Cesar. Sinasabi nila: May ibang hari, si Jesus. At kanilang ginulo ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lungsod, nang marinig nila ang mga bagay na ito. Nang matanggap na nila ang sapat na salapi para kay Jason at para sa iba, sila ay pinalaya nila.

Sa Berea

10 Kinagabihan ay agad-agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas papuntang Berea. Pagdating nila roon, sila ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio.

11 Sila ay higit na mararangal na tao kaysa sa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita ng buong sigasig. Sinaliksik nila ang mga kasulatan araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito. 12 Kaya nga, marami sa kanila ang sumampalataya. Gayundin ang mga iginagalang na babaeng Griyego at ang maraming lalaki ay sumampalataya.

13 Ngunit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral ni Pablo sa Berea. Pumunta sila doon at kanilang ginulo ang mga tao. 14 Kaya kaagad na pinaalis ng mga kapatiran si Pablo na waring patungo siya sa dagat. Subalit sina Silas at Timoteo ay nanatili pa roon. 15 Si Pablo ay dinala sa Atenas ng mga nag-iingat sa kaniya. Sila ay nagbalik taglay ang utos ni Pablo para kina Silas at Timoteo na sila ay agad na sumunod sa kaniya.

Sa Atenas

16 Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nahamon ang kaniyang kalooban nang makita niyang ang buong lungsod ay punong-puno ng mga diyos-diyosan.

17 Kaya siya ay nakiki­pagkatwiranan sa mga Judio sa loob ng sinagoga at sa mga taong palasamba. Gayundin, araw-araw siyang nakikipagka­twiranan sa sinumang makatagpo niya sa pamilihan. 18 Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipag-usap sa kaniya. Sinabi ng ilan: Ano ang ibig sabihin ng lalaking ito na nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang iba ay nagsasabing para siyang tagapangaral ng mga kakaibang diyos sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na mag-uli. 19 Siya ay kinuha nila at dinala siya sa burol ng Areo. Sinabi nila: Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na sinasalita mo? 20 Ito ay sapagkat nagdadala ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga pandinig. Gusto nga naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito. 21 Ginugugol ng mga taga-Atenas at ng mga nakikipamayan doon ang kanilang panahon, hindi sa ano pa man, kundi sa pagsasalaysay o pakikinig ng mga bagong bagay.

22 Kaya si Pablo ay tumayo sa gitna ng burol ng Areo at nagsabi: Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng mga bagay ay lubha kayong tapat sa inyong relihiyon. 23 Ito ay sapagkat sa aking paglalakad at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba ay nakakita ako ng isang dambana. Doon ay may nakaukit na ganito: SA ISANG DIYOS NA HINDI KILALA. Siya na inyong sinasamba bagaman hindi ninyo nakikilala, siya ang aking ipinangangaral sa inyo.

24 Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan at ng lahat na narito ay ang Panginoon ng langit at lupa. Hindi siya tumitira sa mga banal na dako na ginawa ng mga kamay. 25 Hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng mga tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay. Hindi, siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. 26 Ginawa niya mula sa isang dugo ang bawat bansa ng mga tao upang manahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda na niya nang una pa ang mga kapana­hunan at ang mga hangganan ng kanilang pananahanan. 27 Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Pangi­noon at sa kanilang pag-aapuhap ay baka sakaling masumpungan nila siya. Gayunman siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin. 28 Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay nabubuhay, kumikilos at mayroong pagkatao. Gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling makata: Dahil tayo rin naman ay kaniyang mga anak.

29 Yamang tayo nga ay mga anak ng Diyos, hindi marapat na isipin natin na ang kaniyang pagka-Diyos ay tulad ng ginto, pilak o ng bato na inukit sa pamamagitan ng kalinangan at kathang-isip ng tao. 30 Ang mga panahon ng di-pagkaalam ay hindi na nga pinansin ng Diyos. Ngunit ngayon ay iniuutos niya sa sa lahat mga tao sa bawat dako na magsisi. 31 Ito ay sapagkat nagtakda siya ng isang araw na hahatulan niya ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking itinalaga niya. Pinatunayan niya ito sa lahat ng mga tao nang siya ay kaniyang buhayin mula sa mga patay.

32 Nang marinig nila ang patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, nanglibak ang ilan. Ngunit sinabi ng iba: Muli ka naming pakikinggan patungkol dito. 33 Sa gayon ay umalis si Pablo sa kanilang kalagitnaan. 34 Ngunit sumama sa kaniya ang ilang mga tao at sumampalataya. Sa kanila na sumam­palataya ay kabilang si Dionisio na taga-burol ng Areo, at isang babaeng nagngangalang Damaris at ang iba pa nilang kasama.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International