M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tatlong Panauhin ni Abraham
18 Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno[a] ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda. 2 Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Yumukod siya sa kanila bilang paggalang.
3 At sinabi, “Panginoon,[b] kung maaari, dumaan po muna kayo rito sa amin. 4 Magpapakuha po ako ng tubig para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito. 5 Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.” At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”
6 Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.” 7 Tumakbo agad si Abraham papunta sa mga bakahan niya at pumili ng matabang guya, at ipinakatay niya ito at ipinaluto sa alipin niyang kabataan. 8 Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.
9 Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.” 10 Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”
Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham. 11 (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.) 12 Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, para magkaanak kami?”
13 Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumatawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’ 14 May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”
15 Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Pero sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.”
Nagmakaawa si Abraham para sa Lungsod ng Sodom
16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki. Inihatid sila ni Abraham hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodom. 17 Sinabi ng Panginoon, “Hindi ko itatago kay Abraham ang gagawin ko. 18 Talagang magiging malaki at makapangyarihang bansa ang mga lahi niya sa hinaharap. At sa pamamagitan niya, makakatanggap ng pagpapala ang ibang mga bansa. 19 Pinili ko siya para ipatupad niya sa mga anak at mga lahi niya ang utos ko na gumawa sila ng tama at matuwid. Sa ganoong paraan, matutupad ang aking pangako sa kanya.”
20 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Maraming tao ang dumadaing doon sa Sodom at Gomora, dahil sobrang sama na ng lugar na iyon. 21 Kaya pupunta ako roon para malaman ko kung totoo o hindi ang mga daing ng mga tao roon.”
22 Lumakad agad ang dalawang lalaki papuntang Sodom, pero nagpaiwan ang Panginoon at si Abraham. 23 Lumapit si Abraham sa Panginoon at nagtanong, “Lilipulin nʼyo po ba ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. 24 Kung mayroon po kayang 50 matuwid sa lungsod na iyan, lilipulin nʼyo pa rin po ba ang buong lungsod? Hindi nʼyo po ba kahahabagan ang lungsod dahil sa 50 taong matuwid? 25 Hindi po kapani-paniwala na lilipulin ninyo ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Hindi po maaaring pare-pareho ang pakikitungo nʼyo sa kanila. Kayo po na humahatol sa buong mundo, hindi po baʼt dapat gawin ninyo kung ano ang tama?” 26 Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 50 matuwid sa Sodom, hindi ko lilipulin ang buong lungsod alang-alang sa kanila.”
27 Muling nagsalita si Abraham, “O Panginoon, patawarin nʼyo po akong naglakas-loob na makipag-usap sa inyo. Tao lang po ako, at wala akong katuwiran na magsabi nito sa inyo. 28 Pero kung mayroon po kayang 45 matuwid, lilipulin nʼyo pa rin ba ang buong lungsod dahil kulang po ito ng lima?” Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 45 matuwid, hindi ko lilipulin ang lungsod.”
29 Muling nagsalita si Abraham, “Kung 40 lang po kaya ang matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang lamang sa 40 matuwid.”
30 Muling nagsalita si Abraham, “Huwag po sana kayong magalit sa akin, Panginoon, dahil magtatanong pa po ako. Ano po kaya kung may 30 lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod kung may makita akong 30 tao na matuwid.”
31 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, patawarin nʼyo po ako sa paglalakas-loob ko na pakikipag-usap sa inyo. Ano po kaya kung may 20 na lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa 20 matuwid.”
32 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, huwag po sana kayong magagalit; huling tanong na po ito. Halimbawa, sampu na lang po ang nakita ninyong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampung matuwid.”
33 Pagkatapos nilang mag-usap, umalis ang Panginoon at si Abraham ay umuwi sa kanila.
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan sa isang mataas na bundok ng sila-sila lang. 2 At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. Nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at ang damit niyaʼy naging puting-puti na parang liwanag. 3 Bigla nilang nakita sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabutiʼt narito kami.[a] Kung gusto nʼyo po, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” 5 Habang nagsasalita pa si Pedro, nabalot sila ng nakakasilaw na ulap. At may tinig silang narinig mula sa mga ulap na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” 6 Nang marinig iyon ng mga tagasunod, nagpatirapa sila sa takot. 7 Pero nilapitan sila ni Jesus at tinapik. Sinabi niya, “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” 8 Pagtingin nila, wala na silang ibang nakita kundi si Jesus na lang.
9 Nang pababa na sila sa bundok, sinabihan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang inyong nakita hanggaʼt ang Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” 10 Tinanong siya ng kanyang mga tagasunod, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” 11 Sumagot si Jesus, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 Ngunit sinasabi ko sa inyo: dumating na si Elias. Kaya lang hindi siya nakilala ng mga tao at ginawa nila ang gusto nilang gawin sa kanya. Ganyan din ang gagawin nila sa akin na Anak ng Tao. Pahihirapan din nila ako.” 13 At naunawaan ng mga tagasunod niya na ang tinutukoy niyaʼy si Juan na tagapagbautismo.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(B)
14 Pagbalik nina Jesus sa kinaroroonan ng maraming tao, lumapit sa kanya ang isang lalaki, lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, 15 “Panginoon, maawa po kayo sa anak kong lalaki. May epilepsya siya at grabe ang paghihirap niya kapag sinusumpong. Madalas siyang matumba sa apoy at madalas din siyang mahulog sa tubig. 16 Dinala ko siya sa mga tagasunod nʼyo, pero hindi po nila mapagaling.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 18 Sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at lumabas ito sa bata. At gumaling ang bata noon din.
19 Nang sila-sila na lang, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 20 Sumagot si Jesus, “Dahil mahina ang pananampalataya ninyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo na kahit kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat nga ito. Walang bagay na hindi ninyo magagawa.” 21 [Ngunit ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.]
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)
22 Habang nagtitipon sina Jesus at ang mga tagasunod niya sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao. 23 Papatayin nila ako, pero mabubuhay akong muli pagkaraan ng tatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga tagasunod ni Jesus.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis at nagtanong, “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo para sa templo?” 25 Sumagot si Pedro, “Oo, nagbabayad siya.”
Nang makabalik si Pedro sa tinutuluyan nila, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Pedro? Kanino nangongolekta ng mga buwis ang mga hari, sa mga anak nila o sa ibang tao?” 26 Sumagot si Pedro, “Sa ibang tao po.” Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, nangangahulugan na hindi kailangang magbayad ng buwis ang mga anak.[b] 27 Pero kung hindi tayo magbabayad, baka sumama ang loob nila sa atin.[c] Kaya pumunta ka sa lawa at mamingwit. Ibuka mo ang bibig ng unang isdang mahuhuli mo at makikita mo roon ang perang sapat na pambayad sa buwis nating dalawa. Kunin mo ito at ibayad sa mga nangongolekta ng buwis para sa templo.”
Naglagay ng mga Opisyal sa Jerusalem
7 Nang matapos na ang pader ng lungsod at naikabit na ang mga pinto nito, itinalaga sa tungkulin nila ang mga guwardya ng mga pintuan ng lungsod, ang mga mang-aawit, at ang mga Levita. 2 Ibinigay ko ang tungkulin ng pamamahala sa Jerusalem sa kapatid kong si Hanani kasama si Hanania na kumander ng mga guwardya sa buong palasyo. Pinili ko si Hanania dahil mapagkakatiwalaan siya at may takot sa Dios higit sa karamihan. 3 Sinabi ko sa kanila, “Huwag nʼyong pabayaang nakabukas ang mga pintuan ng lungsod kapag tanghaling-tapat,[a] kahit may mga guwardya pa na nagbabantay. Dapat nakasara ito at nakakandado. Maglagay din kayo ng mga guwardya mula sa mga mamamayan ng Jerusalem. Ang iba sa kanila ay ilagay sa pader na malapit sa mga bahay nila, at ang iba naman ay ilagay sa ibang bahagi ng pader.”
Ang Talaan ng mga Tao na Bumalik mula sa Pagkabihag.(A)
4 Napakalawak noon ng lungsod ng Jerusalem pero kakaunti lang ang mga naninirahan doon at kakaunti rin ang mga bahay. 5 Kaya ipinaisip ng aking Dios sa akin na tipunin ang mga pinuno, mga opisyal, at iba pang mga naninirahan para maitala sila ayon sa bawat pamilya. Nakita ko ang listahan ng mga pamilya na unang bumalik mula sa pagkabihag. Ito ang nakatala roon:
6 Ang mga sumusunod ay ang mga Israelita sa probinsya ng Juda na binihag noon ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ngayon, umalis na sila sa lugar na iyon at bumalik na sa Jerusalem at sa sarili nilang mga bayan sa Juda. 7 Ang namuno sa pagbalik nila sa Jerusalem ay sina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Azaria, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilshan, Misperet, Bigvai, Nehum, at Baana.
Ito ang talaan ng mga mamamayan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:
8-25 Mga angkan nina:
Paros | 2,172 |
Shefatia | 372 |
Ara | 652 |
Pahat Moab (mula sa mga pamilya ni Jeshua at ni Joab) | 2,818 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 845 |
Zacai | 760 |
Binui | 648 |
Bebai | 628 |
Azgad | 2,322 |
Adonikam | 667 |
Bigvai | 2,067 |
Adin | 655 |
Ater (na tinatawag din na Hezekia)[b] | 98 |
Hashum | 328 |
Bezai | 324 |
Harif[c] | 112 |
Gibeon[d] | 95 |
26-38 Ito ang bilang ng mga tao na bumalik mula sa pagkabihag, na ang mga ninuno ay nakatira sa mga sumusunod na bayan:
Betlehem at Netofa | 188 |
Anatot | 128 |
Bet Azmavet | 42 |
Kiriat Jearim, Kefira, at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmash | 122 |
Betel at Ai | 123 |
Nebo | 52 |
Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Jerico | 345 |
Lod, Hadid, at Ono | 721 |
Senaa | 3,930 |
39-42 Ito ang mga angkan ng mga pari na bumalik mula sa pagkabihag:
Mga angkan nina:
Jedaya (mula sa pamilya ni Jeshua) | 973 |
Imer | 1,052 |
Pashur | 1,247 |
Harim | 1,017 |
43-45 Ito ang mga lahi ng mga Levita na bumalik din mula sa pagkabihag:
Mga angkan nina Jeshua at Kadmiel (mula sa pamilya ni Hodavia) | 74 |
Mga mang-aawit sa templo na mga angkan ni Asaf | 148 |
Mga guwardya ng pintuan ng templo na mga angkan nina Shalum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Shobai | 138 |
46-56 Ito ang mga angkan ng mga utusan sa templo na bumalik din mula sa pagkabihag: Ziha, Hasufa, Tabaot, Keros, Sia, Padon, Lebana, Hagaba, Shalmai, Hanan, Gidel, Gahar, Reaya, Rezin, Nekoda, Gazam, Uza, Pasea, Besai, Meunim, Nefusim, Bakbuk, Hakufa, Harhur, Bazlut, Mehida, Harsha, Barkos, Sisera, Tema, Nezia, at Hatifa.
57-59 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon: Ang mga angkan nina Sotai, Soferet, Perida, Jaala, Darkon, Gidel, Shefatia, Hatil, Pokeret Hazebaim, at Ammon.
60 Ang kabuuang bilang ng mga angkan ng mga utusan sa templo at mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay | 392. |
61 Mayroon ding bumalik sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Tel Mela, Tel Harsha, Kerub, Adon, at Imer. Pero hindi nila mapatunayan na silaʼy talagang mga Israelita:
62 Sila ang mga angkan nina Delaya, Tobia, at Nekoda | 642 |
63 Hindi rin mapatunayan ng mga angkan nina Hobaya, Hakoz, at Barzilai na mga pari sila. (Nang nag-asawa si Barzilai, dinala niya ang pangalan ng biyenan niyang si Barzilai na taga-Gilead.) 64 Dahil nga hindi nila makita ang talaan ng kanilang mga ninuno, hindi sila tinanggap bilang mga pari. 65 Sinabihan sila ng gobernador ng Juda na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkain na inihandog sa Dios hanggaʼt walang pari na sasangguni sa Panginoon tungkol sa kanilang pagkapari sa pamamagitan ng “Urim” at “Thummim”.[e]
66-69 Ang kabuuang bilang ng mga lalaki mula sa pagkabihag ay 42,360, hindi pa kabilang dito ang mga alipin nilang lalaki at babae na 7, 337 at mga mang-aawit na lalaki at babae na 245. May dala silang 736 na kabayo, 245 mola,[f] 435 kamelyo, at 6,720 asno.
70 Ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nag-ambag para sa muling pagpapatayo ng templo. Ang gobernador ay nagbigay ng walong kilong ginto, 50 mangkok na gagamitin sa templo, at 530 pirasong damit para sa mga pari. 71 Ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nagbigay para sa ganitong gawain ng 168 kilong ginto at 1,200 kilong pilak. 72 Ang kabuuang ibinigay ng iba pang mga tao ay 168 kilong ginto, 1,100 kilong pilak, at 67 pirasong damit para sa mga pari.
73 Ang bawat isa sa kanila ay bumalik sa mga bayan na kung saan nagmula ang kanilang pamilya, pati na ang mga pari, ang mga Levita, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, ang mga mang-aawit, at ang mga utusan sa templo.
Binasa ni Ezra ang Kautusan
Nang dumating ang ikapitong buwan, nang nakatira na ang mga Israelita sa mga bayan nila,
Nangaral si Pablo sa Tesalonica
17 Dumaan sila sa Amfipolis at sa Apolonia hanggang sa nakarating sila sa Tesalonica. May sambahan ng mga Judio roon. 2 At ayon sa nakagawian ni Pablo, pumasok siya doon sa sambahan. At sa loob ng tatlong Araw ng Pamamahinga, nakipagdiskusyon siya sa mga tao roon. Ginamit niya ang Kasulatan 3 para patunayan sa kanila na ang Cristo ay kinakailangang magtiis at muling mabuhay. Sinabi ni Pablo, “Itong Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” 4 Ang iba sa kanilaʼy naniwala at sumama kina Pablo at Silas. Marami ring mga Griego na sumasamba sa Dios at mga kilalang babae ang sumama sa kanila.
5 Pero nainggit ang mga Judio kina Pablo at Silas. Kaya tinipon nila ang mga basagulerong tambay sa kanto. At nang marami na silang natipon, nagsimula silang manggulo sa buong lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason sa paghahanap kina Pablo at Silas para iharap sila sa mga tao. 6 Pero nang hindi nila makita sina Pablo at Silas, hinuli nila si Jason at ang iba pang mga mananampalataya. Kinaladkad nila ang mga ito papunta sa mga opisyal ng lungsod, at sumigaw sila, “Ang mga taong itoʼy nagdadala ng gulo kahit saan sila pumunta dahil sa kanilang itinuturo. At ngayon, narito na sila sa ating lungsod. 7 Pinatuloy ni Jason sina Pablo at Silas sa kanyang bahay. Silang lahat ay kumakalaban sa mga kautusan ng Emperador, dahil sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangalan ay Jesus.” 8 Nang marinig iyon ng mga tao at ng mga opisyal, nagkagulo sila. 9 Bago nila pinakawalan si Jason at ang kanyang mga kasama, pinagpiyansa muna sila.
Sina Pablo at Silas sa Berea
10 Kinagabihan, pinapunta ng mga mananampalataya sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating nila roon, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio. 11 Mas bukas ang kaisipan ng mga taga-Berea kaysa sa mga taga-Tesalonica. Gustong-gusto nilang makinig sa mga itinuturo nina Pablo. At araw-araw nilang sinasaliksik ang Kasulatan para tingnan kung totoo nga ang mga sinasabi nina Pablo. 12 Marami sa kanila ang sumampalataya kabilang dito ang mga Griegong babae na kilala sa lipunan at mga Griegong lalaki. 13 Pero nang marinig ng mga Judio sa Tesalonica na nangaral si Pablo ng salita ng Dios sa Berea, pumunta sila roon at sinulsulan ang mga tao na manggulo. 14 Kaya inihatid ng mga mananampalataya si Pablo sa tabing-dagat. Pero sina Silas at Timoteo ay nagpaiwan sa Berea. 15 Ang mga taong naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Athens. Pagkatapos, bumalik sila sa Berea na dala ang bilin ni Pablo na pasunurin sa kanya sa Athens sina Silas at Timoteo.
Nangaral si Pablo sa Athens
16 Habang naghihintay si Pablo kina Silas at Timoteo sa Athens, nakita niyang maraming dios-diosan doon. At lubos niyang ikinabahala ito. 17 Kaya pumasok siya sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila at sa mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios. Araw-araw pumupunta rin siya sa plasa at nakikipagdiskusyon sa sinumang makatagpo niya roon. 18 Dalawang grupo ng mga tagapagturo ang nakipagtalo kay Pablo. Ang isa ay tinatawag na mga Epicureo, at ang isa naman ay mga Estoico. Sinabi ng ilan sa kanila, “Ano kaya ang idinadaldal ng mayabang na iyan?” Ang sabi naman ng iba, “Iba yatang dios ang ipinangangaral niya.” Ganoon ang sinabi nila dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. 19 Isinama nila si Pablo sa pinagtitipunan ng mga namumuno sa bayan, na tinatawag na Areopagus. Sinabi nila sa kanya, “Gusto naming malaman ang bagong aral na itinuturo mo. 20 Bago kasi sa aming pandinig ang mga sinasabi mo, kaya gusto naming malaman kung ano iyan.” 21 (Sinabi nila ito dahil ang mga taga-Athens at mga dayuhang naninirahan doon ay mahilig magdiskusyon tungkol sa mga bagong aral.)
22 Kaya tumayo si Pablo sa harapan ng mga tao roon sa Areopagus at sinabi, “Mga taga-Athens! Nakita kong napakarelihiyoso ninyo. 23 Sapagkat sa aking paglilibot dito sa inyong lungsod, nakita ko ang mga sinasamba ninyo. May nakita pa akong altar na may nakasulat na ganito: ‘Para sa hindi nakikilalang Dios.’ Itong Dios na inyong sinasamba na hindi pa ninyo kilala ay ang Dios na aking ipinangangaral sa inyo. 24 Siya ang lumikha ng mundo at ng lahat ng narito. Siya ang Panginoong nagmamay-ari ng langit at lupa, kaya hindi siya nakatira sa mga templo na ginawa ng mga tao. 25 Hindi siya nangangailangan ng tulong mula sa tao dahil siya mismo ang nagbibigay ng buhay sa atin, maging ng lahat ng pangangailangan natin. 26 Mula sa isang tao, nilikha niya ang lahat ng lahi at ipinangalat sa buong mundo. Noon paʼy itinakda na niya ang hangganan ng tirahan ng mga tao at ang panahon na silaʼy mabubuhay dito sa lupa. 27 Ang lahat ng itoʼy ginawa ng Dios upang hanapin natin siya, at baka sakaling matagpuan natin siya. Pero ang totoo, ang Dios ay hindi malayo sa atin, 28 ‘dahil sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan tayoʼy nabubuhay at nakakakilos.’ Katulad din ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo ngaʼy mga anak niya.’ 29 Dahil tayo nga ay mga anak ng Dios, huwag nating isipin na ang Dios ay katulad ng dios-diosang ginto, pilak, o bato na pawang imbento ng isip at kamay ng tao. 30 Noong una, nang hindi pa kilala ng mga tao ang Dios, hindi niya pinansin ang kanilang mga kasalanan. Ngunit ngayon, inuutusan ng Dios ang lahat ng tao sa lahat ng lugar na magsisi at talikuran ang kanilang masamang gawain. 31 Sapagkat nagtakda ang Dios ng araw kung kailan niya ipapataw ang kanyang makatarungang hatol sa lahat ng tao rito sa mundo sa pamamagitan ng taong kanyang pinili. Pinatunayan niya ito sa lahat, nang buhayin niyang muli ang taong iyon.”
32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, pinagtawanan siya ng ilan. Pero sinabi naman ng iba, “Bumalik ka uli rito, dahil gusto pa naming makinig tungkol sa mga bagay na ito.” 33 Pagkatapos, umalis si Pablo sa kanilang pinagtitipunan. 34 May ilang lalaking kumampi kay Pablo at sumampalataya kay Jesus. Ang isa sa kanila ay si Dionisius na miyembro ng Areopagus, at ang babaeng si Damaris, at may iba pa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®