Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 15

Ang Malinis at ang Marumi

15 Nang magkagayon, lumapit kay Jesus ang mga guro ng kautusan at mga Fariseo na mula sa Jerusalem. Sinabi nila:

Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang kaugalian ng mga matanda? Ito ay sapagkat hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.

Sumagot siya sa kanila: Bakit nilalabag din ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? Ito ay sapagkat iniutos ng Diyos na sinasabi: Igalang mo ang iyong ama at ina. Ang sinumang manungayaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina ay dapat mamatay. Ngunit sinasabi ninyo: Ang sinumang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina: Ang anumang dapat ko sanang ibigay na kapakinabangan sa iyo ay naging kaloob ko na sa Diyos. At sa pamamagitan nito ay wala na siyang pananagutan sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. Sa ganitong paraan ay winawalang kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian. Kayong mapagpaimbabaw! Tama ang paghahayag ni Isaias sa inyo na sinabi:

Lumalapit sa akin ang mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga bibig at igina­galang nila ako sa pamamagitan ng kanilang mga labi. Ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin. Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin. Ang aral na kanilang itinuturo ay mga kautusan ng mga tao.

10 Tinawag niya ang napakaraming tao. Sinabi niya sa kanila: Pakinggan ninyo ako at unawain. 11 Ang nakakapagparumi sa isang tao ay hindi ang pumapasok sa bibig kundi ang lumalabas sa bibig. Ito ang nagpaparumi sa isang tao.

12 Nang magkagayon, lumapit ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kaniya: Alam mo bang natisod ang mga Fariseo pagkarinig nila ng mga pananalitang ito?

13 Ngunit sumagot siya sa kanila: Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Pabayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na umaakay sa mga bulag. Kapag ang bulag ang aakay sa bulag, kapwa silang mahuhulog sa hukay.

15 Nang magkagayon, sinabi ni Pedro sa kaniya: Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang ito.

16 Sinabi ni Jesus: Wala pa rin ba kayong pang-unawa? 17 Hindi pa ba ninyo alam na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan? Pagkatapos, hindi ba idinudumi ito sa palikuran? 18 Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Ang mga ito ang nagpaparumi sa tao. 19 Ito ay sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, ang pakikiapid, mga pagnanakaw, mga walang katotohanang pagsaksi at mga pamumusong. 20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa isang tao. Ang hindi paghuhugas ng kamay bago kumain ay hindi nagpaparumi sa isang tao.

Ang Pananampalataya ng Isang Taga-Canaan

21 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa mga lupain ng Tiro at Sidon.

22 Narito, may babaeng taga-Canaan na nakatira sa lupain ding iyon ang lumabas at sumisigaw sa kaniya na sinasabi: O, Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin. Ang aking anak na babae ay labis na pinahihirapan ng demonyo.

23 Ngunit hindi niya siya tinugon ng kahit isang salita.Nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at pinakiusapan na sinasabi: Paalisin mo siya sapagkat sigaw siya nang sigaw habang sumusunod sa atin.

24 Sinabi niya: Sinugo lamang ako para sa mga naliligaw na tupa sa sambahayan ng Israel.

25 Ngunit lumapit siya sa kaniya at kaniya siyang sinamba na sinasabi: Panginoon, tulungan mo ako!

26 Ngunit sumagot siya: Hindi nararapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon ito sa mga aso.

27 Sinabi ng babae: Totoo, Panginoon. Ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag mula sa hapag kainan ng kanilang mga panginoon.

28 Nang magkagayon sinabi ni Jesus sa kaniya: O, babae, napakalaki ng iyong pananampalataya. Mangyari sa iyo ang ayon sa ibig mo. Mula sa oras ding iyon, gumaling ang kaniyang anak.

Pinakain ni Jesus ang Apat na Libo

29 Pagkaalis ni Jesus doon, nagtungo siya sa tabi ng lawa ng Galilea. Umahon siya sa isang bundok at doon naupo.

30 Lumapit sa kaniya ang napakaraming tao. Dinala nila ang mga pilay, ang mga bulag, ang mga pipi at ang mga may kapansanan, at marami pang iba. Inilagay nila sila sa kaniyang paanan at pinagaling niya sila. 31 Namangha ang napakaraming tao nang makita nilang nakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga may kapansanan, nakalakad na ang mga lumpo at nakakita na ang mga bulag. At niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.

32 Kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at pina­lapit sa kaniya. Sinabi niya: Nahahabag ako sa napakaraming taong ito sapagkat tatlong araw na silang sumusunod sa akin at wala man lang silang makain. Hindi ko ibig na pauwiin silang gutom at baka manlupaypay sila sa daan.

33 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Saan tayo kukuha sa ilang na ito ng sapat na tinapay upang mabusog ang napakaraming taong ito?

34 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ilang tinapay mayroon kayo? Sinabi nila: Pito at ilang maliliit na isda.

35 Inutusan niya ang mga tao na umupo sa lupa. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda. Nagpasalamat siya at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad at ibinigay naman ng mga alagad sa napakaraming tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pinulot nila ang mga lumabis sa mga pinagputul-putol at nakapuno sila ng pitong kaing. 38 Ang kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata. 39 Nang mapaalis na niya ang napakaraming tao, sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa mga hangganan ng Magdala.

Gawa 15

Ang Pulong sa Jerusalem

15 May ilang mga kalalakihan ang bumaba mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid. Sinabi nila: Malibang kayo ay patuli ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.

Kaya nga, dahil kina Pablo at Bernabe ay nagkaroon ng mahigpit na kaguluhan at pagtatalo sa kanila. Pinagpasiyahan nilang suguin sina Pablo at Bernabe at ilan pa sa kanila na umahon sa Jerusalem at makipagkita sa mga apostol at sa mga matanda patungkol sa katanungang ito. Sinugo nga sila ng iglesiya. Nang sila ay nagdaan sa Fenecia at Samaria, ibinalita nila ang pagnunumbalik ng mga Gentil. Sila ay nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. Nang sila ay dumating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesiya, ng mga apostol at ng mga matanda. Isinaysay nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.

Ngunit tumindig ang ilan sa sekta ng mga mananam­palatayang Fariseo. Sinabi nila: Kinakailangang sila ay tuliin at iutos sa kanila na ganapin ang kautusan ni Moises.

Nagtipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pag-usapan ang bagay na ito. Pagkatapos ng maraming pagtatalo, tumindig si Pedro. Sinabi niya sa kanila: Mga kapatid, nalalaman natin na nang nakaraang mga araw ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo. Hinirang ako upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng ebanghelyo at upang sila ay sumampalataya. Sila ay kinilala ng Diyos na nakakaalam ng puso ay siya ring nagbigay sa kanila ang Banal na Espiritu na gaya rin naman ng ginawa niya sa atin. Wala siyang ibinibigay na anumang kaibahan sa atin at sa kanila. Nilinis niya ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ngayon nga, bakit ninyo sinusubuk ang Diyos? Bakit ninyo nilalagyan ng pamatok ang mga alagad na kahit ang ating mga ninuno, ni tayo man ay hindi makadala? 11 Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesucristo tayo ay naniniwala na maliligtas tayo, gaya rin naman nila.

12 Pagkatapos nito, tumahimika ang napakaraming tao. Pinakinggan nila sina Pablo at Bernabe na nagsasaysay ng mga tanda at ng mga kamangha-manghang gawa na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan nila. 13 Nang tumahimik sila, sumagot si Santiago na sinasabi: Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Isinalaysay na ni Simeon kung paanong noong una ay dinalaw ng Diyos ang mga Gentil upang pumili sa kanila ng mga tao para sa kaniyang pangalan. 15 Naaayon ito sa mga salita ng mga propeta. Ayon sa nasusulat:

16 Pagkatapos nito, ako ay babalik at itatayo kong muli ang tolda ni David na bumagsak. Itatayo kong muli ang mga nasira nito at ito ay aking ititindig muli. 17 Upang hanapin nawa ng nalabi sa mga tao ang Panginoon at ng lahat ng mga Gentil na tinatawag sa aking pangalan. Ito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lahat ng mga bagay na ito. 18 Alam ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga gawa mula sa walang hanggan.

19 Dahil dito, ang hatol ko ay huwag gambalain iyong mga Gentil na nanumbalik sa Diyos. 20 Sa halip, sulatan natin sila na lumayo sa mga bagay na nadungisan ng diyos-diyosan, sa kasalanang sekswal, sa mga binigti at sa dugo. 21 Ito ay sapagkat mula pa nang unang panahon, sa bawat lungsod ay may mga nangaral na patungkol sa mga isinulat ni Moises. Binabasa ito sa mga sinagoga bawat araw ng Sabat.

Ang Sulat ng Kapulungan sa mga Mananampalatayang Gentil

22 Nang magkagayon, minabuti ng mga apostol at ng mga matanda gayundin ng buong iglesiya na humirang ng mga lalaking mula sa kanila upang suguin sila sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Sila ay sina Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas na mga tagapanguna sa mga kapatid.

23 Sumulat sila ng ganito:

Kaming mga apostol, mga matanda at mga kapatid ay bumabati sa inyo na aming mga kapatid na nasa mga Gentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia.

24 Sumulat kami sapagkat nabalitaan namin na ang ilang umalis sa amin ay gumugulo sa inyo sa pamama­gitan ng mga salita. Nililigalig nila ang inyong mga kaluluwa na sinasabi: Kinakailangang kayo ay tuliin at ganapin ang kautusan. Hindi kami nag-uutos ng ganito sa kaninuman sa kanila. 25 Kaya minabuti namin ang may pagkakaisang magsugo sa inyo ng mga hinirang na lalaki. Sila ay kasama ng aming mga minamahal na Bernabe at Pablo. 26 Sila ay mga lalaking nagsusuong ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. 27 Kaya nga, sinugo namin sina Judas at Silas. Sila ay magsasaysay rin naman sa inyo ng gayunding mga bagay. 28 Ito ay sapagkat minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin namin na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan. 29 Lumayo kayo sa mga bagay na ini­handog sa mga diyos-diyosan, sa dugo, sa mga binigti at sa kasalanang sekswal. Kung iingatan ninyo anginyong mga sarili mula sa mga bagay na ito ay makakabuti sa inyo. Paalam na sa inyo.

30 Kaya nang sila ay kanilang mapayaon na, lumusong sila sa Antioquia at nang kanilang mapagtipun-tipon ang napaka­raming tao, kanilang ibinigay ang sulat. 31 Nang mabasa na nila ito, nagalak sila dahil lumakas ang kanilang kalooban. 32 Si Judas at si Silas, na mga propeta rin naman ay nagpalakas ng kalooban ng mga kapatid sa pamamagitan ng maraming mga salita. Sila ay pinatatag nila. 33 Nang sila ay makagugol na ng ilang panahon doon, sila ay payapang pinabalik sa mga apostol ng mga kapatid. 34 Ngunit minabuti ni Silas na magpaiwan doon. 35 Naiwan din sina Pablo at Bernabe sa Antioquia. Itinuturo nila at ipina­ngangaral ang salita ng Panginoon na kasama naman ng iba.

Hindi Nagkasundo sina Pablo at Bernabe

36 Pagkaraan ng ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe: Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon. Alamin natin kung ano ang kalagayan nila. 37 Nakapagpasiya na si Bernabe na isama nila si Juan na tinatawag na Marcos. 38 Ngunit inisip ni Pablo na hindi mabuting siya ay isama nila sapagkat humiwalay siya sa kanila sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain. 39 Nagkaroon ng mahigpit na pagtatalo kaya sila ay naghiwalay sa isa’t isa. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sa Chipre. 40 Hinirang ni Pablo si Silas at yumaon sila na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Diyos. 41 Tinahak nila ang Siria at Cilicia, na pinatatatag ang mga iglesiya.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International