M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinugutan si Juan na Tagapagbawtismo
14 Nang panahong iyon, narinig ni Herodes na tetrarka[a] ang patungkol sa katanyagan ni Jesus.
2 Sinabi niya sa kaniyang mga lingkod: Ito ay si Juan na tagapagbawtismo. Siya ay muling nabuhay mula sa mga patay kaya nakakagawa siya ng ganitong mga himala.
3 Ito ay sapagkat si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan noon. Ginapos niya siya at ipinabilanggo alang-alang kay Herodias na asawa ni Felipe na kaniyang nakakabatang kapatid. 4 Ito ay sapagkat sinabi ni Juan sa kaniya: Hindi matuwid na ariin mo siyang asawa. 5 Hangad ni Herodes na ipapatay si Juan ngunit natakot siya sa mga tao sapagkat ibinilang nila siya na isang propeta.
6 Ngunit nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak ni Herodias sa harapan nila. Labis na nasiyahan si Herodes sa kaniya. 7 Kaya nangako siyang may panunumpa na ibibigay sa kaniya ang anumang hingin niya. 8 Sa udyok ng kaniyang ina, sinabi niya: Ibigay mo sa akin dito ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakalagay sa isang pinggan. 9 Ang hari ay labis na nagdalamhati. Ngunit dahil sa kaniyang sinumpaan at sa mga kasalo niya sa dulang, iniutos niyang ibigay sa kaniya ang kahilingan. 10 Nagsugo siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang kaniyang ulo na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Dinala naman ito sa kaniyang ina. 12 Dumating ang kaniyang mga alagad at kinuha ang kaniyang bangkay at inilibing ito. Pumaroon sila kay Jesus at ibinalita ito sa kaniya.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki
13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng bangka upang magtungong mag-isa sa isang ilang na pook. Nang marinig nga ito ng mga tao, sumunod sila sa kaniya na naglalakad mula sa mga lungsod.
14 Pumunta si Jesus sa baybayin at nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila. Pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.
15 Nang magtatakip-silim na, lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad. Sinabi nila: Ito ay isang ilang na pook at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang napakaraming tao upang sila ay pumunta sa mga nayon at nang makabili sila ng kanilang makakain.
16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi na kailangang umalis pa sila. Bigyan ninyo sila ng makakain.
17 Sinabi nila sa kaniya: Mayroon lang tayo ritong limang tinapay at dalawang isda.
18 Sinabi niya: Dalhin ninyo sa akin ang mga iyan. 19 At inutusan niya ang napakaraming tao na umupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at kaniyang pinagpala at pinagputul-putol ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa kaniyang mga alagad at ibinigay naman ng kaniyang mga alagad sa napakaraming tao. 20 Kumain silang lahat at nabusog. Inipon nila ang mga lumabis at nakapuno ng labindalawang bakol. 21 May mga limang libong kalalakihan ang mga kumain bukod pa ang mga babae at mga bata.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
22 Pinasakay kaagad ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa isang bangka. Pinauna niya sila sa kabilang ibayo, habang pinaaalis niya ang napakaraming tao.
23 Nang makaalis na ang napakaraming tao, umahon siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Nang gumabi na, nag-iisa siya roon. 24 Samantala, ang bangka ay nasa kalagitnaan na ng lawa na sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin sa kanila.
25 Sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi, pumaroon si Jesus sa kanila na naglalakad sa ibabaw ng lawa. 26 Lubhang natakot ang mga alagad nang makita siya na naglalakad sa ibabaw ng lawa. Sinabi nila: Multo! At sumigaw sila dahil sa takot.
27 Nagsalita kaagad si Jesus na sinabi sa kanila: Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot.
28 Sumagot sa kaniya si Pedro:Panginoon, kung ikaw nga, hayaan mong makapariyan ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.
29 Sinabi niya: Halika.
Pagkababa ni Pedro mula sa bangka, lumakad siya sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus.
30 Ngunit nang makita niya ang malakas na hangin, natakot siya at nagsimulang lumubog. Sumigaw siya na sinasabi: Panginoon, sagipin mo ako.
31 Kaagad na iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya. Sinabi niya sa kaniya: O, ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?
32 Nang makasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. 33 Kaya ang mga nasa bangka ay lumapit at sumamba kay Jesus. Sinabi nila: Totoong ikaw nga ang Anak ng Diyos.
34 Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genezaret. 35 Nang makilala siya ng mga tao sa dakong iyon, ipinamalita nila sa buong palibot ng lupaing iyon. Kaya dinala nila sa kaniya ang lahat ng mga maysakit. 36 Ipinamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit. At lahat ng humipo sa kaniyang damit ay pinagaling niya nang lubos.
Sa Iconio
14 Sa Iconio, sila ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Sila ay nagsalita, at sumampalataya ang napakaraming tao kapwa mga Judio at mga Griyego.
2 Ngunit inudyukan ng mga di naniniwalang Judio ang mga Gentil. At pinasama ang kanilang mga isipan laban sa mga kapatid. 3 Sila nga ay tumira doon ng mahabang panahon. Buong tapang silang nangaral para sa Panginoon. Pinatotohanan ng Panginoon ang salita ng kaniyang biyaya at pinagkalooban silang gawin ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. 4 Ngunit ang napakaraming tao sa lungsod ay nagkabaha-bahagi. Ang isang bahagi ay pumanig sa mga Judio at ang isang bahagi naman ay pumanig sa mga alagad. 5 Nagkaroon ng kilusan sa mga Gentil at sa mga Judio rin naman kasama ang kanilang mga pinuno upang sila ay hamakin at batuhin. 6 Nang nalaman nila ito, sila ay tumakas patungong Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia at sa mga lupain sa palibot nito. 7 Doon sila ay patuloy na nangaral ng ebanghelyo.
Sa Listra at Derbe
8 May isang lalaki sa Listra na ang mga paa ay walang lakas at siya ay nakaupo. Kailanman ay hindi siya nakalakad sapagkat siya ay lumpo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.
9 At narinig ng taong ito na nagsasalita si Pablo. Tinitigan siya ni Pablo at nakita na siya ay may pananampalataya na siya ay mapapagaling. 10 Sinabi sa kaniya sa malakas na tinig: Tumayo ka nang matuwid. Siya ay lumukso at lumakad.
11 Nang makita ng napakaraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila. Sinabi nila sa wikang Licaonia: Ang mga diyos ay bumaba sa atin na katulad ng mga tao. 12 Si Bernabe ay tinawag nilang Zeus. Si Pablo naman ay Hermes sapagkat siya ang punong tagapagsalita. 13 Ang saserdote ni Zeus na nasa harap ng kanilang lungsod ay nagdala ng mga toro at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan. Ibig niyang maghandog ng hain, kasama ang maraming tao.
14 Nang marinig ito ng mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hinapak nila ang kanilang mga damit. Tumakbo sila sa gitna ng napakaraming tao at sumigaw. 15 Sinabi nila: Mga kalalakihan, bakit ninyo ginawa ang mga bagay na ito? Kami ay mga tao ring may damdaming katulad ninyo. Nangaral kami ng ebanghelyo sa inyo upang mula sa mga bagay na ito na walang kabuluhan ay bumalik kayo sa Diyos na buhay. Siya ang gumawa ng langit, lupa, dagat at lahat ng nasa mga yaon. 16 Nang mga nakaraang panahon, pinabayaan niyang ang lahat ng mga bansa ay lumakad sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunman, hindi siya nagpabayang di-magbigay patotoo patungkol sa kaniyang sarili. Gumawa siya ng mabuti at nagbigay sa atin ng ulan na galing sa langit at ng mga panahong sagana. Binubusog ang ating mga puso ng pagkain at ng katuwaan. 18 Sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang maraming tao sa paghahandog ng hain sa kanila.
19 Dumating ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio na nanghimok ng maraming tao. Pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad nila siya sa labas ng lungsod. Inaakala nilang siya ay patay na. 20 Ngunit samantalang ang mga alagad ay nakatayo sa paligid niya, tumindig siya. Pumasok siya sa lungsod. Kinabukasan pumunta siya sa Derbe kasama si Bernabe.
Si Pablo at Bernabe ay Bumalik sa Antioquia ng Siria
21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lungsod na iyon at makapagturo sa maraming alagad, bumalik sila sa Listra, sa Iconio at sa Antioquia.
22 Pinatatag nila ang mga kaluluwa ng mga alagad. Ipinamanhik niya sa kanila na sila ay manatili sa pananampalataya na sa pamamagitan ng maraming mga paghihirap, kinakailangang pumasok tayo sa paghahari ng Diyos. 23 Nang makapagtalaga na sila ng mga matanda sa bawat iglesiya, at nang makapanalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at pumaroon sa Pamfilia. 25 Nang maipangaral na nila ang salita sa Perga, lumusong sila sa Atalia.
26 Mula doon ay naglayag sila sa Antioquia na kung saan sila ay itinagubilin sa biyaya ng Diyos para sa gawaing natapos nila. 27 Nang dumating sila at matipon na ang iglesiya, isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Isinaysay rin nila kung paanong binuksanng Diyos sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya. 28 Tumira sila roon nang mahabang panahon kasama ng mga alagad.
Copyright © 1998 by Bibles International