Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 13

Naghiwalay si Abram at si Lot

13 Mula sa Egipto, pumunta si Abram sa Negev kasama ang asawa niya at dala ang lahat ng ari-arian niya, at sumama rin sa kanila si Lot. Napakayaman na ni Abram, marami na siyang hayop, pilak at ginto. Mula sa Negev, nagpalipat-lipat sila hanggang makabalik sila sa lugar na dati nilang pinagtayuan ng tolda. Ang lugar na ito ay nasa gitna ng Betel at Ai. Dito rin sila unang nagtayo ng altar nang dumating sila sa Canaan. At muling sumamba si Abram sa Panginoon.

Si Lot na laging kasama ni Abram saan man siya pumunta ay may sarili ring mga hayop at mga tolda. At dahil marami na ang mga hayop nila at iba pang mga ari-arian, hindi sila maaaring manirahan sa iisang lugar. Ang pastulan ay hindi magkakasya sa kanila. Dahil dito, nag-away-away ang mga tagapagbantay ng mga hayop nila. (Nang panahong iyon, ang mga Cananeo at mga Perezeo ay nakatira sa lupaing iyon.)

Kaya sinabi ni Abram kay Lot, “Tayo at ang mga tauhan natin ay hindi dapat mag-away, dahil magkakamag-anak tayo. Ang mabuti pa, maghiwalay na lang tayo dahil marami pang lugar na maaaring lipatan. Ikaw ang mamili kung aling bahagi ng lupain ang pipiliin mo. Kung kakaliwa ka, kakanan ako; kung kakanan ka, kakaliwa naman ako.”

10 Tumanaw si Lot sa paligid at nakita niya na ang kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, katulad ng lugar ng Eden at ng lupain ng Egipto. (Nangyari ito noong hindi pa nililipol ng Panginoon ang Sodom at Gomora.) 11 Kaya pinili ni Lot ang buong kapatagan ng Jordan sa silangan. Sa ganoong paraan, naghiwalay sila ni Abram. 12 Si Abram ay nagpaiwan sa Canaan habang si Lot naman ay naroon sa mga lungsod ng kapatagan. Nagtayo si Lot ng mga tolda malapit sa Sodom. 13 Ang mga tao sa Sodom ay talamak na makasalanan. Labis ang pagkakasala nila laban sa Panginoon.

Lumipat si Abram sa Hebron

14 Nang nakaalis na si Lot, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Mula sa kinatatayuan mo, tingnan mong mabuti ang paligid. 15 Ang lahat ng lupain na maaabot ng paningin mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo, at magiging inyo ito magpakailanman. 16 Pararamihin ko ang lahi mo na kasindami ng buhangin sa mundo. Ang buhangin ay hindi kayang bilangin, kaya ang mga lahi mo ay hindi rin mabibilang. 17 Lumakad ka at ikutin ang buong lupain dahil ibibigay ko itong lahat sa iyo.”

18 Kaya inilipat ni Abram ang tolda niya, at doon siya nanirahan malapit sa malalaking puno[a] ni Mamre roon sa Hebron, at gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.

Mateo 12

Ang Tanong Tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)

12 Isang Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga tagasunod kaya nanguha ang mga ito ng uhay ng trigo at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Dios at kinain nila ng mga kasama niya ang tinapay na inihandog sa Dios, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito. At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa tuntunin ng Araw ng Pamamahinga, pero hindi sila nagkasala. Tandaan ninyo: may naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa templo. 7-8 Sapagkat ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang dapat gawin sa Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ng Dios sa Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’[a] hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)

Mula sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 10 May lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Jesus, kaya tinanong nila si Jesus, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung mahulog ang tupa ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Siyempre, iaahon ninyo, hindi ba? 12 Ngunit mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya ipinapahintulot ng Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” 13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 14 Lumabas naman ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Jesus.

Ang Piniling Lingkod ng Dios

15 Nang malaman ni Jesus ang plano ng mga Pariseo, umalis siya roon. Marami ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. 16 Pero pinagbilinan niya silang huwag ipaalam sa iba kung sino siya. 17 Katuparan ito ng sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias:

18 “Narito ang pinili kong lingkod.
    Minamahal ko siya at kinalulugdan.
    Ibibigay ko sa kanya ang aking Espiritu,
    at ipapahayag niya ang katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipagtalo o mambubulyaw,
    at hindi maririnig ang kanyang tinig sa daan.
20 Hindi niya ipapahamak ang mahihina ang pananampalataya
    o pababayaan ang mga nawawalan ng pag-asa.[b]
    Hindi siya titigil hanggaʼt hindi niya napapairal ang katarungan.
21 At ang mga tao sa lahat ng bansa ay mananalig sa kanya.”[c]

Si Jesus at si Satanas(C)

22 May dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus, agad siyang nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?”[d] 24 Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas[e] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 25 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? 27 At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. 28 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.

29 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[f]

30 “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. 31 Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.”

Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(D)

33 “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. 34 Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. 35 Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Pero ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. 36 Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya. 37 Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung paparusahan ka o hindi.”

Humingi ng Himala ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(E)

38 May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” 39 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. 41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[g] ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. 42 Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(F)

43 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan, 44 iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat, 45 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(G)

46 Habang nagsasalita pa si Jesus sa mga tao, dumating ang ina niya at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at gusto nila siyang makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nasa labas ang po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makausap.” 48 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”

Nehemias 2

Pumunta si Nehemias sa Jerusalem

Noong unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses, sinilbihan ko ng inumin ang hari. Noon lang niya ako nakitang malungkot. Kaya tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot, mukha ka namang walang sakit? Parang may problema ka.” Labis akong kinabahan, pero sumagot ako sa hari, “Humaba po nawa ang buhay ng Mahal na Hari! Nalulungkot po ako dahil ang lungsod na pinaglibingan ng aking mga ninuno ay nagiba at ang mga pintuan nito ay nasunog.” Nagtanong ang hari, “Ano ang gusto mo?” Nanalangin ako sa Dios ng kalangitan, at pagkatapos, sumagot ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, at kung nalulugod po kayo sa akin, gusto ko sanang umuwi sa Juda, para muling ipatayo ang lungsod kung saan inilibing ang aking mga ninuno.”

Tinanong ako ng hari habang nakaupo ang reyna sa tabi niya, “Gaano ka katagal doon at kailan ka babalik?” Sinabi ko kung kailan ako babalik, at pinayagan niya ako. Humiling din ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, bigyan nʼyo po ako ng mga sulat para sa mga gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates, na payagan nila akong dumaan sa nasasakupan nila sa pag-uwi ko sa Juda. At kung maaari, bigyan nʼyo rin po ako ng sulat para kay Asaf na tagapagbantay ng mga halamanan ninyo, para bigyan ako ng mga kahoy na gagamitin sa paggawa ng pintuan ng matatag na kuta malapit sa templo, at sa pagpapatayo ng pader ng lungsod at ng bahay na titirhan ko.” Pinagbigyan ng hari ang mga kahilingan ko sa kanya dahil sa kabutihan ng Dios sa akin.

Sa pag-alis ko, pinasamahan pa ako ng hari sa mga opisyal ng sundalo at sa mga mangangabayo. Pagdating ko sa kanluran ng Eufrates, ibinigay ko sa mga gobernador ang sulat ng hari. 10 Ngunit nang marinig nina Sanbalat na taga-Horon at Tobia na isang opisyal ng Ammonita na dumating ako para tulungan ang mga Israelita, labis silang nagalit.

Tiningnan ni Nehemias ang Pader ng Jerusalem

11 Pagkalipas ng tatlong araw mula nang dumating ako sa Jerusalem, 12 umalis ako nang hatinggabi na may ilang kasama. Hindi ko sinabi kahit kanino ang gustong ipagawa sa akin ng Dios tungkol sa Jerusalem. Wala kaming dalang ibang hayop maliban sa sinasakyan kong asno. 13 Lumabas kami sa pintuang nakaharap sa lambak at pumunta sa Balon ng Dragon[a] hanggang sa may pintuan ng pinagtatapunan ng basura. Pinagmasdan kong mabuti ang mga nagibang pader ng Jerusalem at ang mga pintuan nitong nasunog. 14 Nagpatuloy ako sa Pintuan ng Bukal hanggang sa paliguan ng hari, pero hindi makaraan doon ang asno ko. 15 Kaya tumuloy na lang ako sa Lambak ng Kidron, at siniyasat ang mga pader nang gabing iyon. Pagkatapos, bumalik ako at muling dumaan sa pintuang nakaharap sa lambak.

16 Hindi alam ng mga opisyal ng lungsod kung saan ako nanggaling at kung ano ang ginawa ko. Sapagkat wala pa akong pinagsabihang Judio tungkol sa balak ko, kahit ang mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at ang iba pang nasa pamahalaan.

17 Ngunit ngayon ay sinabi ko sa kanila, “Nakita nʼyo ang nakakaawang kalagayan ng lungsod natin. Giba ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Muli nating itayo ang pader ng Jerusalem para hindi na tayo mapahiya.” 18 Sinabi ko rin sa kanila kung gaano kabuti ang Dios sa akin at kung ano ang sinabi ng hari sa akin. Sumagot sila, “Sige, muli nating itayo ang pader.” Kaya naghanda sila para simulan ang mabuting gawaing ito. 19 Ngunit nang mabalitaan ito ni Sanbalat na taga-Horon, ni Tobia na isang opisyal na Ammonita, at ni Geshem na isang Arabo, nilait nila kami at pinagtawanan. Sinabi nila, “Ano ang ginagawa nʼyong ito? Nagbabalak ba kayong maghimagsik laban sa hari?” 20 Sinagot ko sila, “Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Dios sa langit. Kami na mga lingkod niya ay magsisimula na sa pagpapatayo ng pader ng Jerusalem. Pero kayo ay hindi kabilang at walang karapatan sa Jerusalem, at hindi kayo bahagi ng kasaysayan nito.”

Gawa 12

Inusig ni Haring Herodes ang mga Mananampalataya

12 Nang panahong iyon, nagsimula si Haring Herodes[a] sa pag-uusig sa ilang miyembro ng iglesya. Ipinapatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng espada. Nang makita niyang natuwa ang mga Judio dahil sa kanyang ginawa, ipinahuli rin niya si Pedro. Nangyari ito sa panahon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ipinabilanggo niya si Pedro at pinabantayan sa apat na grupo ng mga sundalo na ang bawat grupo ay may apat na sundalo. Ayon sa plano ni Herodes, ang paglilitis kay Pedro ay gagawin niya sa harap ng taong-bayan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Habang nasa bilangguan si Pedro, patuloy ang taimtim na pananalangin ng iglesya para sa kanya.

Ang Himalang Pagkalabas ni Pedro sa Bilangguan

Noong gabing bago iharap si Pedro sa paglilitis, natutulog siyang nakagapos ng dalawang kadena sa pagitan ng dalawang sundalo. Mayroon pang mga guwardyang nakabantay sa pintuan ng bilangguan. Walang anu-anoʼy biglang nagliwanag sa loob ng bilangguan at nagpakita ang isang anghel ng Panginoon. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro para magising, at sinabi, “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang mga kadena sa kanyang mga kamay. Sinabi ng anghel, “Magdamit ka at magsandalyas.” At ginawa nga iyon ni Pedro. Sinabi pa ng anghel sa kanya, “Magbalabal ka at sumunod sa akin.” At sumunod nga siya sa anghel palabas sa bilangguan. Hindi alam ni Pedro kung totoo ang nangyayari. Ang akala niyaʼy nananaginip lang siya. 10 Dinaanan lang nila ang una at ang pangalawang grupo ng mga guwardya. Pagdating nila sa pintuang bakal na patungo sa loob ng lungsod, kusa itong bumukas. At lumabas sila agad. Paglampas nila sa isang kalye, bigla na lang siyang iniwan ng anghel. 11 Saka lang niya nalaman na hindi pala ito panaginip lang. Sinabi niya, “Totoo pala talaga na ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel, at iniligtas niya ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”

12 Nang maunawaan niya ang nangyari,[b] pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Maraming tao ang nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Kumatok si Pedro sa pinto ng bakuran, at lumapit ang utusang si Roda para alamin kung sino ang kumakatok. 14 Nabosesan niyang si Pedro iyon at sa sobrang tuwa, sa halip na buksan ang pinto, tumakbo siyang papasok para ipaalam sa mga kasamahan niya na si Pedro ay nasa labas. 15 Sinabi nila kay Roda, “Nasisiraan ka na yata ng bait!” Pero ipinagpilitan niyang si Pedro nga ang nasa labas. Kaya sinabi nila, “Baka anghel iyon ni Pedro.” 16 Samantala, patuloy pa rin sa pagkatok si Pedro. Kaya binuksan nila ang pinto. At nang makita nilang si Pedro nga iyon, hindi sila makapaniwala. 17 Sinenyasan sila ni Pedro na tumahimik, at ikinuwento niya sa kanila kung paano siya pinalabas ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya sa kanila na ipaalam ito kay Santiago at sa iba pang mga kapatid. Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.

18 Kinaumagahan, nagkagulo ang mga guwardya, dahil wala na si Pedro at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Nag-utos si Herodes na hanapin siya, pero hindi talaga nila makita. Kaya pinaimbestigahan niya ang mga guwardya at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea. Pumunta siya sa Cesarea at doon nanatili.

Ang Pagkamatay ni Haring Herodes

20 Galit na galit si Haring Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. Kaya nagkaisa ang mga tao na makipag-ayos sa hari dahil sa bayan nito nanggagaling ang kanilang pagkain. Bago sila pumunta sa hari, kinaibigan muna nila si Blastus para tulungan sila, dahil siya ang katiwala ng hari sa palasyo. 21 Nang dumating ang araw na makikipagkita na si Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon, isinuot niya ang damit panghari at umupo siya sa kanyang trono at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga tao, “Isang dios ang nagsasalita at hindi tao!” 23 Nang oras ding iyon, pinarusahan siya ng anghel ng Panginoon, dahil hindi niya binigyan ng papuri ang Dios. Inuod siya at namatay.

24 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios at lalo pang dumami ang mga mananampalataya.

25 Samantala, bumalik sina Bernabe at Saulo sa Antioc galing sa Jerusalem[c] matapos nilang maihatid ang tulong sa mga kapatid. Isinama rin nila si Juan Marcos.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®