Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 10

Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad

10 Tinawag niya at pinalapit ang kaniyang labindalawang alagad. Pagkatapos, binigyan niya sila ng kapama­halaan upang magpalabas ng mga karumal-dumal na espiritu. Binigyan din niya sila ng kapamahalaang magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at lahat ng uri ng karamdaman.

Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro at ang kaniyang kapatid na si Andres. Si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kaniyang kapatid na si Juan. Sina Felipe, Bartolome at Tomas, at si Mateo na maniningil ng buwis. Si Santiago na anak ni Alfeoat si Leveo na tinatawag na Tadeo. Si Simon na kabilangsa Makabayan at si Judas na taga-Keriot, na nagkanulo sa kaniya.

Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus. Sila ay inutusan niya na sinasabi: Huwag kayong pupunta sa daan ng mga Gentil at huwag kayong papasok sa alin mang lungsod ng mga taga-Samaria. Sa halip, pumunta kayo sa nawawalang tupa sa sambahayan ni Israel. Sa inyong paghayo, ito ang inyong ipangangaral: Ang paghahari ng langit ay nalalapit na. At pagalingin ninyo ang mga maysakit at linisin ninyo ang mga ketongin. Buhayin ninyo ang mga patay at magpalayas kayo ng mga demonyo. Ang tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad. Huwag kayong magbaon ng ginto, o pilak o tanso man sa inyong mga pamigkis. 10 Huwag kayong magbaon ng bayong sa inyong paglalakbay, o ng dalawang balabal, o panyapak o ng tungkod man sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang pagkain.

11 Kapag pumasok kayo sa anumang lungsod o bayan, alamin ninyo kung sino ang karapat-dapat doon. Tumuloy kayo sa kanila hanggang sa inyong pag-alis. 12 Pagpasok ninyo sa isang bahay, bumati kayo sa kanila. 13 Kung ang bahay ay karapat-dapat, sumakanila nawa ang inyong kapayapaan. Ngunit kung ito ay hindi karapat-dapat, bumalik nawa sa inyo ang inyong kapayapaan. 14 Ang sinumang hindi tumanggap sa inyo, ni makinig sa inyong mga salita, lumabas kayo sa bahay, o lungsod na iyon. Paglabas ninyo, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa araw ng paghatol ay higit na magaan ang parusa sa lupain ng Sodoma at Gomora kaysa sa lungsod na iyon. 16 Narito, sinusugo ko kayong katulad ng mga tupa sa gitna ng mga lobo. Kaya nga, magpakatalino kayong katulad ng mga ahas at maging maamong katulad ng mga kalapati.

17 Mag-ingat kayo sa mga tao sapagkat ibibigay nila kayo sa mga sanggunian. Hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin. Ihaharap kayo sa kanila upang magbigay ng patotoo laban sa kanila at sa mga Gentil. 19 Ngunit kapag ibinigay nila kayo, huwag kayong mag-alala kung papaano o ano ang inyong sasabihin sapagkat sa oras ding iyon ay ipagkakaloob sa inyo kung ano ang inyong sasabihin. 20 Ito ay sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

21 Ipapapatay ng kapatid ang kaniyang kapatid at ng ama ang kaniyang anak. Ang mga anak ay maghihimagsik laban sa kanilang mga magulang at ipapapatay sila. 22 Kapopootan kayo ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas. 23 Ngunit kapag inuusig nila kayo sa lungsod na ito, tumakas kayo patungo sa iba sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi pa ninyo natatapos libutin ang mga lungsod ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.

24 Ang alagad ay hindi nakakahigit sa kaniyang guro at ang alipin ay hindi nakakahigit sa kaniyang panginoon. 25 Sapat na sa alagad na matulad sa kaniyang guro at ang alipin ay matulad sa kaniyang panginoon. Kung tinatawag nila ang may-ari ng sambahayan na Beelzebub, gaano pa kaya na kanilang sasabihin iyon sa mga kabahagi ng sambahayan.

26 Huwag nga kayong matakot sa kanila sapagkat walang anumang natatakpan na hindi mahahayag, at walang anumang natatago na hindi malalaman. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay sabihin ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong ay ipahayag ninyo mula sa mga bubungan ng bahay. 28 Huwag kayong matakot sa mga pumapatay sa katawan ngunit hindi makakapatay sa kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa kaniya na makakapatay kapwa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29 Hindi ba ipinagbibili ang dalawang maya ng isang sentimo? Gayunman, kahit isa sa kanila ay hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahihintulutan ng iyong Ama. 30 Maging ang mga buhok ninyo sa inyong mga ulo ay bilang niya ang lahat. 31 Kaya nga, huwag kayong matakot sapagkat higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya.

32 Kaya nga, ang sinumang maghahayag sa akin sa harap ng mga tao ay ihahayag ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit. 33 Ngunit ang sinumang magkakaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit.

34 Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdalang kapayapaan sa lupa. Hindi ako naparito upang magdalang kapayapaan kundi ng tabak. 35 Naparito ako upang paghimagsikin

ang isang tao laban sa kaniyang ama. Papaghimagsikin ko ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenang babae.

36 Ang kaaway ng isang tao ay ang kaniyang sariling kasambahay.

37 Ang umiibig sa kaniyang ama o ina ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang sinumamg umiibig sa kaniyang anak na lalaki, o anak na babae nang higit sa akinay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang sinumang makakasumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ang sinumang mawawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpung nito.

40 Siya na tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at siya na tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Siya na tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng isang propeta ay tatanggap ng gantimpalang ukol sa propeta. Siya na tumatanggap sa isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpalang ukol sa taong matuwid. 42 Ang sinumang magbigay ng maiinom sa isa sa mga maliliit na ito kahit isang basong malamig na tubig dahil sa pangalan ng isang alagad, sinasabi ko sa inyo ang totoo: Hindi siya mawawalan ng gantimpala.

Gawa 10

Ipinatawag ni Cornelio si Pedro

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio. Siya ay kapitan ng tinatawag na balangay ng mga taga-Italia.

Siya ay isang taong palasamba at may takot sa Diyos kasama ng kaniyang sambahayan. Marami siyang pagkakaloob sa mga kahabag-habag at laging nana­nalanging sa Diyos para sa iba. Isang araw, nang ikasiyam pa lamang ang oras, maliwanag siyang nakakita ng isang pangitain. Nakita niya ang anghel ng Diyos na papalapit sa kaniya. Sinabi nito sa kaniya: Cornelio.

Siya ay tumitig sa kaniya at sa takot ay sinabi niya sa kaniya: Ano iyon, Panginoon?

Sinabi niya sa kaniya: Ang iyong mga pananalangin atmga pagkakaloob sa mga kahabag-habag ay pumailanglang na isang alaala sa harap ng Diyos.

Magsugo ka ng mga tao ngayon sa Jope. Ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa isang taong nagngangalang Simonna mangungulti ng balat ng hayop. Ang kaniyang bahay aynasa tabing dagat. Sasabihin ni Pedro sa iyo ang dapat mong gawin.

Nang umalis ang anghel na nagsalita kay Cornelio, tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga katulong. Tumawag din siya ng isang kawal niya na palasamba sa Diyos napatuloy na naglilingkod sa kaniya. Nang maisaysay na sa kanila ni Cornelio ang lahat ng mga bagay, sila ay isinugo niya sa Jope.

Ang Pangitain ni Pedro

Kinabukasan, habang naglalakbay sila at papalapit na sa lungsod, si Pedro ay umakyat sa bubong ng bahay upang manalangin. Noon ay ikaanim na ang oras.

10 Siya ay nagutom at ibig na niyang kumain. Ngunit samantalang sila ay naghahanda, sa kaniyang kalalagayang tulad ng nananaginip, isang pangitain ang bumaba sa kaniya. 11 Nakita niyang bukas ang langit at may isang kagamitang bumababa sa kaniya. Ito ay gaya ng isang malapad na kumot na nakabuhol ang apat na sulok na bumababa sa lupa. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa. Naroon din ang mababangis na hayop at ang mga gumagapang sa lupa. Naroon din ang mga ibon sa himpapawid. 13 Dumating sa kaniya ang isang tinig: Tumindig ka Pedro. Kumatay ka at kumain.

14 Ngunit sinabi ni Pedro: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay hindi ako kumain ng anumang bagay na pangkaraniwan at marumi.

15 Muli niyang narinig ang tinig sa ikalawang pagkakataon: Anumang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan.

16 Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak sa langit ang sisidlan.

17 Totoong nalito si Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitain na nakita niya. Narito, nang mga sandaling iyon ay naipagtanong na ng mga taong sinugo ni Cornelio kung saan ang bahay ni Simon. Sila ay tumayo sa tarangkahan. 18 Sila ay tumawag at nagtanong kung si Simon na tinatawag na Pedro ay nanunuluyan doon.

19 Samantalang iniisip ni Pedro ang patungkol sa pangitain, sinabi sa kaniya ng Espiritu: Narito, hinahanap ka ng tatlong lalaki. 20 Subalit tumindig ka at bumaba ka at sumama ka sa kanila. Huwag ka nang mag-alinlangan pa sapagkat sila ay aking sinugo.

21 Nanaog si Pedro papunta sa mga lalaki na pinadala ni Cornelio sa kaniya. Sinabi niya: Narito, ako ang hinahanap ninyo. Bakit kayo naparito?

22 Sinabi nila: Si Cornelio ay isang kapitan ng isang balangay at taong matuwid at may takot sa Diyos. Siya ay may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio. Pinagtagu­bilinan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay papuntahin sa kaniyang bahay upang siya ay makarinig ng salita mula sa iyo. 23 Kaya sila ay pinapasok at binigyan ng matutuluyan.

Si Pedro sa Tahanan ni Cornelio

Kinabukasan, umalis si Pedro na kasama nila. Sila ay sinamahan ng ilang kapatid na lalaki mula sa Jope.

24 Kina­bukasan dumating sila sa Cesarea. Sila ay hinihintay ni Cornelio. Tinipon niya ang kaniyang kamag-anakan at kani­yang mga matatalik na kaibigan. 25 Nangyari, na pagpasok ni Pedro ay sinalubong siya ni Cornelio. Nagpatirapa siya sa kaniyang paanan at siya ay sinamba. 26 Ngunit itinindig siya ni Pedro na sinasabi: Tumindig ka, ako ay tao rin naman.

27 Habang nag-uusap sila, pumasok siya at nakita niyang marami ang nagkakatipun-tipon. 28 Sinabi niya sa kanila: Alam ninyo na hindi ayon sa kautusan na ang Judio ay makisama o lumapit sa isang taga-ibang bansa. Ngunit ipina­kita sa akin ng Diyos na huwag kong tawaging pangkaraniwan o marungis ang sinuman. 29 Iyan ang dahilan kaya nang ako ay ipasundo mo, naparito akong hindi tumututol. Kaya nga, itinatanong ko sa inyo, sa anong kadahilanan ipinasundo mo ako?

30 Sinabi ni Cornelio: May apat na araw na hanggang sa oras na ito na ako ay nag-aayuno. Sa ikasiyam na oras sa aking bahay, sa aking pananalangin, at narito, isang lalaki ang tumindig sa harapan ko. Siya ay nakasuot ng maningning na damit. 31 Sinabi niya: Cornelio, dininig ang dalangin mo. Ang iyong mga pagkakaloob sa kahabag-habag ay inaalaala sa paningin ng Diyos. 32 Magsugo ka nga sa Jope, at anyayahan mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa bahay ni Simong mangungulti ng balat ng hayop. Ang bahay niya ay nasa tabing dagat. Pagdating niya ay magsasalita siya sa iyo. 33 Kaagad-agad nga ay nagpasugo ako sa iyo. Mabuti at naparito ka. Kaya nga, naririto kaming lahat sa paningin ng Diyos upang dinggin ang lahat ng bagay na ipinag-utos sa iyo ng Diyos.

34 Ibinukas ni Pedro ang kaniyang bibig at nagsabi: Totoo ngang naunawaan kong ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. 35 Subalit sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaniyang tinatanggap. 36 Alam ninyo ang salitang ipinadala ng Diyos sa mga anak ni Israel na naghahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ay Panginoon ng lahat. 37 Ang pangyayaring ito ay naganap sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bawtismo na ipinangaral ni Juan. 38 Alam ninyo kung papaanong si Jesus, na taga-Nazaret ay pinahiran ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan. Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti. Pinagaling niya ang lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo sapagkat sumasa kaniya ang Diyos.

39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Pinatay nila siya sa pamamagitan ng pagbitin sa kahoy. 40 Nang ikatlong araw siya ay muling binuhay ng Diyos at siya ay inihayag. 41 Inihayag siya hindi sa lahat ng mga tao kundi sa mga saksi na hinirang ng Diyos nang una. Ito ay sa amin na kasalo niyang kumain at uminom pagkatapos niyang bumangon mula sa mga patay. 42 Iniutos niya sa amin na mangaral sa mga tao at lubos na pinagpapatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta. Pinatotohanan nila na ang bawat sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig ng salita. 45 Ang lahat ng mga mananampalatayang nasa pagtutuli na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Banal na Espiritu. 46 Nalaman nila ito dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos.

47 Nang magkagayon ay sumagot si Pedro: Maipagbabawal ba ng sinuman ang paggamit ng tubig upang mabawtismuhan itong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na gaya naman natin? 48 Inutusan niya sila na magpabawtismo sa pangalan ng Pangi­noon. Pagkatapos nito hiniling nila sa kaniya na manatili ng mga ilang araw.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International