Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 9-10

Ang Kasunduan ng Dios kay Noe

Binasbasan ng Dios si Noe at ang mga anak niya at sinabi, “Magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat kayo sa buong mundo. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop: ang mga lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang mga nakatira sa tubig. Kayo ang maghahari sa kanilang lahat. Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain.

“Pero huwag ninyong kakainin ang hayop na nang mamatay ay hindi lumabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa inyo, kahit ang mga hayop. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa.

“Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay papatayin din ng kanyang kapwa. Sapagkat ang tao ay ginawa ng Dios na kawangis niya. Ngayon, magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat sa buong mundo.”

Sinabi pa ng Dios kay Noe at sa mga anak niya, 9-11 “Ito ang kasunduan ko sa inyo at sa mga lahi ninyo, at sa lahat ng nabubuhay sa mundo pati sa lahat ng hayop na naging kasama ninyo sa barko: Hindi ko na muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay sa pamamagitan ng baha. At wala nang baha na mangyayari pa para malipol ang mundo.”

12-13 At sinabi pa ng Dios, “Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa mga hayop, at sa lahat ng susunod nʼyo pang mga henerasyon, maglalagay ako ng bahaghari sa ulap. 14 Sa tuwing gagawin kong maulap ang langit at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko agad ang kasunduan ko sa inyo at sa lahat ng uri ng hayop, na hindi ko na lilipuling muli sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari sa mga ulap, aalalahanin ko agad ang walang hanggang kasunduan ko sa lahat ng may buhay sa mundo.”

17 Kaya sinabi ng Dios kay Noe, “Ang bahaghari ang siyang palatandaan ng kasunduan ko sa lahat ng nabubuhay sa mundo.”

Ang mga Anak ni Noe

18 Ito ang mga anak ni Noe na kasama niya sa barko: sina Shem, Ham at Jafet. (Si Ham ang ama ni Canaan.) 19 Silang tatlo ang pinagmulan ng lahat ng tao sa mundo.

20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang unang nagtanim ng ubas. 21 Isang araw, uminom siya ng alak na mula sa ubas, at nalasing. Nakatulog siyang hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Ngayon, si Ham na ama ni Canaan ay pumasok sa tolda, at nakita niyang hubad ang kanyang ama. Kaya lumabas siya at sinabi ito sa dalawang kapatid niya. 23 Kumuha sina Shem at Jafet ng damit at inilagay sa balikat nila, pagkatapos, lumakad sila nang paurong papasok sa tolda para takpan ang kanilang ama. Hindi sila lumingon dahil ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mahimasmasan na si Noe sa pagkalasing niya, at nalaman kung ano ang ginawa ng bunsong anak niya, 25 sinabi niya;

    “Sumpain ka Canaan! Maghihirap ka at magiging alipin ng iyong mga kapatid.”

26 At sinabi rin niya,

    “Purihin ang Panginoon, ang Dios ni Shem.
    Nawaʼy maging alipin ni Shem si Canaan.
27 Nawaʼy palawakin ng Dios ang lupain ni Jafet,
    at maging mabuti ang pagsasama ng mga lahi niya at ng mga lahi ni Shem.
    At nawaʼy maging alipin din ni Jafet si Canaan.”

28 Nabuhay pa si Noe ng 350 taon pagkatapos ng baha. 29 Namatay siya sa edad na 950.

Ang mga Lahi ng mga Anak ni Noe(A)

10 Ito ang salaysay tungkol sa mga pamilya ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet. Nagkaroon sila ng mga anak pagkatapos ng baha.

Ang mga anak ni Jafet na lalaki ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras.

Si Gomer ay may mga anak din na lalaki na sina Ashkenaz, Rifat at Togarma.

Ang mga anak naman ni Javan ay sina Elisha, Tarshish, Kitim at Dodanim.[a] Ito ang mga lahi ni Jafet. Sila ang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga dalampasigan at mga isla. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa sarili nilang lugar na sakop ng bansa nila, at may sarili silang wika.

Ang mga anak ni Ham na lalaki ay sina Cush, Mizraim[b], Put at Canaan.

Si Cush ay may mga anak din na lalaki na sina Sheba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca. Ang mga anak ni Raama ay sina Sheba at Dedan.

May isa pang anak si Cush na ang pangalan ay Nimrod. Si Nimrod ay naging magiting na sundalo sa mundo. Alam ng Panginoon[c] na mahusay siyang mangangaso; dito nanggaling ang kasabihang, “Katulad ka ni Nimrod na alam ng Panginoon na mahusay na mangangaso.” 10 Ang unang kaharian na pinamahalaan ni Nimrod ay ang Babilonia, Erec, Akad. Ang lahat ng ito[d] ay sakop ng Shinar. 11 Mula sa mga lugar na iyon, pumunta siya sa Asiria at itinayo ang Nineve, Rehobot Ir, Cala, 12 at Resen na nasa gitna ng Nineve at ng Cala na isang tanyag na lungsod.

13 Si Mizraim[e] ang pinagmulan ng mga Ludeo, Anameo, Lehabeo, Naftu, 14 Patruseo, Caslu at ng Caftoreo na siyang pinagmulan ng mga Filisteo.

15 Si Canaan ang ama nina Sidon at Het. Si Sidon ang kanyang panganay. 16 Si Canaan ang siya ring pinagmulan ng mga Jebuseo, Amoreo, Gergaseo, 17 Hiveo, Arkeo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo, at Hamateo.

Sa bandang huli, nangalat ang mga lahi ni Canaan. 19 Ang hangganan ng lupain nila ay mula sa Sidon papuntang Gerar hanggang sa Gaza, at umabot sa Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at hanggang sa Lasha.

20 Ito ang mga lahi ni Ham. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa kanilang sariling lupain na sakop ng kanilang bansa, at may sarili silang wika.

21 Si Shem na nakatatandang kapatid ni Jafet ang pinagmulan ng lahat ng Eber.

22 Ang mga anak na lalaki ni Shem:

sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram.

23 Ang mga anak ni Aram:

sina Uz, Hul, Geter at Meshec.

24 Si Arfaxad ang ama ni Shela, at si Shela ang ama ni Eber.

25 May dalawang anak na lalaki si Eber: ang isa ay pinangalanang Peleg, dahil noong panahon niya, ang mga tao sa mundo ay nagkahati-hati; ang pangalan naman ng kanyang kapatid ay Joktan.

26 Si Joktan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jera, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Silang lahat ang anak ni Joktan.

30 Ang lupaing tinitirhan nila ay mula sa Mesha at papunta sa Sefar, sa kabundukan sa silangan.

31 Ito ang mga lahi ni Shem. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa sarili nilang lupain na sakop ng kanilang bansa, at may sarili silang wika.

32 Ito ang lahat ng lahi ng mga anak ni Noe, na nasa ibaʼt ibang bansa. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa buong mundo pagkatapos ng baha.

Mateo 9

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

Sumakay sina Jesus sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa. Pagdating nila roon, umuwi si Jesus sa sarili niyang bayan. Doon ay may mga taong nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Dios.” Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na akong Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. Namangha ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Dios na nagbigay sa mga tao ng ganoong kapangyarihan.

Tinawag ni Jesus si Mateo(B)

Nang umalis na roon si Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo, na nakaupo sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod kay Jesus.

10 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at ang iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga tagasunod ni Jesus, “Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga makasalanan?” 12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga walang sakit ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. 13 Umalis na kayo at pag-isipan nʼyo kung ano ang kahulugan ng sinasabing ito ng Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo.’[a] Sapagkat naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”

Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(C)

14 May ilang mga tagasunod ni Juan na Tagapagbautismo ang pumunta kay Jesus at nagtanong, “Kami at ang mga Pariseo ay madalas mag-ayuno. Bakit hindi nag-aayuno ang mga tagasunod ninyo?” 15 Sumagot si Jesus, “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”

16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil kapag nilabhan uurong[b] ang bagong tela at lalo pang lalaki ang punit. 17 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat, at pareho silang magtatagal.”

Ang Anak ng Pinuno at ang Babaeng Dinudugo(D)

18 Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno ng sambahan ng mga Judio. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, pero kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, mabubuhay siyang muli.” 19 Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na rin ang mga tagasunod niya. 20 Habang naglalakad sila, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babae na 12 taon nang dinudugo, at hinipo niya ang laylayan[c] ng damit ni Jesus. 21 Sapagkat sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa babae ay sinabi, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinagaling[d] ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae nang sandaling iyon.

23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang siya.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. 26 Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag

27 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na sumisigaw, “Anak ni David,[e] maawa po kayo sa amin!” 28 Pagdating ni Jesus sa bahay na kanyang tutuluyan, lumapit sa kanya ang mga bulag na lalaki. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na kaya ko kayong pagalingin?” Sumagot sila, “Opo, Panginoon.” 29 At hinipo ni Jesus ang mga mata nila, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga ang dalawa. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nila itong sasabihin kaninuman. 31 Pero umalis ang dalawa at ibinalita nila sa buong lugar na iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipi

32 Habang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. 33 Pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu, at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Kailanman ay hindi pa nangyari ang ganito sa buong Israel.” 34 Pero sinabi ng mga Pariseo, “Ang pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”

Naawa si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon, at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio. Ipinahayag niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila. Para silang mga tupang walang pastol. 37 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang tagapag-ani. 38 Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani.”

Ezra 9

Nagsipag-asawa ng mga Dayuhan ang mga Israelita

Sinabi pa ni Ezra: Pagkatapos ng pangyayaring iyon, pumunta sa akin ang mga pinuno ng mga Judio at nagsabi, “Marami sa mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari at mga Levita, ang namumuhay katulad ng mga tao sa paligid nila. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio, at Amoreo. Nagsipag-asawa pa sila at ang mga anak nila ng mga babaeng mula sa mga mamamayang nabanggit. Kaya ang mga mamamayang pinili ng Dios ay nahaluan ng ibang mga lahi. At ang mga pinuno at mga opisyal pa natin ang siyang nangunguna sa paggawa nito.”

Nang marinig ko ito, pinunit ko ang damit ko, sinabunutan ko ang buhok ko, hinila ko ang balbas ko, at naupo akong tulala. Nagtipon sa akin ang mga tao na takot sa mensahe ng Dios ng Israel dahil sa pagtataksil ng mga kapwa nila Israelitang bumalik galing sa pagkabihag. Naupo akong tulala, hanggang sa dumating ang oras ng panggabing paghahandog. Pagdating ng oras na iyon, tumigil ako sa pagdadalamhati. Lumuhod akong gutay-gutay ang damit, at nanalangin na nakataas ang mga kamay sa Panginoon na aking Dios. Sinabi ko, “Dios ko, hiyang-hiya po ako. Hindi ako makatingala sa inyo sa sobrang hiya, dahil sobra na ang mga kasalanan namin; parang umaapaw na po ito sa ulo namin at umabot na sa langit. Simula pa po sa kapanahunan ng mga ninuno namin hanggang ngayon, sobra na ang kasalanan namin; at dahil dito, kami at ang aming mga hari at mga pari ay palaging sinasakop ng mga hari ng ibang mga bansa. Pinatay nila ang iba sa amin, at ang iba naman ay binihag, ninakawan at pinahiya, katulad ng nangyayari sa amin ngayon.

“At ngayon, sa maikling panahon, kinahabagan nʼyo po kami, Panginoon na aming Dios. Niloob nʼyong may matira sa amin, at pinatira nʼyo kami nang may katiyakan sa lugar na ito na inyong pinili. Binigyan nʼyo po kami ng pag-asa at pinagaan nʼyo ang aming kalagayan sa pagkaalipin. Kahit mga alipin kami, hindi nʼyo kami pinabayaan sa pagkaalipin, sa halip ipinapakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng mabuting pagtrato ng mga hari ng Persia sa amin. Ginawa nʼyo ito para mabigyan kami ng bagong buhay, at para maipatayo namin muli ang templo nʼyong nagiba, at mabigyan nʼyo po kami ng kalinga dito sa Juda at Jerusalem.

10 “Pero ngayong nagkasala kami, O aming Dios, ano pa ang masasabi namin? Sapagkat binalewala namin ang mga utos nʼyo 11 na ibinigay nʼyo sa amin sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ninyo. Sinabi nila sa amin na ang lupaing pupuntahan namin para angkinin ay maruming lupain dahil sa kasamaan ng mga naninirahan dito. Dinumihan nila ang lahat ng bahagi ng lupaing ito sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam nilang gawain. 12 Sinabi rin sa amin ng mga propeta na huwag kaming magsisipag-asawa sa kanila, at huwag kaming tutulong na umunlad sila, para maging matibay at maunlad kami,[a] at para manatili ang pag-unlad na ito sa mga lahi namin magpakailanman. 13 Pinarusahan nʼyo kami, O aming Dios, dahil sa mga kasalanan namin. Pero ang parusa nʼyo sa amin ay kulang pa po sa nararapat naming tanggapin, at niloob nʼyo pa na may matirang buhay sa amin. 14 Pero sa kabila nito, sinuway ulit namin ang mga utos nʼyo, at nagsipag-asawa kami ng mga taong gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain. Talagang magagalit kayo sa amin at lilipulin kami hanggang sa wala nang matira sa amin. 15 O Panginoon, Dios ng Israel, makatarungan po kayo, sapagkat niloob nʼyo na may matira pang buhay sa amin hanggang ngayon. Inaamin po namin ang aming mga kasalanan, at hindi kami makakatayo sa presensya nʼyo dahil sa mga kasalanang ito.”

Gawa 9

Nakakilala si Saulo sa Panginoon(A)

Patuloy pa rin ang pagbabanta ni Saulo sa buhay ng mga tagasunod ng Panginoon. Pinuntahan pa niya ang punong pari at humingi ng mga sulat na ipapakita niya sa mga sambahan ng mga Judio sa Damascus bilang katibayan na binibigyan siya ng kapangyarihang hulihin at dalhin sa Jerusalem ang sinumang makikita niya roon na sumusunod sa pamamaraan ni Jesus,[a] lalaki man ito o babae.

Nang malapit na si Saulo sa lungsod ng Damascus, bigla siyang napalibutan ng nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya, at may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” Sumagot si Saulo, “Sino po ba kayo?” Sinagot siya ng tinig, “Ako si Jesus na iyong inuusig. Tumayo ka at pumunta sa lungsod, at doon ay may magsasabi sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” Hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo. Nakatayo lang sila na natigilan. Nakarinig sila ng boses, pero wala silang nakita. Tumayo si Saulo, pero pagmulat niyaʼy hindi na siya makakita. Kaya inakay na lang siya ng mga kasama niya hanggang sa Damascus. Tatlong araw siyang hindi nakakita, at hindi siya kumain o uminom.

10 Doon sa Damascus ay may isang tagasunod ni Jesus na ang pangalan ay Ananias. Nagpakita sa kanya ang Panginoon sa isang pangitain at sinabi, “Ananias!” Sumagot siya, “Panginoon, bakit po?” 11 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka sa daan na tinatawag na ‘Matuwid,’ at doon sa bahay ni Judas ay hanapin mo ang taong taga-Tarsus na ang pangalan ay Saulo. Nananalangin siya ngayon, 12 at ipinakita ko sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain na pumasok ka sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay para muling makakita.” 13 Pero sumagot si Ananias, “Panginoon, marami po akong nababalitaan tungkol sa taong iyon, na malupit siya sa inyong mga pinabanal[b] sa Jerusalem. 14 Narito siya ngayon sa Damascus at binigyan siya ng kapangyarihan ng mga namamahalang pari na hulihin ang lahat ng kumikilala sa iyo.”[c] 15 Pero sinabi ng Panginoon kay Ananias, “Lumakad ka, dahil pinili ko siyang maglingkod sa akin, para ipakilala niya ako sa mga hindi Judio at sa kanilang mga hari, at sa mga Israelita. 16 At ipapakita ko rin sa kanya ang mga paghihirap na dapat niyang danasin para sa akin.”

17 Kaya pinuntahan ni Ananias si Saulo sa bahay na tinutuluyan nito, at pagpasok niya roon ay ipinatong niya ang kanyang kamay kay Saulo. At sinabi niya, “Saulo, kapatid ko sa Panginoon, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus. Siya ang nagpakita sa iyo sa daan nang papunta ka rito. Inutusan niya ako rito para muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18 Biglang may nahulog na parang mga kaliskis ng isda mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita siyang muli. Pagkatapos, tumayo siya at nagpabautismo. 19 Kumain siya at muling lumakas.

Nangaral si Saulo sa Damascus

Nanatili si Saulo ng ilang araw sa Damascus kasama ng mga tagasunod ni Jesus. 20 Pumunta siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niyang si Jesus ang Anak ng Dios. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. Sinabi nila, “Hindi baʼt ito ang taong umuusig sa mga tagasunod ni Jesus doon sa Jerusalem? Hindi baʼt naparito siya para hulihin ang mga kumikilala kay Jesus at dalhin sa mga namamahalang pari?”

22 Lalong humusay ang kakayahan ni Saulo sa pangangaral. At hindi makasagot sa kanya ang mga Judio sa Damascus nang patunayan niyang si Jesus ang Cristo.

23 Pagkalipas ng ilang araw, nagtipon ang mga Judio at nagplanong patayin si Saulo. 24 Araw-gabi nilang inaabangan si Saulo sa mga pintuan ng lungsod upang patayin. Pero may nakapagsabi kay Saulo tungkol sa plano nila. 25 Kaya isang gabi, isinakay siya ng mga tagasunod niya sa malaking kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, gusto niya sanang makisalamuha sa mga tagasunod ni Jesus, pero takot sila sa kanya. Hindi sila naniniwala na siyaʼy tagasunod na rin ni Jesus. 27 Pero isinama siya ni Bernabe at dinala sa mga apostol. Ikinuwento ni Bernabe sa kanila kung paano nakita ni Saulo ang Panginoong Jesus sa daan at kung ano ang sinabi nito sa kanya. At sinabi rin niya ang katapangan ni Saulo sa pangangaral tungkol kay Jesus doon sa Damascus. 28 Kaya mula noon, kasama na nila si Saulo, at buong tapang niyang ipinangaral ang tungkol sa Panginoon saan man sa Jerusalem. 29 Nakipag-usap din siya at nakipagdebate sa mga Judiong nagsasalita ng Griego, kaya nagalit sila at nagplanong patayin siya. 30 Nang malaman ng mga mananampalataya ang plano nila, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarsus.

31 Pagkatapos noon, naging matiwasay ang pamumuhay ng iglesya sa buong Judea, sa Galilea, at sa Samaria. Lalo pang lumakas ang kanilang pananampalataya at namuhay silang may takot sa Panginoon. Pinalalakas ng Banal na Espiritu ang kanilang loob, kaya lalo pa silang dumami.

Si Pedro sa Lyda at sa Jopa

32 Maraming lugar ang pinuntahan ni Pedro para dalawin ang mga pinabanal ng Dios. Pumunta rin siya sa Lyda. 33 Nakilala niya roon ang isang taong nagngangalang Eneas. Paralisado siya at hindi makabangon sa kanyang higaan sa loob ng walong taon. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinagagaling ka ni Jesu-Cristo. Kaya bumangon ka at iligpit ang iyong higaan.” Agad namang bumangon si Eneas. 35 Nakita ng lahat ng naninirahan sa Lyda at sa Sharon na gumaling na si Eneas, at sumampalataya rin sila sa Panginoon.

36 Sa lungsod ng Jopa, may isang babaeng mananampalataya na ang pangalan ay Tabita. (Sa Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[d]) Marami siyang nagawang mabuti lalung-lalo na sa mga dukha. 37 Nagkataon noon na nagkasakit ang babaeng ito at namatay. Nilinis nila ang kanyang bangkay at ibinurol sa isang kwarto sa itaas. 38 Ang Jopa ay malapit lang sa Lyda. Kaya nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Jesus na si Pedro ay naroon sa Lyda, inutusan nila ang dalawang tao na pakiusapan si Pedro na pumunta agad sa Jopa. 39 Pagdating ng dalawa roon kay Pedro, agad namang sumama si Pedro sa kanila. Pagdating nila sa Jopa, dinala siya sa kwarto na pinagbuburulan ng patay. May mga biyuda roon na umiiyak. Ipinakita nila kay Pedro ang mga damit na tinahi ni Dorcas noong nabubuhay pa siya. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro sa kwarto. Lumuhod siya at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita, at pagkakita niya kay Pedro, naupo siya. 41 Hinawakan siya ni Pedro sa kamay at tinulungang tumayo. Pagkatapos, tinawag ni Pedro ang mga biyuda at ang iba pang mga mananampalataya roon, at ipinakita sa kanila si Tabita na buhay na. 42 Ang pangyayaring ito ay napabalita sa buong Jopa, at marami ang sumampalataya sa Panginoong Jesus. 43 Nanatili pa si Pedro ng mga ilang araw sa Jopa sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®