Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 8

Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin

Nang siya ay bumaba mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao.

Narito, may lumapit na isang ketongin at sinamba siya na sinasabi: Panginoon kung ibig mo ay malilinis mo ako.

Iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinipo siya na sinasabi: Ibig ko. Maging malinis ka. Kaagad-agad na luminis ang kaniyang ketong. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tiyakin mong huwag sabihin ito sa kaninuman kundi lumakad ka at magpakita ka sa mga saserdote. Maghain ka ng kaloob ayon sa inutos ni Moises bilang patotoo sa kanila.

Ang Kapitan ay Nanampalataya

Nang pumasok na si Jesus sa Capernaum, may lumapit sa kaniya na isang kapitan na namamanhik sa kaniya.

Sinabi ng kapitan: Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, lumpo at lubhang nahihirapan.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ay paroroon at pagagalingin ko siya.

Ngunit sumagot ang kapitan: Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa aking bahay. Ngunit magsalita ka lamang at mapapagaling mo na ang aking lingkod. Ito ay sapagkat ako rin naman ay isang taong nasa ilalim ng kapamahalaan na may nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isang tao: Pumaroon ka. At pumaparoon siya. Sinasabi ko naman sa iba: Halika. At lumalapit siya. Sa aking alipin naman ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At kaniya itong ginagawa.

10 Namangha si Jesus nang marinig niya ito. Sinabi niya sa mga sumusunod sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kahit sa mga taga-Israel ay hindi ko nasumpungan ang ganito kalaking pananampalataya. 11 Sinasabi ko sa inyo na marami ang manggagaling sa silangan at kanluran at kakaing kasama ni Abraham, Isaac at Jacob sa paghahari ng langit. 12 Ngunit ang mga anak ng paghahari ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

13 Sinabi ni Jesus sa kapitan: Lumakad ka na. Mangyayari ang ayon sa pananampalataya mo. At ang kaniyang lingkod ay gumaling sa oras ding iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao

14 Nang dumating si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang kaniyang biyenang babae na nakahiga at nilalagnat.

15 Hinipo ni Jesus ang kamay nito at nawala ang lagnat. At siya ay bumangon at naglingkod sa kanila.

16 Kinagabihan, dinala nila sa kaniya ang maraming tao na inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga maysakit. 17 Ito ay upang matupad ang sinabi ni propeta Isaias na mangyayari. Sinasabi niya:

Kinuha niya ang ating mga kahinaan at dinala niya ang ating mga sakit.

Ang Halaga ng Pagsunod kay Jesus

18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, nag-utos siya upang tumawid sa kabilang ibayo ng lawa.

19 May lumapit sa kaniya na isang guro ng kautusan. Sinabi nito sa kaniya: Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

20 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang mga sora ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad. Ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapaghihiligan ng kaniyang ulo.

21 At isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi: Panginoon, pahintulutan mo muna akong makauwi upang ilibing ang aking ama.

22 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin. Bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang patay.

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo

23 Pagkasakay niya sa isang bangka, sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

24 Narito, nagkaroon ng isang malakas na bagyo sa lawa. Ang bangka ay natatabunan ng malalakas na alon. Ngunit si Jesus ay natutulog. 25 Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at ginising siya. Sinabi nila: Panginoon, iligtas mo kami, napapahamak kami.

26 Sinabi ni Jesus sa kanila: Bakit kayo natatakot? O, kayong maliliit ang pananampalataya. Nang magkagayon, bumangon siya at sinaway ang mga hangin at ang mga alon. At nagkaroon ng isang malaking katahimikan.

27 Ngunit ang mga lalaki ay namangha at nagsabi: Anong uri ng tao ito na maging ang mga hangin at dagat ay tumatalima sa kaniya?

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Inaalihan ng Demonyo

28 Pagdating niya sa kabilang ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng mga demonyo. Sila ay nanggaling sa libingan at totoong napakabangis. Kaya walang sinumang maglakas-loob na dumaan sa daang iyon.

29 Narito, sila ay sumigaw na sinabi: Ano ang kinalaman ng bagay na ito sa amin at sa iyo Jesus, ikaw na Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago pa man dumating ang panahon?

30 Sa hindi kalayuan ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain. 31 Nagmakaawa ang mga demonyo sa kaniya. Sinabi nila: Kapag palalayasin mo kami, pahintulutan mo kaming pumaroon sa kawan ng mga baboy.

32 Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo. Pagkalabas nila, pumasok sila sa kawan ng mga baboy. Narito, ang buong kawan ng baboy ay tumakbong padaluhong sa isang malalim na bangin at nahulog sa kalalim-laliman ng lawa at nalunod. 33 Ang mga tagapag-alaga ay tumakbo at pumunta sa lungsod. Ipinamalita nila ang lahat ng nangyari at ang sinapit ng mga inalihan ng mga demonyo. 34 Narito, ang buong mamamayan sa lungsod ay lumabas upang salubungin si Jesus. Nang makita nila siya, nagmakaawa sila sa kaniya na umalis na sa kanilang lupain at sa mga hangganan nito.

Gawa 8

Inusig ang Iglesiya at Ito ay Nangalat

Si Saulo ay sumang-ayon sa kamatayan ni Esteban. Sa araw na iyon, nagsimula ang isang malaking pag-uusig laban sa iglesiya na nasa Jerusalem. Silang lahat ay nangalat sa lahat ng mga dako sa Judea at Samaria maliban sa mga apostol.

Inilibing si Esteban ng mga taong palasamba sa Diyos at sa kaniya ay nanaghoy sila nang gayon na lamang. Pinipinsala ni Saulo ang iglesiya na pinapasok ang mga bahay-bahay. Kinakaladkad niya ang mga lalaki at mga babae at ibinibilanggo sila.

Si Felipe sa Samaria

Kaya nga, ang nangalat na mga mananampalataya ay naglakbay na ipinangangaral ang ebanghelyo.

Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria. Ipinangaral niya sa kanila ang Mesiyas. Ang maraming tao ay nagkaisang nakinig sa mga bagay na sinalita ni Felipe, nang kanilang marinig at makita ang mga tanda na ginawa niya. Ito ay sapagkat marami sa mga inaalihan ng mga karumal-dumal na espiritu ay iniwan ng mga espiritung ito na sumisigaw nang malakas. Maraming lumpo at pilay ang gumaling. Nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Si Simon na Manggagaway

May isang tao na nagngangalang Simon na nang unang panahon ay gumagawa ng panggagaway sa lungsod. At lubos niyang pinamangha ang mga tao sa Samaria. Sinasabi niyang siya ay dakila.

10 Siya ay pinakikinggan nilang lahat, buhat sa pinakamaliit hanggang sa pinakadakila. Sinasabi nila: Ang lalaking ito ang siyang dakilang kapangyarihan ng Diyos. 11 Siya ay pinakinggan nila sapagkat sila ay lubos niyang pinamangha sa mahabang panahon ng kaniyang mga panggagaway. 12 Ngunit nang sila ay maniwala kay Felipe na nangangaral ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos at patungkol sa pangalan ni Jesucristo. Sila ay nabawtismuhan, mga lalaki at babae. 13 Si Simon ay naniwala rin. Nang mabawtismuhan na siya, matatag siyang nagpatuloy kasama ni Felipe. Si Simon ay lubos na namangha nang makakita siya ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Nang sila ay makalusong, nanalangin sila para sa kanila upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Ito ay sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi pa bumababa sa kaninuman sa kanila. Ngunit sila lamang ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu.

18 Nakita ni Simon na sa pagpapatong ng kamay ng mga apostol ang Banal na Espiritu ay ibinibigay. Inalok nga niya sila ng kayamanan. 19 Sinabi niya: Ibigay rin ninyo sa akin ang kapangyarihang ito. Sa ganoon, sinumang patungan ko ng kamay ay tatanggap ng Banal na Espiritu.

20 Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya: Ang salapi mo ay mapapahamak na kasama mo sapagkat iniisip mong tamuhin ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng kayamanan. 21 Wala kang bahagi ni dako man sa bagay na ito sapagkat ang puso mo ay hindi matuwid sa harap ng Diyos. 22 Kaya nga, magsisi ka sa kasamaan mong ito. Humiling ka sa Diyos, baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso. 23 Ito ay sapagkat nakikita kong ikaw ay puno ng kapaitan tulad ng apdo at natatanikalaan ng kalikuan.

24 Sumagot si Simon at sinabi:Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang huwag mangyari sa akin ang alinman sa mga bagay na sinasabi ninyo.

25 Nang makapagpatotoo na sila at maipangaral ang Salita ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. Ipinangaral nila ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga taga-Samaria.

Si Felipe at ang Taga-Etiopia

26 Ang anghel ng Panginoon ay nagsalita kay Felipe na sinasabi: Tumindig ka. Pumaroon ka sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza. Ito ay ilang na dako.

27 Siya ay tumindig at pumaroon. At narito, isang lalaking taga-Etiopia ang naroon. Siya ay isang kapon na may dakilang kapangyarihan na sakop ni Candace, reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala sa lahat niyang nakaimbak na kayamanan. Siya ay naparoon sa Jerusalem upang sumamba. 28 Siya ay pabalik na at nakaupo sa kaniyang karuwahe. Binabasa niya ang aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe: Lumapit ka at manatili sa tabi ng karuwaheng ito.

30 Tumakbo si Felipe palapit at narinig niyang binabasa niya ang aklat ni Isaias na propeta. Sinabi niya:Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?

31 Papaano ko ito mauunawaan maliban na lamang kung may isang gagabay sa akin? Pinakiusapan niya si Felipe na sumampa at maupong kasama niya.

32 Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:

Siya ay gaya ng tupa na dinala upang katayin. Tulad siya ng kordero na hindi umimik sa harap ng kaniyang manggugupit. Sa ganoong paraan ay hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig.

33 Sa kaniyang pagpapakumbaba ay inalis nila ang karapatan niyang mahatulan ng nararapat. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi sapagkat ang kaniyang buhay ay inalis sa ibabaw ng lupa?

34 Sumagot ang kapon kay Felipe at sinabi: Isinasamo ko sa iyo, sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy dito ng propeta? Ang kaniya bang sarili o ibang tao? 35 Nagsi­mulang magsalita si Felipe at mula sa kasulatang ito, ipinangaral niya sa kaniya si Jesus.

36 Sa pagpapatuloy nila sa paglalakbay, nakarating silasa isang dako na may tubig. Sinabi ng kapon: Narito, may tubig dito. Ano ang makakahadlang upang ako ay hindi mabawtis­muhan? 37 Sinabi ni Felipe: Kung sumasam­palataya ka nang buong puso ay maaari kang bawtismuhan. Ang lalaki ay sumagot at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos. 38 Iniutos niyang itigil ang karwahe. Sila ay kapwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang lalaki. Binawtismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, si Felipe ay inagaw ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng lalaking kapon. Gayunman, siya ay nagpatuloy sa kaniyang paglalakbay na nagagalak. 40 Si Felipe ay nasum­pungan sa Azoto. Sa kaniyang pagdaraan, ipinangangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga lungsod hanggang sa dumating siya sa Cesarea.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International