M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagbaba ng Baha
8 Hindi kinalimutan ng Dios si Noe at ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko. Kaya pinaihip niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig. 2 Tinakpan niya ang mga bukal at pinahinto ang ulan. 3 Patuloy ang pagbaba ng tubig sa loob ng 150 araw. 4 At nang ika-17 araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat. 5 Patuloy ang pagbaba ng tubig. At nang unang araw ng ikasampung buwan, nakikita na ang tuktok ng mga bundok.
6 Pagkalipas ng 40 araw mula ng panahon na nakita na ang tuktok ng mga bundok, binuksan ni Noe ang bintana ng barko 7 at pinakawalan ang isang uwak. At ang uwak na itoʼy parooʼt paritong lumilipad hanggang sa patuloy na pagbaba ng tubig. 8 Pinakawalan din ni Noe ang isang kalapati para malaman niya kung bumaba na ang tubig, 9 pero walang madapuan ang kalapati dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Kaya bumalik na lamang ang kalapati kay Noe sa barko. Pinadapo ni Noe ang kalapati sa kamay niya at pinapasok sa barko. 10 Pinalipas muna ni Noe ang pitong araw at muli niyang pinakawalan ang kalapati. 11 Gabi na nang bumalik ang kalapati na may dalang sariwang dahon ng olibo sa kanyang tuka. Kaya nalaman ni Noe na bumaba na ang tubig. 12 Pinalipas muli ni Noe ang pitong araw pa at muli niyang pinakawalan ang kalapati, pero hindi na ito bumalik.
13 Noong unang araw ng unang buwan tuluyan nang bumaba ang tubig. Si Noe ay 601 taong gulang na noon. Binuksan niya ang takip ng barko at nakita niya na tuyo na ang lupa. 14 Nang ika-27 araw ng ikalawang buwan, tuyong-tuyo na talaga ang lupa sa buong mundo.
15 Sinabi agad ng Dios kay Noe, 16 “Lumabas na kayong lahat sa barko. 17 Palabasin nʼyo rin ang lahat ng hayop para dumami sila at mangalat sa buong mundo.” 18 Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang asawa, mga anak na lalaki at mga manugang niya. 19 Lumabas din ang lahat ng hayop: mga lumalakad, lumilipad at gumagapang. Magkakasama sila ayon sa kani-kanilang uri.
Naghandog si Noe
20 Gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon. Pagkatapos, kumuha siya ng isa sa bawat uri ng hayop na malinis[a] pati rin sa bawat uri ng mga ibon na malinis, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon. 21 Nang naamoy ng Panginoon ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula nang bata pa siya. Hindi ko na talaga muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay katulad ng aking ginawa noon. 22 Habang nagpapatuloy ang mundo, may panahon ng pagtatanim at pag-ani. May taglamig at may tag-init, may tag-ulan at may tag-araw, at may araw at may gabi.”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(A)
8 Nang bumaba na si Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2 Lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat[a] at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.” 3 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” Agad na gumaling ang kanyang sakit at luminis siya. 4 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kaninuman. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.”
Pinagaling ni Jesus ang Utusan ng Kapitan(B)
5 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Capernaum, pumunta sa kanya ang isang kapitan ng hukbong Romano at nakiusap: 6 “Panginoon, may sakit po ang aking utusan. Nakaratay siya sa bahay at nasa matinding paghihirap.” 7 Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” 8 Pero sumagot ang kapitan, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Sabihin nʼyo na lang na gumaling siya, at gagaling na ang aking utusan. 9 Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kung ano pa ang iniuutos ko sa aking alipin, sinusunod niya.” 10 Namangha si Jesus nang marinig niya ito. At sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya. 11 Sinasabi ko rin sa inyo na maraming hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako ang kakaing kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa handaan ng paghahari ng Dios. 12 Ngunit maraming Judio, na paghaharian sana ng Dios, ang itatapon sa matinding kadiliman sa labas. At doon ay iiyak sila, at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”[b] 13 At sinabi ni Jesus sa kapitan, “Umuwi ka na. Mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” At nang oras ding iyon ay gumaling ang utusan ng kapitan.
Maraming Pinagaling si Jesus(C)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro. Pagdating niya roon, nakita niya ang biyenang babae ni Pedro na nakahiga at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinagsilbihan si Jesus.
16 Nang magtakip-silim na, maraming sinasaniban ng masasamang espiritu ang dinala ng mga tao kay Jesus. Sa isang salita lang, pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang mga may sakit. 17 Ginawa niya ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga sakit
at inalis ang ating mga karamdaman.”[c]
Ang Pagsunod kay Jesus(D)
18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa kanyang paligid, inutusan niya ang mga tagasunod niya na tumawid sa kabila ng lawa. 19 May tagapagturo ng Kautusan na lumapit sa kanya at sinabi, “Guro, susunod po ako sa inyo kahit saan.” 20 Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon. Ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.” 21 Isa pa sa mga tagasunod niya ang nagsabi, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”[d] 22 Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay.”
Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(E)
23 Sumakay sa bangka si Jesus, at sumama ang mga tagasunod niya. 24 At habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin at halos matabunan na ng malalaking alon ang kanilang bangka. Natutulog noon si Jesus. 25 Kaya nilapitan siya ng mga tagasunod niya at ginising, “Panginoon, iligtas nʼyo po kami! Malulunod na tayo!” 26 Sumagot si Jesus, “Bakit kayo natatakot? Kay liit ng inyong pananampalataya.” Bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at ang mga alon, at biglang kumalma ang tubig. 27 Namangha ang mga tagasunod niya at sinabi, “Anong klaseng tao ito? Kahit ang hangin at mga alon ay napapasunod niya!”
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Lalaking Sinasaniban ng Masasamang Espiritu(F)
28 Nang dumating siya sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno,[e] sinalubong siya ng dalawang lalaking galing sa mga kwebang libingan. Ang mga lalaking itoʼy sinasaniban ng masasamang espiritu. Napakababangis nila, kaya walang nakakadaan doon. 29 Sumigaw sila kay Jesus, “Ano ang pakialam mo sa amin, ikaw na anak ng Dios? Pumunta ka ba rito para pahirapan kami nang wala pa sa takdang panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng baboy na nanginginain. 31 Nakiusap ang masasamang espiritu sa kanya, “Kung palalayasin mo kami, payagan mo na lang kaming pumasok sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, umalis kayo!” Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang buong kawan ng baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
33 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita ang nangyari sa mga baboy at sa dalawang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 34 Kaya lumabas ang lahat ng tao sa bayan at pinuntahan si Jesus, at nakiusap sila na umalis siya sa lugar nila.
Ang mga Bumalik Galing sa Pagkabihag Kasama ni Ezra
8 Sinabi ni Ezra, “Ito ang mga pinuno ng mga pamilya na sumama sa akin sa Jerusalem galing sa Babilonia, noong panahon ng paghahari ni Haring Artaserses:
2 si Gershom, na galing sa pamilya ni Finehas;
si Daniel, na galing sa pamilya ni Itamar;
3 si Hatush na anak ni Shecania, na galing sa pamilya ni David;
si Zacarias at ang 150 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Paros (mayroong talaan ng mga ninuno nila);
4 si Eliehoenai na anak ni Zerahia at ang 200 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Pahat Moab;
5 si Shecania na anak ni Jahaziel at ang 300 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Zatu;
6 si Ebed na anak ni Jonatan at ang 50 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Adin;
7 si Jeshaya na anak ni Atalia at ang 70 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Elam;
8 si Zebadia na anak ni Micael at ang 80 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Shefatia;
9 si Obadias na anak ni Jehiel at ang 218 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Joab;
10 si Shelomit na anak ni Josifia at ang 160 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bani;
11 si Zacarias na anak ni Bebai at ang 28 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bebai;
12 si Johanan na anak ni Hakatan at ang 110 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Azgad;
13 si Elifelet, si Jeuel, at si Shemaya at ang 60 lalaking kasama nila, na galing sa pamilya ni Adonikam;
14 si Utai at si Zacur at ang 70 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bigvai.”
Ang Pagbalik nina sa Ezra sa Jerusalem
15 Tinipon ko ang sasama sa akin sa Jerusalem doon sa ilog na dumadaloy papunta sa lugar ng Ahava. Nagkampo kami roon ng tatlong araw. Nang tingnan ko ang talaan ng mga tao na sasama sa akin, pati na ang mga pari, nalaman kong walang mga Levita roon. 16 Kaya ipinatawag ko ang mga pinuno ng grupo na sina Eliezer, Ariel, Shemaya, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Meshulam, at ang dalawang matalinong tao na sina Joyarib at Elnatan. 17 Pinapunta ko sila kay Iddo na pinuno ng lugar ng Casifia para hilingin sa kanya at sa mga kamag-anak niyang utusan sa templo na magpadala sila ng mga tao na maglilingkod sa templo ng Dios. 18 Dahil tinulungan kami ng Dios, ipinadala nila sa amin si Sherebia, kasama ang kanyang mga anak at mga kapatid niyang lalaki, na ang kabuuang bilang ay 18. Si Sherebia ay maabilidad na tao at mula siya sa pamilya ni Mahli na lahi ni Levi. Si Levi ay anak ni Israel. 19 Ipinadala rin nila si Hashabia at ang mga kapatid at mga pamangkin nitong lalaki na 20 ang bilang, kasama si Jeshaya na galing sa pamilya ni Merari. 20 Ipinadala pa nila ang 220 utusan sa templo. Ang mga utusan sa templo ay pinili noon ni Haring David at ng mga opisyal niya para tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang mga pangalan nila.
Nag-ayuno at Nanalangin Sina Ezra
21 Doon sa tabi ng Ilog Ahava, sinabi ko sa grupo na mag-ayuno kami at magpakumbaba ng mga sarili namin sa presensya ng aming Dios para hilingin sa kanya na ingatan kami sa paglalakbay, pati ang aming mga anak at mga ari-arian. 22 Sapagkat nahihiya akong humingi sa hari ng mga sundalo at mangangabayo na magbabantay sa amin laban sa mga kalaban habang naglalakbay kami, dahil sinabi na namin sa hari na tinutulungan ng aming Dios ang lahat ng nagtitiwala sa kanya, pero galit na galit siya sa mga nagtatakwil sa kanya. 23 Kaya nag-ayuno at nanalangin kami sa aming Dios na ingatan niya kami, at tinugon niya ang dalangin namin.
Ang mga Handog para sa Templo
24 Pumili ako ng 12 tao mula sa mga namumunong pari, hindi kabilang sina[a] Sherebia, Hashabia, at ang sampu sa kamag-anak nila. 25 Pagkatapos, ipinagkatiwala ko sa kanila ng walang kulang[b] ang mga pilak, ginto, at mga kagamitang ibinigay ng hari, at ng mga tagapayo niya at mga opisyal, at ng maraming Israelita, bilang tulong sa templo ng aming Dios. 26-27 Ito ang aking ipinagkatiwala sa kanila:
22 toneladang pilak
3 toneladang kasangkapang pilak
3 toneladang ginto
20 gintong mangkok na mga waloʼt kalahating kilo,
2 tansong mangkok[c] na pinakintab na kasinghalaga ng mga mangkok na ginto.
28 Sinabi ko sa mga pari, “Kayo at ang mga kagamitang ito ay ibinukod para sa Panginoon. Ang mga pilak at ginto ay handog na kusang-loob para sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. 29 Ingatan nʼyo itong mabuti hanggang sa madala nʼyo ito sa mga bodega templo ng Panginoon sa Jerusalem na walang kulang,[d] sa harap ng mga namumunong pari, mga Levita, at ng mga pinuno ng mga pamilya ng mga Israelita.”
30 Kaya kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang mga pilak, ginto, at ang mga kagamitan, na walang kulang, para dalhin sa templo ng aming Dios sa Jerusalem.
Ang Pagbalik sa Jerusalem
31 Umalis kami sa Ilog Ahava at naglakbay papuntang Jerusalem nang ika-12 araw ng unang buwan. Tinulungan kami ng aming Dios at iningatan kami sa mga kalaban at tulisan habang naglalakbay kami. 32 Pagdating namin sa Jerusalem, nagpahinga muna kami ng tatlong araw.
33 Nang ikaapat na araw, pumunta kami sa templo ng aming Dios at ipinagkatiwala namin ang mga pilak, ginto, at mga kagamitan ng walang kulang kay Meremot na pari na anak ni Uria. Kasama niya si Eleazar na anak ni Finehas at ang dalawang Levita na sina Jozabad na anak ni Jeshua at Noadia na anak ni Binui. 34 Binilang at tinimbang ito lahat, at inilista.
35 Pagkatapos, ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay nag-alay sa Dios ng Israel ng mga handog na sinusunog: 12 toro para sa buong Israel, 96 na lalaking tupa, at 77 batang lalaking tupa. Nag-alay din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Ang lahat ng ito ay ang mga handog na sinusunog para sa Panginoon. 36 Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates ang dokumento kung saan nakasulat ang utos ng hari. At ang mga pinunong ito ay tumulong sa mga mamamayan ng Israel at sa templo ng Dios.
8 1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.
Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya
Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban 3 ay nagsumikap na wasakin ang iglesya. Kaya pinasok niya ang mga bahay-bahay at dinakip ang mga mananampalataya, lalaki man o babae, at dinala sa bilangguan.
Ipinangaral ang Magandang Balita sa Samaria
4 Ang mga mananampalatayang nangalat sa ibaʼt ibang lugar ay nangaral ng Magandang Balita. 5 Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. 6 Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. 7 Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. 8 Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon.
9 May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. 10 Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’ ” 11 Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. 12 Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe.
14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”
25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.
Si Felipe at ang Opisyal na Taga-Etiopia
26 May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) 27 Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) 28 Nakasakay siya sa kanyang karwahe[a] at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” 30 Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. 31 Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya. 32 Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa:
“Hindi siya nagreklamo.
Katulad siya ng tupa na dinadala sa katayan,
o kayaʼy isang munting tupa na walang imik habang ginugupitan.
33 Hinamak siya at hinatulan nang hindi tama.
Walang makapagsasabi tungkol sa kanyang mga lahi,
dahil pinaikli ang kanyang buhay dito sa lupa.”
34 Sinabi ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” 35 Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” [37 Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios.”] 38 Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Namalayan na lang ni Felipe na siyaʼy nasa lugar na ng Azotus.[b] Nangaral siya ng Magandang Balita sa mga bayan na dinadaanan niya hanggang makarating siya sa Cesarea.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®