M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kasamaan ng Tao
6 Hindi nagtagal, dumami ang mga tao sa mundo, at marami ang kabataan nilang babae. 2 Nakita ng mga anak ng Dios[a] na ang mga babae ay magaganda. Kaya pumili sila ng magiging asawa nila sa sinumang maibigan nila. 3 Ngayon, sinabi ng Panginoon, “Hindi ko papayagang mabuhay ang tao nang matagal dahil silaʼy tao lamang. Kaya mula ngayon, ang tao ay mabubuhay nang hindi hihigit sa 120 taon.”
4 Nang panahong iyon, at kahit nitong huli, may mga kilalang tao sa mundo na mula sa lahi ng mga anak ng Dios na nagsipag-asawa ng magagandang babae. Silaʼy makapangyarihan at kilalang tao noong unang panahon.
5 Nang makita ng Panginoon na ang ginagawa ng mga tao sa mundo ay puro kasamaan lang, at ang palagi nilang iniisip ay masama, 6 nanghinayang siya kung bakit ginawa pa niya ang tao sa mundo. Labis ang kalungkutan niya, 7 kaya sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong nilikha ko sa buong lupain. At lilipulin ko rin ang lahat ng hayop sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad, dahil nanghihinayang ako sa paglikha sa kanila.” 8 Pero may isang tao na nakapagbigay-lugod sa Panginoon, siya ay si Noe.
Si Noe
9 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe.
Si Noe ay makadios. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapit ang kanyang relasyon sa Dios. 10 May tatlo siyang anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet.
11 Napakasama na ng mga tao sa paningin ng Dios, at ang kanilang kasamaan ay laganap na sa mundo. 12 Nakita ng Dios na lubhang masama ang mga tao sa mundo dahil ang ginagawa nila ay puro kasamaan. 13 Kaya sinabi niya kay Noe, “Lilipulin ko ang lahat ng tao. Dahil sa kanila, lumaganap ang kasamaan sa mundo. Lilipulin ko sila kasama ng mundo. 14 Kaya ikaw Noe, gumawa ka ng barko mula sa matibay na kahoy, at gawan mo ito ng mga kwarto. Pagkatapos, pahiran mo ng alkitran ang loob at labas ng barko.[b] 15 Gawin mo ito na may sukat na 450 talampakan ang haba, 75 talampakan ang luwang, at 45 talampakan ang taas. 16 Lagyan mo ng bubong ang barko, at lagyan mo ng agwat na kalahating metro ang dingding at ang bubong. Gawan mo ang barko ng tatlong palapag, at lagyan ng pintuan sa gilid. 17 Sapagkat pababahain ko ang mundo para malipol ang lahat ng nabubuhay. Mamamatay ang lahat ng nasa mundo. 18 Pero gagawa ako ng kasunduan sa iyo. Papasok ka sa barko kasama ng asawa at ng mga anak mo pati ang mga asawa nila. 19 Magpapasok ka rin ng isang lalaki at babae sa bawat uri ng hayop para mabuhay sila kasama mo. 20 Dalawa sa bawat uri ng lahat ng hayop: mga lumilipad, lumalakad at gumagapang. Lalapit sila sa iyo para hindi sila mamatay. 21 Magdala ka rin ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at para rin sa mga hayop.”
22 Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Dios sa kanya.
Ang Turo tungkol sa Pagbibigay
6 “Mag-ingat kayo at baka ang paggawa ninyo ng mabuti ay pakitang-tao lang. Sapagkat kung ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit.
2 “Kaya kapag nagbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipamalita gaya ng ginagawa ng mga pakitang-tao roon sa mga sambahan at sa mga daan upang purihin sila ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kung magbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipaalam kahit sa pinakamatalik nʼyong kaibigan, 4 upang maging lihim ang pagbibigay ninyo. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”
Ang Turo tungkol sa Pananalangin(A)
5 “Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga pakitang-tao. Mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sambahan at sa mga kanto ng lansangan para makita ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Sa halip, kung mananalangin kayo, pumasok kayo sa inyong kwarto at isara ang pinto. At saka kayo manalangin sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.
7 “At kapag nananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan, tulad ng ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Akala nila ay sasagutin sila ng Dios kung mahaba ang kanilang panalangin. 8 Huwag nʼyo silang gayahin, dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man ninyo ito hingin sa kanya. 9 Kaya manalangin kayo ng katulad nito:
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa kayo ng mga tao.[a]
10 Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari,
at masunod ang inyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan nʼyo po kami ng aming pagkain sa araw-araw.
12 Patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin.
13 At huwag nʼyo kaming hayaang matukso
kundi iligtas nʼyo po kami kay Satanas.[b]
[Sapagkat kayo ang Hari, ang Makapangyarihan at Dakilang Dios magpakailanman!]’
14 Kung pinapatawad ninyo ang mga taong nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
Ang Turo tungkol sa Pag-aayuno
16 “Kapag nag-aayuno kayo, huwag ninyong tularan ang mga pakitang-tao. Sapagkat sinasadya nilang hindi mag-ayos ng sarili para ipakita sa mga tao na nag-aayuno sila. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kung mag-aayuno kayo, maghilamos at mag-ayos kayo ng sarili, 18 upang hindi malaman ng mga tao na nag-aayuno kayo, maliban sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”
Ang Kayamanan sa Langit(B)
19 “Huwag kayong mag-ipon ng kayamanan para sa inyong sarili rito sa mundo, dahil dito ay may mga insekto at kalawang na sisira sa inyong kayamanan, at may mga magnanakaw na kukuha nito. 20 Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit, kung saan walang insekto at kalawang na naninira, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.”
Ang Ilaw ng Katawan(C)
22 “Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong mata, madidiliman ang buo mong katawan. Kaya kung ang nagsisilbing ilaw mo ay walang ibinibigay na liwanag, napakadilim ng kalagayan mo.”
Sino ang Dapat Nating Paglingkuran, Ang Dios o ang Kayamanan?(D)
24 “Walang taong makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”
25 “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, iinumin o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang saglit sa pamamagitan ng pag-aalala?
28 “At bakit kayo nag-aalala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak na tumutubo sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o naghahabi. 29 Ngunit sasabihin ko sa inyo: kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng damit na kasingganda ng mga bulaklak na ito sa kabila ng kanyang karangyaan. 30 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 31 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong kakainin, iinumin, o susuotin. 32 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 33 Kaya unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa kanyang kalooban, at ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan ninyo. 34 Kaya huwag na kayong mag-alala tungkol sa kinabukasan, dahil ang bukas ay may sarili nang alalahanin. Sapat na ang mga alalahaning dumarating sa bawat araw.”
Pumayag si Haring Darius sa Muling Pagpapatayo ng Templo
6 Kaya nag-utos si Haring Darius na saliksikin ang mga kasulatang nakatago sa lalagyan ng mga kayamanan doon sa Babilonia. 2 Ngunit sa matatag na lungsod ng Ecbatana, na sakop ng lalawigan ng Media, nakita ang isang nakarolyong kasulatan na may nakasulat na:
3 “Ang kasulatang ito ay nagpapaalala na sa unang taon ng paghahari ni Cyrus, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem kung saan iniaalay ang mga handog. Dapat matibay ang pundasyon nito. At dapat 90 talampakan ang taas at 90 talampakan din ang luwang nito. 4 Ang bawat tatlong patong ng malalaking bato nito ay papatungan ng isang troso. Ang lahat ng gastos ay kukunin sa pondo ng kaharian. 5 Ang mga kagamitang ginto at pilak sa templo ng Dios na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ibalik sa lalagyan nito sa templo ng Jerusalem.”
6 Kaya nagpadala si Haring Darius ng mensahe kay Tatenai, na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, kay Shetar Bozenai, at sa mga kapwa nila opisyal sa lalawigang iyon:
7 “Lumayo kayo riyan sa templo ng Dios. Huwag na ninyong pakialaman ang pagpapatayo nito. Pabayaan nʼyo na lang ang gobernador at ang iba pang mga tagapamahala ng mga Judio sa pagpapatayo nito sa dati nitong kinatatayuan.
8 “Iniuutos ko rin na tulungan nʼyo ang mga tagapamahala ng mga Judio na mabayaran agad ang lahat ng gastusin para hindi maabala ang pagtatrabaho nila. Kunin nʼyo ang bayad sa pondo ng kaharian na nanggagaling sa mga buwis ng lalawigan ninyo. 9 Dapat nʼyong bigyan araw-araw ang mga pari sa Jerusalem ng mga pangangailangan nila gaya ng batang toro, lalaking tupa, at batang lalaking tupa bilang handog na sinusunog para sa Dios ng kalangitan,[a] pati na rin trigo, asin, katas ng ubas, at langis. Dapat hindi kayo pumalya sa pagbibigay, 10 para makapag-alay sila ng mga handog na makakalugod sa Dios ng kalangitan, at maipanalangin nila ako at ang mga anak ko.
11 “Iniuutos ko rin na ang sinumang hindi tutupad nito ay tutuhugin ng kahoy na tinanggal sa bahay niya, at ang bahay niya ay gigibain hanggang sa wala nang bahagi nito ang maiwang nakatayo.[b] 12 Nawaʼy ang Dios na pumili sa Jerusalem bilang lugar kung saan siya sasambahin, ang siyang lumipol sa kahit sinong hari o kayaʼy bansa na hindi tutupad sa utos na ito at gigiba ng templong ito sa Jerusalem.
“Ako, si Darius, ang nag-utos nito. Dapat itong tuparin.”
Itinalaga ang Templo
13 Tinupad nila Tatenai na gobernador, Shetar Bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Darius. 14 Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Judio habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hageo at Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang templo ayon sa utos ng Dios ng Israel na ipinatupad nina Cyrus, Darius, at Artaserses, na magkakasunod na mga hari ng Persia. 15 Natapos ang templo nang ikatlong araw ng ika-12 buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Darius.
16 Masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng templo ng Dios ang mamamayan ng Israel – ang mga pari, mga Levita, at ang iba pang bumalik galing sa pagkabihag. 17 Sa pagtatalagang ito ng templo ng Dios, naghandog sila ng 100 toro, 200 lalaking tupa, at 400 batang lalaking tupa. Naghandog din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis[c] ng bawat lahi ng Israel. 18 Itinalaga nila ang mga pari at mga Levita sa kani-kanilang tungkulin sa templo ng Jerusalem ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises.
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel
19 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nang sumunod na taon, ipinagdiwang ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 20 Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para maging karapat-dapat sila sa pangunguna nila sa mga seremonya. Pagkatapos, kinatay ng mga Levita ang mga tupang handog sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ginawa nila ito para sa lahat ng bumalik galing sa pagkabihag, para sa mga paring kamag-anak nila, at para sa sarili nila. 21 Ang mga handog na ito ay kinain ng mga Israelitang bumalik galing sa pagkabihag at ng ibang mga taong nakatira roon na tumalikod na sa mga ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Tumalikod sila sa mga bagay na ito para sambahin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ipinagdiwang nila nang may kagalakan ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Sapagkat binigyan sila ng Panginoon ng kagalakan nang binago niya ang puso ng hari ng Asiria para tulungan sila sa paggawa ng templo ng Dios, ang Dios ng Israel.
Ang Pagpili ng Pitong Lalaki
6 Nang mga panahong iyon, dumarami na ang mga tagasunod ni Jesus. Nagreklamo ang mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo. Itoʼy sa dahilang hindi nabibigyan ng pang-araw-araw na rasyon ang kanilang mga biyuda. 2 Kaya ipinatawag ng 12 apostol ang lahat ng tagasunod ni Jesus, at sinabihan sila, “Hindi mabuting pabayaan namin ang pangangaral ng salita ng Dios para mag-asikaso lang ng materyal na mga tulong. 3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking may malinis na pangalan, marunong, at puspos ng Banal na Espiritu. Sila ang pamamahalain natin sa mga materyal na tulong. 4 At ilalaan naman namin ang aming oras sa pananalangin at sa pangangaral ng salita ng Dios.” 5 Sumang-ayon ang lahat ng mga mananampalataya sa sinabi ng mga apostol. Kaya pinili nila si Esteban na may matibay na pananampalataya at puspos ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procorus, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioc. Si Nicolas ay hindi Judio pero umanib sa relihiyon ng mga Judio. 6 Dinala nila ang mga napiling ito sa mga apostol. At ipinanalangin sila ng mga apostol at pinatungan ng kamay bilang pagtatalaga sa tungkulin.
7 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios. Marami pang mga taga-Jerusalem ang naging tagasunod ni Jesus, at marami ring pari ang sumampalataya sa kanya.
Ang Pagdakip kay Esteban
8 Pinagkalooban ng Dios si Esteban ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at mga kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao. 9 Pero may mga taong kumalaban sa kanya. Ito ay ang mga Judiong mula sa Cyrene, Alexandria, Cilicia, at Asia. Mga miyembro sila ng sambahan ng mga Judio na tinatawag na Sambahan ng mga Pinalaya sa Pagkaalipin. Nakikipagtalo sila kay Esteban, 10 pero hindi nila kayang talunin si Esteban dahil binigyan siya ng karunungan ng Banal na Espiritu. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan[a] ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin si Esteban na nagsalita ng masama laban kay Moises at sa Dios.” 12 Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Judio, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at dinala sa korte ng mga Judio. 13 Mayroon din silang pinapasok na ilang tao para tumestigo ng kasinungalingan laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita ng laban sa ating sagradong templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinabi niya na ang ating templo ay gigibain ni Jesus na taga-Nazaret at papalitan niya ang mga kaugaliang iniwan sa atin ni Moises!” 15 Ang lahat ng miyembro ng Korte ay tumitig kay Esteban, at nakita nila ang kanyang mukha na nagliwanag na parang mukha ng anghel.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®