Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 5

Ang Pangangaral sa Bundok

Pagkakita niya sa napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya, nilapitan siya ng kaniyang mga alagad.

Nagsalita siya upang turuan ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya:

Pinagpala ang mga mapagpakumbabang-loob sapagkat sa kanila ang paghahari ng langit. Pinagpala ang mga nahahapis sapagkat sila ay aaliwin. Pinagpala ang mga maaamo sapagkat mamanahin nila ang lupa. Pinagpala ang mga nagugutom at mga nauuhaw sa katuwiran sapagkat sila ay bubusugin. Pinagpala ang mga maha­bagin sapagkat kahahabagan sila. Pinagpala ang mga may dalisay na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Pinagpala ang mga mapagpayapa sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. 10 Pinagpala ang mga inuusig dahil sa katuwiran sapagkat sa kanila ang paghahari ng langit.

11 Pinagpala kayo kung kayo ay inaalimura ng mga tao at pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng masasamang salita na pawang kasinungalingan dahil sa akin. 12 Magalak at magsaya kayong totoo sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganyan din ang ginawa nilang pag-uusig sa mga propetang nauna sa inyo.

Kayo ay Asin at Ilaw

13 Kayo ang asin ng lupa. Ngunit kapag ang asin ay nawalan ng alat, paano pa ito muling aalat? Wala itong kabuluhan kundi itapon na lamang at yurakan ng mga tao.

14 Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. 15 Hindi rin sinisindihan ng sinuman ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan. Ngunit ito ay inilalagay sa lalagyan ng ilawan at nagliliwanag sa lahat ng nasa bahay. 16 Sa ganitong paraan pagliwanagin ninyo ang inyong ilawan sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa. Sa gayon ay luluwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.

Ang Katuparan ng Kautusan

17 Huwag ninyong isiping naparito ako upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang sirain kundi upang tuparin ang mga ito.

18 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Lilipas ang langit at ang lupa ngunit kahit isang tuldok o isang kudlit sa Kautusan ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang matupad ang lahat. 19 Kaya ang sinumang lumabag sa isa sa mga utos na ito, kahit na ang kaliit-liitan, at ituro sa mga tao ang gayon, ay tatawaging pinakamababa sa paghahari ng langit. Ngunit ang sinumang gumaganap at nagtuturong gana­pin ito ay tatawaging dakila sa paghahari ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo: Maliban na ang inyong katuwiran ay hihigit sa katuwiran ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo, sa anumang paraan ay hindi kayo makakapasok sa paghahari ng langit.

Ang Pagpatay

21 Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang papatay. Ang sinumang pumatay ay mapapa­sapanganib sa paghatol.

22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang sinumang nagagalit sa kaniyang kapatid ng walang dahilan ay mapapasapanganib ng kahatulan. Ang sinumang magsabi sa kaniyang kapatid: Hangal ka, siya ay mapapasapanganib sa Sanhedrin. Ngunit ang sinumang magsabi: Wala kang kabu­luhan, siya ay mapapasapanganib sa apoy ng impiyerno.

23 Kaya nga, kapag ikaw ay magdala ng iyong kaloob sa dambana at doon ay maala-ala mo na ang iyong kapatid ay may laban sa iyo, iwanan mo roon sa harap ng dambana ang iyong kaloob. 24 Lumakad ka at makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid. Pagkatapos ay bumalik ka at maghandog ng iyong kaloob.

25 Makipagkasundo ka muna sa nagsasakdal sa iyo habang ikaw ay kasama niya sa daan. Kung hindi ay baka ibigay ka ng nagsasakdal sa iyo sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa opisyal at ipabilanggo ka. 26 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa anumang paraan ay hindi ka makaka­labas doon hanggang hindi mo nababayaran ang huling sentimo.

Ang Sanhi ng Pagkakasala

27 Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang mangalunya.

28 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinu­mang tumingin sa isang babae na may masamang pagnanasa sa kaniya ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso. 29 Kaya nga, kapag ang iyong kanang mata ay makapagpatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Makabubuti pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan. 30 Kapag ang iyong kanang kamay ay makapagpatisod sa iyo, putulin mo ito at iyong itapon. Makabubuti pa na wala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan.

Ang Paghihiwalay

31 Sinabi rin naman: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay.

32 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa, maliban na lamang sa dahilan ng pakikiapid, ay nagtutulak sa kaniya upang manga­lunya. At sinumang magpakasal sa babaeng hiniwa­layan ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.

Ang Panunumpa

33 Narinig ninyong muli na sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang manumpa nang walang katotohanan kundi tutuparin mo ang mga sinumpaan mo sa Panginoon.

34 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag kang mangako ng anuman, ni sa ngalan ng langit sapagkat ito ay trono ng Diyos. 35 Kahit ang lupa ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa. Kahit ang Jerusalem man ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang lungsod ng Dakilang Hari. 36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipangako sapagkat kahit isa mang buhok nito ay hindi mo mapapaputi o mapapaitim. 37 Dapat lang na ang pananalita ninyo ay oo kung oo, at hindi kung hindi. Subalit anuman ang hihigit pa rito ay nanggagaling na sa masama.

Mata sa Mata

38 Narinig ninyong sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin.

39 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong kala­banin ang masamang tao. Ngunit ang sinumang sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40 Kung may ibig magsakdal sa iyo at kunin ang iyong damit, payagan mo na rin siyang kunin ang iyong balabal. 41 Sinumang pumilit sa iyo na lumakad ng higit sa isang kilometro, lumakad ka ng higit pa sa dalawang kilometro na kasama niya. 42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo at huwag mong talikdan ang ibig humiram sa iyo.

Ibigin mo ang Iyong Kaaway

43 Narinig ninyong sinabi: Ibigin mo ang iyong kapwa at kapootan mo ang iyong kaaway.

44 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Pagpalain ninyo angmga napopoot sa inyo. Gawan ninyo ng mabuti ang mga nagagalit sa inyo. Ipanalangin ninyo ang mga umaalipusta sa inyo at ang mga umuusig sa inyo. 45 Ito ay upang kayo ay magiging mga anak ng inyong Ama na nasa langit sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at sa mga mabuti. At binibigyan niya ng ulan ang mga matuwid at ang mga hindi matuwid. 46 Ito ay sapagkat kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 Kapag ang mga kapatid lamangninyo ang inyong babatiin, ano ang kahigitan ninyo sa iba? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 48 Kaya nga, kayo ay magpakasakdal tulad ng inyong Ama na nasa langit ay sakdal.

Gawa 5

Si Ananias at Safira

Ngunit isang lalaking nagngangalang Ananias, kasama ang kaniyang asawang si Safira ang nagbili ng isang tinatangkilik.

Itinabi niya ang bahagi ng halaga para sa kaniyang sarili. Ito ay alam din ng kaniyang asawa. Dinala niya ang ilang bahagi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Ngunit sinabi ni Pedro: Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling ka sa Banal na Espiritu at magtabi ng bahagi ng halaga ng lupa para sa iyong sarili? Nang ito ay nananatili pa sa iyo, hindi ba ito ay sa iyo? Nang ito ay ipagbili, hindi ba ito ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan? Bakit binalak mo ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao kundi sa Diyos.

Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay natumba at namatay. Nagkaroon ng malaking takot ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito. Ang mga kabataang lalaki ay tumindig at binalot siya at kanilang binuhat palabas at inilibing.

Pagkalipas ng halos tatlong oras ay dumating ang kaniyang asawa. Pumasok ito na hindi nalalaman ang nangyari. At sinabi ni Pedro sa kaniya: Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ang lupa sa ganitong kalaking halaga.

Siya ay sumagot: Oo, sa ganitong kalaking halaga.

Sinabi ni Pedro sa kaniya: Bakit kayo nagkasundo na tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? Narito, ang mga paa ng naglibing sa iyong asawa ay nasa pinto at dadalhin ka nila sa labas.

10 Agad na bumagsak ang babae sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nasumpungan nila siyang patay. Dinala nila siya at inilibing sa tabi ng kaniyang asawa. 11 At nagkaroon ng malaking takot sa buong kapu­lungan at sa lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.

Nagpagaling ng Maraming Tao ang mga Apostol

12 Sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay nangyari ang maraming tanda at mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng mga tao. Lahat sila ay nagkakaisang naroroon sa portiko ni Solomon.

13 Walang sinuman sa mga iba ang naglakas-loob na sumama sa kanila subalit dinakila sila ng mga tao. 14 At maraming pang mga mananampalataya sa Pangi­noon, kapwa lalaki at babae ay nadagdag sa kanila. 15 Kaya nga, inilabas ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at mga banig. Ginawa nila ito upang maliliman man lamang ng anino ni Pedro ang ilan sa kanila sa pagdaan niya. 16 May dumating din na napakaraming tao na mula sa mga lungsod sa palibot ng Jerusalem. Dala nila ang mga maysakit at ang mga pinahihi­rapan ng mga karumal-dumal na espiritu. Silang lahat ay pinagaling.

Inusig Nila ang mga Apostol

17 Tumindig ang pinakapunong-saserdote at lahat ng kasama niya na sekta ng mga Saduseo. Sila ay napuno ng inggit.

18 Dinakip ng mga ito ang mga apostol at ibinilango. 19 Gayunman nang gabi na ay binuksan ng anghel ng Pangi­noon ang mga pinto ng bilangguan. Inilabas ng anghel ang mga apostol at nagsabi: 20 Humayo kayo at tumayo kayo sa templo at sabihin sa mga tao ang lahat ng salitang patungkol sa buhay na ito.

21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway at sila ay nagturo.

Dumating ang pinakapunong-saserdote at mga kasama nito. Sa pagdating nila, pinulong nila ang Sanhedrin at lahat ng matanda sa mga anak ng Israel. Nagsugo sila sa bilangguan upang kunin ang mga apostol.

22 Ngunit nang dumating sa bilang­­guan ang opisyales sa templo, hindi nila sila nakita roon. Sa pagbalik nila, sila ay nag-ulat. 23 Sinabi nila: Natagpuan namin ang bilangguan na nakapinid na mabuti. At ang mga bantay ay nakatayo sa labas ng mga pinto ngunit nang aming buksan ang mga pinto, wala kaming nakitang sinuman sa loob kahit isa. 24 Nang ang mga salitang ito ay narinig kapwa ng mga saserdote at kapitan ng templo at mga pinunong-saserdote, sila ay nalito patungkol sa kanila at kung magiging ano kaya ito.

25 May isang lalaking dumating at nag-ulat sa kanila. Sinabi nito: Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nasa templo. Sila ay nakatayo at nagtuturo sa mga tao. 26 Pumunta ang kapitan sa templo kasama ang mga opisyales at dinala ang mga apostol ng walang dahas dahil natakot sila sa mga tao at baka batuhin sila.

27 Nang madala nila ang mga apostol, iniharap nila ang mga ito sa Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong-saserdote. 28 Sinabi niya: Hindi ba inutusan namin kayong huwag magturo sa pangalang ito? Narito, napuno ninyo ng inyong turo ang Jerusalem. Ibig ninyong papanagutin kami sa dugo ng taong ito.

29 Si Pedro at ang mga apostol ay sumagot at sinabi: Kinakailangan naming sundin ang Diyos kaysa ang mga tao. 30 Ang Diyos ng aming mga ninuno ang nagbangon kay Jesus na inyong pinatay sa pagbitin ninyo sa kaniya sa puno. 31 Siya ay itinaas ng Diyos sa kaniyang kanang bahagi upang maging Pinakapinuno at Tagapagligtas. Ito ay upang ang Israel ay pagkalooban ng pagsisisi at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 32 Kami ay mga saksi niya patungkol sa mga bagay na ito. Saksi rin ang Banal na Espiritu na siyang ibinigay ng Diyos sa kanila na sumusunod sa kaniya.

33 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at binalak nilang patayin sila. 34 Ngunit tumayo ang isang nasa Sanhedrin, siya ay isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya ay isang guro ng kautusan na iginagalang ng lahat ng mga tao. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi ni Gamaliel sa kanila: Mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa iniisip ninyong gawin patungkol sa mga lalaking ito. 36 Ito ay sapagkat bago pa sa mga araw na ito ay tumindig si Teudas na nagsasabing siya ay isang kilalang tao. Sumama sa kaniya ang isang pangkat ng mga lalaki na halos apatnaraan. Nang siya ay napatay, ang lahat ng nahikayat niya ay nagkahiwa-hiwalay at ang lahat ay naging walang kabuluhan. 37 Pagka­tapos ng isang ito, sa mga araw ng pagpapatala, tumindig si Judas na taga-Galilea. Siya ay nakahikayat ng maraming tao. Nang siya ay namatay ang lahat ng nahikayat niya ay nangalat. 38 Sinasabi ko sa inyo ngayon: Layuan ninyo ang mga lalaking ito at pabayaan sila sapagkat kung ang layunin o gawaing ito ay mula sa tao, mawawalan ito ng saysay. 39 Ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo ito maigugupo. At baka kayo ay masumpungang lumalaban sa Diyos.

40 Sila ay nahimok ni Gamaliel. Tinawag nila ang mga apostol. Pagkapalo nila sa mga apostol, inutusan nila ang mga ito na huwag magsalita sa pangalan ni Jesus. Pagkatapos, pinalaya nila sila.

41 Nagagalak na nilisan nga ng mga apostol ang Sanhedrin sapagkat sila ay ibinilang na karapat-dapat na dumanas ng kahihiyan dahil sa pangalan niya. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay, sila ay hindi tumitigil sa pagtuturo at paghahayag ng ebanghelyo na si Jesus ang Mesiyas.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International