Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 3

Ang Pagkakasala ng Tao

Sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Dios, ang ahas ang pinakatuso. Minsan, tinanong ng ahas ang babae, “Totoo bang pinagbabawalan kayo ng Dios na kumain ng bunga ng alin mang puno sa halamanan?”

Sumagot ang babae, “Makakain namin ang kahit anong bunga ng puno rito sa halamanan, maliban lang sa bunga ng puno na nasa gitna ng halamanan. Sapagkat sinabi ng Dios na hindi kami dapat kumain o humipo man lang ng bunga ng punong iyon. Kapag ginawa namin iyon, mamamatay kami.”

Pero sinabi ng ahas, “Hindi totoong mamamatay kayo! Sinabi iyan ng Dios dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.”

Nang pinagmasdan ng babae ang puno, napakaganda nitong tingnan at ang bunga ay parang masarap kainin, at dahil sa pagnanais niyang maging marunong, pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain din ito. Pagkatapos nilang kumain, nalaman nila kung ano ang mabuti at ang masama, at napansin nila na hubad pala sila. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng puno ng igos para ipantakip sa kanilang katawan.

Pagdating ng hapon, narinig nila na lumalakad ang Panginoong Dios sa halamanan. Kaya nagtago sila sa mga puno doon. Pero tinawag ng Panginoong Dios ang lalaki, “Nasaan ka?” 10 Sumagot ang lalaki, “Narinig ko po kayo sa halamanan, kaya nagtago ako. Natatakot po ako dahil hubad ako.” 11 Nagtanong ang Panginoong Dios, “Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka? Kumain ka ba ng bunga ng punongkahoy na sinabi ko sa iyo na huwag ninyong kakainin?” 12 Sumagot ang lalaki, “Ang babae po kasi na ibinigay nʼyo sa akin ay binigyan ako ng bunga ng punongkahoy na iyon at kinain ko.”

13 Tinanong ng Panginoong Dios ang babae, “Bakit mo ginawa iyon?” Sumagot ang babae, “Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako.”

Pinarusahan sila ng Dios

14 Kaya sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, parurusahan kita. Sa lahat ng hayop, ikaw lang ang makakaranas ng sumpang ito: Sa buong buhay moʼy gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok. 15 Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya[a] ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.”

16 Sinabi rin niya sa babae, “Dahil sa ginawa mo, dadagdagan ko ang paghihirap mo sa pagbubuntis at mararamdaman mo ang sobrang sakit sa iyong panganganak. Pero sa kabila niyan, hahangarin mo pa rin ang iyong asawa at maghahari siya sa iyo.”[b]

17 Sinabi rin niya sa lalaki, “Dahil naniwala ka sa asawa mo at kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal ko sa inyo, susumpain ko ang lupa! Kaya sa buong buhay mo ay magpapakahirap ka nang husto para makakain. 18 Tutubo sa lupa ang mga damo at halamang may tinik. Ang kakainin moʼy manggagaling sa mga pananim sa bukid. 19 Kinakailangang magpakahirap ka nang husto para makakain, hanggang sa bumalik ka sa lupa na iyong pinagmulan. Dahil sa lupa ka nagmula, sa lupa ka rin babalik.”

20 Pinangalanan ni Adan[c] ang asawa niya na “Eva”[d] dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao. 21 Pagkatapos, gumawa ang Panginoong Dios ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito.

Pinaalis ng Dios sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden

22 Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang tao ay naging katulad na natin na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama. Kinakailangang hindi siya pahintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, dahil kung kakain siya, mananatili siyang buhay magpakailanman.” 23 Kaya pinaalis siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden para sakahin ang lupa na pinagmulan niya.

24 Nang mapaalis na ng Panginoong Dios ang tao, naglagay siya ng mga kerubin[e] sa bandang silangan ng halamanan ng Eden. At naglagay din siya ng espada na naglalagablab at umiikot para walang makalapit sa puno na nagbibigay ng buhay.

Mateo 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Dumating ang panahon na si Juan na tagapagbautismo ay pumunta at nangaral sa ilang ng Judea. Ito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan, dahil malapit na[a] ang paghahari ng Dios.”[b] Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon.
Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[c]

Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kinakain niya ay balang at pulot-pukyutan. Nagpuntahan sa kanya ang maraming tao galing sa Jerusalem, sa mga bayan ng Judea, at sa mga bayan na malapit sa Ilog ng Jordan. Ipinagtapat nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan.

Pero nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang pumupunta para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 10 Tandaan ninyo, ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol para putulin ang mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi, ngunit may isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[d] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Tulad siya ng isang taong nagtatahip upang ihiwalay ang ipa sa butil. Ilalagay niya ang mga butil sa bodega, at ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

Ang Pagbabautismo kay Jesus(B)

13 Dumating si Jesus sa Ilog ng Jordan mula sa Galilea at pinuntahan niya si Juan upang magpabautismo. 14 Tumutol si Juan na bautismuhan si Jesus at sinabi, “Bakit magpapabautismo ka sa akin? Ako ang dapat magpabautismo sa iyo.” 15 Pero sumagot si Jesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, dahil ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Dios.” Kaya pumayag si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Bumukas ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Dios na bumaba sa kanya na tulad ng isang kalapati. 17 At may boses na narinig mula sa langit na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”

Ezra 3

Ang Pagpapatayo ng Bagong Altar

Nang dumating ang ikapitong buwan, noong nakatira na ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan, nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa. Pagkatapos, muling itinayo ang altar ng Dios ng Israel para makapag-alay dito ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises na kanyang lingkod.[a] Ang nagpatayo nito ay si Jeshua[b] na anak ni Jozadak at ang iba pa niyang mga kasamahang pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang mga kamag-anak niya. Kahit takot sila sa mga tao na dati nang nakatira sa lupaing iyon,[c] itinayo nila ang altar sa dating pinagtayuan nito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa umaga at gabi.

Ipinagdiwang din nila ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. At nag-alay sila ng mga handog na sinusunog, na kinakailangang ihandog sa bawat araw ng ganitong pista. Bukod pa sa mga handog na sinusunog, naghahandog din sila ng mga handog sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[d] at sa iba pang mga pista sa pagsamba sa Panginoon. At nag-aalay din sila ng handog na kusang-loob para sa Panginoon. Kahit hindi pa nasisimulan ang muling pagpapatayo ng templo ng Panginoon, nagsimula na ang mga Israelita sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog nang unang araw ng ikapitong buwan nang taon ding iyon.

Muling Ipinatayo ang Templo

Nagbigay ang mga Israelita ng pera na pambayad sa mga tagatabas ng bato at sa mga karpintero. Nagbigay din sila ng mga pagkain, inumin, at langis na pambayad sa mga taga-Sidon at taga-Tyre para sa mga kahoy na sedro na galing sa Lebanon. Ang mga kahoy na ito ay isasakay sa mga barko at dadalhin sa Jopa. Pinahintulutan ito ni Haring Cyrus ng Persia.

Sinimulan ang pagpapatayo ng templo nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem. Tulong-tulong sa pagtatrabaho ang lahat ng nakabalik sa Jerusalem galing sa pagkabihag, kasama na rito sina Zerubabel na anak ni Shealtiel, Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kasamahan niyang pari, at ang mga Levita. Ang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon ay ang mga Levita na nasa edad 20 taon pataas. Silaʼy si Jeshua,[e] ang mga anak niya at mga kamag-anak, si Kadmiel at ang mga anak niya. Silang lahat ay mula sa lahi ni Juda.[f] Tumulong din sa kanila ang mga angkan at mga kamag-anak ni Henadad na mga Levita rin.

10 Nang matapos na ng mga karpintero ang pundasyon ng templo ng Panginoon, pumwesto na ang mga pari na nakasuot ng kanilang damit na pangpari para hipan ang mga trumpeta. Pumwesto rin ang mga Levita, na angkan ni Asaf, sa pagtugtog ng mga pompyang upang purihin ang Panginoon ayon sa kaparaanan na itinuro noon ni Haring David sa Israel. 11 Nagpuri sila at nagpasalamat sa Panginoon habang umaawit ng, “Napakabuti ng Panginoon, dahil ang pag-ibig niya sa Israel ay walang hanggan.” At sumigaw nang malakas ang lahat ng tao sa pagpupuri sa Panginoon dahil natapos na ang pundasyon ng templo. 12 Nandoon ang maraming matatandang pari, mga Levita, at mga pinuno ng mga pamilya na nakakita noon sa unang templo. Umiyak sila nang malakas nang makita nila ang pundasyon ng bagong templo. At marami rin ang sumigaw sa galak. 13 Hindi na malaman ang sigaw ng kagalakan at ang tinig ng pag-iyak dahil napakaingay ng mga tao, at naririnig ito sa malayo.

Gawa 3

Ang Paggaling ng Taong Lumpo

Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin. Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”

Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan. Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera.[a] Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios. Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios. 10 Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Nagsalita si Pedro sa Balkonahe ni Solomon

11 Parang ayaw nang humiwalay ng taong iyon kina Pedro at Juan. Lagi siyang nakahawak sa kanila habang naglalakad sila sa lugar na tinatawag na “Balkonahe ni Solomon.” Nagtakbuhan ang lahat ng tao palapit sa kanila, dahil manghang-mangha sila. 12 Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong mga Israelita, bakit kayo namangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyoʼy napalakad namin ang taong ito dahil sa aming kapangyarihan at kabanalan? 13 Hindi! Ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang parangalan niya ang kanyang lingkod na si Jesus. Ang Jesus na ito ang siyang ibinigay ninyo sa mga may kapangyarihan at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya. 14 Banal siya at matuwid, ngunit itinakwil nʼyo at hiniling kay Pilato na pakawalan ang isang mamamatay-tao sa halip na siya. 15 Pinatay nʼyo ang nagbibigay ng buhay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. At makapagpapatunay kami na nabuhay siyang muli. 16 Ang pananampalataya kay Jesus[c] ang siyang nagpalakas sa taong ito na inyong namukhaan at nakikita ngayon. Kayo man ay mga saksi na gumaling siya. Nangyari ito dahil sa pananampalataya kay Jesus.

17 “Mga kapatid, alam kong nagawa ninyo at ng inyong mga pinuno ang mga bagay na iyon kay Jesus dahil hindi nʼyo alam kung sino talaga siya. 18 Ipinahayag na ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta na si Cristo ay kinakailangang magdusa. At sa inyong ginawa sa kanya, natupad ang sinabi ng Dios. 19 Kaya ngayon, kailangang magsisi na kayo at lumapit sa Dios, para patawarin niya ang inyong mga kasalanan, 20 at matanggap nʼyo ang bagong kalakasan mula sa Panginoon. Pagkatapos, ipapadala niya si Jesus, ang Cristo na itinalaga niya noon para sa inyo. 21 Ngunit kinakailangang manatili muna si Jesus sa langit hanggang sa dumating ang panahon na mabago ng Dios ang lahat ng bagay. Iyan din ang sinabi ng Dios noon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. 22 Katulad ng sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoon na ating Dios ay magbibigay sa inyo ng isang propetang katulad ko at kalahi ninyo. Kinakailangang sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang hindi susunod sa sinasabi ng propetang ito ay ihihiwalay sa bayan ng Dios at lilipulin.’[d] 24 Ganyan din ang sinabi ng lahat ng propeta mula kay Samuel. Silang lahat ay nagpahayag tungkol sa mga bagay na mangyayari ngayon. 25 Ang mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga propeta ay para talaga sa atin na mga Judio, at kasama tayo sa kasunduan na ginawa ng Dios sa ating mga ninuno, dahil sinabi niya kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya sinugo ng Dios ang kanyang piniling Lingkod, una sa atin na mga Judio, para tulungan niya tayong talikuran ang kasamaan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®